logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 2 : Ang Paninilbihan

"Nanghihinayang ka ba na pinakawalan mo ang kuya ko? Sabagay, nakapanghihinayang nga naman, kasi ikaw dapat ang nakatira sa malaking bahay na iyan kung hindi mo lang siya niloko," pang-uuyam nito. Napayuko na lamang siya dahil sa sinabi nito. Dating malapit ang loob ni Karen sa kanya. Itinuring siya nitong ate at botong-boto ito sa kanya noon para sa kuya nito. Itinuring din niya itong nakababatang kapatid kaya labis siyang nasasaktan sa ipinakikita nitong galit sa kanya ngayon. Hindi niya naman masisisi ang babae dahil sa ginawa niya kay Rafael noon.
"Buti nagising ka na sa ilusyon mo na makakabingwit ng mayaman. Tandaan mo, ang mayaman ay para sa mayaman lang kaya huwag mong subukang akitin si Kuya Rafa dahil mayaman na siya ngayon," mariing sambit nito habang matalim ang pagkakatitig sa kanya.
"K-Karen–" sinubukan niyang hawakan ito pero marahas itong pumiksi.
"Ma'am Karen ang itawag mo sa akin. Nagtatrabaho ka na lang sa amin ngayon kaya matuto kang gumalang!" singhal nito bago akmang lalabas na sa mataas na gate pero muli siyang nilingon.
"Huwag mong pangaraping gugustuhin ka pa ni Kuya dahil sa itsura mong 'yan! Kaya huwag na huwag mo siyang aakitin!" dagdag pa nito bago siya binirahan ng alis. Napabuntong-hininga na lamang siya bago pumasok sa gate, natanaw niya si Aling Salome na nagdidilig ng halaman gamit ang mahabang hose. Hanggang ngayon ay mahilig pa rin ito sa mga halaman at ayaw ipaubaya sa mga kasambahay ang pag-aalaga sa mga ito.
"Ma'am Salome, narito na po ang mga damit na pinalantsa ko," magiliw niyang bati rito. Kaagad naman itong napangiti ng makita siya.
"Ano ka ba naman, iha. Tita Salome na lang, para ka namang naiba, eh. Dati mo naman akong tinatawag na tita, hindi ba?" sambit nito sa tinig na parang nagtatampo. Mula nang nakauwi siya sa bayan nila ay tanging ito lamang ang naging magiliw sa kanya. Maliit lang kasi ang bayan nila at halos magkakakilala. "Ano ba naman 'yang itsura mo. Napakainit pero balot na balot ka," napapailing na sambit nito habang nakatitig sa kanya.
Nakasuot siya ng longsleeve na tinernuhan ng mahabang palda na umabot sa kanyang sakong. May ibinalabal din siyang bandana sa leeg habang ang buhok ay nakapuyod paitaas. Kimi na lamang siyang ngumiti rito.
"Si Nanay po?" tanong na niya rito bago pa siya muling usisain sa naging kapalaran niya.
Normal lang na magtaka ang mga tao sa bayan nila dahil sa malaking pagbabago niya. Dati ay mahilig siya sa maiiksing damit at walang manggas para lumitaw ang makinis at maputi niyang balat. Mahilig din siyang mag-ayos dahil ang kagandahan lamang niya ang magiging puhunan upang makabingwit ng gwapo at mayamang binata, pero hindi niya inakalang iyon pala ang magdadala sa kanya sa kapahamakan.
"Anak, darating si Rafa bukas kaya maraming gawain dito ngayon. Kung p'wede sana ay dumito ka muna kapag umuwi ang inay mo. Tulungan mo muna kaming maglinis ng buong bahay. Kung bakit ba naman kasi napakalaki ng ipinagawa ni Rafael. Kung ako lamang ang masusunod ay mas masarap tumira sa aming dating bahay, presko ang hangin at hindi mainit," sambit nito. Natigilan siya nang mabanggit nito ang pangalan ng binata. Samo't saring emosyon ang naramdaman niya. Sabik na siyang makita ito subalit naroon ang takot sa puso niya na baka galit pa rin sa kanya ang lalaki. Natatakot siyang baka hindi pa ito nakalimot kahit lumipas na ang sampung taon.
"Bukas ay kokontratahin din kita upang mag-estima sa mga bisita. Balak ni Karen na magkaroon ng malaking salu-salo para sa pagsalubong sa kuya niya. Gusto mo ba?" pukaw nito sa pagkakatulala niya.
Natigilan siya sa sinabi nito. Hindi niya malaman kung papayag siya sa alok ng matanda. Kapag pumayag siya ay hindi maiiwasang magkita sila ng binata at iyon ang ayaw sana niyang mangyari.
"Pumayag ka na, iha. Makatutulong din ito sa inyo," sambit nito sa mababang tinig. Naging magiliw sa kanila ang ginang at hindi nagbago ang pakikitungo nito sa kabila ng galit ng mga anak nito sa kanya. Kung tutuusin ay pwede na itong mamuhay na parang donya pero nanatili itong nakaapak sa lupa na labis niyang hinangaan sa matandang babae. Masaya siya sa biyayang tinatamasa nito ngayon dahil naging labis na hirap din ang pinagdaanan nito upang maigapang ang dalawang anak. Namatay ang asawa nito noong nasa elementarya pa lamang sila ni Rafael. Nalunod ito sa laot habang nangingisda at nagkataong umulan ng malakas kaya maalon ang dagat. Mula noon ay ang ina na lamang nila Rafael ang bumuhay sa kanila. Naigapang nito ang mga anak at napalaking mabuting tao.
"Sige po, Tita," pagpayag niya sa kagustuhan nito. Tama ang matanda, malaking tulong ang matatanggap niyang sahod kapag pumayag siya. Pandagdag niya iyon sa pambili ng gamot ng kanyang itay.
"Tita, puntahan ko lamang po si Nanay para makauwi na siya. Wala po kasing kasama si Itay." Pamamaalam niya rito bago tuluyang pumasok sa malaking bahay dala ang mga damit. Hindi pa rin niya maiwasang mamangha sa loob kahit ilang ulit na siyang nakapasok dito. Mamahalin ang lahat ng kasangkapan at kumikintab ang sahig nito. Limang kwarto ang nasa itaas na talagang ipinasadya ni Rafa kahit tatatlo na lamang sila sa pamilya. Napakalayo na talaga ng narating ni Rafael dahil sa sipag at tiyaga nito. Naging matalino ito sa paghawak ng pera kaya naman umasenso. Masaya siya para sa kababata at wala siyang panghihinayang na makapa sa kanyang dibdib. Hindi totoo ang sinasabi ng mga tao na nanghihinayang siya dahil hiniwalayan niya si Rafael noon. Kung mauulit ang mga nangyari noon ay iyon pa rin ang desisyon na gagawin niya, maliban lamang sa isa na labis niyang pinagsisisihan ngayon.
Nadatnan niya ang ina na naglilinis sa kusina kasama si Edelyn na kasambahay rin ng mga ito. Nginitian niya ang babae pero hindi siya nito pinansin. Dati rin niyang kalaro ito noong mga bata pa sila kaya naman nakaramdam siya ng kirot sa iniasta nito. Ipinagpapasalamat na lamang niya dahil maayos naman nilang tinatrato ang kanyang ina. Sa kanya lamang galit ang mga tao dahil sa nangyari sa kanila ni Rafael noon. Kung sabagay, isa rin sa nagdusa dahil sa kanya ay ang mga magulang niya.
"Inay, umuwi ka na. Ako na po ang bahala rito," sambit niya bago nilapitan ang ina. Kinuha nito ang mga damit sa kanya upang dalhin sa kwarto.
"Aling Ester, ako na po ang magdadala sa mga damit. Umuwi na kayo at kawawa naman si Mang Ponso na walang kasama," sambit ni Edelyn kaya hindi niya maiwasang mapangiti. Kahit paano ay nagmamalasakit pa rin ang mga ito sa kanyang magulang.
"Napakain mo na ba ang itay mo?" tanong nito habang naghuhugas ng kamay sa lababo. Sinimulan naman niyang punasan ang nga muwebles doon. Malungkot siyang umiling bago itinuloy ang ginagawa. Tuwing tanghali na uuwi ang inay niya ay siya ang nagtutuloy sa gawain nito. Ayaw kasi ng itay niya na siya ang magpapakain dito.
Ang mga paratang at masasakit na salita galing sa ibang tao ay kinakaya niyang sikmurain pero ang pagtrato sa kanya ng sariling ama ang higit na dumudurog sa kanyang puso. Pasimple niyang pinunasan ang mga luha bago pa ito tuluyang tumulo.

Book Comment (124)

  • avatar
    peratercharisa

    nkakaiyak..nice ang story..relatable💕💕💕

    06/08

      0
  • avatar
    Rome Azaiah

    good

    05/08

      0
  • avatar
    John Mark Naboa Fajardo

    Huhl

    30/06

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters