logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 4

May mga bagay sa paligid ko na hindi ko naman talaga kayang ipaliwanag at hinahayaan ko na lang ang mga ito kasi ayokong mag-isip sa isang bagay na magpapa-stress lang sa akin. Pero itong nakita ko sa newspaper? 1995? Wala pa ako nun. Hindi rin ngayon 1995.
Paanong nakausap ko sila at tinulungan pa nila ako? Multo ba sila?
"Ulan," rinig kong tawag sa akin ni Sir Alon at nakatayo na pala siya sa likuran ko, hawak ang cellphone niya. Bahagyang nakakunot ang noo niya. "What's happening?"
Nakaawang ang bibig kong tiningnan ang newspaper na nasa sahig na. Luma na iyon at malambot na rin ang papel. Mukhang malapit nang masira. Natural, 1995 pa iyon. Mas matanda pa sa akin. "K-kasi..." hindi ko alam ang sasabihin ko. Nawiwindang pa rin ako sa mga nangyayari sa akin. Nasisiraan na ba ako ng bait? "May ipis po," sagot ko na lang tapos nilapitan niya iyong newspaper at pinulot. Hinanap niya rin ang ipis pero wala siyang nakita.
"Do this properly, Ulan," tugon niya na parang napikon ko agad siya sabay abot sa akin ng newspaper tapos umalis na siya. Lumabas siya sa opisina kaya naiwan akong mag-isa rito. Malakas akong bumuntong-hininga at muling tiningnan ang newspaper. Mukhang galit na siya sa akin dahil sa nalaman kong relasyon nila ng crush ko.
Pero sila ang least priority ko ngayon. Kung ano man ang nangyayari sa akin ngayon, ang kakaibang nilalang lang na iyon ang makasasagot sa akin. Kailangan ko ulit siyang makausap. Tatanungin ko na rin siya kung ano ang kailangan niya para lubayan niya na ako.
Kaso buong maghapon, hindi na umulan. Naghihintay ako na magpakita siya sa akin kahit hindi umuulan kaso wala. Kinaumagahan, maaraw na. Naging normal naman na ang buhay ko.
"Ulan," tawag sa akin ng isa kong katrabaho na nakasabay ko sa elevator. Umaasa akong magiging normal ang lahat pero may takot pa rin sa akin. What if multo na lang itong nakakausap ko? May nagmumulto kaya sa building namin? "Kamusta sa bago mong trabaho?" nakangiting tanong niya.
"Ayos naman po," tipid kong sagot. Hindi naman kasi talaga ayos. Nakakapagod pero lahat naman yata ng trabaho, nakakapagod.
"Kayo ni Sir Alon..." napalunok ako sa sinabi niya. Tiyak na iba na naman ang nasasagap nilang tsismis tungkol sa amin. "Close na kayo, ano? 'Di ba, siya rin ang nag-interview sa 'yo?" Tumango lang ako habang nakayuko. May iba kasi ritong nakakarinig. Malay ko ba kung ako pa ang maging topic nila mamaya? Pero kahit papaano, kumalma ako kasi ibig sabihin, hindi multo ang kausap ko. "Dati na ba kayong magkakilala?"
Umiling ako at gusto ko sanang sabihin na may kakilala kasi akong kilala ni Sir Alon kaso para saan pa? Para dagdagan ang topic nila? Madadamay pa rito si Alab. Huwag na lang.
Ginawa ko nang maayos ang trabaho ko kahit hindi pa rin ako komportable sa mga bago kong nakakasalamuha lalo pa't karamihan sa kanila ay lalaki na hindi ko masabayan ang humor. Hindi naman sila bastos. Kakaiba lang talaga ng sense of humor nila.
O baka wala lang talaga akong sense at humor.
"Mamaya na po iyan. Baka mabasa kasi umuulan," sabi ko sa katrabaho ko kaya tumigil muna sila sa paglabas nung mga box. Niyakap ko ang hawak kong mga resibo at napatingala sa kalangitan.
"Baka Ma'am may kinakasal na tikbalang," sabi sa akin ng isang kargador na pawisan na. Tiningnan ko lang siya tapos tumawa naman siya. "Si Ma'am talaga, hindi mabiro," napapailing na dugtong niya at saka umalis sa harapan ko. Ano naman kasi ang kinalaman ng ulan sa tikbalang?
"Bakit kaya may araw kahit umuulan?" tanong sa akin ng nagtitrain sa akin dito. Hindi ako sumagot kahit may maisasagot naman ako kasi baka mamaya, nagjojoke lang din siya tapos hindi ko na naman masabayan. "Maiwan na muna kita," aniya sabay tapik sa balikat ko kaya tumango lang ako at umalis na siya.
Muli akong napatingala sa kalangitan habang nakatayo ako rito sa malaking pintuan ng bodega. Medyo nababasa ang paa ko pero ayos lang kasi nagpaalam ako kay Ma'am kung p'wedeng magtsinelas ako rito. Sumasakit kasi ang paa ko. Pumayag naman siya basta raw hindi ito p'wede kapag nandito ang mga big boss.
"Ulan," sambit ng boses lalaki kaya agad na hinagilap ng tingin ko ang boses na iyon. Naistatwa ako sa kinatatayuan ko nang siya na naman ang nakita ko. Nasa labas siya ng bodega at napapabasa na naman. "Pagod ka na. Hindi ka dapat nagpapaambon dito," paalala niya na kinakunot ng noo ko sabay awang ng bibig ko. Concern ba siya aa akin?
"T-teka," sambit ko nang medyo makabawi ako. Umayos ako ng tayo sabay lunok ng laway. "Bakit ka nandito?" bulong ko sabay gala ng tingin dahil baka may makakita sa akin na nagsasalita ako rito mag-isa.
"Nakita lamang kitang nagpapabasa," walang emosyong sagot niya sabay tingin sa paanan ko. Basa na nga pala ang paa ko. "Kanina ka pa nakatayo... hindi maganda na nagpapabasa ka gayong ika'y pagod na."
Kumunot ang noo ko. "Nag-aalala ka ba sa akin?" hindi makapaniwalang tanong ko sabay kuha ng cellphone ko kasi may ilan na'ng napapatingin sa akin. Ipin'westo ko sa tainga ang phone at nagkunwaring may kausap ako rito. "Akala ko ba, pinaglalaruan mo lang ako? Bakit parang concern ka bigla?"
Noo niya naman ngayon ang kumunot. "Hindi kita pinaglalaruan, Ulan."
"Anong ginagawa mo sa akin? Ano ka ba talaga?" Hindi siya sumagot, bagkos, tiningnan niya lang ako. "Anong kailangan mo sa akin? Bakit ka nagpapakita?"
Hindi agad siya sumagot. Nagsisitaasan na ang balahibo ko sa katawan habang nakikipagtitigan sa kanya pero ayokong isipin niyang natatakot ako dahil baka lalo niya pa akong takutin. Habang nakatingin sa kanya, mas napagmasdan ko pa ang mukha niya. Inalala ko rin ang sinabi sa akin ng matanda tungkol sa engkanto. Hindi siya mukhang engkanto kasi may guhit siya sa pagitan ng ilong at pang-itaas na labi.
May malalaking kulot iyong buhok niya na umaabot sa tainga niya. Matangos din ang ilong niya at may cleft chin pa siya. Maputi siya, medyo mabalahibo iyong braso niya pero normal lang naman siguro iyon sa mga lalaki? Brown iyong mga mata niya at nagagandahan ako roon. Parang kulay kape na 3in1.
Mukha naman siyang tao...
So ano siya?
"Matagal na panahon na akong naninirahan sa mundong ibabaw... ngunit ikaw lamang ang nakagawang makipag-usap sa akin," sagot niya habang diretsong nakatingin sa mga mata ko. Lalo akong nilalamig dahil sa tingin niya at ayaw pa rin namang tumigil ng ulan kahit maaraw pa rin.
"Anong gusto mong sabihin? Or much better to ask, anong kailangan mo sa akin?" diretsong tanong ko kasi gusto ko ng bumalik sa normal na buhay.
"Bakit hindi mo itanong... ano ang iyong kailangan sa akin?" tanong niya pabalik kaya hindi na naman ako nakakibo. Wala akong kailangan sa kanya. Siya itong biglang lumitaw, e.
"Wala akong kailangan sa iyo. Lubayan mo na ako," pabulong kong tugon pero hindi naman siya umalis. Umiwas lang siya ng tingin. Pinagmasdan niya ang ulang patuloy pa rin sa pagpatak. Muli ko siyang napagmasdan ngayong hindi niya na ako tinitingnan.
Naisip ko, baka malungkot lang siya kasi sabi niya, mahabang panahon na siyang nabubuhay at ako lang ang nakagawang makipag-usap sa kanya. Baka bored lang siya at gustong makipagkaibigan? Sabagay, minsan, hindi rin masayang mag-isa. Wala kang mapagsabihan ng mga bagay na gusto mong sabihin. Pero minsan, masaya ring mag-isa. But at least, if you have a friend, may choice ka kung makikipag-usap ka sa kanila o magsosolo ka muna.
Hindi naman kasi required na araw-araw kayong magkausap ng kaibigan mo lalo pa't may kanya-kanya naman na kayong ginagawa sa buhay. Nagiging busy na kayo. Normal lang na magkalayo... ang importante, hindi magkalimutan.
"Wala ka bang kaibigang engkanto?" tanong ko dahilan para mapatingin siya sa akin, may gulat sa mga mata. "Makipagkaibigan ka sa mga engkanto," dugtong ko kasi parang gulat na gulat siya. Parang may sinasabi akong kakaiba.
"Hindi ako nakikipag-usap sa mga engkanto," mahinang usal niya na parang wala siya sa sarili.
"Bakit? Ayaw mo sa mga ka-uri mo?"
Napaawang ang bibig niya, "hindi ako engkanto." Medyo napalakas ang boses niya na pareho naming ikinagulat. Hindi agad akong nakasagot.
Oh... parang na-offend ko siya. May feelings din pala siya. Akala ko kasi, wala siyang emosyon dahil palagi siyang naka-straight face. "So ano ka?"
Hindi rin agad siya sumagot. "H-hindi ko alam," mahinang sagot niya sabay iwas ng tingin sa akin.
Muli kaming natahimik. Somehow, nakaramdam ako ng lungkot para sa kanya kasi hindi niya alam kung ano siya. Wala pa siyang nakakausap. Siguro, pagala-gala lang siya sa mundong 'to.
"Pumasok ka na sa loob, Ulan. Mababasa ka lamang dito," tugon niya makalipas ang isang minuto.
Umiling ako sabay lapag nung mga resibo sa loob ng cabinet na nasa mesang katabi ng pintuan. "Bakit kaya umaaraw habang umuulan?" tanong ko. Gusto kong malaman kung ano ang sense of humor niya. Kung magkakasundo ba kami.
"Nais mong malaman?" tanong niya kaya tumango ako. Maingat niyang inilahad sa harapan ko ang kanang kamay niya na basa rin. "Ibabalik din kita," aniya, parang humihingi ng permiso.
Napalunok ako habang nakatingin sa mga palad niya. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng excitement sa kung saan na naman kami makakarating.
Hahawakan ko na sana ang kamay niya nang maalala ko iyong Ginang at batang lalaking namatay sa guho. "Sandali," sabi ko sabay bawi ng kamay ko. "Kahapon... multo ba iyong nakasalamuha ko?" mahinang tanong ko.
Umiling siya. "Buhay sila nang iyong makasalamuha."
"Pero 1995 pa sila namatay."
Tumango siya. "Nakarating tayo sa taong iyon. Panahon iyon kung kailan buhay pa sila," kalmadong sagot niya habang ako ay unti-unti ng umaawang ang bibig dahil sa pagkamangha. So does it mean nag-time travel kami?
"Mag-tatime travel ba tayo ngayon?" excited kong tanong pero pinilit kong hindi ipahalata kasi ayokong isipin niyang gutso ko na siyang maging kaibigan. Kailangan niya pa rin akong layuan, 'no. Hindi kami pareho ng mundo. Hindi siya tao.
"Hindi, Ulan. Kasalukuyang nagaganap sa oras na ito ang dahilan ng ulang ito," paliwanag niya sabay tingala sa kalangitan na patuloy pa rin sa pag-ulan.
Napatingin ako sa kamay niyang nakababa na. Gusto ko na ulit iyon hawakan. Gusto kong tumakas sa trabaho.
"Ibabalik mo naman ako, hindi ba?" mahinang tanong ko kaya napalingon na naman siya sa akin. "Tingnan na natin?"
"Ngunit kailangan nating bilisan sapakat oras na tumila ang ulan, mawawala na naman ako. Hindi kita maibabalik dito nang ligtas."
Kinabahan ako sa sinabi niya. Parang gusto ko biglang umatras. "Saan mo ako dadalhin?"
"Ikaw ang magdadala sa atin doon," aniya sabay lahad ng kanang kamay niya sa harapan ko. Napahawak ako sa dibdib ko dahil kumakabog na naman ito. "Sinabi ko naman sa iyo, Ulan... may kakaiba sa iyo. Hindi ka pang-karaniwang tao."
Itutuloy...

Book Comment (214)

  • avatar
    Salmah Bantuas Batara

    πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†

    6d

    Β Β 0
  • avatar
    Gladish Rabanillo

    Bahay

    13d

    Β Β 0
  • avatar
    Sharlene Salvador

    hi po

    14d

    Β Β 0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters