logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

CHAPTER FIVE

THIRD PERSON P.O.V.
A BACK STORY
Sigawan ng mga batang masayang naghahabulan ang nagpasigla ng paligid. Mga batang animo'y walang iniisip kun'di ang makapaglaro. Silang mga masaya sa malilit na bagay katulad ng kendi, laruan o barya.
Habang ang matatanda ay abalang nagluluto ng mga pagkaing ihahain sa parating na hatinggabi, ang mga bata ay hindi maawat sa pag-ihip ng kani-kanilang torotot.
Maya't-maya ay maririnig ang mga munting pagtatalo kagaya ng, "mas maganda torotot ko," o hindi naman kaya ay, "bente pesos lang naman iyan sa Baclaran," mga pagtatalong maituturing na bahagyang nakatutuwa.
Sa kusina ay nagtipon ang mga matatanda. Ang iba ay naghihiwa ng karne, gulay o rekado, ang iba ay tulong-tulong na nagluluto, at ang iba ay naghuhugas ng mga gagamiting pinggan. Bagaman bakas ang pagod ay masayang nagpapalitan sila ng matatamis at masasayang ala-ala sa nagdaang taon. Hindi rin mawawala ang mga birong, "New year's resolution ko, ay hindi na ako mag-iinom. Iiwas na ako sa mga bisyo," at may sasagot ng, "Hari nawa ay magkatotoo iyan, at kung hindi ay yari ka na naman kay misis," mga birong susundan ng mga tawang aalingawngaw sa buong kusina.
Ganito ang kalagayan ng pamumuhay ng pamilya nila. Sa tuwing bagong taon ay magtitipon ang mahigit dalawampung kabataan at kanilang mga magulang.
Ilang sandali pa ay inabutan na ng tig-iisang lusis ang mga bata at matatanda. Isa-isang sinindihan at nagbilang.
"10!" sabay-sabay na sigaw ng lahat.
"9!" Hindi masukat na kaligayahan ang makikita sa mga ngiting nakaguhit sa kani-kanilang labi.
"8!"
Nagpatuloy silang magbilang at sabik na sinalubong ang bagong taong paparating.
"3!"
"2!"
"1!" At sa hudyat na iyon ay libo-libong kulay ng mga paputok ang nagliwanag sa langit.
"Welcome, 2000!" sigawan ng mga taong hindi magkandamayaw. Lundag ang isinalubong ng mga kabataan. Sa paniniwalang sila ay tatangkad sa taong paparating.
"Candice, hindi ka ba tatalon?" tanong ng isang bata na hindi maipagkakailang kakambal nito. Ang mga mukha nila'y kapwa namana ang ganda ng kanilang ina. Ang ipinagkaiba lamang ay may nunal ito sa malapit sa kaniyang ilong.
"Naniniwala ka pa talaga riyan, Cindy?" tanong nito habang tinitingnan ang kakambal na patuloy sa pagtalon.
"Bakit hindi? E sabi ni papa totoo raw iyon. Tingnan mo si papa, matangkad," depensa ni Cindy.
"Si mom naniwala rin. E bakit si mom hindi matangkad?"
"S’yempre babae si mom kaya hindi siya tumangkad."
"E bakit ka pa tumatalon e babae ka naman. Hindi ka na rin tatangakad," buwelta ni Candice dahilan para matahimik si Cindy.
Tumigil si Cindy at tiningnan muli si Candice. Lumakad ang bata papasok sa bahay. Sa pagpasok niya ay maraming pagkain na ang nakahain sa hapag. Isa-isa niyang pinagmasdan ang mga nakahain. Wala masyadong tao sa loob dahil halos lahat ay masayang pinapanood ang fireworks. Lumapit si Cindy sa lamesa at tiningnan ang lumpiang shanghai. Nagpalingon-lingon siya at nang masiguradong walang nakatingin ay dumampot ito ng isa. Masayang ninamnam ng bata ang lumpiang shanghai. Nang maubos nito ay kumuha pa siya ng dalawa at lumabas sa likod bahay. Pagkalabas niya ay nakitang marami ring tao ang nagdiriwang doon. Habang kagat-kagat ang lumpia ay may nakita siyang isang batang lalaki.
Malinaw na napagmasdan ni Cindy ang mukha ng batang nasa harapan niya dahil sa liwanag ng buwan. Maganda ang kilay, bahagyang bilugan na mga mata, tamang tangos ng ilong at magandang hulma ng labi. Ngumiti ang batang lalaki at tumingin ito sa kaniya. Ngumiti si Cindy at bahagyang napatawa ang batang lalaki.
"M-may paminta ka sa ngipin," wika ng batang lalaki at mas lumakas ang tawa nito.
Nahiya si Cindy at tumalikod. Paglingon niya ay lumakad na papalayo ang batang lalaki.
"Iyong sapatos mo nga umiilaw! Parang bata! Hmp!" sigaw ni Cindy dahilan para mapalingon ang batang lalaki. Ngumiti lamang ito saka nagpatuloy sa paglalakad.
Nang matapos ang selebrasyon ay nagpahinga na ang lahat. Matapos tumitig sa kisame, sinilip ni Cindy ang mga kasama niya sa kwarto kung ito ay tulog na. Ang lahat ay tulog maliban kay Candice na nakangiti habang nakatingin sa bintana. Bumangon si Cindy at lumapit sa kakambal.
"Alam mo, Cindy, ang saya ng gabing ito," wika ni Candice at tumingin ito sa kaniyang kapatid.
"Oo nga e, ang daming pagkain," sagot ni Cindy at nanggigil.
"Hindi dahil do'n.”
"Ah, oo nga, ang ganda ng fireworks 'no? Parang palabas sa tv."
"Hindi rin iyon, Cindy," sagot ni Candice at tumingin muli sa bintana.
"Alam ko, kasi nakumpleto ulit ang buong pamilya?"
"Hmm, hindi rin."
Napakamot si Cindy sa ulo at pilit na nag-isip ng dahilan kung bakit masaya ang kaniyang kapatid.
"Ah! Alam ko na, dahil may natanggap kang regalo?"
Umiling si Candice.
"Binigyan ka ng pera nila lolo at lola?"
Umiling muli si Candice.
"Ano ba kasi? Bakit 'di mo na lang sabihin?" tanong ni Cindy na halatang naiinis na.
Tumingin sa kaniya si Candice at ngumiti.
"Secret," saad ni Candice at nagtungo na sa kaniyang higaan.
Padabog na sumunod si Cindy at kinurot ang kakambal.
"Aray! Para saan 'yon?" sigaw ni Candice.
"Secret." Bumalik sa pagkakahiga si Cindy nang may ngiti ng tagumpay.
Kinabukasan ay lumabas si Cindy ng kwarto at nadatnan niya ang kaniyang lola Laura at si Candice. Sinusuklayan ng kaniyang lola si Candice.
"Oh, Candice! Gising ka na! Halika at ikaw naman ang susuklayan ko. Mukhang kailangan mo na," saad nito sa mahinahong boses.
Napakamot sa ulo si Cindy.
"Lola, ako si Cindy. Ang sinusuklayan nyo, siya si Candice," ani Cindy at umupo sa tabi ng lola niya.
"Ay siya, e pasensya na. Kung gayon pala, kailangan ko na ng palatandaan para hindi ako malito." Ngumiti si lola Laura.
"Basta mas maganda ako, Lola," saad ni Cindy at ngumisi.
Tumawa naman nang bahagya ang lola.
"E paano ko malalaman kung si Candice ang kausap ko?"
"Mas magan—“ Hindi natapos ni Candice ang dapat ay sasabihin niya nang magsalita si Cindy.
"May kulangot po."
Napatawa si lola Laura at si Cindy. Hindi naman na nakapagsalita si Candice at umalis.
Ilang sandali pa ay sinusuklayan na ni lola Laura si Cindy. Masaya silang nagku-kwentuhan nang magtanong si lola.
"Ano ba ang pangarap mo, Candice?"
"Lola, tingnan mo ako," saad ni Cindy at humarap sa lola Laura niya.
"Ano ang hitsura ko?"
"Maganda," saad ni lola Laura at ngumisi.
"So?" tanong ni Cindy.
"Mana ka sa akin." Tumawa si lola Laura.
"Lola," angil ni Cindy at sumimangot.
"Biro lang, apo. Alam kong ikaw ay si Candic—este Cindy," saad niya at tumawa.
"Ang pangarap ko, Lola, maging sundalo."
"Sundalo? E di’ba e kadalasan lalaki ang sundalo? Bakit gusto mo ‘yon?"
"Lola, iyon talaga ang gusto ko. Saka gusto ko matuto gumamit ng baril," paliwanag ni Cindy.
"Nakakatuwa ka naman apo. E ang kapatid mo? Ano ang pangarap niya?"
Napatigil silang dalawa nang dumating si Candice na may dalang baso ng tubig at gamot.
"Nurse po lola, dahil diyan, ito na ang gamot niyo. Alas otso ng umaga, kailangan niyo inumin ito, at mamayang 9am naman ay ito," ani Candice at iniabot ang iba't-ibang gamot.
"Aba, magaling ang nurse ko. Salamat, apo. Bagay sayo ang maging nurse, napakaganda mo," wika ni lola Laura at uminom ng gamot.
Ilang sandali pa ay tumayo si lola Laura at inalalayan siya ni Candice. Lumakad sila at bumaba sa sala. Si Cindy naman ay naiwan doon. Tumayo ito at binuksan ang bintana. Nang mabuksan ito ay napapikit siya sa nakasisilaw na liwanag ng sikat ng araw. Nang tumingin siya sa baba ay may nakita siya, isang batang lalaki, nakangiti habang pinagmamasdan siya.
Ilang araw rin ang lumipas at ang kanilang mga kapamilya ay nagsibalik na sa Maynila. Ang iba ay upang magtrabaho, ang iba ay upang mag aral. Nakangiting nakatitig si Cindy sa kisame nang magsalita si Candice.
"Cindy, alam mo kung bakit masaya nung gabi ng bagong taon?" tanong nito.
"Ano? Kasi secret?"
"Sasabihin ko na nga, kaso ayaw mo ata."
"Bahala ka, okay lang na sabihin mo o hindi," walang pakialam na sabi ni Cindy.
"May bago akong kaibigan. Bagong lipat lang sila dito. Ang cute niya," wika ni Candice at bakas ang saya sa boses nito.
"Talaga? Anong pangalan? Princess? Hannah? Sure ako, maganda siya," tugon naman ni Cindy.
"Hindi, lalaki siya."
"Huh? Lalaki?"
"Oo,"
"Uh, ‘di ba ayaw mo ng friends na lalaki? Kapag nga lumalapit ako sa ibang lalaki sa school nagagalit ka," sambit ni Cindy.
"Mabait siya, saka cute. Masaya rin siya kausap."
"Ewan ko sa’yo."
"Crush ko yata siya," saad ni Candice at niyugyog si Cindy.
"Huh? Crush?! ‘Di ba bawal pa daw tayo magka-crush sabi ni mom?"
"Crush lang naman e. Saka grade five na tayo."
"Iyon na nga e, grade five pa lang tayo," pagtatama ni Cindy.
"Basta, ipapakilala kita sa kaniya bukas. Sigurado matutuwa ka rin sa kaniya," ani Candice at humiga na.
Kinabukasan, nagising si Candice sa sigaw ng kaniyang mom.
"Candice! Gumising ka na. Ilang minuto na lang ay magsisimula na ang klase nyo! Si Cindy ay bihis na. Ikaw na lamang ang hinihintay."
Dali-daling bumangon si Candice at lumabas. Nadatnan niyang nag-aalmusal sina Cindy kasama sina Adam at Lairah.
"Uh, anong oras na po ba?" tanong nito at nag-unat.
"Oras mo na. Basta magbihis ka na. First day ngayon ng pasok tapos late ka," pakisali ni Cindy.
"Ikaw ba tinatanong ko? Mom, anong ora—"
"Candice, basta maligo ka na at magbihis. Pagkatapos ay mag almusal na. Nakahanda na ang gamit mo," saad ng kaniyang ina.
"O-opo, Mom," sagot nito at umalis na.
"By the way Lairah, I've heard that my scientist friends will be going to Libya," sambit ni Adam at humigop ng kape.
"So? Anong gagawin nila ro'n?"
"Don't know, maybe for their failed proposal last week. They're planning to push it through and enhance it."
"And what exactly will they do in Libya?"
"Uh, the venomous extract of a rare thousand feet boa found last month. It’s vital for them, ang sabi. Dolph's trying to ask me to come with him." Pinahid ni Adam ang naiwang kape sa gilid ng kaniyang labi.
"Well, tell Dolph you won't be able to come with him."
"But, Lairah."
"Hmm?"
"He's been persuading me for days and he does his best para mapapayag ako na samahan siya."
"I'll talk to him. Basta, hindi p'wede."
Tumango si Adam.
Ilang minuto pa ay bumalik si Candice na nakabihis na. Maayos na ang lahat sa kaniya maliban sa kaniyang sapatos.
"Oh! Bakit hindi ka pa nagsasapatos? Anong oras na?" tanong ni Lairah
"Kasi naman, Mom, nawawala iyong kapares ng medyas ko," sagot naman ni Candice.
"E bakit hindi ka na lang humanap ng iba?" pakikisali ni Cindy.
"Bakit ba palagi ka epal?" buwelta ni Candice.
"Tama naman si Cindy. Ibang pares na lang ng medyas ang gamitin mo," sagot naman ni Adam.
"Pero, Pa, monday ngayon kaya dapat suot ko ang favorite kong medyas.” Sumimangot si Candice.
Bahagyang natawa sina Lairah at Adam.
"Bukas mo na lang isuot ang favorite mo. For now, iba na lang muna isuot mo," paliwanag ni Lairah.
"Opo, Mom," wika nito at bumalik sa kwarto.
Nang makapag-ayos ay bumalik na si Candice at inihatid sila ni Adam.
Magagandang ngiti ang sumalubong sa kanila sa paaralan. Hindi matapos-tapos na kwento at tawanan ang naganap sa pagitan ng mga bata. Masayang kumustahan at pagbati ng bagong taon ang hatid ng mga guro. Dumagdag pa sa kasiyahan nang makilala nila ang kanilang bagong kaklase.
Nang mag-recess ay napuno ng kasiyahan ang paligid.
"Cindy, anong baon mo?" tanong ng isang batang nakaponytail at makulay na medyas.
"Huh? Hindi ko alam e."
"Bakit hindi mo alam?"
"Si mom kasi ang nag-prepare," sagot ni Cindy at binuksan ang kaniyang lunchbox. Napabuntong hininga ito nang makita ang baon niya. Isang yakult at dalawang fudgee bar.
"Tss, iyan ang baon mo?" tanong ng batang babae at bahagyang natawa.
"Tss ka rin. Obvious naman ‘di ba? Bakit ikaw anong baon mo?"
"Spaghetti, gusto mo ba?"
"Spaghetti? Baka panis na yan ha. Noong new year pa yata iyan sa ref niyo," asar ni Cindy
"S’yempre hindi. Bagong luto kaya 'to." Nagtawanan sila.
Natigil ang dalawang bata nang may tumawag kay Cindy. Lumingon si Cindy at nakita sa Candice na nakangiting nakatayo sa may pintuan.
"Cindy, hindi ko siya kaklase," sambit ni Candice at bahagyang nawala ang ngiti sa mukha nito.
"Huh? Sino?" tanong ni Cindy.
"Iyong bago kong kaibigan. Hindi ko alam kung saan ang room niya e."
"Iyong lalaki? Baka hindi siya matalino kaya hindi siya sa section one," sagot ni Cindy.
Bahagyang napaisip si Candice.
"Siguro nga."
"Pero may bago akong kaklase. Baka siya iyon?" saad ni Cindy at ngumiti.
"Talaga?! Anong pangalan? Baka siya nga?"
Napaisip si Cindy at nagbuntong hininga.
"Hindi ko alam e. Hindi kasi ako nakikinig kanina noong nagpapakilala siya," sagot ni Cindy habang kumakamot sa ulo.
"Wala ka talagang kwenta, bakit hindi ka nakinig?" Medyo inis na tanong ni Candice.
"Bakit ako makikinig? Sino ba siya? Presidente ng Pilipinas? Saka ang ganda ng kwentuhan namin kanina ni Shane, bakit ko pa siya papakinggan?"
"Ewan ko sa’yo, nand'yan ba siya? Ituro mo nga sa’kin," wika ni Candice.
Nagpalinga-linga si Cindy at napatigil nang may nakitang umiinom sa baon niyang yakult.
"Saglit lang, Candice ha. Hintayin mo ako dito, may gagawin lang ako," mabilis na sabi ni Cindy.
Tila nag-aapoy ang mga mata ni Cindy dahil sa nakita niya. Mabilis niyang itinaas ang manggas ng kaniyang blouse at lumakad na parang lalaki. Taas noo siyang lumapit sa lalaking umiinom ng yakult niya.
"Hoy, lalaki!" sigaw ni Cindy.
Bago pa man makalingon ang batang lalaki ay isang solid na kamao ang tumama sa kaniyang mukha. Isang kamao ng isang batang babaeng inagawan ng yakult. Walang isang minuto ay nagsilapitan ang mga bata sa paligid. Maging si Candice ay pumasok sa room at gulat sa pangyayari. Nagising ang diwa ni Cindy at inalis sa pagkakakuyom ang kamao nang makita ang batang lalake na lumuluha sa sahig. Nakahawak ito sa bahagi ng pisngi na sinuntok ni Cindy.
Nagulat si Cindy nang mapagtanto niya kung sino ang batang sinuntok niya. Magandang kilay, tamang tangos ng ilong, magandang hulma ng labi at bilugang mata na lumuluha dahil sa kaniya.
"Zach?!" gulat na sambit ni Candice.
Ilang minuto pa ay dumating na ang mga guro. Naayos na rin ang lahat sa pagitan ng dalawang bata at nagkasundong hindi na magpatawag ng magulang sa kadahilanang nagpatawad na ang lalaki. Si Cindy naman ay nakatanggap ng detention, at siya ay naatasang maglinis pagkatapos ng klase.
Nang matapos ang klase ay mag-isang naglilinis na si Cindy. Si Candice naman ay nasa labas at hinihintay ang kaniyang kakambal. Katabi nito ang batang lalake at nag-uusap sila. Ilang minuto pa ay natapos na si Cindy. Nang lumabas ito ay dali-daling tumayo ang batang lalaki. Iniayos nito ang kaniyang uniform at ngumiti kay Cindy.
"Oh? Tingin-tingin mo r'yan?" tanong ni Cindy.
"Sorry, dahil sa akin pinaglinis ka pa." Bahagyang napayuko si Zach.
"'Wag ka mag-sorry, Zach. Ikaw dapat ang mag-sorry, Cindy," pakisali ni Candice.
"Bakit ak—" Hindi na natapos ni Cindy ang sasabihin niya nang panlakihan siya ni Candice ng mata.
"Fine," sambit ni Cindy at nagbuntong hininga. "Sorry."
"It's fine, besides, I'm a transferee, I want to have some friends," wika pa nito at lumaki ang ngiti.
"Englishero pala," bulong ni Cindy sa sarili niya.
"I think I want you to be my first friends here. So, will you let me?" Iniabot ng batang lalaki ang kamay niya.
Tiningnan ni Cindy ang mga kamay nito saka tumingin kay Candice.
"Magkakilala na kami," sambit ni Candice.
Nagbuntong hininga si Cindy at napaisip.
"Teka, inasar mo nga ako noong New Year’s Eve!" angil ni Cindy.
"Uh, I thought we talked about it later that night?" naguguluhang tanong ng batang lalaki.
"Huh? First meeting natin iyong inasar mo ko na may paminta sa ngipin and iyong kanina, ‘yon ang kasunod. So paanong—" tanong ni Cindy.
"Ah, so iyon ‘yong sinasabi mo that night?" pakisali ni Candice.
"W-what do you mean?" tanong ng batang lalaki.
"Naalala mo no'ng sinabi mo sa akin na sorry? Hindi ko naiintindihan kung bakit ka nags-sorry pero sinabi kong okay lang," paliwanag ni Candice.
"Ooh, so, I apologized to you Candice instead of Cindy? I didn't notice that. Besides you're wearing same clothes that night."
"Kambal nga 'di ba?" saad ni Cindy.
Nagkatinginan silang tatlo at bahagyang natawa.
"It's a small world indeed," wika ng batang lalaki at napatawa.
"I'll take this time to say sorry to you, Cindy," wika nito at ngumiti kay Cindy.
"Sorry," he said and a smile curved on his lips. They looked directly at each other's eyes. He laid his hands infront of her. Hesitant at first, she touched his.
"Cindy Valerie Wright," wika nito sabay ngiti. Patuloy na magkahawak ang kanilang mga kamay nang mag wika ang batang lalaki.
"Zach Carlin Smith, nice to meet you."  

Book Comment (47)

  • avatar
    Samantha Tusi

    omg iloveit!!

    24d

      0
  • avatar
    Michaela PB

    Be happy

    27d

      0
  • avatar
    Kįm Cîê Perez

    thank you

    10/08

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters