logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 3

Nagtatrabaho si Lenon bilang bellboy sa hotel kung saan dating manager ang kaniyang namayapang tito. Isa iyon sa pinakamalaki, pinakamagara, at pinakakilalang hotel sa kanilang buong siyudad.
Abala siya sa paglalagay ng luggage ng isang guest sa kaniyang bell cart nang may kumalabit sa kaniyang balikat. Agad siyang humarap sa taong iyon.
"Ikaw nga, Lenon!" masayang bulalas ng babae na ka-edad lamang ng binata.
Kumunot ang noo niya. Hindi niya namumukhaan ang dalaga.
"Ako 'to! Si Charie, iyong anak ni Lening na kapitbahay ng lolo't lola mo dati sa probinsiya. Magkalaro nga tayo dati eh. Ganoon ba talaga ako kadaling kalimutan? Kaya pala walang kahit isa sa mga ex ko ang nagparamdam sa akin matapos kong makipag-break sa kanila," malungkot niyang turan na nakapagpa-ngiwi kay Lenon. Alanganin siyang tumawa.
Nagliwanag ang mukha ni Lenon ng maalala ang isang bata na madalas niyang kasamang gumala dati sa probinsiya.
"Tingting tubod!" bulalas niya.
Agad na nanlisik ang mga mata ni Charie at sinuntok ang tiyan ni Lenon.
Napadaing siya at napayuko habang nakahawak sa parteng sinapak ng dalaga. Nag-angat siya ng tingin at tumawa.
"Ikaw nga. Walang duda." Umayos siya nang tayo. "Hindi ka na tingting tubod, nagkalaman ka na at pumuti. Ilang balde ng gluta ang nilaklak mo?"
"Ang galing mo pa ring mang-inis, Lenon, 'no?"
"Lenon!" tawag sa kaniya ni Rona, isa sa mga hotel receptionist at itinuro ang kaniyang wristwatch.
"Mamaya na lang?" medyo malungkot na wika ni Charie. "Bigay mo sa akin phone number mo."
Inabot ni Charie ang phone niya kay Lenon.
"Ito oh," wika ni Lenon matapos niyang i-type ang phone number niya.
"Tawagan na lang kita mamaya."
"Guest ka dito?"
"How I wish! May raket ako dito. Sige na. Nakakaabala na ako sa trabaho mo. Kitakits." Sumaludo siya at tumakbo palayo. Napa-iling na lamang si Lenon.
...
"So, kamusta ka na?" Agad na tanong ni Charie nang siya maka-upo. Inilagay niya sa katabing upuan ang kaniyang sling bag at sinuklay pataas ang kaniyang buhok. Ngumiti siya nang matamis.
Napagpasiyahan nilang dalawa na magkita sa cafe na nasa harap lang din ng hotel.
"Ito, ayos naman. Ikaw? Mukhang asensado ka na."
"Che!" Inabot niya ang isa sa dalawang plastic cup na may lamang iced coffee. "Para sa akin ba 'to?"
Tumango si Lenon.
"Salamat," agad siyang humigop. "Lunch?"
"Kailangan kong bumalik agad."
"Dahil sa engagement party?"
"Uhm. Paano mo alam?"
"Assistant ako ng make up artist ng soon-to-be bride."
"Natupad mo na pala ang pangarap mo?"
"Parang ganoon na nga."
"Naalala ko dati, mukha namin iyong madalas mong pagdiskatahan, tapos putik pa iyong ginagamit mong pang-make up sa amin."
Humagalpak ng tawa si Charie.
"Naalala ko nga iyon. Ikaw?"
"Ako. Nag-aaral pa din ako ngayon."
"Course?"
"BS Architecture."
Nag-thumbs up si Charie.
"Graduating ka na?"
"Sa sunod na taon."
Napatango-tango ang dalaga.
"Kaya pala wala ka noong burol ng lolo't lola mo?"
Nabitawan ni Lenon ang kape niya dala ng labis na gulat.
"P-patay na sina lolo't lola?" utal na sabi ni Lenon. "Imposible!"
"Teka, hindi mo alam? Tinawagan kaya kita. Hindi sinabi ng babae sa'yo?" gulat na wika ni Charie. "Halos dalawang taon na din silang wala."
Sa bawat katagang sinasambit ni Charie ay gumuguho ang mundo ni Lenon. Sunod-sunod na nagsibagsakan ang kaniyang mga luha ng hindi niya namamalayan.
"Unang namatay ang lolo mo dahil sa komplikasyon sa bato. Tatlong buwan lang matapos siyang ilibing, sunod namang pumanaw ang lola mo."
Naiintindihan ni Lenon ang mga sinasabi ni Charie subalit, hindi maalis sa isip niya ang mga katagang 'dalawang taon.' Ganoon katagal nang wala ang pinaka-importanteng tao sa buhay niya ngunit wala man lang siyang kaide-ideya. Anong klaseng apo siya?
"Hindi! Nagsisinungaling ka lang. Imposible iyon. Apo nila ako. Dapat alam ko! Dapat alam ko!"
"Tinawagan kita. Totoo. Inutusan ako ni mama. Ginamit ko iyong phone number mo na naka-save sa cellphone ng lola mo. May sumagot, babae. Sabi niya, siya na lang daw ang magsasabi sa'yo. Nagtiwala naman ako. Hinintay ka namin, pero noong hindi ka dumating hanggang sa ikawalong araw ng burol, tinawagan kita ulit pero hindi ka na makontak."
Isang tao lang ang pumasok sa isip niya na kayang gawin ang ganoong klase ng bagay sa kaniya. Ang kaniyang tita Samantha.
Agad siyang tumayo at nag-marcha palabas ng cafe.
"Lenon!"
"Lenon!"
Hindi niya pinansin ang mga pagtawag ni Charie sa kaniyang pangalan. Ang tanging mahalaga lamang sa kaniya ay marinig ang mga kasagutan na kailangan niya.
...
Buong lakas na itinulak ni Lenon ang pinto, tumama ito sa pader dahilan para lumikha ng malakas na ingay na ikinagulat ni Samantha. Kumalat ang nail polish sa balat ng hinlalaki niya sa paa.
"Hoy!" Buong lakas niyang sigaw at tumayo mula sa pagkaka-upo niya sa sofa. Buong lakas niyang binatukan si Lenon.
"P*ta ka! Ano bang problema mong walanghiya ka? Balak mo ba akong patayin sa gulat? Ba't hindi ka na lang kumuha ng kutsilyo at gilitan ang leeg ko! Peste! Ano? Nagmamalaki ka na? Lumulobo na iyang ulo mo dahil ikaw ang nagpapalamon sa akin? Ha?" galit na galit niyang wika habang paulit-ulit na dinuduro si Lenon. "Letse! Anong ginagawa mo dito? Oras ng trabaho nandito ka!" Bumalik siya sa sofa at muling kinalikot ang kaniyang paa.
Pumasok ng bahay si Lenon at tinitigan lang ang kaniyang tita habang lumuluha. Ilang sandali pa'y hindi na natagalan ni Samantha ang tingin ni Lenon. Umayos siya ng upo at inabot ang bote ng acetone na nasa mesa at buong lakas itong binato kay Lenon. Tumama ito sa balikat ng binata.
"Ano bang problema mong hayop ka? Ba't ka ba nakatingin sa akin ng ganiyan? Anong problema mo? Problema mo?" sigaw niya. "Nambwibwisit ka lang 'ata eh?"
"Bakit itinago niyo sa akin ang pagkamatay ng lolo't lola ko?" ganting sigaw ni Lenon. Ibinuhos niya doon ang lahat ng galit at lungkot na kaniyang nararamdaman na naipon sa loob ng maraming taon.
Nabigla si Samantha. Damang-dama niya ang paghihinagpis ng binata. Sa loob ng ilang segundo, nakaramdam siya ng awa at konsensiya. Pero, agad niya iyong binura.
Inabot niya ang bote ng kulay dilaw na nail polish na nasa mesa at binato ito kay Lenon. Tumama ito sa kilay ng binata.
"Sino ka para pagtaasan ako ng boses?"
Tumulo ang pulang-pulang dugo mula dito.
Malinaw kay Samantha na hindi ang pagsigaw ni Lenon sa kaniya ang rason ng kaniyang galit. Nagpupuyos siya dahil muli niyang naramdaman ang mga emosyong hirap niyang inalis sa sistema niya ng ilang taon.
Tumayo siya at naglakad palapit kay Lenon.
"Ano bang ipinuputok ng butsi mo, ha? Bakit? Kung sinabi ko ba sa'yo, may magagawa ka para dugtungan ang buhay ng dalawang matandang iyon? Kapag nagpunta ka ba doon hihinga ulit sila, babangon at sasalubungin ka nang isang mainit na yakap? Hindi 'di ba? Bakit ka nagagalit?"
Mariing ikinuyom ni Lenon ang kaniyang kamao.
"Wala talaga kayong puso 'no, o sadyang bobo lang kayo?"
"Ano?"
"Ipinagkait niyo sa akin ang pagkakataon na makapag-paalam sa kanila sa huling pagkakataon. Iyon ang ipinuputok ng butsi ko!"
Umalingawngaw sa buong buhay ang tunog ng pagtatagpo ng palad ni Samantha at pisngi ni Lenon. Hindi makapaniwalang napasinghap si Samantha.
"Hoy, Lenon. Imbes na magalit ka sa akin dapat nga magpasalamat ka pa eh," mariing wika niyang habang nakapameywang at itinuturo ang mukha ng binata. "Alam mo, iyong perang inaabot mo sa akin para ipadala sa dalawang matandang iyon. Inipon ko. Oo inipon ko," tumatawa niyang wika. "No'ng nalaman kong namatay 'yong lolo mo, doon ko lang ipinadala ang pera. Ako kasi ginagamit ko iyong utak ko. Nag-iisip ako. Anong silbi ng kakarampot na perang buwan-buwan mong ipinapadala? Wala. Mauubos lang din agad. Minsan kasi gamitin mo 'tong kokote mo! Ha!"
"A-anong ibig niyong sabihin?" utal niyang wika.
Humalhak si Samantha.
"'Ta mo! Ang lakas ng loob mong sabihan ako ng bobo, eh mas bobo ka naman! 'Ni hindi mo nga maintindihan ang sinabi ko! Partida Tagalog na 'yon!"
Inulit niya ang sinabi niya kanina nang marahan, iniinsulto ang binata.
Hindi nga nagkamali si Lenon sa pagkaka-intindi sa tinuran ng tita niya. Itinaas niya ang kaniyang kamao at balak sanang suntukin si Samantha, sa kabutihang palad nagawa niyang pigilan ang kaniyang sarili.
Hirap na hirap siyang huminga ng malalim dahil sa pag-iyak.
"Buong buhay nila, araw-araw problema ang pera. Kung saan sila huhugot may maipambili lang ng pan'laman tiyan. Kung ano ang maaring maibenta sa pananim nila, may maipambayad lang sa naniningil ng utang. Iyong kakarampot na perang iyon. Iyong kakarampot na perang iyon! Katumbas no'n ilang araw na kapayapaan ng isip nila. Katumbas no'n ay mga ngiti at tawang walang pag-aatubili, walang ikinukubling pag-aalala! Hindi niyo alam kung ga'no ako ka-proud sa sarili ko sa tuwing sumasagi sa isip ko na isa sa mga rason kung bakit sila ngumingiti at tumatawa na hindi prinoproblema ang pera, na natutupad ko ang pangakong binitawan ko sa kanila bago ko iwan ang puder nila! Tapos, malalaman kong 'ni piso hindi man lang nakarating sa kanila? Bakit ang sama-sama niyo? Hiyang-hiya si satanas sa inyo! Ano bang naging kasalanan ko sa inyo para gawin niyo sa akin 'to!"
Buong lakas na sumigaw si Lenon. Durog na durog ang puso niya. Hindi niya maipaliwanag ang sakit na kaniyang nadarama. Pakiramdam niya, mawawala siya sa katinuan. Kailangan niyang ilabas ang galit niya dahil kung hindi, alam niyang mapapatay niya ang tita niya.
Sinipa niya ang coffee table, iwinasiwas ang sofa, ang lahat ng madaanan ng kaniyang mga mata'y hindi makaliligtas sa kaniyang galit. Pinanood lamang siya ni Samantha habang ginagawa iyon.
Hapong umupo sa sulok si Lenon. Tagaktak ang pawis na humalo na sa kaniyang mga luha. Patuloy pa rin ang kaniyang paghikbi at nag-aalab pa rin ang kaniyang galit.
Tumayo sa harapan niya si Samantha. Masama niya siyang tinitigan. Itinuro nito ang pinto. Agad niyang naintindihan ang ibig sabihin no'n.
"Alis. Lumayas ka! Layas!"
Agad na tumayo si Lenon at padabog na naglakad patungo sa pinto. Buong lakas niyang sinipa ang picture frame na may larawan ni Samantha.
"Huwag ka ng babalik dito kahit kailang hayop ka!"
Isinara niya nang malakas ang pinto.
"Hoy!"
...
Humahangos na itinulak ni Ashley ang kalawanging pinto ng rooftop. Tumambad sa kaniya ang imahe ng binata na nakatayo sa batong railings habang nakabukas ang mga braso.
"Lenon!" nahintatakutan niyang tawag sa kaibigan.
Nakangiting humarap sa kaniya si Lenon. Pagkatapos no'n, hinayaan niya ang sariling mahulog.
...
To be continued...
Memory Box:
"Lola Mila, naman! Ilang ulit pa ba ako magpapabalik-balik dito bago niyo bayarin ang utang niyo sa akin. Ang siste tuloy ako pa ang masama! Walong taon na ho ang utang niyo! Walong taon! Napaka-imposible namang hindi kayo maka-ipon para ipambayad sa akin? Kung ganito nang ganito, mamatay na lang kayong mag-asawa ang utang niyo buhay pa rin."
Mas lalo pang napayuko ang matandang si Mila dahil sa kahihiyan. Wala siyang maipalusot. Wala siyang mai-rason, sapagkat malinaw sa kaniyang ito ay kamalian niya. May karapatan siyang magalit.
"Huwag ka namang magsalita ng ganiyan Juaning, parang hindi mo alam ang sitwasyon ni Mila ah," wika ni Lening mula sa kaniyang bakuran na hinihiwalay ng bakod na gawa sa kawayan.
"Kasalanan ko bang kriminal ang anak nila? Mamatay tao, kaya nakulong? Ako na nga iyong nagmagandang-loob na pautangin sila para pandagdag sa pambayad nila sa magaling na abogado kuno, ako pa ang masama? Hindi marunong umintindi. Mabuti sana kung limanglibo o sampung libo lang eh, kakalimutan ko na lang, ibibigay ko na lang, tulong ko na lang, pero limampung-libo iyon eh. Limampung-libo! Hindi ko sila siningil sa loob ng maraming taon kasi mas pinili kong intindihin ang sitwasyon nila. Ngayon kailangang-kailangan ko ng pera, nasa hospital ang asawa ko kailangan niyang ma-operahan sa lalong madaling panahon. Hindi ko alam kung saan ako huhugot ng pera, iyong limampung-libo na iyon malaking tulong na iyon. Kung hindi ko naman kailangan, hindi ko kayo gigipitin eh."
"Patawarin mo ako, Juaning. Subalit, walang-wala ako. Kahit anong piga mo sa akin, barya lang ang makukuha mo sa akin."
Hindi makapaniwalang suminghal si Juaning.
"Kailan ba kayo nagkaro'n, Aling Mila. Kahit noong malaya pa ang anak niyo, lugmok na lugmok kayo."
Lumuluhang tumalikod si Juaning at lumisan. Naiyak na lamang si Mila. Lahat ng iyon, narinig ni Lenon.
Pagsapit ng gabi, tanging lampara lamang ang nagbibigay liwanag sa kanilang sira-sirang tirahan. Muli, natutulog si Lenon na tanging lugaw lamang ang ipinanlaman' tiyan.
Naka-upo sa gilid ng higaan nilang gawa sa kawayan ang dalawang matanda. Tumatangis si Mila habang naka-unan sa bisig ng kaniyang asawang paralisado ang kalahati ng katawan. Naka-akbay ang lalaki sa kaniya at hinahagod ang balikat ng asawa.
"Wala na tayong bigas. Wala na din akong mahukay na kamoteng kahoy sa mga tanim natin. Wala na ding nais na magpa-utang pa sa atin. Bakit napaka-lupit ng tadhana sa atin? Kailan kaya natin mararanasan ang gumising na hindi inaalala tungkol sa pera? Hindi ko akalain na sobrang hirap palang makamtan ang simple at masayang buhay na pinangarap natin."
Narinig lahat iyon ni Lenon. Sa murang edad na walang taon, ipinangako niya sa sarili na gagawin niya ang lahat, dumating lamang ang araw na gigising si Mila na hindi inaalala ang pera.
Nang araw na ibinigay siya ng dalawang matanda kay Tito Arnold niya, tutol man, naisip niyang kahit papaano mababawasan ang isipin ng dalawang matanda sa pagkawala niya sa puder nila. Ipinangako niya sa mga ito na sisiguraduhin niyang darating araw na hindi na nila poproblemahin ang pera.

Book Comment (1)

  • avatar
    Johara Eve Villaverde

    nice

    21/01

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters