logo
logo-text

Download this book within the app

FE: TDTYS 2

Hindi alintana ni Aurora ang paghampas ng malakas na hangin sa mukha niya o ang pagtilamsik ng tubig-alat sa maganda niyang mukha. Nakatuon lang ang atensiyon niya sa karagatan at sa mga islang nadadaanan nila na lalong pinatingkad ang ganda ng asul na kalangitan. Ang mga islang iyon ay bahagi na lang ng kanyang kumupas sa alaala.
Sa wakas, matapos ang mahigit sampung taon ay makakatapak siyang muli sa kabihasnan. Makakakita na ulit siya ng naglalakihang mga sasakyan, gusali o kung papalarin pati eroplano o malaking barko.
Naramdaman niya na may nag-ayos ng balabal niya sa balikat niya. “Aurora, bakit hindi ka muna pumasok sa tabing? Masakit ang araw sa balat. Masusunog ka lalo.”
Nilingon niya ang Tiya Manuela niya at ngumiti dito. Ito ang kasama niya na luluwas sa Calbayog, Samar kung saan kukuha sila ng probisyong pagkain at susunduin na rin ang manggagamot ng kanyang ama na si Doc Tagle. “Ayos lang po ako dito. Alam naman po ninyo na ngayon lang ulit ako makakaluwas sa Calbayog. Gusto ko lang po kasing makita ang mga madadaanan ko. Baka hindi na po kasi maulit,” nakangiti niyang wika habang pilit na itinatago ang lungkot sa puso niya.
“Siyempre mauulit pa ang pagpunta mo ng Calbayog. Ikaw talaga.”
“Tiya, alam naman po ninyo na hindi papayag si Amay,” tukoy niya sa ama. “Nagkataon lang na wala kayong kasama ngayon kaya niya ako pinasama.”
Sa Calbayog siya nakatira hanggang mag-walong taong gulang. Nang mamatay ang lolo niya ay umuwi ang pamilya nila sa Isla Juventus para pamahalaan ang lupain na iniwan doon. Sa Isla Juventus ay walang kuryente kaya walang telebisyon o kahit signal ng cellphone. Ang ikinabubuhay ng mga tao ay pagtatanim at pangingisda lamang at hanggang elementarya lamang ang paaralan. Masaya na ang mga tao sa simpleng pamumuhay.
Hindi kinaya ng nanay niya ganoong uri ng buhay dahil laki ito sa siyudad kaya matapos ang ilang buwang pagtira sa isla kaya lumuwas ito ng lungsod para daw makahanap ng mas malaking pera sa pagpapaaral sa kanya sa sekondarya at kolehiyo. Sa kasamaang-palad ay di na ito bumalik pa at ang huling balita nila ay sumama sa isang marino paalis ng Mindanao. Wala na silang balita pa dito mula noon. Hindi na rin sila nito binalikan pa.
Mula noon ay di na nakatapak pa si Aurora sa Calbayog o kahit saan man sa mainland ng Samar. Ayaw ng ama niya na lumayo siya ng isla sa takot na hindi na siya bumalik pa gaya ng kanyang ina. Ang pinakamalayong narating niya ay ang Isla Azul na karatig-isla ng Isla Juventus na dalawang oras ang layo. Doon siya nagtapos ng sekondarya dahil doon din nagtuturo ang kanyang Tiya Manuela. Subalit nang makatapos siya ng sekondarya ay di na siya natuloy mag-kolehiyo dahil basta na lang itong bumagsak habang nasa koprahan. Mula noon ay hirap na ang ama na maglakad at siya na ang nag-alaga dito.
Ayon sa tumingin dito ay may natapakan daw na engkanto kaya nagalit dito at pinarusahan ito. Kaya luluwas sila ng Calbayog ngayon para sunduin ang manggagamot na titingin sa ama niya. Kaya naman pakiramdam niya ay sampung taon ulit siya na makakatapak sa siyudad sa halip na dalawampu’t isang taong gulang.
“Marami nang nagbago sa Calbayog. Magugulat ka,” anang tiyahin niya. “Mahigit sampung taon ka ring di nakapunta doon.”
“May oras pa po ba tayong mamasyal?” malungkot na tanong niya. Ilang oras lang at aalis na ulit ang bangka para bumalik ng Isla Juventus. Di pwedeng lumampas sila ng oras kundi ay iiwan sila ng bangka. Minsan lang sa isang buwan may bumibiyaheng bangka paalis at pabalik ng Isla Juventus dahil malayo sa kabihasnan at mahal ang pamasahe. Dahil sa hirap ng buhay, maraming taga-isla ang di na lang umaalis doon.
Kinindatan siya ng tiyahin. “Magagawan natin iyan ng paraan.”
Malakas ang loob ng tiyahin ni Aurora. Di naman bago ang kwento sa isla tungkol sa paglalayas nito para makapag-aral ng kolehiyo para maging guro kahit na nakatakda na itong ipakasal sa ibang lalaki. Naitaguyod nito ang sarili at nakapag-asawa ng isang negosyante. Nang malaman nitong nambababae ay iniwan nito at mag-isang itinaguyod ang anak nitong si Darlo. Ipinaglaban nito ang anak sa kabila ng panggigipit ng pamilya ng asawa nito. Kaya naman humahanga siya dito dahil malakas ang loob nito. Wala siyang ganoong klase ng tapang dahil isinuko na niya ang lahat para maging mabuting anak. Di niya kayang iwan o suwayin ang ama niya.
Sa kabila ng walong oras na biyahe ay di magawang matulog ni Aurora. Nasasabik na siyang makatapak sa lungsod. Tumayo siya sa harap ng bangka at bumilis ang tibok ng puso nang makita na niya ang mahabang isla.
“Iyan na,” usal ng dalaga at nilingon ang tiyahin na kausap ang isa sa mga pahenante doon. “Tiyang, iyon na po ang Calbayog, di ba?”
“Oo. Isang oras pa bago tayo makarating doon.”
Pero di niya alintana iyon dahil nalilibang siya sa padami nang padaming bangka na nakakasalubong nila. May malalaki at may maliliit. Parang bata rin siyang pumalakpak nang humagibis sa ulunan niya ang isang malaking eroplano. Balita niya ay may paliparan na rin sa naturang siyudad.
Nang sa wakas ay makatapak na sa pier ay hila-hila na ni Aurora ang tiyahin. Atat na atat na siyang libutin ang naturang siyudad kahit na sandali. “Tiyang, halika na po!”
“Mamimili muna tayo sa palengke at saka tayo pupunta sa mall para makalanghap ng aircon,” anang tiyahin niya.

Book Comment (79)

  • avatar
    Abegail Ursunal

    good story

    27d

      0
  • avatar
    Rose Grospe

    napakaganda ng storya

    17/08

      0
  • avatar
    ManseguiaoEvanRey

    hmmm

    14/08

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters