Nakilala ni Eunice si Halom nang tawagan siya nito at sinabing kilala nito ang kanyang matalik na kaibigan. Noong una, alanganin ang dalaga ngunit nang banggitin nito ang pangalan ni Kayan ay agad siyang naniwala. Walang nakakaalam na Kayan ang pangalan ng napangasawa ng kanyang kaibigang si Luna, maliban na lang kung nagsasabi talaga ito ng totoo. Walang pag-aalinlangan niyang pinuntahan ang binata sa kinaroroonan nito at binigyan ng matutuluyan. Nalaman din niyang kaya ito tumungo ng siyudad ay para makita at magtapat ng nararamdaman sa babaeng napupusuan nito. Tinulungan pa niya si Halom sa mga bagay na alam niyang makatutulong dito lalo na't ibang-iba ang siyudad sa pinanggalingan nito. Kalaunan ay nakilala niya si Mirah, ang babaeng bumihag sa puso ni Halom. Isa itong sikat na artista at hindi mo aakalain talagang sa binata ito nahulog. Hindi pangit si Halom, magandang lalaki ito. Hindi niya lang inaasahan na hindi mapili sa background si Mirah, gayong napakatanyag nito sa kanilang bansa. Sa dinami-rami ng mga tagahanga nito ay sadyang sa isang katutubo pa ito ipinareha. Iba talaga kung maglaro ang tadhana. Pero masaya siya para sa dalawa, natutuwa siya at hindi nasayang ang sakripisyo na ginawa ng binata. Gaya ng kanyang inaasahan ay parehong tinatangi ng dalawa ang isa't isa. Pakiramdam niya ay nasa loob siya ng isang drama habang pinagmamasdan ang love story nila. Dahil sa mahigpit na patakaran sa lugar nila Halom ay napagdesisyunan nitong dito na sa siyudad manirahan dahil nandito ang buhay ni Mirah, at handa itong magsakripisyo para sa babaeng mahal nito. Pero nais din nitong ikasal sila ni Mirah sa kanilang tribo, agad namang sumang-ayon ang huli. Sa nalamang iyon ay nakiusap si Eunice na kung maaari ay isama siya ng dalawa. Sinabi niyang handa niyang tanggapin ang parusa na maaaring ipataw sa kanya sakali man. Walang nagawa ang mga ito kundi pumayag. Kahit na masukal ang daang kanilang tinatahak, hindi mawala ang ngiti sa mga labi ni Eunice dahil sa wakas ay makikita na niya si Luna. Buong akala niya ay hindi na niya masisilayan ang kaibigan ngunit nagkamali siya. Buti na lang at may Halom na naging tulay sa pagkikita nilang dalawa. Sa isang malaking puno sila nagpalipas ng gabi, magkatabi silang natulog ni Mirah. Maging sa kanyang panaginip ay nakikita na niya ang nalalapit na pagtatagpo nila ng kaibigan. Mataas na ang sikat ng araw nang gisingin sila ni Halom. Matapos nilang kainin ang dalang pagkain ay nagsimula na naman silang maglakad. Narating nila ang isang butas at bumaba roon gamit ang mga baging. Tinahak nila ang may kadilimang daan at sa dulo nito ay bumungad sa kanila ang rumaragasang tubig na galing sa itaas. Tumalon ang binata sa tubig at sumunod naman sila, umahon sila sa isang pampang at muli na namang naglakad. Habang sila ay naglalakad nakasalubong nila ang ilang kalalakihan, kasama na roon ang lalaking nasa larawan na ipinakita sa kanya ni Mirah. Hindi niya akalaing makikita niya ito sa mismong araw na iyon... hindi siya nakapaghanda! Kung ano ang ikinakisig nito sa picture ay times three ito sa personal, ay este times three million pala. "Halom, ikaw pala," wika nito. Tumingin ito sa kinaroroonan niya, "hindi ko alam na dalawa pala ang nais mong pakasalan. Sa maikli mong pananatili sa labas, buti nakahanap ka pa ng isa," dagdag nito. Hindi niya matukoy kung nagbibiro ba ito o hindi dahil wala man lang itong ekspresyon. Ngunit isa lang ang tiyak niya, hindi siya natuwa sa narinig at hinarap ang binata. "Magandang lalaki ka sana kaso sa pagbuka ng bibig mo nasira na ang araw ko. Para sabihin ko sa'yo, pumunta ako dito para makita si Luna at saksihan na rin ang kasal nilang dalawa," pagtataray niya at tumingin pa siya sa kinaroroonan nina Halom. Nanatiling walang imik ang binata ngunit kita niya ang pagkunot ng noo nito na tila hindi natuwa sa inasta niya. Agad pumagitan sa kanila si Mirah at ipinakilala na lamang siya rito. Matapos ay umalis ang binata, ipinaiwan nito ng dalawang kasama para samahan sila. Pagkarating nila sa kubo ay agad kinuha si Eunice ng dalawang lalaki. "Saan n'yo siya dadalhin?" pigil ni Mirah sa mga ito. "Sa piitan, 'yon ang utos ni Amang Nilo," tugon ng isa. Aapila na sana ito nang pigilan niya ang dalaga, "huwag kang mag-alala ikukulong lang naman ako." "Pero~" Hindi na nito naituloy ang sasabihin dahil hinila na siya papalayo at dinala sa lugar na kung tawagin nila ay piitan. Inilagay siya sa isang kwarto pagkatapos ay iniwan. Nagmistula siyang bulag sa sobrang dilim ng lugar. Tama nga ang ikinuwento sa kanya ng kaibigan, ngayon ay alam na niya kung ano ang pakiramdam ng maikulong sa lugar na 'yon. Sadyang nanibago siya sa dilim, ipinikit na niya lamang ang mga mata dahil tiyak niyang sasakit ang kanyang ulo kung mananatiling dilat ang mga ito. Sa ganoong klaseng lugar ay tiyak niyang mas malakas ang loob niya kaysa kay Luna. Nakaramdam siya ng takot pero agad ding nawala. Mas nanaig sa kanyang kaibuturan ang katotohanang makikita na niya ang kaibigan. Tila siya namatayan nang araw na umalis ito. Kaya naman nang makakita siya ng paraan upang makita ito ay agad siyang sumugal kahit na alam niyang delikado. Mayamaya ay narinig niya ang kanyang pangalan na nanggaling sa tinig na labis niyang pinangulilaan. Isang bulto ang lumapit sa kinaroroonan niya na may hawak na ilawan. "Eunice, ikaw nga!" maging ito ay tila hindi makapaniwala nang makita siya. Nagmamadali nitong inalis ang lock ng pinto at pumasok sa loob. "Lu-Luna?" halos mautal niyang banggit sa pangalan nito. Agad siyang tumayo at dinamba ng yakap ang matalik na kaibigan. "Oh my gosh! God knows how much I miss you... Akala ko talaga hindi na kita makikita," pigil ang luha niyang saad. "I'm so happy! Nahahawakan na kita in flesh, hindi na lang picture." "Ako rin, na-miss kita, sobra! nagulat talaga ako nang sabihin ni Mirah na kasama ka nilang pumarito." Kumalas ito sa kanilang pagyayakapan at tiningnan siya. "You are really here! I don't know if matutuwa ba ako o ano?" maluha-luha nitong wika. "Ayos ka lang ba rito?" Ngumiti siya, "oo naman, nakita na kita eh. Saka inihanda ko na talaga ang aking sarili para sa ganitong bagay kaya huwag kang mag-alala." "Na-miss talaga kita," ani ng kaibigan at muli siya nitong niyakap. Isang oras lang ang itinagal ni Luna sa loob dahil may limitasyon ang pamamalagi ng bisita roon, at baka hanapin ito ng anak. Sinabi nitong pakikiusapan nito si Amang Nilo upang palayain siya. Kinagabihan ay si Kayan ang naghatid sa kanya ng pagkain ayon na rin sa sabi ni Luna para naman makilala niya agad ang lalaki. Ang gwapo talaga nito kaya hindi na siya magtataka kung bakit mas pinili ng kaibigan ang manatili sa lugar na 'yon. Kung ganoon ba naman ang mukhang gigisingan mo tuwing umaga, kahit naman siguro sa ilalim ng tulay kayo nakatira ay masaya ka na. "Palagi kang ikinukuwento sa akin ni Luna. Masaya ako at nakilala kita," ani nito. "Ako rin, masaya ako at nakilala kita. Hindi nga nagsisinungaling si Luna nang sabihin niyang kay gandang lalaki mo,” puri niya. Marahan itong tumawa sa huli niyang sinabi. "Gusto kong magalit sa mga magulang mo." "Dahil ba sa hindi nila pagpayag na dumalaw kami sa labas?" walang katiyakan nitong tanong. "Hindi 'yon, ano ka ba!" "Eh ano?" "Gusto kong magalit sa kanila kasi bakit hindi ka nila sinundan, kung may kapatid ka ngayon eh di sana may makikilala akong sing kisig mo." Bigla itong natawa sa sinabi niya. "Seryoso ako, sabihin mo 'yan sa magulang mo. Hay naku, 'yong magagandang lahi 'yon pa talaga ang tinipid." Sinakyan naman nito ang biro niya, huwag daw siyang mag-alala at ipararating nito sa magulang ang kanyang sinabi. Natutuwa ang dalaga at hindi awkward ang unang pagkikita nila ni Kayan. "Nasabi na namin kina Ama ang tungkol sa'yo pero hindi sila nakinig. Patawad, tatlong araw pa ang itatagal mo rito bago ka makalaya. Pinagbawalan ding tumanggap ka ng bisita habang narito ka sa loob," saad nito. "Ano ka ba, ayos lang sa akin 'yon. Saka madaling lumipas lang ang tatlong araw," aniya. Matapos niyang ubusin ang pagkain na inihanda sa kanya ni Luna ay umalis na si Kayan. Iniwan nito ang ilang prutas, sabi nito na pagkasyahin niya itong kainin sa loob ng tatlong araw dahil nga sa pagbabawalan ang sinumang bumisita sa kanya kasama na roon ang pagdala ng pagkain. Bumuntong hininga ang dalaga, "kakasya na siguro ito. Sabihin na lang nating naka-diet ako ngayon." Pakapa niyang inayos ang mga prutas sa isang tabi pagkatapos ay natulog. Makalipas ang tatlong araw ay lumabas na siya sa piitan. Medyo naninabago pa nga ang dalaga nang makita niya ang liwanag na galing sa labas. Ikaw ba naman ang hindi nakakita ng liwanag sa loob ng ilang araw tingnan na lang natin kung hindi mag-iiba ang paningin mo. Inihatid siya sa kubo kung saan nakatira sina Luna. Nakita niya itong nakaupo habang pinapasuso ang isang sanggol. "Good morning! 'Yan na ba ang anak mo, my gosh ang taba taba naman niya," sabik siyang lumapit at pinanggigilan ang maliit nitong kamay. "Huwag sobrahan baka mausog," nakangiting wika ng kaibigan. “Pero, teka?” aniya na kunwari naguguluhan. Nagtatanong ang mga matang tumingin sa kanya si Luna. “Bakit hindi mo kamukha? Sigurado ka bang anak mo talaga iyan?” “Che! Umayos ka, Eunice,” natatawa nitong saad. Ilang buwan pa lang ito pero makikita mong features ni Kayan ang mayroon sa bata. Gandang dalaga nito for sure paglaki. ‘Mas maganda pa sa ina hahha!’ Isasatinig niya sana ito ngunit baka maasar lang lalo ang kasama. "Nakakainggit ka naman, may gwapo ka na ngang asawa, may cute ka pang anak," nakanguso siyang umupo sa tabi nito. "Ano ka ba! Darating ka rin diyan. Makikilala mo rin ‘yong taong mamahalin mo at syempre mamahalin ka." “Kailan naman? Kung puti na ang uwak? Kung matamis na ang tubig dagat?” aniya. Sa totoo lang ay may nakita na siya ngunit wala pang kasiguraduhan ang lahat kaya naman hindi muna niya sinabi sa kaibigan baka mas lalong mausog ito. Tumawa lang si Luna sa kanyang tinuran. Nanatili siya roon upang alagaan ang anak ng kaibigan at makipagkuwentuhan na rin dito. Kahit simpleng buhay lang ang mayroon sina Luna sa lugar na iyon ay makikita niyang masaya at kontento na ito. Alam niyang hindi madali para rito ang talikuran ang lahat sa siyudad ngunit ginawa pa rin nito sa ngalan ng pag-ibig. Hindi niya man isatinig ay masaya siya para sa kaibigan. Pagsapit ng gabi ay dumating si Kayan kasama si Limo. “Limo, si Eunice nga pala, kaibigan ko,” pagpapakilala sa kanya ni Luna sa binata. “Nagkakilala na kami, hindi na kailangan,” wika niya sa kaibigan. Pinutol na nito ang pagpapakilala at iginaya sila sa hapag kainan. Magkatabi sila ni Luna at nasa harapan naman niya si Limo. Minsan ay kinakausap ito ni Kayan ngunit tungkol lahat sa tribo at kung ano ang kanilang gagawin kinabukasan. Hindi man lang siya nakakuha ng impormasyon tungkol sa binata. Maliban sa pangalan nito at pinsan ito ni Kayan ay wala na siyang alam tungkol dito. Matapos nilang kumain ay nakiusap si Luna na ihatid siya ni Limo sa magiging kubo niya. Agad namang pumayag ang huli. Nang makapagpaalam na sila ay tahimik siyang sumunod sa binata hanggang sa narating nila ang isang kubo. Binuksan nito ang pinto, “ito ang iyong magiging kubo.” “Eh ‘yong iyo?” Hindi ito sumagot. “Takot ka lang na baka gapangin kita mamaya,” natatawa niyang biro pero hindi man lang ito nag-react. ‘Wala atang sense of humor,’ bulong ng munting tinig sa kanyang utak. “Kung wala ka ng kailangan aalis na ako,” ani nito at tinalikuran siya. Hinayaan niya na lang itong umalis. Mukha namang wala itong balak na makipagkaibigan sa kanya. Pumasok siya sa kanyang munting tahanan. Maayos ang gamit sa loob, ipinaayos siguro iyon ng kaibigan habang nasa piitan siya.
super Ganda ng story
15d
0View All