logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

A Love To Find in Ganduyan

A Love To Find in Ganduyan

Diwa


Chapter 1 Holdaper

BITBIT ang isang backpack at maraming maraming lakas ng loob ay sumakay na ng bus si Eilaine.
Biyaheng Ganduyan ang bus na sinakyan niya. Mula Maynila hanggang sa lugar na kanyang destinasyon ay mahigit labindalawang oras niyang makakapiling ang mga pasahero, konduktor at tagapagmaneho ng sasakyan na iyon. Gabayan nawa siya ni Lord. Kung hindi lang dahil sa litratong nagpakalat-kalat sa internet world ay hindi sana siya magkakaroon ng tapang na bumiyahe nang mag-isa at magtungo sa lugar na kailan man sa tanang buhay niya ay hindi pa niya napupuntahan. Dalawampu’t dalawang taon na siyang naninirahan sa mundong ibabaw ngunit ngayon niya pa lamang mararanasan ang pumunta sa malayong lugar at talagang Ganduyan pa ang napili niya. Kung bakit? Kasalanan ito ni Broccoli Man! Ang lalaking nagpatibok ng kanyang puso kahit pa nga na sa larawan niya pa lang ito nakikita.
Isang napakagandang araw noon nang magbukas siya ng kanyang facebook account at ang mukha ni Broccoli Man ang naglipana sa kanyang newsfeed. Naging viral ang mga litrato ng isang lalaki habang nagbubuhat ito ng malalaking buslo ng mga broccoli. Paano ba naman kasi ay napaka-guwapo ng lalaki at pwedeng-pwede itong mag-artista. Maaari pa nga itong ihanay sa sikat na grupo ng mga lalaking artista noon na “F4”. Asian look ang datingan ng lalaki. Singkit ang mga mata nito, matangos ang ilong, may biloy sa magkabilaang pisgi at may kahabaan ang buhok nito na umaabot sa leeg. Nahahawig pa nga ito kay Hua Ze Lei ng dating palabas na Meteor Garden o Vic Zhou na sikat na artista ng bansang Taiwan. Aaminin niya sa sariling iyon ay ‘Love At First Sight’ dahil unang kita pa lamang niya sa larawan ng lalaki ay kaagad na nitong nahuli ang napakailap niyang puso. Kaya naman ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya upang malaman ang lahat ng impormasyon tungkol sa lalaking ito.
Base sa kanyang pagsisiyasat, si CAD na isang turista sa Ganduyan ang kumuha ng mga larawan sa lalaki. Isa rin itong sikat na manunulat at blogger kaya naman mabilis nitong napakalat sa internet ang kargador ng gulay na nagtataglay ng guwapo at maamong mukha. Ang tunay daw na pangalan ni Broccoli Man ay Matthew Soriano. Isa raw itong magbubukid sa Ganduyan kaya nga ang nasa larawan ay nagbubuhat ito ng gulay habang isinasakay sa truck.
Ngayon lang tumibok ng ganito ang puso ni Eilaine para sa isang lalaki kaya naman malakas ang paniniwala niya na si Broccoli Man na ang itinadhana para sa kanya. Ito ang kanyang ‘The One’. Noong mga panahong nag-aaral pa lamang siya ay hindi niya naranasan sa kahit sinong lalaki ang nararamdaman niya para ngayon dito.
Abala kasi siya noon sa pag-aaral at ang tanging layunin niya lamang sa buhay noon ay ang makapagtapos kaagad upang makapagtrabaho na at makatulong sa kanyang Lolo Gideon. Ngayon nga ay mahigit isang taon na siyang nagta-trabaho.
“Papa Lord, ikaw na po ang bahala sa akin. Hahanapin ko lang po ang destiny ko kaya sana naman protektahan mo muna ako habang hindi pa kami nagtatagpo ng Prince Charming ko. Dahil syempre kapag nakilala na niya ako, mababawasan na po ang work load mo kasi may mag-po-protekta na sa akin. Pa-regards nalang din po kay Lolo. Pakisabi po sa kanya na sobra ko na siyang miss.” Pipi niyang dasal habang nakapwesto na sa upuang nakareserba para sa kanya. Nakatingin siya sa bintana ng bus at tinatanaw ang madilim ng Kamaynilaan. Noong isang linggo niya pa nabili ang ticket.
For reservation ang ticket sa bus na sinakyan niya. Ito lang kasi ang nag-iisang bus sa Maynila na bumibiyahe nang diretso sa Ganduyan kaya naman maraming turista ang sumasakay dito. Bukod sa mas mabilis na ang byahe ay nakakabawas pa ng abala. Ang probinsiya ng Ganduyan ay matatagpuan sa pinaka-Hilagang bahagi ng Pilipinas kaya naman napakahaba talaga ng nagiging byahe ng bus papunta rito. Isa ito sa mangilan-ngilang bayan ng Mountain Province at madalas na ring puntahan ng mga turista dahil sa iba’t ibang pook pasyalan na matatagpuan rito. Hindi lang paghahanap kay Broccoli Man ang gagawin niya dahil kasama na rin doon ang pagpunta sa mga lugar na matagal na niyang pinapangarap puntahan.
Makalipas ang labinlimang minuto ay mukhang paalis na ang bus na lulan siya. Nagtataka siya sapagka’t siya lang ang walang katabi. Hanggang dito ba naman sa loob ng bus ay ipinamumukha pa rin sa kanya ng tadhana na nag-iisa na lang siya sa mundong ibabaw?
Wala na si Lolo Gideon na siyang kumupkop sa kanya noong iwan siya ng sariling magulang o mga magulang – hindi siya sigurado, sa harap ng simbahan. Si Lolo Gideon ang nag-alaga at nagpaaral sa kanya at tumayo bilang kanyang ama. Bagama’t sa kanyang birth certificate ay nakasaad na ito ang kanyang ama, Lolo Gideon o Lolo Gidz na ang kinamulatan niyang tawag sa matanda. Kamamatay lamang ng kanyang lolo noong isang taon dahil sa sakit nito sa puso. Biyudo na si Lolo Gideon nang mapulot siya nito. Nasa abroad naman ang kaisa-isang anak nito na si Ate Mildred at wala na siyang balita doon. May mga kamag-anak ang lolo niya ngunit kailanman ay hindi siya naging malapit sa mga ito. Bata pa lang kasi siya ay ipinamukha na sa kanya ng lahat na isa lamang siyang ampon na napulot sa kung saan ni Lolo Gideon. Kaya naman nang mamatay ang matanda ay naghanap na siya ng sarili niyang matitirahan. Sa isang dormitoryo siya napadpad. Nagtapos si Eilaine ng kursong Computer Science at nagtatrabaho na siya bilang computer programmer sa isang pribadong kumpanya.
Maya-maya lang ay nagkaroon na rin siya ng katabi at tuluyan nang pinaandar ng driver ang bus. Humahangos na may katangkarang lalaki ang bigla na lamang umupo sa tabi niya.
Bigla rin siyang kinabahan dahil bukod sa nakasuot ang lalaki ng salamin na makapal ang frame ay naka-face mask pa ito. Makapal rin ang suot nitong kulay itim na sweatshirt na ang hood ng damit nito ay nakapandong sa ulo.
Niyakap niya nang mahigpit ang kulay kahel na backpack bago kausapin ang katabi.
“Holdaper ka ba, Kuya? Wala akong pera. Pamasahe lang ang dala ko.” Kinakabahan niyang tanong dito. Mahina lang ang boses niya ngunit sapat nang marinig ng lalaki. Ito ang unang pagkakataon sa buong buhay niya na mag-a-ala-Dora the Explorer siya ay ma-ho-holdap pa siya. Ang swerte naman niya. Ano nga ulit ang tawag doon? Ayun! Beginners’ luck!
“Tss!” Ito lamang ang binitawang salita ng lalaki kaya naman mas lalo lamang siyang kinabahan.
Tumayo siya mula sa kinasadlakang upuan at sumigaw. “Waah! Manong konduktor! May katabi ho akong holdaper. Bakit niyo hinahayaan na magsakay ng mga kahina-hinalang tao? Wala ho akong pera.” Inilabas niya ang mumurahing smartphone. “Ito hong cellphone ko, hinuhulugan ko pa sa ka-dorm ko.” Pag-pa-panic niya. Bagama’t mura lamang ang telepono niya ay hindi pa niya iyon mabayaran nang buo sa kaibigan at ka-dorm niya na si Airishdane sapagkat lugmok pa siya ngayon sa utang.
Dala ng pride ay sinagot niyang lahat ang pagpapagamot ni Lolo Gideon, kasama na ang pagpapalibing nang malagutan ito ng hininga. Pinaringgan kasi siya ng mga kamag-anak ng matanda na dapat daw ay matuto siyang magbayad ng utang na loob. Siya tuloy ngayon ang kasalukuyang nakalibing rin sa utang. Kakatapos niya pa lamang noon sa kolehiyo nang simulang magkasakit ang matanda. Kaya naman pinilit niyang makahanap kaagad ng trabaho upang masuportahan ito. Awa ni Papa Lord ay nakapasok naman kaagad siya sa isang pribado at magandang kumpanya.
Dahil nagsisimula pa lamang siya sa mababang posisyon ay hindi pa sapat ang kinikita niya para makatulong sa pagpapagamot kay Lolo Gideon. Dito na siya nagsimulang mangutang sa kung saan-saan. Hanggang sa lumaki na iyon nang lumaki na halos wala na siyang malapitan dahil lahat yata ay nahiraman na niya. Lalo pang lumaki ang utang niya nang mamatay si Lolo Gideon. Sa isang lending company na siya lumapit. Nakautang siya dito at iyon nga ang ginamit niya para sa pagpapalibing ng matanda. Ang kakarampot niyang sinasahod ay pilit niyang pinagkakasya para sa allowance niya araw-araw at pambayad nang pakonti-konti sa mga pinagkakautangan niya. Siguro sa mga nakakakilala sa kanya ay “Utang Queen” ang nakikitang tatak niya sa noo. Pero pasasaan ba at makakaraos din siya. Tiwala lang kay Papa Lord.
Kaagad na lumapit ang konduktor sa kanila ng kaniyang katabi.
“Kuya, holdaper po siya!” Akusa niya sa lalaki at tinuro pa ito.
Magsasalita na sana ang konduktor ngunit pinigilan iyon ng lalaki. Sumenyas ito sa konduktor na manahimik.
Umalis na ang konduktor at muling bumalik sa pwesto nito sa tabi ng driver.
“Kuya!!!” Sigaw niyang muli.
Pati ang ibang pasahero ay naeeskandalo na rin dahil sa ilang beses na niyang pagsigaw. Nagpapanic na nga rin ang iba at nais nang ipahinto ang bus para bumaba.
Dito na nagsalita ang konduktor gamit ang mikropono. “Huminahon po tayong lahat. Wala pong holdaper sa loob ng bus na ito. Mangyaring -…”
“Kuya, meron! Ito pong katabi ko!”
“Can you please just shut up?” Sa wakas ay nagsalita na ang lalaki sa tabi niya. Sosyal na holdaper, inglisero. Medyo paos ang boses nito at para bang hirap na hirap ito sa pagsasalita. “Ang panget ng boses mo.” Dugtong pa nito.
Natanga siya sa tinuran ng lalaki. Siya pa ngayon ang pangit ang boses samantalang ito nga ang tila galing sa pakikipaghiyawan sa isang konsyerto. “Kapal!”
“Ma’am, hindi po holdaper si Ser. May sakit lang po siya.” Imporma ng konduktor.
Muli niyang tinignan ang lalaki. “May sakit ka?”
“Tss!” Ang muli niyang narinig dito.
“Ma’am, kumalma na po kayo.” Boses ulit iyon ng konduktor.
“Baka nakakahawa yang sakit mo. Dapat hindi ka nalang bumiyahe. Paano nalang kung may konteygus kang sakit, nandamay ka pa ng kapwa. Hindi ka na naawa. Kahit man lang sana sa sarili mo naawa ka bukod sa aming mga pasahero na maaari mong hawaan.” Panenermon niya sa lalaki.
“Trangkaso lang ‘to. Huwag kang OA. Lalong sumasama ang pakiramdam ko dahil sa ingay mo.” Masungit na wika ng lalaki at halata ang pagtitimpi sa boses nito.
Trangkaso lang naman pala. Malakas ang resistansya niya. Hindi siya mahahawaan ng lalaki. Kaya naman kumalma na siya.
“Sorry na.” Wika niya at nag-peace sign na rin siya sa buong bus. Muli na siyang umupo at nanahimik na rin siya sa sarili niyang pwesto.

Book Comment (119)

  • avatar
    Jojo Valeros Suaso

    it's a nice story..I love it so much

    12/02

      0
  • avatar
    Melinda Regalado Oña

    nice story

    11/01

      0
  • avatar
    Rica Indino

    nice story

    11/01

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters