logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 14: Facing the Prestile Clan and the Defeat of Samantha

"Master, tahan ka na." Kanina pa ako pinapatahan ni Asiana. Tuwing lumuluha kasi ako nagiging bato ito. Unti-unti na ring nasisira ang buong bahay namin.
"Samahan mo ako, Asiana."
"Sige Master."
Saka kami nagteleport.
Gusto kong mabigyan ng maayos na libing si papa kaya dito ko siya sa sementeryo dinala.
Dahan-dahan kong nilapag ang walang buhay na katawan ni papa sa loob ng kabaong. Nagtataka ba kayo kung saan nanggaling ang kabaong? I do magic tricks, of course. Para saan pa ang kapangyarihan ko kung hindi ko din naman ito mapapakinabangan sa oras ng pangangailangan?
Pinagmasdan ko ang katawan niya. Nilagyan ko din ng maraming bulaklak ang kabaong niya. Pumitas kasi ako sa garden namin kanina. May lumabas na paru-paru mula sa kwintas ko. Agad ko itong pinaharap sa kabaong ni papa.
"Mahal na mahal kita, Papa. Pangako, ipaghihiganti kita at babawiin ko sina lolo at lola."
Then, I cast out a magic spell and the next thing happens, nasa ilalim ng lupa na ang kabaong ni papa.
***
Nagrenta lang ako ng kwartong matutuluyan. Hindi naman nakakaramdam si Asiana ng gutom dahil isa siyang diwata. Kumain lang ako at naghanda kinabukasan.
Balak ko nang bawiin sina lolo at lola ngayon. Kung sino man ang nasa likod ng Prestile Clan na yan, pagbabayarin ko sila. Buhay ang kinuha nila, buhay din ang magiging kabayaran.
"Paano natin mahahanap ang lungga ng mga Prestile?" Kanina pa kasi kami naghahanap. Masyado atang tago ang lugar nila kaya kahit ginamitan ko na ng kapangyarihan, wala pa ring epekto. Hindi ko pa rin sila mahanap.
Biglang umilaw ang kwintas ko.
Agad na bumalik sa tattoo si Asiana at bumulong na lang.
"Master, may mga parating."
Hinanda ko ang sarili ko at pinakiramdaman ang paligid at ang mga mangyayari.
May lumabas na mga kalalakihan mula sa kung saan. Pamilyar sila. Parang sila yung sumugod sa bahay namin dati at pinagbabaril ito.
"Ikaw ba si Kyla Louisses?" Hindi ako sumagot. "Walang duda, ikaw nga. Sumama ka sa amin." Nagpatianod lang ako.
Kung tama ang calcula ko, makikita ko na sina lolo at lola oras na dalhin nila ako sa lungga nila. Sigurado na ako ngayon na sila nga ang Prestile Clan. Dahil sa tattoo nila sa kanang kamay. Isa itong maitim na ibon na may mga bituin sa itaas.
Sinakay nila ako sa maitim na van. Hindi na ako pumalag dahil bukod sa gusto ko nang mabawi sina lolo at lola, gusto ko na ding makaharap ang mga Prestile na yan.
Hindi ko alam kung ilang oras ang tinagal ng biyahe namin. Ang alam ko lang, sobrang bagal ng oras. Ilang minuto lang ay naramdaman ko nang tumigil kami.
"Baba." Utos nang sa tingin ko'y kanilang leader.
Hindi na ako pumalag pa. Nagpapatianod lang ako sa bawat paghila nila.
"Wala ka man lang bang gagawin, Master?" bulong na tanong ni Asiana. Kasalukuyan pa rin siyang nasa loob ng tattoo sa katawan ko.
'May plano ako.'
"Sabi na e."
Ilang minuto lang ay natukoy ko agad kung saang banda kami tumigil. Ito na kaya yung tirahan nila?
Napalingon ako sa paligid.
Nagkikiskisang mga dahon. Huni ng mga ibon na paniguradong sila din naman. Kaya palang magtransform ng mga Prestile sa katauhan ng mga mortal?
Gusto kong humanga dahil natanawan ko agad ang rumaragasang tubig at iba't-ibang kulay ng mga paru-paru. Bakit ganun? Ang sabi sa akin nina tita Lyn, masasama at maiitim daw ang lahat nang nakapalibot sa Prestile tulad ng ugali nila.
Pero iba ang nakikita ko.
May iba't-ibang mga hayop din na nandito at makukulay ang buong paligid.
Pumasok kami sa isang silid. Ang inaasahan ko ay madilim na kwarto ang sasalubong sa akin pero hindi. Sobrang napakaaliwalas ng kwartong ito.
'Bakit ganito?'
"Hindi ko din alam, Master."
Batid kong maging si Asiana ay naguguluhan na rin. Hindi ito ang inaasahan namin. Ibang-iba ito sa kwinikwento ng lahat.
"Nandito ka na pala." Nagulat ako sa sumalubong sakin.
"L-lola?" Naguguluhang saad ko.
"Apo." Nakangiti niyang pagbati. Natanawan ko agad ang isa pang paparating. Nginitian niya ako. "L-lolo? P-paanong?.... H-hindi ko maintindihan." Ang gulo ng mga nangyayari.
"Ipapaliwanag din namin sa iyo ang lahat," saad ni lola.
***
Nasa kwarto ako ngayon. Dito nila ako dinala. Ang sabi sa akin nina lolo, ikwikwento daw nila ang lahat mamaya. Sana lang maliwanagan na ako. Naguguluhan pa rin kasi ako e.
"Master." Biglang lumabas si Asiana sa tattoo ko.
"Bakit?" Tanong ko kasabay nun ang pag ikot ng paningin ko para tignan ang buong paligid. Lumabas ako sa veranda at sumunod naman siya.
"Tingin mo, sina lolo at lola mo kaya ang may kagagawan ng lahat ng ito? Ang pagkamatay ng papa mo?" Napalingon akong bigla sa kanya.
"Ano ba yang sinasabi mo, Asiana? May tiwala ako kina lolo. Alam kong may dahilan ang lahat nang ito at mas lalong alam kong hindi sila ang pumatay sa papa ko."
"Sorry." Paumanhin niya. Muli siyang bumalik sa tattoo ko.
"Pinapatawag ka nina Queen at King." Pumasok ang isang lalaking nakablack suit. Sina lolo marahil ang tinutukoy niya.
Sumunod ako sa kanya sa paglabas. Iginiya niya ako sa isa pang kwarto. Hindi ito ang napasukan ko kanina. Anong nakakagulat na pangyayari na naman kaya ang sasalubong sa akin ngayon?
"Maupo ka, apo," sambit ni lola. Agad naman akong tumalima.
"Alam kong naguguluhan ka na," saad naman ni lolo.
Nanatili lang akong walang imik at hinintay ang mga sasabihin nila.
"Kami ng lola mo ang namamahala sa nasasakupan ng Prestile Clan." Hindi pa rin ako iimik.
Gusto kong tapusin nila ang paliwanag nila saka ako magrereact.
"Matapat na kaibigan namin sina Augustus Prestile at Cynthia Prestile." Si lola naman ngayon ang nagpapaliwanag. Kumuha ako ng cake na nasa mesa nila saka nakapangalumbabang kinain ito habang matamang nakikinig sa kanila.
"Sila ang namumuno sa angkang ito noon. Kahit kailan, hindi sila naging ganid sa kapangyarihan. Nang mawala kami ng lolo mo, sila ang tumulong at nagligtas sa amin." Patuloy niya.
Nangako ako diba? Pero hindi ko ata kayang hindi muna umimik.
"Pero ang sabi po nila masama daw ang mga Prestile at ang sabi ni papa, kinuha daw nila kayo at sila ang pumatay kay papa."
Nakita kong lumungkot ang mukha nila.
"Nakarating na sa amin ang balitang wala na ang papa mo. Ilang araw namin iyong pinagluksa." Natigilan ako sa sinabi ni lolo.
Kasi kahapon lang nandoon pa si papa. Nakapagsalita pa nga siya diba?
"Imposible po yan. Nakausap ko pa po si papa kahapon."
Sila naman ngayon ang naguluhan.
"Nagkakamali ka, apo. Ang sinasabi mo ang pinakaimposible ngayon. Matagal nang wala ang papa mo. Ilang araw matapos kang madala sa Enchanted Academy, sinugod ang bahay ninyo. Sina Augustus at Cynthia ang nagsabi sa amin nun. Yun din ang araw na nawala silang mag asawa. At kami daw ng lolo mo ang susunod na mamamahala at mamumuno sa angkan nila."
Mas lalo akong naguluhan sa mga sinabi nila. Ilang araw nang wala si papa? Hindi ko matanggap. Kung ganun, walang kahit sino ang nakakaalam nun? Kahit sina Miss Eva?
"Alam kong hindi ka pa rin makapaniwala ngayon. Pero ito ang totoo, apo. Matagal nang wala ang papa mo at kasabay din nun ang pagkawala ng matatalik naming mga kaibigan."
"Bakit masama po ang tingin ng lahat sa mga Prestile?" Takang tanong ko.
Sabay silang bumuntong hininga.
"Ang alam ng lahat, ang mga Prestile ang totoong kalaban. Pero isang pagkakamali lang ang paniniwala nilang iyon. Hindi sila ang totoong kalaban. Kung sino man ang mga iyon, yun ang patuloy pa rin naming inaalam hanggang sa ngayon." Paliwanag ni lolo.
"Araw-araw ka naming binabantayan at minamatyagan sa loob ng Enchanted Academy at may dalawang tao kaming katuwang doon," dagdag naman ni lola.
"Sino po?"
Nagkatinginan sila saka sabay akong nginitian.
"Ang mag asawang sina Ax Celine at Vela Luz Celine." Sabay nilang sagot na nagpanganga sa akin.
Sila? Kaya pala! Kaya pala parang iba ang titig ni Miss Vela sa akin kasi alam at kilala niya kung sino ako.
***
Hapon na at bukas na ang balik ko sa Enchanted Academy. Nasa loob lang ako ng kwarto buong araw. Ewan, pero parang mas gusto kong makasama ang mga kaibigan ko kesa sa tao ng mga Prestile, na ngayon ay pinamumunuan na nina lolo at lola.
Abala ako sa pagtanaw sa mga nagliliparang ibon dito sa veranda ng kwarto ko nang biglang may pumasok.
Paglingon ko, si lola pala. Agad siyang lumapit sa akin.
Bigla niyang hinawakan ang buhok ko at inamoy-amoy ito.
"Unti-unti na palang humahaba ang buhok mo, apo." Naramdaman ko ang ngiti niya kahit nakatalikod ako. Doon ko lang napansin na unti-unti na nga talagang humahaba ang buhok ko.
"Bakit hindi mo palabasin ang tagabantay mo?" Napalingon ako sa kanya dahil sa kanyang tinanong.
Binigyan ko siya ng nagtatakang tingin pero nginitian lang niya ako.
'Asiana, lumabas ka na diyan.'
Naramdaman ko ang pag ilaw ng tattoo ko at bigla na lang siyang lumabas.
"Isa ka nga talagang diwata." Salubong ni lola sa kanya. Nagtaka naman si Asiana sa inasta ni lola.
"Mula bata pa lang ay nandiyan ka na para gabayan ang apo ko, ang babaeng itinakda." Nanatili kaming tahimik at walang imik habang patuloy si lola sa pagsasalita.
"Kung hindi mo mamasamain, pwedeng lola na rin ang itawag mo sa akin." Napangiti ako sa tinuran ni lola. Maging si Asiana ay wala na ring mapaglagyan ang kasiyahang nararamdaman.
"S-sige po, l-lola." Saka sila nagyakap. Sumali na rin ako syempre.
"Magpahinga na kayo at bukas kailangan ay maglakbay na kayo pabalik sa Enchanted Academy."
Biglang sumama ang aura ko nang may mabasang kakaiba sa tono ni lola.
"May nangyari po ba nang wala kami doon?" Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ko na may alam sila sa bawat detalyeng nangyayari sa loob ng EA.
"Ang mga kaibigan mo."
***
Kinabukasan ay maaga akong nagising at naghanda. Sumama agad ang pakiramdam ko pagkagising ko pa lang. Hindi ko kasi makalimutan ang sinabi ni lola kagabi. May nangyaring masama sa isa sa mga kaibigan ko. Kay Bretha.
Langyang Samantha talaga yan! Humanda siya sa akin mamaya.
"Apo, mag iingat kayo doon," saad ni lolo. Ngumiti ako at niyakap silang dalawa.
"Lilinisin ko ang pangalan ng mga Prestile sa lahat ng mahiwagang nilalang sa mundong ito."
Ngumiti lang silang pareho sa akin.
Ilang saglit lang ay binabaybay na namin ang daan patungong Enchanted Academy.
"Master, may nangyayaring hindi maganda. Lumalakas ang pakiramdam ko."
Dali-dali naming tinawid ang lagusan papuntang EA at gulo nga ang naabutan namin.
Isang dragon ang ngayo'y nakaharap kina Lexa at Zarah.
Napuno na ng galit ang aura ko. Naikuyom ko ang kamao ko. Hindi ako papayag na magtagumpay ka Samantha. Nawalan na ako ng mga magulang, hindi ko hahayaan na mawalan rin ng mga matatalik na kaibigan.
Biglang umilaw ang kwintas, bracelet at anklet ko. Lumabas din mula sa kwintas ang iba't-ibang kulay at klase ng paru-paru. Tuluyan na ding humaba hanggang bewang ang buhok ko. Inasahan ko na rin naman ang sunod na nangyari.
Lumabas ang kakaibang kulay ng pakpak ko at kasama nito ang koronang ngayon ay nasa ibabaw na ng ulo ko. Naramdaman ko din ang pag iiba ng kulay ng mga mata ko.
Ito na nga iyon. Nabasa ko sa libro ng libretto na ganito ang mangyayari sa transpormasyon ng taong itinakda.
Humanda ka ngayon, Samantha. Tatapusin ko na ang kasakiman mo.
Itinuon ko sa isang asul na enerhiya ang kamay ko at nakawala agad sina Lexa at Zarah mula sa loob nito. Nilapitan sila nina Ford at tinulungang makatayo. Sumenyas ako na dalhin sila sa clinic pero umiling lang sila.
Gusto pa atang panoorin ang gagawin ko sa impostorang kaharap ko ngayon.
Muli kong itinuon kay Samantha ang aking atensyon. Sari-saring emosyon ang nakita ko sa kanyang mga mata. Umalingawngaw din ang ungol ng kanyang dragon.
Nagsilabasan lahat ng mga Enchantress mula sa kanilang mga klase. Maging ang mga Instructor ay nagtaka na din. Nagsalubong ang paningin namin ni Miss Vela at nagtaka pa siya nang nginitian ko siya.
Lumipad ako paitaas at sumunod naman agad si Samantha kasama ang kanyang dragon. Kahit malayo na ako, naririnig ko pa rin ang sigawan nila at mas lamang ang boses ng mga kaibigan ko. Chinicheer nila ako dahilan para mapangiti ako.
"Kung inaakala mong matatalo mo ako. Nagkakamali ka. Matalo mo man ako, may maghihiganti pa rin para sa akin. But, as if hahayaan ko na matalo mo ako."
Hindi ko siya pinansin. Nanatiling tutok sa kanya ang aking paningin.
"Mamamatay ka muna bago mo ako mapabagsak." Saka niya ako sinugod.
Akmang makikialam sana ang dragon niya nang pagtulungan ito ng mga alaga kong paru-paru.
'Asiana, wag kang lalabas. Kaya ko na to.'
"Nagtitiwala ako sa'yo, Master."
Naglabas ako ng kakaibang enerhiya.
Napapikit siya nang muli akong magliwanag, sa pagkakataong ito ay mas maliwanag pa kesa kanina.
Ayaw ko nang patagalin pa ang labang ito.
"Natalo na ang alaga mo." Nakangising anas ko sa kanya. Akala ko matatakot siya, pero nginisian lang niya ako saka gumawa ng bilog na apoy.
Inatake niya ako nito kaya nagpalabas ako ng tubig. Ano pa nga bang aasahan mo? Matatalo talaga ng tubig ang apoy.
"Tatapusin ko na ang kasakiman mo, Samantha. Hindi ko hahayaan na makapanggulo ka pa."
Hinawakan ko ang kwintas ko at may ibinulong dito.
"Puissance, puissance, plus grande puissance. Terminez ce jeu."
Biglang lumiwanag ang buong paligid. Hindi lang dito sa himpapawid, kundi maging sa ibaba kung saan naroon ang mga Enchantress at kasalukuyang naghihintay na matapos ang labanang ito.
"Hindi ko hahayaan na makapang api at makapanakit ka pa. Dito na magtatapos ang kasakiman mo, Samantha!"
Itinaas ko ang dalawang kamay ko saka nagpakawala ng apoy na enerhiya. Hinarap ko ito kay Samantha. Ilang minuto lang ay tinira ko na siya nito hanggang sa mapasigaw siya.
"AHHHHHH! K-kahit mapatay mo man ako ngayon, may maghihiganti pa rin para sa akin. Tandaan mo yan! Mas sakim pa siya kesa sa akin. AHHHHHHHHH!"
Naramdaman ko ang pag iiba ng kulay ng mata ko. Pinikit ko ito at pagdilat ko ay saktong naging abo si Samantha.
Tapos na! Tapos na ang kasakiman niya!

Book Comment (248)

  • avatar
    Kim Yarcia

    💗💗💗

    8d

      0
  • avatar
    Angel Saavedra Gretchen

    mganda sya...

    10d

      0
  • avatar
    Arravela Grace Ebo

    so sad

    12d

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters