logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 2: Death Match

INANGAT ni Rohaan ang kaliwang paa niya at mariing kumagat sa kanyang tuhod. Napaigik siya nang maramdaman ang pagbaon ng mga ngipin nito.
Hindi lang kamao ng lalaki ang malakas. May taglay ring lakas ang biting power nito na maikukumpara sa kagat ng isang tigre. Nagawa nitong sugatan ang kanyang tuhod at nilamutak pa nito iyon hanggang sa balutin ng dugo ang kalahati ng mukha nito.
Pagbitiw ni Rohaan sa kanyang tuhod, naiwan sa mga labi nito ang kapiraso ng balat niya! Halos patiran siya ng hininga sa tindi ng pagpalahaw.
Muli siya nitong binuhat habang nakapatong ang kaliwa niyang hita sa kabilang balikat nito. Saka siya dinala ng lalaki sa isang nakaparadang sasakyan sa bandang dulo at buong lakas na binalibag doon.
Nayupi agad ang harapan ng sasakyan. Dinampot nito ang ulo niya saka pinaghahampas sa windshield na parang martilyo. Muling napapikit ang mga tao nang marinig ang pagkabasag niyon.
Pag-angat ng lalaki sa ulo niya, para siyang binuhusan ng pulang pintura sa dugong bumalot sa kanyang mukha. Hindi pa ito nakuntento. Kinaladkad pa siya nito at pinaghahampas ang kanyang ulo sa kabilang bintana hanggang sa mabasag din iyon.
Hindi niya kinaya ang sakit. Napadura siya ng dugo at may mga bubog pang sumabay sa bibig niya! Pati dila at mga gilagid niya ay napuno na rin ng sugat.
Binuksan ni Rohaan ang pinto ng kotse at isinipit sa pagitan niyon ang ulo niya. Saka nito hinampas-hampas ang pinto sa kanyang leeg na lalong nagpabara sa kanyang hininga. Kusa nang bumagsak ang katawan niya at napasandal na lang sa naturang sasakyan.
Sa mga oras na iyon ay nakapikit na lang siya at pilit bumubuga ng malalim na paghinga. May ilang saglit siyang pinagmasdan ng lalaki. Nang hindi pa rin siya gumalaw, doon na nito binuhat ang kanyang katawan at ipinatong sa magkabilang balikat nito.
Confident na naglakad-lakad si Rohaan habang ipinaparada ang katawan niya. “Ano’ng ginagawa n’yo! Bakit kayo nagtatakip ng mukha! Ayaw n’yo bang makita kung paano mamatay ang tao na ‘to? Heto, manood kayo!”
Buong lakas na binaluktot ni Rohaan ang kanyang katawan; lumikha iyon ng matinding paglagutok na narinig sa buong paligid. Kasabay niyon ang pagtalsik ng mas maraming dugo sa kanyang bibig. Napadilat pa ang dalawang mata ni Crisanto sa lakas ng impact pero agad ding tumirik ang mga iyon.
Isang mala-magnitude 7.0 na body slam ang isinagawa ng lalaki sa kanyang katawan. Nagkaroon pa ng crack ang lupa sa lakas ng pagkakabagsak niya. Naiwang nakatirik ang mga mata niya habang nakaawang ang bibig.
“That was so brutal! Kita n’yo naman ang nangyari kay Crisanto mga kaibigan! Hindi na siya gumagalaw! Hindi na rin yata humihinga! Dito na ba magtatapos ang pinakamalaking pagtutuos?” komento ng announcer habang tutok na tutok sa madugong laban.
Tuluyang bumigay ang mga tuhod ni Maverick sa lupa at hindi na napigilan ang pagpatak ng mga luha. “Hindi ka puwedeng mamatay, Crisanto. Pakiusap, Diyos ko po! Patawarin n’yo po kami sa pagpasok namin dito. Pero sana iligtas n’yo pa rin po ang alaga ko. Parang anak na ang turin ko sa kanya. Ayokong mawala siya sa akin! Hindi ko kakayanin, Panginoon. Parang awa n’yo na!”
Nanginginig ang buong katawan nito at pilit nilalabanan ang sinasabi ng isip na patay na si Crisanto.
“Hoy!” sigaw ni Rohaan sa announcer. “Ano pa ang ginagawa mo? Tinapos ko na ang laban! Bakit hindi ka pa nag-aanunsyo!”
Makalipas ang ilang sandali, biglang nakarinig si Rohaan ng paglagutok ng mga buto. Nang lingunin niya ito, nakita niya kung paano tumayo si Crisanto habang binabaluktot ang sariling katawan.
Muling nagsigawan sa tuwa ang mga tao. Napangiti na rin si Maverick at lalo lang naiyak sa sobrang tuwa. Muli itong nakahinga nang maluwag at tumayo sa pagkakaluhod.
Nang maibalik ni Crisanto sa dating ayos ang mga buto, muli siyang nagbuga ng malalim na paghinga at idinura ang naipong dugo sa kanyang bibig. “A-akala mo…n-napatay mo na ako ro’n?” Humakbang siya ng ilang beses habang nanginginig sa panghihina ang mga tuhod. “Siguro nga napatulog mo ako ng ilang segundo. Pero huwag kang umasa na sa ganoong paraan na lang magtatapos ang labang ito…”
Umatungal na parang hayop si Rohaan. “Wala pang nakakaligtas sa finishing move kong iyon! Paanong…”
“Akala mo ba…h-hindi rin kita pinaghandaan?” Muli pa siyang humakbang palapit dito. “Kung nagawa mong paghandaan ang bilis ng mga kilos ko, pinaghandaan ko rin ang lahat ng finishing moves mo! Sinanay ko ang mga buto ko sa paraan na kayang lagpasan ang lahat ng atake mo. Sinigurado ko na kapag bumaluktot ito, magagawa ko pa itong maibalik sa dati. Kaya hindi mo ako mababalian ng buto, Rohaan! Hindi mo magagawa sa `kin ang ginagawa mo sa mga nakalaban mo!”
Nagdilim ang mukha ni Rohaan at nanggalaiti ang mga bisig sa buong katawan. “Masyadong mataas ang ambisyon mo na mapataob ako. Huwag ka nang umasa na aabutan mo pa ang umaga, Crisanto. Wala nang umagang darating sa `yo. Humanda ka na sa iyong katapusan! Isinusumpa kita hanggang sa dulo ng malalim na hukay!”
Sabay silang sumigaw at sumagupa sa isa’t isa. Muling nagpang-abot ang kanilang mga kamao na habang tumatagal ay pabilis nang pabilis. Sing bilis ng Rap God ni Eminem ang mga suntok na kumakawala sa dalawang kamao nila. Hindi na nila alintana ang pagtalsikan ng kanilang mga dugo.
Nagawang makasabay ni Crisanto sa mabibilis na atake ng lalaki. Pero hindi nagtagal, unti-unti na siyang na-overwhelmed sa mabibigat na mga suntok ni Rohaan. Naalala niya, mas malakas nga pala ang punching power nito. Dagdag pa ang mas malaki nitong timbang. At isa sa mga greatest weapon ng lalaki ay ang makabasg-bungo nitong kamao.
Habang nagpapalitan ng suntok ay nagawa siya nitong itulak gawa ng napakalakas na puwersang kumakawala rito. Napaatras siya nang napaatras hanggang sa mapasandal na lang sa isang pader.
Sa puntong iyon ay binitiwan na niya ang pagsuntok at prinotektahan na lamang ang sarili gamit ang dalawa niyang kamay. Noong una ay kinakaya pa niya. Pero habang tumatagal ay unti-unti na rin nitong nabasag ang kanyang depensa hanggang sa makadapo ang mga kamao nito sa kanyang mukha.
It was the moment where he knew, he f*cked up. Wala nang nagawa si Crisanto nang humagupit sa kanya ang mabibigat nitong kamao mula ulo hanggang sikmura. Ginawa siyang punching bag ng lalaki. Hindi siya nito tinigilan hangga’t hindi bumigay ang katawan niya.
Sa pagkaluhod niya sa lupa, mas marami pang dugo ang lumabas sa kanyang bibig. Sa huling suntok na pinakawalan ng lalaki, nauntog ang kanyang ulo sa pader at lumika iyon ng kaunting crack. Tuluyang bumigay sa lupa ang buong katawan niya at muling habol ang hininga.
Hinila ng lalaki ang mahaba niyang buhok at dinala siya sa gitnang bahagi ng parking lot. Muli siyang napasigaw nang masayad sa sementadong lupa ang malaking sugat sa kaliwa niyang tuhod. Muli pang nabakbak ang ilang piraso ng balat doon na halos magpanginig sa tinig niya.
Sa nagdidilim na paningin, naramdaman ni Crisanto ang muling pag-angat ng katawan niya. Dinala siya ni Rohaan sa isang sasakyan at muling binalibag doon. Nagtangka itong hawakan ang ulo niya para maihampas muli sa windshield. Pero nagawa pa niyang mapadapo ang kanang paa sa dibdib nito.
Nang mapaatras ang lalaki, muli siyang nakawala at pinunasan sa palad ang dugo sa kanyang mukha. Humalakhak naman uli ang lalaki. “Buhay ka pa pala. Akala ko napatay na kita!”
“S-sinasabi ko sa `yo, Rohaan. H-hindi ako…m-madaling kalaban!” utal-utal niyang sagot habang pilit hinuhugot ang natitirang lakas sa kanyang katawan.
Muli siyang tinawanan ng lalaki. “Nakikita mo ba ang sarili mo, Crisanto? Naliligo ka na sa sarili mong dugo! Kahit ano pa ang gawin mo, hindi ka na magtatagal! Hahayaan na lang kitang lumaban haggang sa magdilim ang—”
Plug!
Biglang umikot ang ulo nito sa spinning back heel kick na pinakawalan niya. Itinapak ni Crisanto ang mga paa sa harap ng sasakyan at nagsagawa ng three-point landing pose.
“Ang dami mong dakdak. Paano mo ako mapapatay n’yan kung inuuna mo ang bibig mo? Paano ka nakakasigurong hindi na `ko magtatagal? Sino kaya sa tingin mo ang hindi na magtatagal sa ating dalawa?”
Muling nagdilim ang mukha ni Rohaan. Umatungal ito nang napakalakas at nag-ala tigre sa paglundag sa kanya. Muli siyang pumaikot at inulit ang sipang ginawa niya kanina.
Napaikot niyang muli ang ulo nito hanggang sa masubsob ang mukha nito sa gilid ng sasakyan. Doon siya bumaba at hinarap ang lalaki. Sampung magkakasunod na suntok ang pinadapo niya sa mukha nito hanggang sa pumutok na rin ang mga labi nito. Saka niya binalibag nang paulit-ulit ang ulo nito sa harap ng sasakyan hanggang sa manghina ang lalaki.
“Masyado ka nang mayabang, Rohaan. Ang dapat sa `yo pinapalamon ng alikabok!” Umangat nang mas mataas ang kanyang hita at pinadapo sa leeg nito ang likod ng kanyang binti.
Hindi inaasahan ng lalaki ang impact niyon. Ito naman ang napadura ng dugo ngayon. Mabilis niyang ibinaba ang kanyang paa at buong lakas na binuhat ang katawan ng lalaki. Ipinatong niya ito sa magkabilang balikat niya saka dinala sa isang mas malaking sasakyan.
Bago pa ito makagawa ng aksyon, hinagis na niya ang katawan ng lalaki patungo sa windshield ng sasakyan. Agad itong nabasag at dumiretso ang katawan nito sa loob. Saka niya sinipa ang bintana sa kabilang pinto at hinila ang mga paa nito roon.
Sinubukan niyang hilahin palabas ang lalaki. Pero dahil sa laki ng katawan nito, sumabay sa paglabas nito ang pinto ng sasakyan! Kinaladkad niya ito sa lupa at sampung magkakasunod na tadyak ang ipinataw sa sikmura nito.
Si Rohaan naman ngayon ang nagdilim ang paningin. Tila umurong ang matabil nitong dila at hindi na makapagsalita. Pero hindi pa rin ito nagpadaig. Bago pa siya makagawa ng susunod na hakbang, mabilis na nitong inikot ang dalawang paa hanggang sa maitulak ang likod ng binti niya.
Sumabay rin siya sa pagbagsak dito. Nagawa agad ng lalaki na makatayo at hinawakan ang likod ng ulo niya. Saka ito nagsagawa ng headbutt kung saan inuntog nito ang sariling ulo sa kanya. Muli nitong binihag ang kanyang katawan at buong lakas siyang binuhat. Napabuga siyang muli ng dugo nang maramdaman ang muling pagbagsak ng likod sa lupa.
Bago pa tuluyang makabawi ang lalaki, pinalipad niya ang dalawang paa sa sikmura nito hanggang sa mapaatras muli ito. Nag-tumbling siya patayo at muli itong inundayan ng magkakasunod na suntok.
Sa kalagitnaan ng kanyang pag-atake, bigla niyang ibinuka ang kamao at nagsagawa naman ng karate chop dito. Sa loob lang ng dalawampung segundo, tatlong magkakaibang atake na ang pinakawalan niya rito. Una ay karate chop, pangalawa ay muay thai punches, at pangatlo ay palm strike na nagbigay ng magkakaibang sakit dito.
Sinubukang manlaban ng lalaki pero naitulak agad niya ang kamay nito gamit ang backhand chop technique at buong lakas na pinadapo ang tuhod sa sikmura nito. Saka niya ipinagpatuloy ang pinagsamang jab punch at cross punch sa dibdib nito na agad niyang sinabayan ng uppercut punch sa panga nito.
Habang pinapalamon niya ng mga suntok ang lalaki, muli niyang binago ang kanyang style at nagsagawa naman ng ilan sa mga taekwondo moves niya. Hindi maiwasang magulat ni Rohaan sa mabilis niyang pagpapalit ng mga galaw.
Isa ito sa mga special technique niya na kung tawagin ay switching style, kung saan binabalasa niya na parang baraha ang kanyang mga galawan sa muay thai, karate, boxing at taekwondo saka ibinabato sa pinaka-random na paraan upang mahirapan ang kalaban sa pag-predict kung ano ang susunod na gagawin niya.
Nabugbog nang husto ang ulo nito sa axe kick na kanyang pinakawalan kung saan iniangat niya nang mas mataas ang kanyang paa at parang palakol na ibinagsak sa ulo nito.
Pagkatapos ay pumaikot siya ng hakbang at sinabayan iyon ng pagtalon sabay bitiw ng bouncing kick sa dibdib nito. Halos mapatiran ng hininga ang lalaki sa lakas ng pagkakadapo ng kanyang paa.
Bago pa makagalaw ang lalaki, muli niya itong hinataw ng mabibigat niyang mga sipa na sinabayan ng mabibilis na karate chop sa magkakaibang bahagi ng katawan nito. Hindi niya ito tinigilan hangga’t hindi bumigay ang mga tuhod nito sa lupa.
Muli pa siyang nagpakawala ng sunod-sunod na karate chop dito hanggang sa tumama ang isa niyang daliri sa kaliwa nitong mata. Gulat na gulat siya nang makita ang pagbaon ng daliri niya roon! Pati ang lalaki ay nagulat nang maramdaman ang pagtulo ng dugo roon at ang tuluyang pagdilim ng kaliwang paningin.
Ito naman ang napasigaw ngayon sa magkahalong init at hapdi gawa ng pagkadurog ng mata. Muling nanginig ang lahat ng mga bisig nito sa katawan habang umaatras palayo sa kanya. Kasunod niyon ang nakaririnding atungal na lumabas sa bibig nito.
“Oras na para tapusin ang labang ito! Hindi ko na patatagalin ng isang minuto ang hininga mo! Pagbabayaran mo ang ginawa mong pagbulag sa akin, Crisantooo!”
Ilang saglit lang, muli silang sumugod sa isa’t isa habang nakataas ang kanilang kamao. Dito na nila ibinuhos ang natitira nilang lakas at puwersa. Sinigurado ng dalawa na sa muli nilang pagsalubong, hindi na makakabangon pa ang isa sa kanila.
Bago pa sila tuluyang magkalapit ay nagawa pa nilang makalundag sa ere at doon inilabas ang pinakamalakas na atakeng inihanda nila sa isa’t isa.
Mabilis na humagupit ang kaliwang kamao ni Rohaan sa kanyang mukha. Mabilis din niyang ibinaba ang kamao at ang kaliwa niyang paa ang pinadapo niya sa pagitan ng leeg at dibdib nito.
Pagkalampas nila sa isa’t isa, pareho silang bumagsak at bumulagta sa lupa. Lahat ng mga tao ay nagulat, nanigas, at nanginig sa kanilang kinauupuan. Maging ang announcer ay naghihintay kung sino pa ang makakabangon sa kanila.
Makalipas ang ilang sandali, biglang gumalaw si Crisanto at unti-unting ibinangon ang sarili kahit ilang beses itong natumba dahil sa labis na pamimilipit sa sakit. Si Rohaan naman ay nanatiling nakabulagta at tila wala pang balak gumalaw. Doon sinimulan ng announcer ang pagbibilang.
Pagkatapos ng ten seconds na bilang nito, wala pa ring tugon ang katawan ni Rohaan. Doon na ito nilapitan ng paramedics at sinuri ang kalagayan nito. Ayon sa kanila, tuluyan na raw nawalan ng ulirat si Rohaan at malabo nang magising sa mga sandaling iyon.
Doon pa lang sumigaw ang announcer at lumapit sa kanila. “Narinig n’yo naman ang sinabi ng ating paramedics mga kaibigan. Tuluyan na raw nahimatay si Rohaan. Since Rohaan Ahmad is no longer able to battle, we all know now who is the winner in this legendary match!”
Muling dumagundong ang buong parking lot sa napakalakas na sigawan. Paulit-ulit na isinigaw ng mga tao ang pangalan ni Crisanto habang itinataas ng announcer ang kanyang kamay. “Tapos na ang laban mga kaibigan! Tinapos na ni Crisanto ang laban! This battle has officially stopped at 25 minutes and 36 seconds!”
Hindi biro ang huling suntok na tinamo ni Crisanto. Pero mas matindi naman ang ginawa niyang sipa sa lalamunan ng lalaki. Isa ito sa mga secret finishing moves na matagal na niyang pinag-aaralan at ngayon lang niya nagawa sa totoong laban.
Ginamit niya ang buong puwersa ng paa para patamaan ang windpipe ni Rohaan na nasa pagitan ng ilalim ng leeg at ibabaw ng dibdib nito. Pansamantalang naputol ang supply ng hangin nito sa lalamunan na naging dahilan ng pagkawala ng ulirat nito.
Kahit gaano pa kalakas ang lalaki, oras na matamaan ang windpipe o trachea nito, hindi nito malalabanan ang pagbara ng hininga na magpapawala agad sa malay nito. Iyon ang bago niyang finishing move na kung tawagin ay Sleep Kick na unang beses niyang nagawa sa kanyang kalaban, at nagkataong kay Rohaan pa niya magagawa iyon.
“Ladies and gentlemen! Our Deathsport Grand Champion is… The Warrior of the Sky, Crisanto Rugon!”
Sa sobrang tuwa ay napasuntok si Maverick sa hangin at dali-daling tinakbo ang kanyang alaga. Buong pagmamalaki niya itong binuhat habang patuloy na nakataas ang kamay nito.
KUNG kailan naisakay na sa stretcher si Rohaan, doon pa lang nanumbalik ang ulirat niya. Labis pa rin ang kanyang panghihina. Nais man niyang bumalik sa laban ay hindi na kayang tumayo ng katawan niya.
Sa nanlalabong paningin ng isang mata niya, naaninag pa niya kung paano ipinatong sa katawan ni Crisanto ang championship belt habang isinisigaw ng announcer ang pangalan nito bilang Deathsport Grand Champion.
Kahit barakong-barako si Rohaan, hindi niya napigilang mapaiyak. Ngayon lang niya napatunayan na mas masakit ngang makita ang pagdiriwang ng kalaban habang siya ay nasa tabi-tabi lang at walang magawa. Parang mas pipiliin pa niyang mamatay na lang kaysa makita ang winning moments ng kalaban.
Habang hinihila palabas ang stretcher niya, unti-unting bumuka ang kanyang bibig at nagawa pang magsalita. “H-hindi pa tayo t-tapos…C-Cris…santo…” pagkasabi niyon ay muli na siyang nilamon ng dilim.
TO BE CONTINUED…

Book Comment (53)

  • avatar
    TattaoJomar

    great stories

    07/09/2023

      0
  • avatar
    IntiaLuvelyn

    ang pogi ko

    03/08

      0
  • avatar
    bayonaNolin

    owiwiwiwiwiwowowowowowiwowowiiwiwiwiwowowowoowowowowowowoowowowowowowowowowoowowowowowwoowwowowoowowowowowoowowowowowoowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowoiwowowowowowowowoow

    29/07

      1
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters