Kinabukasan ay nagising si Holly na nananakit ang mga sugat. Maingat siyang bumaba ng hagdan, naabutan niya si Manang Celesta na naghahanda ng umagahan. "Kamusta ang mga sugat mo, hija? Nakatulog ka ba ng maayos?" Umupo siya. "Maayos naman po ang tulog ko, pero masakit po ngayon ang mga sugat ko." Nilagyan siya nito ng pagkain sa plato. "Manang..." bitin niyang tawag dito. "Kilala niyo po ba si ate Daisy? Taga-rito po siya 'di ba?" Tumigil ito sa paglalagay ng sinangag na kanin sa plato niya. "Si Daisy? Iyon bang may-ari ng Black Moustache Cafe?" "Cafe ho?" tanong niya. "Oo, may cafe siya d'yan sa tabi ng sari-sari store ni Arches. Bakit mo nga pala naitanong?" "Ah, kaibigan po kasi siya ni Mama noon. Gusto ko lang po sana mangamusta." Sumubo siya ng bacon. Nang matapos kumain ay inayos niya ang sarili. "Alis lang po ako saglit, manang." Lumabas siya ng bahay at maingat na naglakad. Hinanap niya ang cafe na sinabi sa kaniya ni manang Celesta. "Holly!" Lumingon siya sa pinanggalingan ng boses na tumawag sa kaniya. Nakita niya si Jin na kumakaway. Patakbo itong lumapit sa kaniya. "Hindi kita nakita kagabi." Naalala niyang inimbitahan nga siya nitong manood ng banda nila. "Ah, may nangyari lang," sagot niya. Ngumiti ito at sabay silang naglakad. "Saan ka pupunta? P'wede kitang samahan?" "Hinahanap ko 'yong cafe dito na Black Moustache." "Gano'n ba, samahan na kita." Ngumiti siya sa binata. "Sige." Ilang minuto pa at nahanap na nila ang cafe. Iyon nga lang ay sarado pa ito. Lumapit silang pareho. "Ah, Miss?" tawag pansin ni Holly sa isang babaeng nakaupo sa may gilid nito. "Ako po?" Tinuro nito ang sarili. "Ah, nasaan ang may-ari nitong cafe?" tanong niya. "Si ate Daisy po? Hindi ko po alam eh. Ito naman pong cafe niya, sa hapon pa po nagbubukas. " paliwanag nito. "Gano'n ba, saan ba ang bahay niya?" tanong naman ni Jin. "D'yan lang po sa labas, pero wala po siya do'n ngayon." Napabuntong-hininga si Holly. "Gano'n ba? Sige, thank you." Tumalikod na siya at naglakad pabalik. "Balik na lang tayo mamaya," ani Jin habang nangunguna ng maglakad. "Ah, Holly? P'wede bang mauna na ako sayo?" Tumango siya. "Oo naman." "Kita na lang tayo mamaya." Kumaway ito sa kaniya at patakbong umalis. "Anong nangyari do'n?" tanong niya sa sarili. Tumigil siya sa tapat ng beach house na tinutuluyan katabi ng bahay nila. Tiningnan niya ang kwarto nitong bukas pa rin ang bintana hanggang ngayon. "S'ya lang ba mag-isa d'yan?" tanong niya sa sarili patungkol sa lalaki. Lumakad na siya ulit at pumasok na sa bahay. Umupo siya sa sofa at in-on ang tv. Mukhang wala siyang gagawin buong maghapon lalo na sa lagay niyang 'yon. "Isa na namang krimen ang naganap malapit sa S*** W*** dito sa B***. Kinikilalang si Arman Maninsala na taga S*** ang nasawi. Isa itong crew sa Jollibee ng nasabing Mall. Ayon sa nakasaksi, masasabing hindi 'raw' pangkaraniwang nilalang ang gumawa nito sa biktima..." In-off ni Holly ang tv. Ayaw niyang manood ng mga eksenang gano'n, naaalala niya ang Mama niya. Umakyat s'ya sa kwarto at doon na lang nagtambay. Masakit pa ang katawan niya kaya pinili na lang niyang mahiga sa kama at mag online sa social media account. Picture agad ni Liza ang bumungad sa news feed niya. May yakap-yakap itong aso. "Meet my Archee, Papa's gift," basa niya sa caption. Wala naman itong ginagawa pero bigla siyang nakaramdam ng inis. Nagseselos siya, 'yon ang tamang tawag sa nararamdaman niya. . . Pumikit si Holly at dinama ang malamig na hangin na tumatama sa balat niya ng gabing 'yon. Nakakarelax din ang tunog ng hampas ng alon. Sa bahaging ito siya pumunta, kung saan kakaunti lang ang tao. Dito siya dumiretso matapos bumalik sa cafe, sarado pa rin 'yon at hindi nagbukas. Nanatili siyang nakatayo habang nakatanaw sa lawak ng dagat.Ngunit maya-maya ay naramdaman niya na parang may nakamasid sa kaniya. Paglingon ay wala naman siyang taong nakita. Iginala niya rin ang paningin sa paligid, ngunit wala naman siyang ibang nakita kundi ang mga nagkukumpulang turista. May mga naglalangoy din. Wala namang kakaiba pero bakit iba ang pakiramdam niya? Ipinagsawalang bahala na lamang niya ito. Babalik na siya bukas sa Manila, at hindi manlang niya nakausap si ate Daisy. Naalala niyang nagmamadali ito no'ng nakaraang gabi, kaya siguro wala ito ngayon sa cafe. Pupuntahan na lang siguro niya ito bukas sa bahay nito bago siya umuwi. Tumayo na siya nang mas lumamig na ang simoy ng hangin. Ngunit hindi pa man siya nagsisimulang maglakad nang may mapansin siyang rebulto ng taong nakatayo sa isang medyo madilim na parte ng niyugan sa likod. Medyo nakakubli ito ngunit nasisiguro niyang sa kaniya ito nakatingin. Kinabahan siya kaya binilisan na niya ang paglalakad kahit masakit pa ang mga sugat niya. Iba ang pakiramdam niya sa presensyang 'yon, tila ay napakabigat at nakakatakot. Sinalubong siya ni Manang Celesta na kabababa lamang sa hagdan. "Nasaan na 'yong kasama mo, hija?" tanong nito na ang tinutukoy ay si Jin. Kasama niya ito kanina nang bumalik sa cafe pero nagpaalam ito sa kaniya nang tawagin ito ng kaibigan. "Hindi ko po alam eh," tanging naisagot niya. Hindi pa rin mawala sa isip niya 'yong nakita niya kanina. "Naiwan kasi niya ang cellphone niya sa sofa, kanina pa may tumatawag. Mukhang importante." Nilingon niya ang sofa nang mag ring ang cellphone. Lumapit siya at kinuha ito. "Kanina pa 'yan simula nang umalis kayo." "Sige Manang, hahanapin ko muna siya." Lumabas ulit siya ng bahay. Sa sobrang dami ng tao ay mukhang mahihirapan siyang hanapin ito. Tumigil siya sa harap ng bahay na katabi lang ng sa kanila. Sigurado siyang dito ito tumutuloy dahil ito lang naman ang katabi ng bahay nila, 'yon ang sinabi nito sa kaniya kanina. Maliwanag sa loob ng bahay at may naririnig din siyang mga nag-uusap. Pumasok siya sa nakabukas na gate. Medyo nakaawang din ang pinto ng bahay. Tatawag na sana siya nang lumabas si Jin. Mukhang nagulat ito pagkakita sa kaniya. "Oh, Holly?" Nakangiti na ito nang lumapit sa kaniya. "Naiwan mo ito sa bahay, kanina pa may tumatawag, mukhang importante." Inabot nito 'yon. "Gano'n ba? Pasensya na sa abala. At saka pala pasensiya na at hindi ako nakabalik kanina, may importante lang na nangyari." Ngumiti siya. "Okay lang. Sige, alis na ako." "Wait, pasok ka muna." Pinagbuksan siya nito ng pinto. "Hindi na, kailangan ko na rin bumalik," tanggi niya. Sumasakit na ang mga sugat niya, gusto niya ng magpahinga. "Gano'n ba?" Inihatid siya nito hangaang sa labas ng gate bago magpaalam. Papasok na sana siya sa bahay nang mapansin niya ang isang pamilyar na tao hindi kalayuan sa kinatatayuan niya. Nakakubli ang kalahating katawan nito sa isang puno. At ang bigat na pakiramdam ay naramdaman na naman niya. Naglakas loob siyang humakbang palapit dito. Hindi naman ito umaalis sa pwesto. "Ikaw?" pagkilala niya sa lalaki. Si wierd guy. Napawi ang kaba niya ngunit naroon pa rin ang bigat na pakiramdam Lumapit siya dito. "A-anong ginagawa mo dito?" "Kamusta ang mga sugat mo?" Imbis na sagutin ang tanong niya ay tanong rin ang naging sagot nito. "A-ah, okay naman na." Tumingin siya sa katabi na seryoso pa rin ang mukha. Walang pagbabago. "Kanina ka pa ba dito?" "Hindi." Gusto niyang kumpirmahin kung ito ang pigurang nakita niya kanina sa dilim, ngunit mukha namang hindi. "Ang ganda ng buwan 'di ba?" bigla ay tanong niya upang ibaling sa iba ang bigat na nararamdaman. Bakit nga ba ang bigat ng pakiramdam niya sa tuwing nagkakalapit sila? Na-engganyo siya na pagmasdan ang buwan kaya hindi niya napansin na wala na ang katabi. "Alam mo ba, ang sabi ni Ma--teka, nasaan na 'yon?" Nagpalinga-linga siya sa paligid, ngunit ni anino nito ay hindi na niya nakita. "Nasaan na 'yon? Ang bilis naman niyang makaalis." Hindi na talaga niya ito nakita. Nagtaka siya lalo. Nagawa talaga nitong umalis nang hindi niya namamalayan?
nice
07/10/2024
0ganda
23/07/2024
1good story
13/07/2024
0View All