logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 1

Ano 'yun? Tubig? Bakit ko siya nakakausap at nakikita? Iyong wangis niya, wangis ng isang tao. Hindi naman siya mukhang tubig. Pero nang hawakan ko siya, naging tubig siya.
Panaginip? O baka dala lang ito ng gutom? Pero imposible! Hindi pa naman ako gutom kasi nagdadala ako ng pagkain sa opisina. Takot akong magutom kasi last time na nagutom ako, nahimatay ako. Nakakahiya!
Medyo napabalik ako sa ulirat nang may humintong sasakyan sa tapat ko tapos dali-daling lumabas mula sa passenger's seat ang isang lalaki. Lumalakas na naman ang kabog ng dibdib ko kasi nakita ko na naman si Alab na nagmamadaling lumapit sa akin.
Mabilis siyang nababasa ng ulan dahil malakas na ang buhos nito. Pinulot niya ang nalaglag kong payong at saka ito ipinayong sa amin. Hinawakan niya pa ang braso ko. Mahigpit ang grip niya at mainit ang palad niya. "Ulan," kinakabahang wika niya sabay yugyog sa akin kaya doon na ako tuluyang natauhan. Agad na nanghina ang mga tuhod ko at muntik pa akong matumba. Mabuti na lang at hawak niya ang braso ko. "Pumasok ka muna," aniya at saka ako hinila papunta sa back seat. Siya na rin ang nagbukas ng pinto para sa akin.
Napatingin ako sa driver na nakatingin sa akin. Mukha rin siyang nag-aalala. "Sir Alon," mahinang sambit ko. Sakto namang umupo na sa passenger's seat si Alab kaya sa kanya naman ako ngayon napatingin. Basang-basa iyong buhok niya. "M-magkakilala kayo?" nauutal kong tanong.
Tumango si Alab, "ayos ka lang?"
Napalunok ako at hindi ko alam kung anong isasagot ko. Hindi ako ayos. Hindi ako makapaniwala sa nakita ko kanina. "P'wede bang... sampalin mo ako?" tanong ko sa kanya na kinakunot ng noo nila pareho.
"You're not okay," ani Sir Alon tapos may kinuha siya saglit at inabot iyon sa akin. Isang bottled water. "Here, inumin mo muna para mahimasmasan ka," tugon niya. Hindi ko agad iyon kinuha kasi lumulutang na naman ang utak ko. Iba na ang naiisip ko sa tubig.
Namalayan ko na lang na nagmamaneho na si Sir at si Alab na ang nag-aabot sa akin ng tubig. "Inumin mo muna," aniya nang tingnan ko siya.
Nakakahiya pero kinuha ko pa rin ito. Kahit tubig, hindi ko malunok. Naka-isang lagok lang ako.
"May problema ba?" tanong pa ni Alab pero tiningnan ko lang siya. Syempre, ayokong isipin niyang sira-ulo ako. Hindi sila maniniwala sa nangyari sa akin.
Kaya pala... kaya pala nagtanong iyong bata kagabi kung bakit kinakausap ko ang ulan. Hindi nila nakikita ang lalaking 'yun. Mukha yata akong sirang nagsasalita mag-isa kagabi. Ang dami pa namang taong nakarinig sa akin.
"S-saan tayo pupunta?" tanong ko kasi mukhang malayo na ang nababyahe namin. Kakain lang naman sana ako ng lunch doon sa isang karenderyang malapit sa building namin dahil mura roon at marami ang servings ng kanin at ulam. May libre pang sabaw.
"Saan tayo?" tanong ni Alab habang hinuhubad iyong jacket niya kaya naka-white t-shirt na lang siya. lumaki nga talaga ang katawan niya sa paglipas ng panahon. Ako kaya? Parang mukhang high school pa rin, e.
"I don't know. Where do you live?" tanong ni Sir Alon sabay tingin sa akin doon sa rearview mirror. "Ihahatid ka na namin."
Hindi pa ako nakakasagot nang i-abot sa akin ni Alab ang jacket niya. "Isoot mo muna. Nilalamig ka na," aniya.
Umiling ako kasi nakakahiya talaga. Mababasa ang jacket niya. "H-hindi naman," pagsisinungaling ko kahit alam kong nagsisitayuan na ang mga balahibo ko sa katawan. Mabilis namang in-off ni Sir Alon ang aircon pero malamig pa rin.
"Sige na. Tsaka... bumabakat na ang panloob mo," dagdag ni Sir Alon kaya mabilis kong kinuha iyong jacket ni Alab at sinoot ito. Grabe, nakakahiya na talaga ito! Mas nahihiya ako kay Alab kasi ngayon na naman nga lang kami nagkita tapos ganito pa ang nangyari.
"Doon pa rin ba ang bahay niyo?" tanong ni Alab kaya umiling ako. Matagal na kaming lumipat ng bahay, second year college pa lang ako.
"Magkakilala kayo?" tanong ni Sir Alon kaya doon na nagk'wento si Alab na classmates kami noong high school. Kapag naaalala ko na nahimatay ako noon sa harapan niya dahil sa gutom, lalo akong nahihiya. Sana nakalimutan niya na iyon. Siya rin ang gumising sa akin noon, e.
Habang nagkuk'wentuhan sila, nagkaroon ako ng conclusion na magkaibigan pala sila noong college lang. Hindi rito nag-college si Alab kaya hindi na talaga kami nagkita after graduation. Akala ko, makakalimutan ko na rin ang feelings ko para sa kanya. Akala ko lang pala...
Tumila na ang ulan nang tumigil kami sa tapat ng building. Mukhang apartment ito. Bago pa ako makapagtanong ay sinabi na ni Sir Alon na nandito kami sa pansalamantala niyang apartment. "Bakit dito?" tanong ko.
"Ayaw mo kasing sabihin kung saan na ang bahay niyo," ani Alab habang kumakamot sa batok niya. "Huwag kang mag-alala, wala naman kaming masamang gaga---"
"Ayos lang," sabat ko agad kasi parang namumula na ako sa kahihiyan ngayon. Wala naman akong iniisip na may gagawin silang masama. Hindi naman sila mga bastos na tao. Kilala ko si Alab, mabait siyang tao. Si Sir Alon? Ang bait niya sa mga empleyado niya. Pero may parte ng utak ko na hindi dapat ako magtiwala. Parang may tinatago sila.
Lumabas na kami ng sasakyan at saka pumasok sa apartment. May kalakihan ito at dalawang palapag pa. Malinis din ang loob. Walang nakakalat na kung anu-ano. Nasa tamang lalagyan at ayos ang mga gamit.
"Wait here," ani Sir Alon at saka siya tumakbo paakyat ng hagdan kaya naiwan kami ni Alab dito. Ang tahimik. Inabala ko na lang ang sarili sa pagtingin sa mga gamit nandito. Mayaman naman sina Sir Alon. Bakit hindi siya sa isang condo tumitira? Mas secure doon. Tsaka bakit doon pa siya napunta sa amin? Ayaw niya ba sa mother company nila?
"Bakit?" Hindi ko na natiis na itanong kasi ramdam kong panay sulyap sa akin si Alab. Hindi rin siya mapakali.
Pilit siyang ngumiti. "Hindi ka naman siguro broken-hearted?"
Kumunot ang noo ko kaya bahagya siyang natawa at umiwas ng tingin. Hindi ko na nagawang sumagot dahil bumalik din agad si Sir Alon na may dalang damit.
"I guess, it's more comfortable to wear these than wearing wet clothes, isn't it?" naiilang niyang tanong habang inaabot sa akin ang damit niya. Napakurap-kurap ako habang nakatingin sa inaabot niya. "You can use the bathroom para makapagbanlaw," dugtong niya.
Kinuha ko ang inaabot niya at saka nagpasalamat. Tama siya. Magkakasakit ako kapag hindi pantay ang temperature ng katawan ko. At iyon ang iniiwasan kong mangyari. Mas importante ang health kaysa kahihiyan. Tsaka tatlo lang naman kami rito. Hindi naman siguro nila ako itsitsimis sa iba?
Bumaba akong nakaligo na. Soot ko itong malaki niyang t-shirt na itim at shorts na lampas tuhod ko. Hindi naman nabasa masyado iyong panloob ko. Medyo malamig lang pero kaya ko naman kaya sinoot ko ulit. Kailangan ko ng umuwi.
"Sir Alon, Alab," tawag ko sa kanila kasi naabutan ko silang nasa kusina at kumakain. May isang plato roon na walang laman.
"Kain muna tayo, Ulan," alok ni Alab sabay hila sa akin palapit sa kanila at pinaghila niya rin ako ng silya.
"H-hindi na. Kasi... kailangan kong umuwi," sabi ko sabay tingin kay Sir Alon. "Hindi na po ako makakapasok ngayong hapon. P'wede po bang mag-half day lang ako?"
Tumango siya. "Sure pero kumain ka muna. Ihahatid ka na namin ni Alab," sagot niya.
Umiling ako. "A-ako na lang po ang uuwi mag-isa. Kaya ko naman po." Tsaka malapit na lang din iyon. Isang sakay ng jeep na lang.
"Dalawang beses ka ng tumatanggi," ani Alab kaya napalingon ako sa kanya. "Mamalasin ka kapag tumanggi ka ng tatlong beses," dugtong niya na parang ang seryoso niya. Hindi ko siya maintindihan. Ano bang pinagsasasabi niya? "Kumain ka muna," aniya tapos nilagyan niya na ng kanin iyong pinggan na kanina ay walang laman. "Bawal ka ng tumanggi. Nakadalawa ka na."
Natawa at napailing na lang si Sir Alon at ako naman ay wala ng nagawa kun'di kumain. Ayokong malasin. Baka maulit iyong kanina. Kota na ako.
"First job mo ba 'to?" tanong sa akin ni Alab na tinanguan ko.
"You don't talk too much, do you?" ani Sir Alon pero hindi ako kumibo. Nakakahiya naman kasing makipagdaldalan sa kanila. Ang isa, boss ko. Ang isa, crush ko. Hindi ako komportable, to be honest!
"Yeah," sagot ni Alab. "Kapag oo o hindi lang ang sagot sa tanong mo, iiling at tatanggo lang siya. Unless, she needs to explain," tawa niya sabay tingin sa akin. "Dati akala ko, galit lang siya sa akin kapag kinakausap ko siya kasi magsasalita lang siya kapag tinatanong siya. Isang tanong, isang sagot. Pero sa loob ng apat na taong kaklase ko siya, nalaman kong ganun lang pala siya," nakangiting tuloy niya at matutunaw na yata ako sa tingin niya. Ang cute niya talaga kapag nakangiti. Naniningkit ang mga mata niya.
Napasimangot ako at napayuko para itago ang kilig ko. Walang-hiya! Inakala niya palang galit ako? Kaya pala hanggang ngayon, hindi niya nalalamang may gusto ako sa kanya kaya ako nagkakaganito. Pero buti na iyon.
Hindi yata ako magiging handa na umamin sa kanya.
Nang matapos kaming kumain at iniwan lang ni Sir na nakatiwang-wang iyong mga kinain namin kasi may pupunta naman daw rito na maglilinis at binabayaran niya raw iyon. Wow!
Hinatid nila ako hanggang sa bahay kahit na tumanggi na ako. Mabuti na lang at wala ang pamilya ko. May pasok ang mga kapatid ko at nasa labas yata si Mama. Si Papa, may trabaho rin. Diretso ako sa k'warto ko para magbihis.
Napatingin ako sa bintana nang mapansing umuulan na naman. Mabagal akong naglakad papunta sa bintana. Kinakabahan na tuloy ako kapag ganitong umuulan. Baka kung ano na naman ang makita ko.
Nakatulala ako sa kalsadang nasa tapat ng gate ng bahay namin. Walang dumadaang sasakyan o tao roon dahil malakas na naman ang ulan. Habang tumatagal, nagkakaroon ng hugis tao sa gitna ng ulan. Unti-unti, kinikilabutan ako habang naaaninag ko na siya na naman ang nakikita ko.
Nanginig ang mga tuhod ko at saka ako humakbang paatras para hindi ko na siya makita pero natigilan ako nang maramdaman kong nabasa ang likod ko. Mabilis akong napaharap sa naatrasan ko. Ganun na lang ang panghihina ng mga tuhod ko kaya ako napaupo sa sahig dahil sa nakikita ko. Ang bilis niyang nakapasok sa loob ng silid ko. Basa iyong tinatapakan niyang sahig.
"Ulan," sambit niya. Ang lalim at lamig ng boses niya.
"A-anong... ano ka ba talaga?" kinakabahang tanong ko. Umatras pa ako hanggang sa mapasandal na ako sa ibaba ng bintana. "Bakit ka nagpapakita sa akin?" Pati boses ko, nanginginig na sa takot.
"May dahilan kung bakit mo ako nasisilayan," sagot niya na kinakunot ng noo ko. Unti-unti na ring namamasa ang mga mata ko dahil sa luha. Kakapusin na yata ako ng hangin sa katawan. Walang ibang tao sa bahay kaya mas natatakot ako. Kapag sinapian ako nito, walang tutulong sa akin.
"Walang dahilan," malakas na sagot ko. "Lubayan mo na ako!"
Nakatingin lang siya sa akin at hindi naman siya kumikilos sa kinatatayuan niya. "Hindi mo ito matatakasan, Ulan," mahinang wika niya tapos unti-unti na naman siyang naglalaho hanggang sa basang sahig na lang ang naiwan sa kinatatayuan niya.
Itutuloy...

Book Comment (214)

  • avatar
    Salmah Bantuas Batara

    πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†πŸ˜†

    7d

    Β Β 0
  • avatar
    Gladish Rabanillo

    Bahay

    14d

    Β Β 0
  • avatar
    Sharlene Salvador

    hi po

    14d

    Β Β 0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters