"Ikaw?" Ito 'yong lalaking sa bar at ito rin ang naghatid sa kaniya. Hindi ito umimik. Nakatingin lang ito sa kaniya na parang pinag-aaralan ang kabuuan ng kaniyang mukha. Lumapit pa ito sa kaniya at walang pasabi siyang binunat. Nabigla siya sa ginawa nito. "A-ano ba, masakit. Ibaba mo ako," utos niya habang iniinda ang nagkikirutang mga sugat. "May gasgas ka rin sa tuhod at mga paa mo, hindi kita pwedeng ibaba," tanging sagot nito. Walang kabuhay-buhay. Hindi na siya naka-angal pa nang dahan-dahan siya nitong i-upo sa back seat ng kotse nito, pagkatapos ay bumalik itong may dalang first-aid kit. Walang imik nitong kinuha ang kamay niya. Siya naman ay pinapanood lang ang bawat kilos nito. "Aray, a-ang sakit," angal niya. Hindi pa rin ito tumitingin sa kaniya at tutok na tutok sa paglilinis ng gasgas niya sa palad. "Bakit bigla kang tumawid?" tanong nito maya-maya. Naalala niyang bigla si ate Daisy, ang dahilan kung bakit siya tumakbo. "M-may hinahabol ako pero hindi ko naabutan dahil nabangga mo ako." Hinawakan nito ang braso niya. Napaiwas pa siya ng tingin nang medyo mapalapit ang mukha nito sa mukha niya. Kailangan bang ganito kalapit? Pero mukha namang wala lang ito dito, siya lang ang nagre-react. "Magiging mas mahapdi ang isang 'to dahil medyo malalim ang gasgas." Tumango-tango siya at pinanood ulit ito sa ginagawa. "A-aray, dahan-dahan naman," reklamo niya habang nakangiwi. Napatitig siya dito nang marahan nitong inihipan ang brasong may gasgas. Napalunok pa siya nang dahan-dahan itong tumingin sa kaniya. "Iyong tuhod mo may gasgas din," sabi nito. Nag-iwas siya ng tingin. "A-ako na lang." Nahiya rin siya bigla, hindi naman sila close. "Hindi mo magagamot 'yan dahil masakit ang mga kamay mo," walang kaemo-emosyong sabi pa nito. Lalo pa siyang nailang dahil sa paraan ng pagsasalita nito. Parang walang kwenta ang kausap, siya lang talaga ang nagre-react. "Kay Manang Celesta na lang," tanggi niya. "I-ihatid mo na lang ako." Sa halip na pansinin ang sinabi niya ay inabot nito ang kaniyang kanang binti. Napapitlag pa siya dahil sa ginawa nitong 'yon. "T-teka, akina 'yang binti ko, masakit." Medyo naiinis na siya dito dahil hindi ito tumitigil sa ginagawa ngunit hindi niya pinahalata. "Huwag kang malikot." Ipinatong nito ng dahan-dahan ang paa niya sa katabing upuan, ito naman ay nasa paanan niya. Ang awkward naman, pero bakit parang wala lang ito dito? "A-ah, ihatid m-mo na lang ako sa a-amin," naiilang talaga niyang sabi. Hindi talaga siya komportable sa posisyon niya habang pinapanood niyang linisin nito ang gasgas niya sa tuhod at paa. "O-okay lang talaga, kaya ko na 'yan." Ngunit hindi pa rin ito natinag sa ginagawa. "Ihahatid kita kapag tapos na." Nag-iwas siya ng tingin, pinanood na lamang niya ang mga nagkikislapang ilaw sa labas. Mukhang hindi naman nito pakikinggan ang sinasabi niya. Hinayaan na niya ito sa ginagawa hanggang sa matapos. Bumalik na ito sa driver seat at nagmaneho. Walang umiimik hanggang sa marating na nila ang beach house. "Iyang bahay na 'yan, d'yan ako tumutuloy. Sige, tuloy na ako, salamat." Sinubukan niyang tumayo ngunit para lamang mapaupo ulit. Masakit talaga ang mga paa niya at tuhod. "Ihahatid na kita." Nawirduhan naman siya sa lalaki. Talaga bang may taong kasing cold ng isang 'to? "A-ah, sige," pagsang-ayon niya. Inalalayan siya nitong makababa ng kotse. "K-kaya ko na." Binawi niya ang braso at paika-ikang naglakad. Hirap na hirap siyang ibalanse ang sarili. "Hindi mo kayang maglakad." Lumapit ito sa kaniya at walang pasabi na naman siyang binuhat. "A-ano bang ginagawa mo?" taka niyang tanong. Sobra na siyang naiilang. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pa siya nitong buhatin, p'wede naman kasing alalayan na lamang siya nitong maglakad. "Ibaba mo na ako," nahihiyang sabi niya. Pinagtitinginan na rin sila ng mga taong kanilang nadadaanan. "H-hindi mo ako kailangang b-buhatin." Wala na naman itong imik katulad kanina. Ano bang mayroon sa lalaking ito? Sinalubong sila ni Manang Celesta sa pintuan, mukhang nag-aalala pagkakita sa mga gasgas niya at sugat. "Oh, hija? Anong nangyari sayo?" tanong nito at pinagbuksan sila ng gate. Pagkapasok sa loob ay maingat siyang ini-upo nito sa sofa. "Salamat, maupo ka muna," anyaya niya kay Khalil. "Hindi na, mauna na ako." Hindi na nito hinintay pa ang sagot niya, lumabas na nga ito. "Ang wirdo talaga niya." Hinipan niya ang gasgas sa may siko. "A-ah, ang hapdi." Lumapit sa kaniya si Manang na may dalang isang basong tubig. "Ano bang nangyari sayo hija? Nasaan na 'yong kasama mo?" "Umalis na po, nasagasaan niya po ako kanina pero hindi naman gano'n kalakas, kaya ito lang ang inabot ko." Umayos siya ng upo at muling hinipan ang siko. "Ganoon ba? Mag-ingat ka sa sunod ha? Ito ang tubig, uminom ka." Inabot niya iyon. "Salamat po." "Makaka-akyat ka ba sa kwarto mo?" "Oo naman po, magpapahinga lang po ako saglit dito at aakyat na." "Sige hija, tawagin mo lang ako kapag may kailangan ka." Ipinikit niya ang mata. "Sige po." Nanghinayang siya, hindi niya naabutan si ate Daisy at ito pa ang inabot niya. Paano pa niya ito mahahanap? At tungkol naman sa lalaking 'yon, hindi niya alam kung nago-overthink lang ba siya pero pakiramdam niya ay may kakaiba talaga sa lalaki. Kung makipag-usap kasi ito, akala mo ay kilala na siya nito, kahit pa napaka cold nito kung magsalita. Ngayon lang siya nakakilala ng gano'ng klase tao. Biglang kumirot ang sugat sa palad niya. "Hay, napakamalas naman ng araw 'to," reklamo niya. . . . Nakatanaw sa mga nagkakasiyahang tao si Holly, lumabas siya sa balkonahe ng kwarto kahit nagkikirutan ang mga sugat at gasgas niya. Napaka-lively ng buong paligid. Marami pa rin ang lumalangoy kahit malamig na ang gabi. Napalingon siya sa katabing bahay, nagulat siya nang makita doon ang lalaki, hindi pa rin niya alam ang pangalan nito. Nakatingin ito sa gawi niya. Hindi naman nakakapagtaka kung makita niya ito doon, ang ipinagtataka niya ay kung bakit nakatingin ito sa kaniya. Walang mababasang kahit na anong emosyon sa mukha nito. Nawiwirduhan talaga siya. Tatawagin sana niya ito pero pumasok na ito sa loob kaya pinanood na lang niya ulit ang mga taong nagkakasiyahan. Naalala niya ang Papa niya, hindi man lang siya nito nagawang tawagan o kaya i-text man lang para itanong kung saan siya pumunta. Napabuntong hininga siya. Hindi na dapat siya umasa, dahil mukhang wala na siyang aasahan pa mula dito. Masaya na ito sa bago nitong pamilya. "Hija?" Lumingon siya sa pinto at nakita niya si Manang Celesta. "Inumin mo ang gamot mo bago matulog para mawala ang kirot ng mga sugat mo," sabi nito. "Sige po, salamat Manang." Pagka-alis nito'y pumasok na rin siya sa loob, ininom niya ang gamot at maingat na humiga sa kama. Hindi naman nagtagal at nakaramdam na rin siya ng antok.
nice
07/10/2024
0ganda
23/07/2024
1good story
13/07/2024
0View All