logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Galawan ni Barbara

Galawan ni Barbara

Lennon Leia


Chapter 1 Harana ni Barbara

Masasabi mong mahal mo ang isang tao kung nakikita mo ang iyong sarili na kasama siya sa habang buhay.
***
Sa milyon-milyong tao sa Pilipinas, naisip mo ba kung sino ang nakatadhana para sa iyo? Iyong pag-ibig na isinulat ni tadhana para lamang sa iyo. Iyong taong matatawag mong ka-forever.
Hindi mo pa nahanap o baka 'di mo lang pinapansin? Tss. Ang tawag sa 'yo ay isang dakilang manhid.
Pinakawalan mo kasi 'di kayo para sa isa't isa? Bakit? Nakita mo na ba ang hinaharap o kaya'y chinat ka ba ni kupido para ipaalam 'yon sa iyo? Ikaw na ang advance mag-isip.
Hinihintay mo ang tamang tao? Nako! Ako na ang nagsasabi sa 'yo, habangbuhay ka nang magiging single dahil sa ginagawa mong iyan.
Sa panahon ngayon, 4:1 ang ratio ng babae sa lalaki. Ibig sabihin, 4 na babae para sa isang lalaki. Sa datos na ito, malinaw na mauubusan ka kung babagal-bagal ka. Ano natauhan ka?
Kung 'di ka kikilos at magpapabebe, sa huli ikaw ang maiinggit sa mga babaeng nararanasan ang mga relationship goals na ipinopost pa nila sa social media. Panigurado, ikaw iyong taga-heart react kasi single ka.
Kaya kung ako sa 'yo 'wag na masiyadong pa-Maria Clara. Tandaan mo na ang buhay ay parang Quiapo, kapag 'di ka mabilis, mauunahan ka.
Kaya naman, ako si Barbara Magpakatapang, piniling liligawan ko ang aking pakipot na prince charming!
💛💛💛
"Barbs, sa'n punta?"
Napatigil ako sa paglalakad at kaagad nilingon ang nagsalita. Si Maya, ang forever best friend ko.
"Ah, pupunta ako kila Clark my labs!" nakangisi kong tugon. Kinikilig ko pa siyang hinampas sa braso.
Tumaas naman ang kilay ng aking kaibigan bago dumako ang tingin sa aking hawak.
"Kila Sir Clark? Bakit may dala ka pang gitara?"
Ngumiti ako sa kan'ya nang pagkalapad-lapad
"Haharanahin ko kasi siya!"
Nanlaki ang mga mata niya dahil sa aking sinabi. Hindi siya makapaniwala sa sinabi ko. Bakas sa mukha niya ang pagkaasiwa dahil sa balak kong gawin.
"Por dios por santo! Hoy Barbara! Kababae mong tao 'tapos ikaw ang manghaharana!" At bahagya niya pang hinila ang ilang hibla ng aking buhok. Napasimangot naman kaagad ako. "Sira na ba talaga 'yang ulo mo?" tinuktukan niya pa ako sa noo.
Ano bang masama sa gagawin ko? Porke't babae, bawal na manligaw? Diskriminasyon naman iyon!
"Whatever you say, Maya! Ako si Barbara Magpakatapang at ipaglalaban ko ang aking pag-ibig para kay Clark my labs!" At hindi ko napigilang mapahagikgik nang maalala ang guwapong mukha ng aking tadhana. "Ako na ang kikilos para sa aming love story ni Sir Clark."
Nangislap naman ang mga mata ko nang maisip na makikita ko muli si Clark.
"Hoy! Naka-drugs ka ba? Barbara, itigil mo 'yang pagpantasya kay Sir Clark! Alam mong anak siya ng amo natin. Isa pa, nagbabaksyon lang 'yon dito 'tapos ay babalik din ng Maynila. Sa tingin mo, magugustuhan ka no'n sa ganoong kaikling panahon?" At namaywang pa si Maya.
"Maya naman. Hindi mo ba alam, may gusto rin sa 'kin si Clark? Nahihiya lang siya. Kaya nga ako----"
Natigil naman ako sa aking sinasabi dahil binatukan ako ni Maya.
"Kakaloka ka! 'Wag ka ngang assuming much!"
Inirapan ko nalang ang aking kaibigan at saka siya tinalikuran.
Nagtuloy-tuloy ako sa loob ng bahay kung saan kami nagtatrabaho ni Maya bilang katulong. Ang bahay na ito ay pagmamay-ari ng pamilya ni Clark.
Naiinis pa rin ako kay Maya. Kahit naman simple lang akong babae, alam kong gusto ako ni Clark. Mamahalin niya ako at magpapakasal kami. Magkakaroon kami ng sampung anak na may batik, puti at itim na uri.
Ako si Barbara Magpakatapang, matapang at maganda! Naniniwala ako na si Clark Emmanuel Gomez ang inilaan sa akin ni tadhana!
Kung kaya naman, sisiguraduhin kong tatalab sa kaniya ang mga galawan ni Barbara!
***
Mahirap mahalin ang lalaking hindi ka gusto. Pero alam kong hindi ako mahihirapan dahil gusto niya ako. 'Yan ang ikinabongga ko kaysa sa inyo.
"Clark my love oh so sweet, game ka na?" Pumwesto ako sa tapat ng veranda ng kwarto ng lalaking nagpapakipot pa sa akin kahit ang totoo'y patay na patay naman sa alindog ko. Nakatayo ako sa gitna ng hardin kung saan nakatapat ang veranda.
May malawak na ngiti sa aking labi sa kabila ng kaba at excitement. Pinapanood pa ako ng mga katrabaho ko at makailang ulit na yata nila akong pinigilan sa gagawin kong 'to.
Pero seryoso, walang makapipigil sa taong nagmamahal. Lalo na kung minamahal ka rin pabalik.
Tumingala ako sa nakasaradong veranda bago huminga nang malalim. 'Kaya mo 'yan Barbara!' Huminga ulit ako nang malalim saka hinawakan nang maayos ang dala kong gitara.
Sinong pakipot ang hindi madadala sa harana? Ganito manligaw sa taong mahal mo— probinsyana way.
Nagsimula akong tumugtog ng gitara. Hindi problema sa 'kin ang pagkanta at paggigitara dahil mula ako sa pamilya ng mga musikero. Saka sa tingin ko dapat kong ipaalam kay Clark my love na may ipapamana akong talent sa mga future babies namin para naman more chances of winning ang lola niyo.
|Uso pa ba ang harana?|
Grabe, ang lakas ng kabog ng aking puso. Pakiramdam ko lalabas na ito sa dibdib ko.
Sa kabila ng kaba, napangiti ako nang napakalawak dahil lumabas na ang aking Clark. Dumungaw siya pababa mula sa kaniyang veranda. Para tuloy siyang si Juliet ko at ako naman ang Romeo niya.
Nakangiti lang ako at itinuloy-tuloy ang aking pagkanta. Mas nahuhulog ang aking puso sa nakakunot na noo at salubong na mga kilay ng aking Clark my labs. Sa kaniya lang babagay ang suplado at nakasimangot na mukhang iyan.
'Puno ang langit ng bituin.
At kay lamig pa ng hangin'
Matapos kong kumanta ay kinindatan ko s'ya at nag-flying kiss pa ako. Mas lumalim naman ang gatla sa kaniyang noo na ikinalawak ng aking ngiti.
"What was that for, Maid?" he asked.
Napasimangot ako dahil sa itinawag niya sa akin. Maid? Tss. Pakipot talaga 'to. Kunwari pa. If I know, nakakunot lang 'yang noo niya kasi pinipigilan niyang ngumiti para itago kilig niya dahil sa ginawa ko.
"My labs, 'di ba sabi ko sa 'yo kahapon, liligawan kita? Ikaw ang tadhana ko! Kaya ito, hinaharana kita," ika ko bago ako gumawa ng puso sa aking mga kamay.
Narinig ko naman ang simpleng panunukso nila Mang Kardo na hardinero at kapuwa ko katulong sa mansyon na ito.
"First of all, stop calling me 'My labs' because my name is Clark. Second, I am not your destiny. Third, are you that desperate, Maid?"
Tss. Sige lang, magpakipot ka pa Clark my labs. 'Kala mo naman susukuan kita? Hmp. No way, highway.
"Sus! Pakipot ka pa my labs e! 'Di ba may gusto ka rin sa akin? Binigyan mo pa nga ako ng teddy bear 'di ba?" At halos mapunit na ang aking labi dahil sa pagkakangisi ko.
Nanlaki naman ang mga mata niya dahil sa sinabi ko. Kahit nasa taas s'ya, pansin sa mestiso niyang mukha ang pamumula nito. O 'di ba?! He' s blushing! May epekto ako sa kaniya. Crush niya rin naman kasi ako. Sadiyang, pakipot lang siya.
"Get up here, Maid!" sigaw niya.
Pinapaakyat niya ako? O tingnan mo 'tong lalaking ito... boses ko lang pala ang katapat.
"Pa'no ako aakyat, my labs?! Walang hagdan dito! Masiyadong mataas 'yang veranda mo!" tugon ko bago ako napakamot sa aking batok. Mahal ko si my labs pero hindi naman ako si wonder woman para makaakyat sa veranda niya mula rito. Hindi ko kayang lumipad.
Narinig ko ang mga pigil na tawa nila Mang Kardo dahil sa sinabi ko. Habang si Clark ay naiiling nalang. May mali ba sa sinabi ko? E masiyado naman talgang mataas 'tong veranda e. Kailangan ko ng hagdan.
"Maid, go to my room." Matapos sabihin 'yon ay umalis na siya sa veranda at muling pumasok sa kaniyang silid.
Bigla namang nagsitawanan ang mga tao rito sa garden.
"Mang Kardo, anong nakakatawa?" naguguluhang tanong ko. "Panget po ba 'yong boses ko?"
Lalo lang silang tumawa kaya sinamaan ko nalang sila ng tingin. Tumalikod nalang ako sa kanila at nagtungo sa kuwarto ni my labs gaya ng utos niya sa akin. Baliw na yata sila Mang Kardo. Tumatawa kahit walang dahilan.
Pagkarating sa second floor ng bahay, ay kaagad akong lumiko sa kanan. Nasa dulong pinto ang silid ni Clark my labs. Nang marating ang kaniyang kuwarto ay inayos ko muna ang aking buhok at inamoy ang aking hininga. Malay mo may mangyaring landian sa loob kasi kaming dalawa lang. Napangisi ako sa aking naisip.
Kakatok na sana ako nang mapansing bahagyang nakaawang ng bukas ang pintuan ng kuwarto ni Clark. Kaagad naman akong napailing habang nakangisi. O tingnan mo 'tong lalaking ito, hinihintay din ako e. Nakangiti akong pumasok sa silid.
"My labs!" tawag ko sa kaniya.
'Agad namang tumayo si Clark mula sa pagkakahiga sa kaniyang kama. Lumapit siya sa pinto 'tapos ay sinara ito. Mas lalong lumawak ang ngiti ko. Sabi na e, type talaga ako nito!
"You!" At dinuro niya ako. "Why did you that?" aniya bago humalukipkip. Nakatayo lang s'ya sa harapan ko.
"Ang alin?"
Kumunot naman ang noo niya sa tanong ko.
"Really, Maid? You already forgotten? Iyong harana! Napakaslow mo naman!"
Ah! 'Yon lang pala. At anong sabi niya? Slow ako? E s'ya nga iyon e. Sinabi ko na kaya sa kan'ya kanina kung bakit ko siya hinarana.
"Paulit-ulit lang?" saka ko siya tinaasan ng kilay. "My labs, hinarana kita kanina kasi gusto kita at ikaw ang tadhana ko. Kaysa naman maghintayan tayo dahil torpe ka at ako naman ay babae... Napagdesisyunan kong mag-adjust nalang para may patunguhan tayo." At tinaas baba ko pa ang aking mga kilay.
Nakita kong nanlaki ang mga mata niya at binigyan ako ng mapanuring tingin. Pagkaraan, ay bigla nalang siyang tumawa ng malakas.
"Is this all because of that teddy bear?"
Namula naman ako nang maalala ko iyong napakalaking teddy bear na binigay niya sa 'kin.
"Hindi ah! G-gusto talaga kita! 'Tapos naniniwala akong ikaw ang itinadhana sa akin! Bonus nalang si Eman," tugon ko bago ko iniwas ang aking tingin sa kaniya.
"Eman?"
Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko dahil sa tanong niya. Siguro ang pula-pula na ng aking mga pisngi.
"Si Eman kasi... Iyon 'yong pangalan no'ng teddy bear," mahina kong sabi.
Nagulat nalang ako nang tumawa na naman siya. Napaangat ako ng tingin kay Clark dahil sa kaniyang patuloy na pagtawa. Sandali akong natigilan dahil sa napakaguwapo niyang mukha. Lalo siyang gumagwapo dahil sa pagtawa.
"Y-you named that teddy bear?! You're crazy, Maid!" At tumawa siyang muli.
Kahit 'di ko gets kung anong nakakatawa sa pagpapangalan ko do'n sa teddy bear, nakitawa nalang din ako sa kaniya. Kawawa naman kasi si my labs kung siya lang ang tatawa.
"Cute kaya iyong Eman na name," sabi ko bago ako muling tumawa. Mas natawa naman si Clark.
"You're really crazy, Maid!"
Tawa lang s'ya ng tawa habang ako ay nakikitawa rin sa kan'ya. Hinahampas ko pa s'ya sa kaniyang dibdib at balikat. Infairness! Ang tigas ng muscles niya sa dibdib at balikat! Grabe! Ano pa kayang pakiramdam kapag wala na siyang suot na t-shirt?
Natigil ako sa pagtawa dahil sa naisip ko. Naramdaman ko ang pag-akyat ng dugo ko sa aking mga pisngi. Ano ba, Barbara?! Pasimple kong sinampal ang dalawa kong pisngi na naging dahilan ng pagtigil ni my labs sa pagtawa. Natuon ang kaniyang atensyon sa akin.
"Why are you blushing?" tanong niya.
Nanlaki pa ang mga mata ko nang napansin kong nakangiti siya sa akin. Mataman niya akong tinitingnan na hindi naman kinakaya ng marupok kong puso. Grabe napakabilis ng tibok ng puso ko. Siguro lalong namula ang mga pisngi ko ngayon.
"Hey! What are you thinking, Mais?"
"W-wala! Ang init lang kasi... Kaya namumula ako," palusot ko bago ko kunwaring pinaypayan ang aking sarili gamit ang kamay ko.
Naiiling nalang s'ya sa naging sagot ko bago naupo sa kama niya.
"Gusto mo ba talaga ako?"
Nanlaki ang mga mata ko sa tanong niya. Ang seryoso kasi ng ekspresyon sa muka niya habang nakatingala sa kisame ng silid niya. Ano naman kayang hinahanap siya sa may kisame?
"My labs naman e. Gusto nga kita kasi ikaw ang katadhana ko! Paulit-ulit ko nang sinabi 'yan sa iyo 'di ba?"
Tumango-tango naman siya bago bumaling ng tingin sa akin. Napalunok naman ako nang pasadahan niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
"At balak mo 'kong ligawan 'di ba?" Hindi ako makapagsalita dahil sa pagkakatingin niya sa akin kaya tumango nalang ako. "Well if that's the case... then I am giving you a chance. Hahayaan kitang manligaw sa akin," aniya bago ngumiti.
Nanlaki naman ang mga mata ko at napanganga dahil sa sinabi niya. Tama ba 'yong narinig ko?
"Pinapayagan mo 'kong ligawan ka my labs?" paninigurado ko. Tumango naman siya bilang sagot.
"And to make the courtship easier for you, I will hire you as my personal maid."
Sa sobrang saya at kilig ko, kaagad kong tinakbo ang distansya ko at ng kama kung saan nakaupo si my labs. Kaagad ko siyang niyakap. Hindi ko iyon sinadya at nadala lang ako ng emosyon. Pero dahil 'di niya naman ako tinulak, hindi ko inalis 'yong pagkakayakap ko sa kaniya. Para-paraan lang 'yan.
"Maid? As far I know, you are still my suitor. Hindi pa kita sinasagot kaya kung puwede pakialis 'yong yakap?" sabi ni Clark makalipas ang ilang segundong yakap ko sa kaniya.
Inalis ko naman 'yong yakap. Baka biglang magbago ang isip ng pakipot kong nililigawan e.
"Peace! Nag-enjoy lang!"
Natawa naman s'ya sa sinabi ko. Bakit ba s'ya tawa ng tawa? Crush talaga ako ng lalaking 'to e.
Ang ganda ko talaga.

Book Comment (59)

  • avatar
    MiñozaJenilyn

    THIS STORY IS BEAUTIFULLY CREATED AND I LOVE THE CHARACTERS 🥰 LOVE IT~

    02/05/2022

      0
  • avatar
    NavarroJayvhimae

    Isang malakas na palakpak! Para sa Author! 💘

    16/04/2022

      1
  • avatar
    CabanillaMalyn

    so nice

    22/03

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters