logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 6

Bakit ganito? Ito ang unang pagkakataong hindi ko nakita ang reflection ko sa mga mata ng kaharap ko. Nakakatakot pala...
Wala ako sa sariling napaatras dahilan para mabitawan niya na ako. "A-ano ka ba talaga?" mahinang sambit ko at hindi ko rin magawang kumurap habang nakatingin sa kanya. Totoo ba talaga siya? O baka nag-iimagine lang ako?
"Ulan," tawag sa akin ng boses lalaking nasa likuran ko kaya mabilis akong napaharap sa kanya. Kasalukuyan siyang naglalakad palapit sa akin habang nakakunot ang noo. Tanggal din ang una at ikalawang botones ng polo niya. "Sinong kausap mo?" tanong niya sabay lingap ng tingin sa paligid at sa labas ng bodega. Napalingon ako sa taong tubig na unti-unti na namang nalulusaw habang nakatingin sa akin.
Gusto ko siyang awatin. Gusto kong itanong kung ano siya. O kung nababaliw na ako kaso hindi ko magawa dahil nasa harapan ko na si Sir Alon. Nakapamulsa siya habang walang ganang nakatingin sa akin, naghihintay ng sagot.
"Nakikita ka sa CCTV," aniya kaya nanlaki ang mga mata ko. "You're talking with someone we can't see?"
Napalunok ako at saka mabilis na nag-isip ng palusot. Hindi na rin mapakali ang mga mata ko. Kung saan-saan na ako napapatingin nang maalala kong may hawak ako kaninang cellphone. "Nasa cellphone po iyong kausap ko," sagot ko at sana, kumagat siya kasi hindi ko talaga alam ang sasabihin ko.
Tiningnan niya lang ako na parang sinusuri kung nagsasabi ba ako ng totoo.
"And what happened to your hands?" kunot-noong tanong niya sabay turo sa mga palapulsuhan ko. "And to your feet?" turo niya naman sa paanan ko. Lahat iyon, tiningnan ko at halos lumuwa ang mga mata ko nang makitang ang dami kong sugat. Hala! Marka ito ng baging na ipinangtali sa akin.
Jusko!
"N-na-na---" hindi ko alam ang isasagot ko sabay tingin kay Sir Alon na takang-taka na talaga sa akin. "Baka kung saan lang po tumama," mahinang sabi ko pero ang totoo niyan, sobrang kinakabahan na ako.
"Seriously?" walang ganang tanong niya na tinanguan ko sabay hawak sa mga palapulsuhan ko. Medyo mahapdi! Huhugasan ko ito kapag nakaalis na si Sir Alon sa harapan ko.
Ilang sandali niya pa akong tiningnan, pagka'y bumuntong-hininga siya at umiwas ng tingin sabay iling nang mabagal at iniwan na akong mag-isa rito. Napapakamot pa siya sa batok niya. Ako naman ang nakahinga ngayon nang maluwag. Pero... nakahinga ba talaga nang maluwag?
Minamaligno ako.
BUONG maghapon, sinubukan kong magfocus sa trabaho ko. Nakapaghugas naman na ako ng mga sugat kaso hindi ko pa nalalagyan ng gasa o band aid man lang kasi ayokong lumabas pa. Natatakot na ako sa taong ulan na iyon. Baka kung saan na naman kami pumunta. Baka mga kakaibang nilalang na naman ang makita ko.
Nasa loob na ako ng opisina kasi kailangan ko pang mag-input ng details dito sa system ng company. Sinubukan ko namang magfocus kaso mahilig talagang mag-table hoping itong mga kasama ko rito.
"Stress na yata si Sir Alon dahil sa dami ng trabaho," rinig kong sabi ng nasa bandang likuran ko lang. Oh? Talagang dito nila naisip mag-usap?
"Kasi naman, ang bata niya pa para sa ganung posisyon," sabi ng isa tapos narinig ko siyang may hinigop kaya kumunot ang noo ko at umiling sabay balik sa pagtatrabaho. Medyo komportable ako ngayon dahil nakatsinelas pa rin ako. Hindi na rin basa ang paanan ko.
"Magaling naman si Sir. Lahat naman, nagagampanan niya nang maayos," sagot ng isa kaya bahagya akong tumango. Base sa dating ini-encode ko at dito, pansin kong tumataas ang sales. Natatambakan na nga ng trabaho ang iba. Tuloy rin sa paghire ng tauhan dito.
"Sabagay... baka kailangan niya lang ng assistant."
"Secretary ang kailangan niya," sagot niya pa. Tumango ako habang panay input pa rin hanggang sa napatigil ako dahil may tumawag sa akin.
"Ulan." Nilingon ko siya. Hindi ko siya kilala pero mas mataas ang posisyon niya sa dalawang nag-uusap sa bandang likuran ko kaya tumahimik iyong dalawa at nagsibalikan na sa table nila. "Come here. I just have to tell you something," aniya kaya inayos ko muna ang table ko para hindi kumalat ang mga papel at saka siya nilapitan.
"Bakit po, Ma'am?" I asked.
"Pinatatawag ka ni Sir Alon sa office niya. May pinaayos daw siyang papeles sa 'yo pero hindi niya mahanap iyong hinahanap niya," sabi niya sa akin habang naglalakad kami palabas ng department na ito.
Nakaramdam na naman ako ng kaba. Magkikita na naman kami. Maliban sa kaba, nakakaramdam din ako ng sakit kasi palaging sumasagi sa isip ko na wala na talaga akong pag-asa sa taong gusto ko. Pagmamay-ari na siya ng iba. Boss ko pa! Anong laban ko sa kanya?
Panay ang hinga ko nang malalim habang naglalakad papunta sa office niya. Walang katao-tao sa hallway. Masyadong secluded. Heto na, kakatok na ako. Inangat ko na ang kamay ko para kumatok kaso biglang bumukas ang pinto. Gulat akong napatingin sa kanya at kahit siya, nabigla sa akin.
"Why it took you so long?" seryosong tanong niya tapos mabilis siyang naglakad papunta sa table niya. Sumunod naman ako sa kanya hanggang sa tapat ng table niya. Nandun iyong box ng mga papel na inayos ko. "Did you throw some papers from here?" he asked.
Umiling ako. "Inayos ko lang po lahat. Wala akong inalis o dinagdag," sagot ko na tinanguan niya tapos pinahanap niya na sa akin iyong nag-iisang record na hindi niya mahanap. Kaya pala parang stress siya, kanina pa.
Inabot ko na sa kanya iyong papel. Akala ko, mali ako. Galing pa ang papel na 'to sa mother company nila. May pirma rin ng Tatay niya. Hindi ko pa nakikita ang Ama niya.
"Ginamot mo na ba iyan?" tanong niya habang nakatingin sa palapulsuhan ko at pareho pa kaming nakahawak sa papel.
Agad kong binitawan ang papel at ilalayo ko sana sa paningin niya ang palapulsuhan ko nang bigla niya itong hinawakan at hinila palapit sa kanya dahilan para mabangga ako sa table na nasa pagitan namin. Agad ko namang naitugod ang kaliwang kamay ko sa lamesa para hindi ako mapadapa.
"It looks like you were tied up," mahinang wika niya sabay tingin sa mga mata ko. "What happened, Ulan? May ginagawa ba sila sa 'yo?" May galit sa mga mata niya.
Napaawang ang bibig ko dahil sa narinig ko. "S-sinong sila?"
Humigpit ang hawak niya sa palapulsuhan ko kaya napangiwi ako. Masakit. "Sila... mga katrabaho mo sa baba?"
Napalunok ako at hindi ako makapagsalita. Hindi ko maintindihan ang gusto niyang sabihin. "W-wala---"
"Tinatakot ka ba nila? Tell me kung binabastos ka dun," seryoso at may halong galit na tugon niya kaya natahimik ako. So iniisip niyang napagsasamantalahan ako roon?
Napalunok na naman ako at mabagal na umiling. "M-mababait naman po sila," mahinang wika ko. Mas humigpit na naman ang hawak niya, tila may pagbabanta kaya tumango na lang ako. "Sasabihin ko kung may mali sa mga nangyayari sa loob ng trabaho," mabilis kong wika. Nakipagtalo pa siya ng titigan sa akin. Namumutla na yata ako dahil sa mga titig niya pero nakakampante ako kasi nakikita ko sa mga mata niya ang reflection ko.
"Do that," mahinang wika niya sabay bitaw sa palapulsuhan ko kaya mabilis akong tumayo nang tuwid. Kanina kasi, halos nakatuwad na ako. Bakit kailangan ko pang magreport? Nakikita niya naman ako sa CCTV nila. At bakit niya ako pinapanood doon? Wala naman dito ang security area, ah!
"Sir Alon," tawag ko pero tiningnan niya lang ako. Mukhang may iniisip pa siya. Ang gulo na nga ng buhok niya. "May kailangan pa po kayo sa akin?"
"Wala na," sagot niya kaya bahagya akong tumango. Alam kong dapat na akong umalis kaso hindi ko magawa. Parang may kailangan pa akong gawin kahit wala naman na. Nagawa ko na ang pinagagawa niya, e. "Why are you still here?" tanong niya at ngayon ay balik na ang mga mata niya sa PC na kaharap niya.
"Sir," sambit ko pero hindi siya kumibo. "Galit po ba kayo sa akin?" tanong ko kaya natigilan siya sa ginagawa niya. Hindi niya inalis ang tingin niya sa screen ng PC. "Gusto ko lang pong mag-sorry dahil sa mga nalaman ko tungkol sa inyo ni Alab. Hindi naman po nagbago ang tingin ko sa inyo--kung iyon po ang inaalala niyo." Hindi pa rin siya kumibo kaya huminga ako nang malalim at napayuko. "Goodbye, Sir," paalam ko at saka ako naglakad papunta sa pintuan.
"So what do you want me to say? Thank you?" tanong niya kaya natigilan ako sa paglalakad at muling napalingon sa kanya. Nakangisi siya sabay tingin sa akin. "Just don't overthink, Ulan. I'm just tired that's why I'm acting like this," aniya kaya bahagya akong tumango. Iyon ang sabi niya, iyon na lang ang paniniwalaan ko kahit pansin kong ako lang 'tong nasusungitan.
Lalabas na sana ako sa pintuan nang tumigil ako at muling lumingon sa kanya. "Sir Alon, mas maganda po siguro kung maghahire kayo ng secretary niyo para may tutulong sa inyo sa ibang bagay," sabi ko bago tuluyang lumabas at sinara ang pinto. Nahagip pa ng tingin ko ang pag-angat niya ng tingin sa akin bago ko maisara ang pinto.
Hay... huwag niya naman sana akong pag-initan. First job ko 'to. Gusto kong maging maganda ang record ko rito.
ALAS-CINCO na ako lumabas ng building namin. Napatingala ako sa kalangitan. Nagkukulay orange na ito at mas natuwa ako kasi hindi uulan. Hindi ko siya makikita. Nagpatuloy na ako sa paglalakad pero sa halip na sumakay na pauwi, naisipan kong maglakad-lakad sa gilid ng kalsada.
Gusto ko munang pakalmahin ang sarili ko dahil sa stress na nakuha ko ngayong araw. Galit lang naman sa akin ang boss ko at nakakita lang naman ako ng dalawang tikbalang na kinakasal. Muntik pa akong mapatay.
Hindi ko 'to kinakaya...
Napadaan ako sa isang coffee shop kaya pumasok ako rito at umorder ng hot chocolate lang. Isang slice lang din ng strawberry cake. Naghanap ako ng magandang p'westo kung saan may makikita pa akong tao so I settle to this table na katabi lang ng bintana.
"Hi," bati sa akin ng isang lalaki kaya napaangat ang tingin ko sa kanya. Natulala pa ako. "Kamusta?" tanong niya na hindi ko nasagot agad. "May I use this sit?" turo niya sa upuang katapat ko. Wala ako sa sariling tumango kasi nakatulala lang ako sa mukha ni Alab. Bakit niya ako nilapitan dito? Close na ba kami? "So how are you?"
Mabilis kong itinago sa ilalim ng mesa ang mga kamay ko para hindi niya makita ang mga marka sa palapulsuhan ko. "Ayos lang," tipid kong sagot.
Napangiti siya. "Nakita kitang pumasok dito. Parang ang layo ng iniisip mo," aniya. Doon ko lang napansin ang mga librong dala niya na nakapatong na sa table ko. Ang kapal at ang dami.
"Nag-aaral ka ulit?" tanong ko.
Tumango siya. "Ka-stress din," natatawang wika niya. "Nag-medicine ako kasi gusto kong maging doktor kaso parang gusto ko na lang maging pasyente."
Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. "May sakit ka ba?"
Natawa siya at umiling. "You're really such a breath of fresh air. Thank you for making me laugh, Ulan," aniya na lalong kinakunot ng noo ko. Hindi naman ako nagpatawa--bakit siya natawa?
Hindi nagtagal ang pag-uusap namin kasi kailangan niya na ring pumasok sa paaralan. Somehow, nakakamiss din palang maging estudyante at pumasok sa paaralan. Hindi ko akalaing masasabi ko 'to.
Nang maubos ko ang strawberry cake ay lumabas na rin ako. Naging makulimlim na naman ang kalangitan. Nang sumakay ako sa bus, nagsimula nang umulan. Napakacalming ng ulan para sa akin dati. Pero ngayon... takot na ang dala nito sa akin.
Saglit na tumigil ang bus na sinasakyan ko dahil may mga sasakay pa. Napatitig ako sa isang parke na malapit sa simbahan. Ang simbahang ito, halatang luma na dahil may mga lumot na ang pader. Parang panahon pa ito ng Kastila itinayo.
Nakatingin lang naman ako sa parkeng inuulan kaya walang masyadong tao pero hindi ko alam kung paanong nakakita ako ng ilang malalabong imaheng naglalakad at nag-uusap-usap. Mga nakabistidang malalaki na parang ball gown. May ilang kalalakihan din na may tungkod. Kinusot-kusot ko ang mga mata ko kasi baka nanlalabo lang. Nakahinga ako nang maluwag nang wala na iyong mga malalabong imahe.
Ikalawang beses na itong nangyayari sa akin. Unang nakita ko ay iyong nasa tubig ulang naipon sa lupa.
Nang muling tumakbo ang bus, napatingin ako sa gilid ng kalsada kasi ramdam kong may nakatingin sa akin. Natulala ako nang makita ko ang sarili kong naka-camisa at mahabang saya. Nakatingin din siya sa akin.
Itutuloy...

Book Comment (214)

  • avatar
    Salmah Bantuas Batara

    πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†

    6d

    Β Β 0
  • avatar
    Gladish Rabanillo

    Bahay

    13d

    Β Β 0
  • avatar
    Sharlene Salvador

    hi po

    13d

    Β Β 0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters