logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Scars Of Love

Scars Of Love

ApolPen


PROLOGUE : Pagtakas

Hinihingal man dahil sa labis na pagod at pananakit ng katawan ay hindi tumigil si Alyssa sa pagtakbo. Pilit niyang inihahakbang ang mga paa kahit puro sugat na ang talampakan niyang walang sapin kaya hindi ito napoprotektahan laban sa mga maliliit na bato at tinik na kanyang nadaraanan. Napapangiwi pa siya tuwing tumatama sa kanyang balikat ang mga tinik at maliliit na sanga mula sa ligaw na halamang pilit niyang hinahawi. Saglit siyang huminto at sumandal sa likod ng malaking puno upang habulin ang hininga. Nanginginig na ang buo niyang katawan sa pinaghalong pagod, pasakit at takot. Habol ang hininga na bahagya siyang sumilip sa pinanggalingan upang tignan kung naroon pa ang humahabol sa kanya. Nang walang makitang nakasunod ay muli siyang napasandal sa puno at napapikit habang nagdadasal na sana ay hindi na siya masundan ng mga ito. Sapo ng nanginginig niyang mga kamay ang dibdib at bahagyang tinatapik ito dahil labis ang kanyang nadaramang pagod. Gustuhin man niyang maglupasay roon ay hindi p'wede dahil anumang oras ay masusundan na siya ng mga taong humahabol sa kanya. Kailangan lang niyang makalabas sa gubat na iyon at makakapag-abang na siya ng mga sasakyan na maaaring hingian ng tulong. Subalit ang problema ay hindi niya kabisado ang lugar. Walang direksyon ang bawat niyang pagtakbo kaya hindi niya alam kung nasaang parte na siya ng gubat. Nagsisimula na ring lumiwanag ang paligid kaya hindi imposibleng makita siya ng mga ito.
Kumikirot na ang mga sugat niya sa katawan at nananakit na rin ito dahil sa labis na pagkabugbog. Hinang-hina na siya pero kailangan niyang mabuhay kaya pipilitin niyang makatakas at makalayo roon. Kumakalam pa ang kanyang sikmura at nanunuyo ang lalamunan dahil sa labis na pagkauhaw. Hindi niya alam kung hanggang saan pa ang kakayanin ng lakas niya at iyon ang labis niyang ipinag-aalala. Muling tumulo ang mga luha niya na hindi pa matuyo-tuyo kahit na ilang beses na siyang umiyak.
"Hanapin ninyo! Nariyan lang 'yan sa paligid dahil wala namang ibang mapupuntahan iyon!" sigaw ng isang lalaki na labis na nagpakabog sa dibdib niya. Dumadagundong sa labis na kaba ang dibdib niya habang pinilit na muling makatakbo kahit paika-ika. Kinalma niya ang sarili upang matigil na sa pag-iyak dahil hindi iyon makatutulong sa sitwasyon niya. Hindi siya maaaring tuluyang maubusan ng lakas dahil tiyak na hindi na siya bubuhayin ng mga ito kapag nahuli siyang muli. Ayaw na rin niyang bumalik pa sa impyernong pinanggalingan kaya gagawin niya ang lahat upang hindi na siya makuha pa ng mga ito.
"Alyssa! Tumakbo ka lang! Pagurin mo ang sarili mo pero hindi ka makakalayo dito sa isla! Wala kang matatakbuhan!" sigaw na labis nagpatigagal sa kanya. Kung ganoon ay nasa isla sila kaya wala siyang ibang mapupuntahan! Napaiyak siya sa labis na pagkaawa sa sarili. Tinakpan niya ang bibig upang pigilin ang paghagulgol. Nawawalan na siya ng pag-asa pero patuloy pa rin siya sa pagtakbo palayo. Umaasang may mapagtataguan pansamantala subalit tuluyan na siyang napahinto at nawalan ng pag-asa. Wala na siyang mapupuntahan dahil bangin na ang nasa kanyang harapan. Agad siyang napalingon sa humahabol sa kanya. Nasa likuran na niya ang mga ito at nakangising nakatingin sa kanya. Naninikip ang dibdib niya sa labis na takot.
"Alyssa, sinabi ko naman sa 'yong wala kang mapupuntahan, eh! Dito ka nababagay sa islang ito!" sambit muli ng lalaking labis niyang kinamumuhian. Nakangisi ito habang nakatutok sa kanya ang hawak nitong baril. Napaatras siya dahil sa labis na takot. Tigmak sa luha ang mga mata habang nangangatal ang mga labing muli siyang nakiusap.
"M-maawa ka, p-pauwiin mo na ako. Parang a-awa mo na," pakiusap niya sa pagitan ng mga paghagulgol. Halos lumuhod siya habang umaasang kahit manlang sa mga oras na iyon ay kaawaan siya ng lalaki.
"Halika na babe. Lumapit ka sa akin," utos nito habang iniaabot ang palad sa kanya. Katulad ng dati ay hindi nito pinansin ang pagmamakaawa niya. Napailing-iling siya bago humakbang ng isa paatras. Mas pipiliin niya pang magpatihulog sa bangin kaysa bumalik sa poder nito. Ayaw na niyang maranasan pa ang mga pagmamalupit ng lalaki.
"Pare, barilin mo na! Ang utos ng Mama mo ay patayin na ang babaeng 'yan!" sigaw ng kasama nito. Tumulo ang mga luha sa mata niya sa isiping iyon na ang kanyang katapusan. Muli niyang naisip ang mga magulang na mataas ang pangarap para sa kanya at ang taong labis niyang nasaktan.
"Alyssa, huling pagkakataon! Sasama ka ba sa akin o mamamatay ka?" tanong nito sa matigas na boses. Matalim rin ang pagkakatitig nito sa kanya. Hindi siya sasama rito. Wala na ring iba pang paraan para mabuhay at mas pipiliin na lamang niyang mamatay kaysa maghirap pang muli sa piling nito.
"Mas pipiliin ko pang mamatay kaysa bumalik sa 'yo! Naiintindihan mo? Kumpara kay Rafael ay isa ka lamang talunan! Isinusumpa ko ang araw na nakilala kita, tandaan mo 'yan!" sigaw niya sa labis na galit. Ang takot at pangangatal ng katawan ay napalitan ng pagkamuhi. Papatayin din naman siya nito kaya gagawin na niya ang lahat upang kahit paano ay pasakitan ito. Lalong naningkit sa galit ang mga mata ng lalaki.
"Hindi totoo 'yan! Kaya nga ako ang pinili mo hindi ba? Dahil isa lamang siyang basura!" sigaw nito. Kung nakamamatay lang ang talim ng bawat pagtitig nito ay malamang na kanina pa siya bumulagta.
Ngumisi siya habang nanunuyang nakatitig sa mukha ng lalaki. Tinanggal na niya ang takot sa dibdib. Tutal ay mamatay na rin naman siya kaya ang nais niya ay ipamukha rito ang pagiging walang kwenta nitong lalaki. Tumawa siya ng malakas habang umaagos sa mata ang luha. Nasa mga mata niya ang labis na pagkamuhi habang bahaw na tumatawa. "Mayaman ka lang, Ivan! Kung wala ang yaman ng pamilya mo, mas masahol ka pa sa basura!" gigil na sigaw niya habang hindi nawawala ang ngisi sa mga labi. Tumitig siya rito dahil gusto niyang makita ang galit sa mga mata nito bago siya tuluyang mamatay.
Umalingawngaw ang malakas na putok ng baril. Agad niyang naramdaman ang pagkirot ng kanyang balikat na tinamaan ng bala bago siya natumba at bumulusok pababa sa bangin.
"Rafael," sambit niya bago bumagsak ang katawan niya sa tubig at tuluyang mawalan ng malay.

Book Comment (124)

  • avatar
    peratercharisa

    nkakaiyak..nice ang story..relatable💕💕💕

    06/08

      0
  • avatar
    Rome Azaiah

    good

    05/08

      0
  • avatar
    John Mark Naboa Fajardo

    Huhl

    30/06

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters