logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 3

Wala ako sa tamang wisyo nang pumayag ako sa gusto niya. Ang gusto ko lang naman, lumayo muna kay Alab kasi ayokong malaman niyang nasaktan ako sa narinig at nakita ko. Ayokong malaman niya ang totoo kong nararamdaman para sa kanya.
Kaso ito ang nangyari...
Napasama ako sa kakaibang nilalang na ito. Para akong tatakasan ng kaluluwa nang hawakan ko ang kanyang palad tapos bigla kaming nalusaw. Namalayan ko na lang ang sarili ko na nasa gitna ng isang kalsadang wala ni isang sasakyan o tao man lang. Umuulan pa rin at napapalibutan kami ng kakahuyan. Mas naramdaman ko ang lamig ng paligid.
Para akong napaso at bigla ko siyang binitawan nang mapagtanto kong nasa iba kaming lugar. Kanina lang, napapalibutan pa ako ng mga building, ah!
"S-saan mo ako dinala?" kinakabahang tanong ko. Nanginginig ang buong kalamnan ko dahil sa pinaghalong takot at lamig. "Ano ka ba talaga?" humina ang boses ko.
Nanatili lang siyang nakatingin sa akin, parang tinatantsa ang kilos ko. "Nais mong tumakas kaya kita dinala rito. Kung sino man ang humahabol sa iyo, hindi ka niya rito masusundan," seryosong sagot niya.
Napaawang ang bibig ko dahil sa hindi ako makapaniwala sa kanya. "Walang humahabol sa akin," natatawang wika ko na may halong inis tapos hindi naman na siya sumagot. "Engkanto ka ba? Paano mo ito nagagawa? O baka nananaginip ako?" Nanlaki ang mga mata ko at mabilis kong pinagtatampal ang pisngi ko pero humapdi na ito't nanakit, hindi pa rin ako nagigising. "Naeengkanto ba ako?" Naiiyak na naman ako sa takot.
"Bakit?" tanong ng isang Ginang na bigla na lang sumulpot sa likuran ko kaya muntik na akong mapatalon sa takot. May kasama siyang isang batang lalaki at may nakasaklob sa kanilang malaking plastic para hindi sila mabasa ng ulan. "Naliligaw ka ba, 'Neng?" tanong niya ulit. Hindi ako nakasagot dahil naguguluhan pa rin ako sa mga nangyayari sa akin. Napakaimposible kasi.
"Mukhang naliligaw po, 'Nang," bulong ng bata sa kasama niyang Ginang.
"Mabuti pa'y sumama ka muna sa amin at mukhang nanlalamig ka na," ani Ginang kaya muli akong napatingin sa kakaibang nilalang na kasama ko. Tiningnan niya lang ako na parang bored na bored na siya.
Nakakainis. Hihingi na lang ako ng tulong sa iba, huwag lang sa kanya. Baka kung ano pa ang nangyari sa akin, e. Engkanto siguro siya.
Sumama ako sa Ginang at habang naglalakad kami sa tahimik na kalsada, natanong ko rin siya tungkol sa mga engkanto. Baka kasi iyon ang nangyayari sa akin. Imposibleng nababaliw ako kasi hindi naman makapupunta ang isang baliw sa isang lugar nang ganun kabilis. Ano 'yun? Baliw ako na may special powers?
"Maraming matatandang naniniwala sa engkanto at iba pang kababalaghan," panimula ng Ginang habang naglalakad kami. "Dito sa aming probinsya, marami na ang matatandang nakasaksi sa isang magandang dalagang paikot-ikot dito. Kinahuhumalingan siya ng mga kalalakihan at pati babae ay namamangha sa kanyang kagandahan."
Bahagyang natawa iyong batang lalaki. "Hangga't hindi ko po siya nakikita, hindi ako maniniwala."
Tiningnan ako ng Ginang na medyo nakakunot ang noo. Parang may sinusuri siya sa mukha ko kaya napatakip ako ng mukha.
"Bakit po?" naiilang kong tanong.
Pinanliitan niya ako ng mga mata bago umiwas. "Ang Binibining aking tinutukoy ay walang guhit sa gitna ng pantaas na labi at ilong."
"Bakit po kayo bumase sa itsura ng tao? Paano po kung may bingot?" tanong ko kaya sinamaan niya ako ng tingin. Tumahimik na lang ako at saka ko hinanap iyong kakaibang nilalang na kasama ko. Hindi ko na siya makita. Saka ko lang napansin na tumila na ang ulan. Ang walanghiya, iniwan ako sa kung saan man ito!
Ilang minuto pa kaming naglalakad at napapagod na rin ako dahil sa soot kong basang sapatos. Nakarating kami sa isang bahay na pawid. Wala silang kapit-bahay at napapalibutan kami ng kakahuyan. Ang loob ng bahay ay medyo madilim dahil nakasara ang mga bintana. Maraming gamit sa loob kaya nagmistulang maliit ang silong. Pinahiram ako ng Ginang ng isang bestidang damit niya rin kaya nagpasalamat ako. Nawala na rin ang lamig na nararamdaman ko.
"Nananakit po ba ang mga engkanto?" tanong ko matapos kong magpasalamat dahil inabutan niya ako ng kape.
Umupo siya sa bangkito,Β  katabi ko. "Ang iba, oo. Ang iba, hindi. Ngunit mag-iingat ka sa mga engkanto. Hindi natin sila kilala. May ibang mapaglaro na nakikisalamuha sa mga tao upang paglaruan ito. May ibang nananakit; bibigyan ka ng mga karamdamang walang lunas. May iba namang mababait at tumutulong sa mga tao. Huwag mo lamang silang gagalitin."
Tumango ako. Mukhang ang engkantong nakakasalamuha ko ay mapaglaro. "Paano po ba sila mapapalayo sa buhay natin?"
"Pinaglalaruan ka ba ng engkato?" bulong niya tapos iginala niya pa ang tingin sa paligid. Bigla akong kinilabutan kaya napalunok ako. "Maaari mo naman silang kausapin pagka'y alayan ng isang bagay. Maaari kang magtanong kung ano ang kanilang nais," bulong niya kaya tumango ulit ako. "Maaari ka rin namang magtungo sa isang albularyo. Makatutulong sila."
Napatingin kaming dalawa sa labas nang bigla na namang bumuhos ang malakas na ulan. Kapansin-pansin ang pagsayaw ng mga dahon dahil sa malakas na hangin. "Nasa bundok po ba tayo?" tanong ko.
"Oo," sagot niya sabay higop sa kape.
"Hindi po ba delekado na baka gumuho ang lupa dahil sa malakas na ulan?" Nag-aalala lang ako na baka matabunan sila ng lupa. Wala pa naman masyadong tao rito. Walang tutulong sa kanila.
Ngumiti siya. "Matagal na kaming naninirahan dito. Ilang bagyo na rin ang dumaan ngunit heto't nakatayo pa naman ang aming barong-barong."
Nakahinga ako nang maluwag dahil sa sinabi niya. "Maraming salamat po sa tulong," sabi ko.
Nang maubos namin ang kape ay tumayo ako at nagtungo sa bintana. Pinagmasdan ko ang pagpatak ng ulan sa lupa na may mga damo at iba't-ibang halaman. Pansin ko ang unti-unting paglakas ng buhos ng ulan.
"Ulan," tawag sa akin ng kakaibang nilalang kaya napaangat ang tingin ko sa kanya. Nasa harapan ko na pala siya at nagpapaulan na naman. "Kailangan mo ng umalis. Lumalakas na ang ulan. Oras na ito'y humupa, hindi kita maibabalik agad sa iyong pinanggalingan."
"I-ibabalik mo ako sa pinanggalingan ko?" gulat kong tanong.
Tumango siya. "Ayaw mo pa ba?" May pag-aalala sa boses niya.
Umiling ako nang mabilis. "Pakibalik na ako," mabilis na sabi ko sabay lahad ng palad ko sa harapan niya at nagulat na lang ako nang hawakan niya ang palad ko. Saka ko lang naalala na hindi pa pala ako nakakapagpaalam sa Ginang na tumulong sa akin. Ni hindi ko man lang nalaman ang pangalan nila basta ang alam ko lang, nandito ako sa Quezon Province. Oo, ang layo ng narating ko.
Sa isang iglap, nandito na ulit ako sa gilid ng kalsada, nakatayo at nababasa ng ulan. Kaharap ko pa rin siya pero binitawan niya na ako na para bang mapapaso siya sa akin. "Sumilong ka na," tugon niya sa akin kasi basang-basa na ako. Siya rin naman, e.
"Sandali lang," kinakabahang wika ko. "Isa ka bang engkanto?" tanong ko pero tiningnan niya lang ako na para bang nasisiraan na ako ng bait sa tanong ko.
Hindi niya na nasagot ang tanong ko nang marinig ko ang boses ni Alab, "Ulan," tawag niya sa akin kaya nanigas ako sa kinatayayuan ko. Namalayan ko na lang na hindi na pumapatak sa akin ang buhos ng ulan dahil nasa silong na ako ng itim niyang payong. Unti-unti na ring naglalaho sa harapan ko ang kakaibang nilalang na ito at kahit gusto ko siyang pigilan, hindi ko magawa dahil nasa likuran ko si Alab. "Basang-basa ka na naman," ani Alab at nababakas ko sa boses niya ang pag-aalala. Bakit niya kasi ako hinabol dito? "Bakit bigla kang tumakbo?"
Napalunok ako at hindi ko magawang sumagot. Kinakabahan din akong humarap sa kanya.
"Ulan... may problema ba?"
Umiling ako sabay harap sa kanya pero parang wrong move kasi ang lapit niya pala sa akin. "W-wala... kasi... nagulat lang ako sa narinig ko," sabi ko sa mahinang boses. Napaiwas siya ng tingin, mukhang kinabahan. "Huwag kang mag-alala, wala akong pagsasabihan." Hindi naman kasi ako madaldal na tao tulad ng sabi niya kahapon. At kahit may magtanong sa akin, magsasawalang-kibo na lamang ako.
"Salamat," sagot niya sabay ngiti kaya nagsimula na namang magtubig ang mga mata ko. Hindi pa sila nag-out ni Sir Alon... pero hindi rin naman ako sigurado kung gay sila. Wala na rin akong pakialam dun kasi sila na, e. Ano pa ang laban ko? Ako lang naman si Ulan na hindi niya napapansin noon. "Umiiyak ka ba?" nag-aalalang tanong niya kaya mabilis akong umiling at nagpunas ng luha.
"Hindi, ah. Ang lamig lang kasi tsaka basa lang ang mukha ko dahil sa ulan," pagsisinungaling ko. Naramdaman ko na lang na hinawakan niya ang braso ko at marahang hinila pabalik sa building namin.
"Kailangan mo na agad magpalit ng damit," aniya at doon ko lang napansin na naka-white blouse ulit ako at black fitted skirt. Hindi na ako nakabistida tulad kanina nang mapadpad ako sa bundok na iyon.
Masyadong kakaiba para sa akin ang paglalakbay na iyon.
Dumaan kami ni Alab sa ground floor ng building kung saan wala masyadong taong makakakita sa akin kahit pa nakita naman na ako ng mga tao sa labas. Sumakay kami sa elevator paakyat sa office ni Sir Alon.
"Bakit dito?" tanong ko kay Alab nang lumabas kami sa floor ng office ni Sir Alab.
"P'wede mo pa namang maisoot iyong damit na ibinalik mo sa kanya."
Iyon pala. Isosoot ko na naman iyon? "Hindi ba nakakahiya? Kasi sinosoot ko ang damit ng boyfriend mo?"
Bahagya siyang natawa. "Damit lang naman 'yon."
Hindi na lang ako sumagot. Ako lang pala itong nagbibigay malisya sa isang damit. Kinabahan na naman ako nang pumasok kami sa office ni Sir Alon. Akala ko, magagalit siya pero nang tumingin siya kay Alab, huminga lang siya nang malalim sabay tingin sa akin.
"So it's not a secret anymore," sabi niya sa akin na parang dismayado kaya napayuko ako sa kahihiyan.
"Sorry, Sir Alon. Hindi ko sinasadyang marinig," sagot ko at sobrang hina rin ng boses ko. Dapat talaga, nagresign na lang ako. Hindi sila sumagot kaya tiningnan ko ulit sila. Nakatingin lang sila sa akin kaya napalunok ako sa kaba. "Huwag po kayong mag-alala, alam ko po ang lugar ko. Wala akong karapatan o obligasyon na i-out kayo."
"As you should," seryosong wika ni Sir Alon kaya napayuko ulit ako. Nakakahiya talaga. At natatakot na rin ako sa kanya. Parang kanina lang, ang bait niya pa.
"Kilala ko si Ulan," ani Alab kaya napatingin ako sa kanya. "Wala siyang pakialam sa mga naririnig at nakikita niya kung alam niyang hindi naman ito makakaapekto sa iba," sabay tingin niya sa akin kaya hindi ulit ako nakakibo. Kilala niya ako? Wala ba talaga akong pakialam sa nangyayari sa paligid ko?
Mabait talaga si Alab... no wonder gusto ko siya. Kaso wala naman akong pag-asa. Alam ko naman na, dati pa na wala akong pag-asa sa kanya pero iba ngayon. Ang sikip sa dibdib.
Umalis na si Alab at naiwan ako sa office ni Sir Alon. "Para wala kang absent, I'll give you something to do here," aniya habang may kinakalikot na mga papel sa isang box. "Sort this and I'll just call your department that you're here, working so they won't look for you."
Tumango lang ako sabay kuha ng box na may lamang makakapal na papel. Isosort out ko raw ito. Nagtungo ako sa malaki at bakanteng table para rito ko ilagay ang mga papel. Ang dami. Baka kaya dito ako ni Sir pinatrabaho ay dahil hindi magandang makita ako sa labas na soot na naman itong damit niya.
Habang inaayos ko ang mga papel, may inaalis din akong mga hindi kabilang na papeles tulad ng blank slate at mga scratchpapers. Pati newspapers. Basurahan ba 'to?
Napatigil ako sa paghahalungkat nang may makita akong isang picture na nasa newspaper. Isang balita tungkol sa flashfloods na nangyari noong 1995 sa Quezon Province. Wala pa ako nito, ah. Habang tinitingnan ko ang picture, doon ko napagtanto na sila ang nasa guho.
Bigla kong naitapon ang newspaper dahil sa kaba at gulat.
Iyong Ginang at batang lalaki... sila ang biktima ng flashfloods at matagal na silang patay.
Itutuloy...

Book Comment (214)

  • avatar
    Salmah Bantuas Batara

    πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†

    6d

    Β Β 0
  • avatar
    Gladish Rabanillo

    Bahay

    13d

    Β Β 0
  • avatar
    Sharlene Salvador

    hi po

    14d

    Β Β 0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters