"Ano po ang nangyari sa kanya?" maluha-luhang tanong ni Luna kay Tandang Isme. Nang malaman niyang may hindi magandang nangyari sa kaibigan ay iniwan niya muna ang anak kay Mutya at tinungo ang kinaroroonan nito. Bagsak ang katawan ng walang malay na dalaga at medyo nangingitim ang balat nito. "Sa tingin ko ay nakagat siya ng ahas at hindi ito agad naagapan. Kumalat na ang lason sa kanyang katawan kaya naman wala siyang malay." "Nakagat ng ahas? Paano nangyari iyon kung nasa piitan siya?" May mga nakalagay na pangontra ng ahas at insekto sa loob ng piitan kaya imposibleng may makapasok doong ahas. "Maaaring hindi niya nakuha sa piitan ang kagat, sabihin na nating bago siya dalhin sa loob ay mayroon na ito at hindi niya lang alam o ipinaalam," wika ng matanda. Apat na araw na itong nakakulong, ganoon na katagal ang lason sa loob ng katawan ng kaibigan niya. Gusto niyang maiyak sa nalaman pero nagpigil siya. Bakit hindi man lang sinabi ni Eunice na may iniinda ito? "Magagamot n'yo po ba siya?" "Hindi ako sigurado pero gagawa ako ng paraan." Ibinigay ng manggagamot sa kanila ang isang ugat. Sinabi nitong pakuluan iyon at ang tubig ay ipainom kay Eunice limang beses sa isang araw. Pagkaalis ni Tandang Isme ay nilinisan ni Luna ang katawan ng dalaga. Matapos niya itong bihisan ay siya namang pagpasok ni Limo dala ang pinakuluang ugat. Ibinuka niya ng bahagya ang bibig ng walang malay na kaibigan at paunti-unting pinatakan iyon ng gamot. Binantayan niya ito ng ilang oras ngunit hindi ito nagising. "Baka hanapin ka ng anak mo. Ako na ang bahala sa kanya," ani Limo. Doon niya lang napansin na hindi pala ito umalis. "Ikaw na muna ang bahala sa kanya. Sasabihan ko si Mutya na pumarito mamaya," aniya pagkatapos ay umalis. Alam ni Eunice na buhay pa siya dahil naririnig niya ang boses ni Luna. "Dalawang araw na siyang walang malay, bakit hindi pa siya nagigising?" dinig niyang tanong ng kaibigan. Sinubukan niyang imulat ang kanyang mata ngunit hindi niya iyon nagawa. Nanghihina pa rin ang kanyang katawan. "Bumabalik na sa dati ang kulay ng kanyang balat kaya nangangahulugang gumagana ang gamot na ibinigay ko. Ipagpatuloy n'yo lang na ipainom ito sa kanya," saad ng matandang boses. Mayamaya ay naramdaman niya ang pagpatak ng tubig sa kanyang bibig, napaka pait nito! Gustuhin man niyang mag-react at sigawan kung sino man ang nagpapainom sa kanya ngunit hindi niya magawa. Sa palagay niya ay babalik siya sa pagkaka-coma sa sobrang pait ng lasa ng gamot. Dahan-dahan niyang iminulat ang mata nang magawa niyang buksan ito. Nasa loob siya ng kanyang kubo at sa tingin niya ay gabi na dahil nakasindi na ang mga ilawan. Napangiti na lamang siya nang makita si Mutya na nakadukdok sa may mesa, mukhang tulog na ito. Kinaumagahan, pagkatapos siyang painumin ng dalaga ay umalis ito. Pagka-alis nito ay bigla siyang nagmulat, kahit na nanghihina ang katawan ay agad siyang bumangon at kumuha ng tubig pagkatapos ay uminom. Sa sobrang pait ba naman ng ipinainom sa kanya ni Mutya, tubig talaga ang kakailanganin niya. Pagbalik niya sa kanyang kama ay bigla siyang nahilo at nabuwal, ngunit may sumalo sa kanya mula sa likuran. Ramdam niya ang may katigasang dibdib nito. Kahit hindi siya lumingon ay alam niyang si Limo iyon. 'Self, maghunos-dili ka! Katatakas mo lang mula sa kamatayan, huwag kang malantod.' "Gising ka na pala," saad nito. "Bakit wala ka sa iyong kama?" Inalalayan siya nitong tumayo. "Nauhaw akong bigla kaya naman kumuha ako ng iinumin,” aniya at nagsimulang maglakad pabalik sa higaan, ngunit sadyang mahina pa ang kanyang tuhod kaya muli na naman siyang natumba. Buti na lang at nasa tabi niya si Limo kaya sa braso siya nito kumapit. Walang pasabi siya nitong binuhat at inilapag sa kanyang kama. "Ano pala ang ginagawa mo rito?" hindi niya inaasahan na pupunta roon ang binata. Ni hindi niya nga tiyak kung alam nito ang nangyari sa kanya. Tanging boses lang nina Luna, Mutya at ng matandang lalaki na napag-alaman niyang manggagamot ang kanyang naririnig nang magkamalay ang kanyang diwa. "May ipinapagawa kay Mutya kaya ako na muna ang titingin sa'yo. Kailan ka pa nagising?" "Kagabi lang," sagot niya. "Hindi mo naman ako kailangang bantayan, maayos na ako. Kung may iba ka pang lakad, pwede mo na akong iwan." Masakit pa rin ang loob niya rito kaya naman ayaw niya itong makita. Hindi niya gustong magsabay ang panghihina ng kanyang katawan at puso. Tama na ‘yong isa. Nagtungo ang binata sa bintana at binuksan iyon. "Wala akong gagawin kaya babantayan muna kita, saka iyon din ang pakiusap sa akin ni Mutya," ani nito. ‘Pinakiusapan pala, hindi nagkusa,’ dismayadong wika ng isipan. "Bakit hindi mo sinabi?" tanong ni Limo habang nakadungaw sa labas. "Ang alin?" "Na may dinaramdam ka. Bakit hindi mo ito binanggit nang nasa piitan ka?" Ito ang unang pagkakataon na kinausap siya ng binata sa hindi nanlalamig na tono. Hindi siya sumagot kaya tumingin ito sa kanya. “Alam mo ba na sobrang nag-alala si Luna sa'yo?” Nanatili siyang walang imik. “Bakit hindi ka makapagsalita? Sa pagkaka-alam ko mayroon ka namang dila.” Ollah, bumalik na naman ito sa pagiging dragon na nagbubuga ng yelo. “Wala akong lakas para kausapin ka. Magpapahinga na ako, makakaalis ka na,” aniya at agad tinalikuran ang binata. Narinig niya itong nagpakawala ng buntong hininga ngunit hindi umalis. Nakatulog siyang nasa tabi ito. Nagising si Eunice nang marinig ang iyak ni Yanna. "Salamat naman at gising ka na. Akala ko nagbibiro lang si Limo nang sabihin niyang nagkamalay ka na," ani Luna. "Wala bang masakit sa'yo?" Umiling siya. Nanghihina lang ang kanyang katawan pero wala naman siyang nararamdaman na kahit anong sakit. Bumangon siya nang bahagya at sumandal sa dingding. "Naikuwento na sa akin ni Kayan ang nangyari sa silangan. Ayos ka lang ba?" "Ayos na ako. Bruha talaga 'yong Marikit na 'yon! Tumalon ba naman sa ilog tapos sinabing itinulak ko siya. Maging ang asawa mo hindi naniwala sa akin." Humingi ito sa kanya ng tawad sa inasta ni Kayan. Sinabi niyang nasaktan siya pero wala na iyon sa kanya, hindi niya naman masisisi ang asawa nito kung maging ito ay pinagdudahan din siya. Natural lang na hindi siya panigan dahil hindi naman siya kalahi nito, at kakikilala lang sa kanya. Buong maghapon na nanatili ang mag-ina sa kanyang kubo. Nang magsimulang magdilim ay nagpaalam na ang mga ito. Dumating si Mutya dala ang pagkain na agad niyang kinain. Nagpasalamat siya sa dalaga sa pag-aasikaso nito sa kanya. Hindi ito nagsalita tungkol sa nangyari sa silangan kaya naman hindi niya na binanggit pa. "Mamaya na ako iinom ng gamot," aniya. Sa totoo lang ay wala siyang balak na inumin ito. "Maayos na ang aking pakiramdam. Hindi mo na ako kailangang bantayan pa, magpahinga ka na lang." Sumunod naman ang dalaga, kinuha nito ang kanyang pinagkainan at umalis. Nagtungo si Limo kina Kayan dahil may pag-uusapan sila ng pinsan. Doon na rin siya kumain dahil nag-aya si Luna. Mayamaya ay biglang umulan ng malakas at nagsimulang mag-ingay ang kalangitan. Hinintay muna niyang humina ang ulan bago tuluyang magpaalam. Nang humina ng bahagya ang ulan ay umalis na siya. Hindi tumigil ang kulog at kidlat, patuloy itong gumawa ng ingay at liwanag sa itaas. Sa hindi kalayuan ay nakita niya ang papalayong bulto ni Eunice kaya naman nilapitan niya ito. “Nahihibang ka na ba? Hindi pa maayos ang pakiramdam mo ay nagpapaulan ka na,” may diin niyang saad matapos niyang papwersang iharap ito sa kanya. Walang emosyon itong tumingin sa kanya pagkatapos ay ipinagpatuloy ang paglalakad na parang walang nangyari. Agad niya itong binuhat at dinala sa kubo nito. Pagkababa niya sa dalaga ay naramdaman niya ang panginginig nito, hindi sa lamig kundi sa takot. “Ayos ka lang?” tanong niya. Hindi ito sumagot, bagkus ay nagpatuloy ang takot nito sa hindi niya maintindihang dahilan. Niyakap niya na lamang ito bagay na ginagawa niya kay Marikit tuwing natatakot ito. Nabawasan ang panginginig ng dalaga ngunit napalitan naman ng hikbi. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari kaya hinayaan niya na lang itong umiyak. Kalaunan ay kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya at pinunasan ang pisngi. Binigyan siya ng isang malungkot na ngiti pagkatapos ay umupo sa gilid ng kama nito. Gusto niya itong tanungin ngunit pakiramdam niya ay wala siya sa tamang posisyon kaya minabuti niyang manahimik na lang. Hindi na siya nagsayang ng oras at nagpaalam para makabihis na rin ito.
super Ganda ng story
9d
0View All