logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 2

Buong gabi, umuulan. Pinilit ko lang matulog kahit natatakot ako na baka magpakita na naman siya sa akin. Mag-isa lang kasi ako sa k'warto. Kapag sumigaw ako at sinabi ko sa pamilya ko ang nakikita ko, hindi naman sila maniniwala. Baka isipin pa nila, nababaliw na ako.
Hindi ko tuloy maiwasang mapatulala ngayong umaga dahil puyat ako. Hindi naman na umuulan pero basa pa rin ang kalsada. Nakatulala ako sa naipong tubig dito sa kalsada. Nakikita ko ang langit at dahon ng puno na nagrereflect sa tubig. Habang nakatulala ako, parang may nagbabago sa tubig.
May nakikita akong tao... bulto ng tao. Hindi ko maaninag ang mukha. Basta babae siya dahil sa soot niyang bistidang mahaba. Agad kong inangat ang tingin ko para hanapin ang bultong iyon pero napapikit ako nang mariin nang may dumaang jeep sa tapat ko at tumalsik sa akin ang tubig na kanina ko pa tinititigan.
Kapag sinuswerte ka nga naman...
Naka-skirt ako kaya nabasa iyong tuhod ko at kaunti naman sa skirt. Pero kaya namang tuyuin 'to ng tissue kaya sumakay na ako sa jeep at sa loob na rin ako ng jeep nagpunas. Habang nasa byahe, hindi mawala sa isipan ko iyong nakabistidang bulto. Wala naman kasi akong nakikitang tao kanina, e.
Maaga akong nakarating sa building namin. Nagmamadali akong makahabol sa elevator na mapupuno na yata dahil sa dami ng sumasakay. Sa huli, hindi ako nakahabol kaya lumipat ako sa kabila. Pumasok ako at saka nginitian iyong ilang nasa loob. Sila iyong nakikita ko minsan sa department namin. Hindi ko lang talaga sila kilala pa masyado kasi bago lang ako. Hindi pa naman ako friendly. Makakalimutin din ako sa pangalan.
"Hindi mo pala natapos iyong pinapaphotocopy ko sa 'yo kahapon," puna niya kaya naalala kong may makapal na bondpaper pala sa table ko. Hindi pa man ako nakakasagot nang magsalita na naman siya. "Good morning, Sir Alon," bati niya sa kasunuran ko lang na pumasok.
"Good morning," bati sa kanila ni Sir tapos nagsara na rin ang pinto ng elevator. Umatras ako para hindi kami magkatabi. Yumuko rin ako para hindi niya ako makita. Nahihiya pa rin ako kapag naaalala ko iyong kahapon. "Good morning, Ulan," bati niya sa akin kaya napaangat ang tingin ko sa kanya. Nginitian niya lang ako tapos umayos ulit siya ng tayo. Napatingin ako sa reflection niya sa pintong kaharap namin. Ang tangkad niya talaga. Magkasing height sila ni Alab. "So how are you?"
Umawang ang bibig ko. Pansin ko rin ang pagtinginan ng iba naming kasama rito dahil sa pagtataka at gulat. "A-ayos lang po. Salamat po pala sa pagtulong," sagot ko sabay yuko. Tiningnan ko na ang lahat dito maliban sa kanya.
"You're welcome. Here," aniya tapos inabutan niya ako ng isang paper bag. Tiningnan ko lang iyon. "You left that yesterday." Sa tono ng pananalita niya, parang sinasabi niyang dapat, alam ko na ang gusto niyang sabihin.
Napalunok ako habang inaabot iyon tapos tiningnan ko ang loob. Iyong damit ko pala. "Salamat po," sabi ko sabay tingin sa kanya. Buti, hindi niya binanggit kasi siguradong iba na naman ang iisipin ng mga kasama namin dito.
Nauna akong lumabas ng elevator kasi nasa mataas pang palapag ang office niya. Kasama ko ang iba kong ka-opisina at panay tanong na sila kung malapit na ba kami ngayon ni Sir Alon. Palagi ko na lang sinasabi na hindi.
"Ulan," tawag sa akin ng manager namin kaya lumapit ako sa kanya at iniwan na muna iyong mga kasama ko. "Sir told me na ililipat ka raw sa inventory," dugtong niya. Gusto ko mang tumanggi kasi nakakapagod doon, wala naman akong magawa. Kaysa naman matanggal ako sa trabahong 'to. Buti sana kung ang daling maghanap ng malilipatan. Para sa akin na fresh grad, kailangan kong maging matiyaga para magkaroon ng job experience. Para makakalipat ako kung saan ko man gusto.
Pero kung tataas naman ang pwesto ko rito at ang sahod ko, hindi naman ako lilipat.
Nagpunta na muna ako sa bodega kung saan naka-stock iyong mga product na idinideliver sa iba't-ibang lugar ng Pilipinas. Tinuruan ako kung paano ba ang gagawin ko. Magbibilang ng stock dito at magchicheck kung ano ang mga inilalabas. Magbibilang din ako ng mga ibinabalik na stock. Marami pang itinuro sa akin. Nakakapagod. Hindi naman daw ako magbubuhat kasi marami naman ditong kargador. Tsaka mababait naman sila.
Napatigil kami sa pagtatrabaho nang dumating sina Sir Alon at may mga kasama siyang OM. Operation Manager. Busy silang mag-usap kaya umatras ako. Ayokong makita ako rito ni Sir Alon. Pawis na pawis na ako. Baka masabi niya pa kay Alab na ang pangit ko kapag haggard. Tsaka nahihiya pa rin ako sa kanya. Sinoot ko lang naman iyong mga damit niya. Hindi ko pa nga naibabalik.
"Where's Ulan?" rinig kong tanong ni Sir Alon kaya nanlaki ang mga mata ko. Nakatago ako rito sa likod ng mga karton. "Call her," dugtong niya kaya hinanap din agad ako nung nagtitrain sa akin.
"Ulan," tawag niya sa akin nang makita ako. "Hanap ka ni Sir Alon. Huwag mo siyang paghintayin," mahinang wika niya kaya nagmadali akong lumapit sa kanila. Napangiti si Sir nang makita ako tapos iniwan niya muna iyong mga OM. Ang iba, parang galing pa sa ibang branch.
"How are you here?" nakangiting tanong niya. Mukhang naghahanap lang pala siya ng kadaldalan. Kasi naman, hindi niya naman kavibes iyong mga matatandang iyon. Ang layo ng edad nila.
"Nakakapagod po pala rito," sabi ko kaya bahagya siyang natawa at tumango.
"Yeah, I've been here when I was a kid. My Dad taught me from the basic. Mahirap talaga," aniya habang iginagala ang tingin sa paligid. Parang ang dami niyang naaalala.
"Bakit niyo po ako pinalipat dito?"
Tiningnan niya ako. "Will you please cut the po? Kasi magkaedad lang naman siguro---I meant, I am just one year older than you."
Tumango ako. "Pero mas mataas naman po iyong posisyon niyo sa akin."
Natawa at napailing na naman siya. "So? Pare-pareho lang naman tayong nagtatrabaho rito. If it's just me, I want you all to just call me Alon."
Kumunot ang noo ko. "Bakit po?"
"Because. Why do we have to address everyone Ma'am and Sir if we already know their names?"
Hindi ako sumagot. Mukhang iba ang takbo ng utak ng isang 'to. Hindi ko siya masasabayan sa trip niya. Siya kasi, boss dito. P'wede niyang ipagawa sa amin iyon. Pero ako? Baka masigawan ako kapag tinawag ko lang sa pangalan iyong mga nakatataas sa akin.
"So cut the po and Sir," utos niya pero umiling ako. "Why?"
"Baka iba po ang isipin nila kapag narinig nilang tinatawag ko lang kayong Alon," sagot ko. Buti sana kung lahat kami rito, ganun ang gagawin. Kaso hindi. Hinahayaan niya lang ang mga empleyado niyang tawagin siyang Sir Alon.
Nagkibit-balikat na lang siya at hindi na ako pinilit.
Nang uwian na, panay dasal ako na sana, hindi umulan. Maliban sa ayokong makita ang nilalang na iyon, naglaba rin kasi ako at naiwan ko iyon sa labas. Mabuti na lang at nang umuwi ako ay tuyo na ito kaya nadala ko rin ang mga damit kinaumagahan dahil ibabalik ko pa ito kay Sir Alon.
Inagahan ko talaga ang pagpunta sa opisina pero mukhang mali ang timing ko. Wala pa siya. Nakalock pa iyong opisina niya. Hindi ko naman ito maiwan sa tapat ng pinto niya kasi baka mawala. Ang bastos ko rin kung iiwan ko lang matapos niya akong pahiramin ng damit.
Dumiretso na lang ako sa cubicle ko at saglit na umidlip kasi napakaaga pa. Wala pa ngang katao-tao rito, e. Hindi pa man ako nakakaidlip ay nakarinig na ako ng mga boses na nag-uusap.
"Mali talaga ang tsismis nila," bulong ng babae. Hindi siya pamilyar sa akin kasi bago lang ulit ako sa department na ito. "Walang boyfriend si Sir Alon," dugtong nito na kinakunot ng noo ko. Bakit ba iniisip nilang may boyfriend ang boss namin?
"Girlfriend yata," bulong na naman ng isang babae. "Kilala mo iyong bagong lipat dito?"
"Si Ulan?"
Kinakabahan ako nang marinig ko ang pangalan ko.
"Oo. Baka siya iyong girlfriend. Kasi bago lang siya rito pero parang close na sila ni Sir Alon."
"Baka magkaibigan lang? Tsaka pansin mo namang hindi komportable si Ulan kay Sir Alon. Nahihiya iyong bata."
Natawa iyong isa na ikinasimangot ko. Halata ba talagang nahihiya ako? "Malay natin, bago lang sila. Ganyan talaga ang mga kabataan ngayon."
Nang mapansin kong malapit na sila sa akin ay mabilis akong nagpanggap na tulog. Agad din naman silang tumahimik at mukhang nakita na nila ako ritong nakaubob. Buti naman. Hindi maganda sa feeling na pinag-uusapan ako tapos hindi ko man lang magawang ipagtanggol ang sarili ko mula sa mga wrong accusations nila. Ayoko kasing makipag-away o kainisan dito kasi nga, bago lang ako. Baka pag-initan pa nila ako.
Nang mapansin kong dumarami na ang mga tao ay tumayo na ako at naglakad palabas ng opisina. Pumasok ako sa elevator at nagtungo sa floor ni Sir Alon. Sa floor niya, mas tahimik at mas malamig. Dumiretso ako sa office niya. Kakatok na sana ako nang mapansin kong nakaawang ang pinto tapos may naririnig akong dalawang boses sa loob.
"Oo, mga isang linggo. Magiging busy ako," ani Alab kaya nanlaki ang mga mata ko. Shit! Nandito na naman siya. Napahawak ako sa dibdib ko at mas humigpit ang hawak ko sa paper bag na may lamang damit ni Sir Alon.
"I'll make time for us," ani Sir Alon na kinakunot ng noo ko.
"Thank you but... we can just make some calls?" tanong na naman ni Alab.
Napalunok ako. Ano ba itong pinag-uusapan nila? Bakit ang lumanay ng mga boses?
Wala ako sa sarili na lumapit pa sa pinto at pasimple silang sinilip. Nakatalikod si Alab mula sa akin. Kaharap niya si Sir Alon na nakasandal ang pwet sa gilid ng mesa. Pinilit ko silang maaninag at doon ko lang napansin na magkaholding hands sila.
Parang naninikip ang dibdib ko sa mga nakikita ko. Namamasa rin ang mga mata ko. Totoo ba 'to? May relasyon ba talaga sila? Totoo ba iyong naririnig ko sa opisina? Bakit sa lahat ng lalaki, si Alab pa?
Hindi...
Ayokong tanggapin...
"Ehem!"
Napapitlag ako nang may tumikhim mula sa likuran ko. Bigla akong napaharap sa lalaking matanda na hindi ko kilala pero isa rin siya sa may matataas na posisyon dito. Nagulat siya nang makita ako. Siguro kasi basang-basa ng luha ang mukha ko.
"Ulan," rinig kong sambit ni Alab at nasa likuran ko na siya. Lalong naninikip ang dibdib ko. Hindi ako makahinga. Ayoko siyang makita. Hindi ko 'to matatanggap!
Nabitawan ko ang dala kong paper bag at mabilis akong tumakbo papunta sa elevator. Gusto ko munang tumakas dito.
Iyong lalaking gusto ko sa loob ng isang dekada, bigla kong malalaman na... na... wala pala talaga akong pag-asa sa kanya. Ganito pala kasakit kapag nalaman mong taken na iyong taong gusto mo? Gusto ko lang ba talaga siya?
Bakit ganito kasakit?
Nang makarating ako sa labas ng building, umuulan na naman. Hindi ko na rin alintana ang ulan. Tumakbo lang ako hanggang sa gilid ng kalsada dahil dito ko na naman nakasalubong ang nilalang na ito. Walang emosyon ang mga mata niyang nakatingin sa akin habang ako, iyak pa rin nang iyak habang sapo ang dibdib kong malakas pa rin ang kabog.
"Hindi mo matatakasan lahat, Ulan," wika niya kaya napasinghot ako.
"K-kahit ngayon lang... kasi... ang sakit..." humihikbing sabi ko.
Ilang sandali niya pa akong tiningnan, tila nasa malalim siyang pag-iisip. Hanggang sa iabot niya sa akin ang kanang kamay niya.
"Susubukan ko," aniya at ako naman si wala sa sarili, hinawakan ang kamay niya. Nang magkadikit ang mga palad namin, sabay kaming nalusaw na parang tubig.
Itutuloy...

Book Comment (214)

  • avatar
    Salmah Bantuas Batara

    πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†

    7d

    Β Β 0
  • avatar
    Gladish Rabanillo

    Bahay

    14d

    Β Β 0
  • avatar
    Sharlene Salvador

    hi po

    14d

    Β Β 0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters