logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Kabanata 5

Thymine
Matapos akong ipakilala ni Rhian sa mga kasama namin ay pakiramdam ko, panandalian akong naging ligtas. Bahagyang nawala 'yong takot na nararamdaman ko kanina.
"Sabi naman sa iyo, mababait sila. Ngayon, hindi lang ako ang magliligtas sa iyo, marami na kami. Kaya lumaban ka lang, magkakasama tayong lalabas sa lugar na ito," nakangiting sabi sa akin ni Rhian.
Kasalukuyan kaming nakaupo ngayon sa mga silya. Marami na rin kaming nakaupo at halos mapuno na ang mga inihandang upuan. Hindi ko akalain na ganito pala kami karami na naririto.
"Maiwan muna kita, Thymine. May kakausapin lang ako. Dito ka muna. Kung may kakausap sa iyo, ngumiti ka lang at sabihin mong kasama mo ako. Huwag mo silang sungitan," paalala sa akin ni Rhian bago siya umalis.
Malaki ang espasyo sa loob at maayos ang pagkakagawa sa mga gamit. Masasabi ko talagang ito pa lang ang pinakamaayos sa lahat ng mga nakita kong lugar sa bahay na 'to.
"May kakausap kaya sa akin? Ilan ba kaming bago rito? Lahat ba sila, p'wede kong pagkatiwalaan?" mahinang bulong ko.
Tahimik akong nakaupo sa silya nang may biglang lumapit sa akin na isang hindi katangkarang babae. Kumuha siya ng silya at itinabi sa akin. Kilala niya ba ako?
May bilugan siyang mga mata at maayos ang pananamit niya. Mukhang anak mayaman ito. Ano kayang ginagawa niya sa lugar na ito? Katulad ko rin ba siya naligaw lang at hindi alam kung paano makakalabas?
"Thymine, 'yan ang pangalan mo, hindi ba?" nagtataka nitong tanong sa akin.
Tumango na lang ako bilang pagsagot sa itinatanong niyan. Hindi kasi ako komportable sa paraan ng pagtitig niya sa akin. Hindi ko malaman pero parang may kakaiba sa kanya. Hindi ko maiwasang makaramdam ng kaba.
"Balita ko, nagawa mo raw makaligtas sa unang gabi? Kayanin mo kayang makaligtas muli sa ikalawang gabi? Magagawa mo pa rin kayang manahimik na lang kung ikaw na pala ang magiging biktima?" makahulugan niyang tanong sa akin.
Ang mga mata nito, para niya akong pinapatay sa paraan ng pagtitig niya. Kinikilatis niya ako at hindi ko 'yon gusto. Ano bang ginawa kong masama sa kanya?
"B-Bakit ganyan ka magsalita? May ginawa ba akong masama sa iyo?" kinakabahang tanong ko sa kanya.
Muling nanumbalik ang nararamdaman kong kaba dahil sa mga sinasabi niya. Muling bumibilis ang pagtibok ng puso ko at namumuo na ang mga butil ng aking pawis. Bakit niya ba ako ginaganito?
Natawa na lang siya at bahagya akong nginitian. Hindi ko talaga siya gusto. Parang ginigisa niya ako ngayon.
"Bakit ko pa nga ba itinatanong? Nagawa mong makaligtas kagabi kaya malamang, makakaligtas ka rin mamaya. Sa pagkakatanda ko nga, si Rhian ang nagligtas sa iyo. Paano kaya kung wala siya mamaya, makakaligtas ka ba?" muling pagtatanong niya at sa pagkakataong ito, mas sinasalakay pa ako ng matinding kaba.
Muli siyang ngumiti siya sa akin bago tumayo at lumisan sa tabi ko. Pumunta siya sa iba pa naming kasama at do'n nakipag-usap. Iniwan niya akong pinagpapawisan at kinakabahan dito.
Saka lang ako nakahinga nang maluwag noong mawala siya sa tabi ko. Bumalik na rin sa dati ang tamang pagtibok ng puso ko. Masyado akong kinabahan sa mga sinabi, kinikilatis niya ako mula ulo hanggang paa.
Sakto namang umupo si Rhian sa tabi ko. Hindi ko sigurado kung nakita niya ba akong kinausap ng babae kanina. Nakakainis kasi, bakit kailangan pa no'n na guluhin ang isip ko?
"Ayos ka lang ba? Parang namumutla ka yata, may masakit ba sa iyo? Bumalik na naman ba ang kabang nararamdaman mo?" nag-aalalang tanong niya sa akin.
Tumango na lang ako at nginitian siya pabalik. Sapat na 'yong pagliligtas niya sa akin kagabi, hindi na niya kailangang alalahanin ako nh sobra.
Sinungaling! Naiinis ako sa sarili ko, bakit ba ang hina ng loob ko? Gusto kong sabihin sa kanya ang ikinilos ng babaeng nakausap ko kanina pero ayoko namang magkasira sila.
Ayoko lang maging pabigat sa kaniya. Lalaki ako pero bakit ang hina ng loob ko? Ano ba, Thymine? Umayos ka!
Agad niya akong tinapik sa balikat at hindi ko inaasahan ang gagawin niya kaya bigla kong naitulak palayo ang kamay niya. Hindi ko 'yon gustong gawin sa kanya pero ito ang naging kilos ng katawan ko.
"Pasensya na, hindi kasi ako sanay na may mga babaeng tumatapik sa balikat ko. Nagmumukha kasi akong bakla sa paningin ng mga kasamahan mo, babae ka pero ikaw ang nag-aalaga sa akin," nahihiyang paliwanag ko sa kanya.
Natawa na lang si Rhian sa sinabi ko. Gusto ko sanang mainis sa kanya pero hindi ko magawa. Ito naman kasi talaga ang totoo. Ako dapat ang nag-aalaga sa kanya at hindi siya ang nagpoprotekta sa akin.
"Pasensya ka na rin, nasanay lang kasi ako na tinatapik sa balikat ang mga kasamahan ko. Nagtutulungan kasi kami rito kaya nakaugalian ko na ang pagpapakalma sa kanila, babae man o lalaki," nakangiting paliwanag niya sa akin.
Nakakatuwa, hindi man lamang siya nailang sa ginawa ko. Wala man lamang siya isinumbat sa akin. Bakit ba ang bait mo sa akin, Rhian? Sa pagkakatanda ko, hindi naman tayo magkakilala. Bakit ganito niya ako kung protektahan?
"Hindi ko rin kasi alam na natatapakan ko na ang pagiging lalaki mo. Hayaan mo, sa susunod pipigilan ko na ang sarili ko. Sigurado kang ayos ka lang? Baka may bumabagabag sa iyo," dagdag pa niya at muli akong ginawaran ng matamis na ngiti.
Ngumiti ako pabalik sa kanya. Nakapagdesisyon na akong hindi na banggitin sa kanya ang naging pag-uusap namin ng babae kanina. Tumayo naman ang isang mestisong lalaki mula sa pagkakaupo niya at bahagyang tumahimik ang lahat.
"Mukhang kumpleto na tayo kaya sisimulan na natin ang pagpupulong. Sumisikat na ang araw kaya maaari na nating gawin ang mga gusto natin. Maaari na tayong makapaglibot mamaya sa buong bahay. Maghanda na kayong lahat," anunsyo niya sa lahat at naghiyawan ang mga kasamahan namin, maging si Rhian.
Malaki ang pangangatawan ng lalaki kahit na hindi ito gaanong katangkaran. Nahiya tuloy ako bigla, kung ikukumpara ako sa kanya ay magmumukha akong katawa-tawa.
"Sandali nga, bakit ko ba ikinukumpara ang sarili ko sa kanya? Malayo naman na maging magkapareho kami. Umayos ka nga, Thymine," mahinang bulong ko.
Patpatin ako, malaki ang pangangatawan niya. Makinis ang balat niya, may iilang sugat ang balat ko. Maputi siya, kayumanggi ako. Hindi ba? Magkaiba talaga kaming dalawa.
"Para sa mga hindi nakakakilala sa akin, ako si Trench. Ako ang nagsisilbing pinuno rito at p'wede niyo akong lapitan kung gusto niyo ng makaka-usap. Sa ngayon, pag-uusapan muna natin ang tungkol sa bahay na 'to, ilalantad na natin ang misteryo," nakangiti niyang sabi na siyang nagpatibok nang malakas sa puso ko.
Sa wakas, malalaman ko na rin ang lahat. Malalaman ko na kung bakit ako napunta sa lugar na 'to.

Book Comment (473)

  • avatar
    gnomes

    Interesting title, mapapa isip ka kung ano ang Macabre at bakit yun ang title nitong novel and exciting ang introduction. Definitely a highly recommended and a must read novel, especially if you're a fan of mystery novels.

    16/07/2022

      18
  • avatar
    PolicarbonatoJames

    Goosebumps! Grabe, sobrang highly recommended ang story na ito!

    16/05/2022

      2
  • avatar
    Marcela

    Very catchy ng description. Nakaka-curious kung bakit macabre ang pamagat. Kudos to you author ❤️❤️❤️

    22/04/2022

      26
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters