logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Chapter 4

“Hoy! Teka lang, anong nangyari?”
Hindi na niya mabilang kung pang-ilang tanong na ‘yon ni Foina sa kaniya pero hindi pa rin siya nag-abalang sagutin ang tanong nito. Patuloy pa rin siya sa ginagawa niyang pagbihis dahil ang dungis niya at hindi siya papayag na ganoon ang bihis niya dahil si Jude pa naman ang pupuntahan niya.
At isa pa, kailangan niyang magmadali! Hindi ito ang panahon para makipagchikahan kung manok ba ang nauna o ang itlog.
“Kingina naman oh! Kinakabahan ako sa inyo. Anong nangyari kay Jude? Naaksidente ba? Nanakawan? Nasagasaan? Kingina talaga oh! Bakit ayaw mong sumagot?” tanong na naman nito sa kaniya.
Naaksidente? Pag-ulit niya sa tanong ni Foina. Hindi naman siguro.
Hinarap niya ito nang matapos siya sa pagbihis. Halos hindi na maipinta ang mukha ng kaibigan niya. Sana naman wala sa tatlong nabanggit nito ang nangyari sa nobyo niya.
“Hindi ko alam, emergency daw eh.” Nagkibit-balikat pa siya upang ipakita rito na hindi siya kinakabahan. Pati kasi siya ay nadadamay sa kabang nararamdaman ni Foina.
“Hindi mo tinanong kung anong nangyari?” gulat nitong tanong. “Dios ko naman, Georgie!”
“Narinig mo bang nagtanong ako?” Umiling ito bilang sagot. “Hindi naman pala, edi hindi ako nagtanong.” Humalakhak siya nang mahina upang pakalmahin ang sitwasiyon at kinuha na ang pantali niya sa buhok at lumabas na ng kuwarto.
“May klase tayo mamayang alas singko. Bumalik ka agad,” paalala nito sa kaniya.
“Yep, alam ko. Puntahan ko lang ‘yon saglit, baka emergency talaga.”
“Loko, parang hindi yata totoong emergency ‘yan.”
Sana nga, bulong niya. Dahil hindi niya yata kaya kung may mangyaring masama sa boyfriend niya.
Ayaw niya ring isipin na may kinalaman ang Daddy niya kung totoo mang may nangyaring masama sa binata. Iba pa naman ang Daddy niya, kayang gumawa ng dahas para lang makuha ang gusto nito.
Gaya noon, no’ng pinilit niyang pumunta sa isa niyang kaklase. Kahit hindi siya pinayagan ay pinilit niya pa ring pumunta. Ang malala pa… Iniling niya ang ulo, ayaw na niyang maalala pa ‘yon.
Nanalangin na lang siya nang makasakay na siya sa tricycle papunta sa boyfriend niya, na sana ay hindi nangyari ang masamang iniisip niya ngayon.
*****
HINDI na siya nag-abalang itulak pa ang pinto ng bahay na tinutuluyan ng boyfriend niya dahil nakabukas naman na ang pinto at wari ba’y hinihintay ang kaniyang pagdating. Pagkakaalam niya ay nakitira lang ito sa bahay ng Tita nito. Medyo may kalayuan kasi ang tinitirhan ng lalaki sa unibersidad nila kaya nagpasiya itong sa bahay na lang ng Tita nito makitira.
Walang kahit anong bakas siyang nakita na nasa loob ng bahay ang boyfriend niya maliban sa nakabukas nitong pinto. Ni hindi nga nakabukas ang ilaw nito sa loob. Ang dilim kasi ng loob ng bahay kaya kailangan nitong magbukas ng ilaw kahit maaliwalas pa ang labas para kahit papa’no ay magkaroon ng liwanag.
“Jude?” tawag niya sa pangalan ng binata. Nasa may pintuan pa siya, hindi siya pumasok sa loob kahit bukas naman ang pinto. “Babe? Nandiyan ka ba?”
Napailing siya. Ano ba naman ‘yan, talagang nagtanong pa talaga siya kung nasa loob ba ang boyfriend niya kahit ito na nga mismo ang tumawag kanina upang papuntahin siya.
Ilang minuto rin siyang naghintay pero walang kahit anong ingay siyang narinig. Nagpasiya siyang lumabas na lang at hinawakan niya ang door knob upang isara na lang ang pinto ng bahay nang may biglang humawak sa kamay niya kaya impit siyang napasigaw.
“Hey, babe. It’s me.” Humalakhak pa ito na parang katawa-tawa talaga ang ginawa nitong paggulat sa kaniya.
Biglang nagkaroon ng liwanag kaya kusang pumikit ang mga mata niya.
“Nagulat ba kita?” tanong ni Jude sa kaniya pero patuloy pa rin ang pagtawa. “I’m sorry, babe. I just wanna—”
Sinapak niya ito sa braso. “Hindi mo lang ako ginulat. Halos patayin mo pa ako sa kaba.” Muli niya itong hinampas at kinurot pa sa tagiliran. “Anong pumasok sa utak mo at may pa ganiyan ka pa?”
“Wait,” saad nito at humakbang at palayo sa kaniya, “bago ka magalit. Hold your breath first. May kukunin lang sako sandali.” Humalakhak muli ito at iniwan siya sa may pinto. Doon siya nakakuha ng panahon upang pagmasdan ang loob ng bahay.
Halos walang dekorasyon ang loob. Walang kahit anong nakasabit maliban sa isang ilaw na nasa kesame. Ngayon pa lang kasi siya nakapunta sa lugar ng nobyo.
Well, siya lang naman ang nakatira. Tamad sigurong mag-decorate, bulong niya.
“There you go, honey.”
Kusang tumaas ang kaliwang kilay ni Georgie nang marinig ang boses na iyon ni Jude. Ilang saglit pa ay nakita na niya ang binata na may dalang isang maliit na cake at humahakbang palapit sa kaniya.
“Hi, hon. Happy monthsary!” bati ni Jude sa kaniya na halos abot hanggang magkabilang tainga ang ngiti ng lalaki.
“Hon?” tanong niya. “Anong hon? Anong honey? Hindi naman honey ang call sign natin ah?” tanong niya sa binata na idiniin pa ang call sign na binanggit nito kanina.
Natigilan ang lalaki at nawala ang ngiti nito na parang nag-advertise lang ng isang brand ng toothpaste. “Ha? Babe naman ang tinawag ko sa’yo, ah.”
Umismid si Georgie. “Wow! Ginawa mo pa akong bingi ngayon.” Inikutan niya ito ng mata at tiningnan ang hawak nitong cake. “At ano ‘yang dala mo? Cake? Anong okasiyon? Anong monthsary?”
“Monthsary,” nauutal nitong sabi. “Isang buwan na tayo, diba?”
Muli siyang humalakhak. Nagpapatawa ba itong boyfriend niya? Anong monthsary ang pinagsasabi nito? Anong isang buwan?
“Are you out of your mind? Monthsary? Isang buwan? Pinagloloko mo ba ‘ko? Joke ba ‘to?” Kung kanina ay si Jude ang tumatawa. Ngayon, siya naman. “Okay, ang gandang joke, promise!”
Hahakbang na sana siya palabas ng pinto ngunit may biglang pumasok sa utak niya. Hindi niya alam kung anong ibig sabihin ng lahat. Hindi niya alam kung bakit maraming pagkakamali ang ginawa ni Jude ngayon. Pero may bumubulong sa utak niya na sana ay hindi tama ang akala niya. Sana ay nagbibiro lang talaga ito.
Muli niya itong nilingon. “Ito ba ang sinasabi mo sa phone na emergency? Ang gandang emergency, ‘no? Halos pagalitan ko pa ang driver kanina dahil sa kaba ko kasi akala ko ay napano ka na. Akala ko talaga totoong may emergency.” Mahina siyang tumawa. “Tama nga naman, emergency. Kasi hindi mo na alam kung anong totoong call sign natin.”
“Wait, babe.” Inilapag nito ang cake na hawak sa maliit nitong mesa. “Hindi pala monthsary, weeksary pala dapat. Ano kasi, mali ‘yong nalagay sa nag-design ng cake. Kaya pati tuloy ako namali sa pagbati.”
“Gaya ng pagkamali mo sa call sign natin? Akala mo ba maniniwala ako?”
“Georgie naman —”
Natigilan ito nang bigla siyang pumalakpak. “Very good. Akala ko pati name ko ay nakalimutan mo na.”
“Bakit ko naman makakalimutan ang pangalan ng girlfriend ko?”
Hinawakan niya ang kuwelyo nito. Ni hindi nga niya alam kung bakit niya hinawakan iyon. Siguro dahil sa itatanong niya ngayon. At kung sakaling magkamali ito ng sagot, sasakalin niya talaga ang lalaking ‘to.
Si Jude ang una niyang boyfriend. Palagi niyang idinadalangin na sana ay hindi siya nagkamali sa pagpili niya rito. Na sana ay hindi siya nagkamaling sumuway sa mga magulang niya. Na sana ay tama siya.
Pero ngayon, nag-aalala siya. Parang isa ito sa sign na mali nga ang ginawa niya. Na mali na pumasok siya sa ganito.
Sana hindi na lang siya sumubok. Hindi pa talaga siya natuto sa mga nakita niyang pagkakamali ng mga kaklase niya sa high school.
“Tapatin mo nga ‘ko, Jude. Ako lang ba talaga ang girlfriend mo?”
*****
“Tapatin mo nga ‘ko, Jude. Ako lang ba talaga ang girlfriend mo?” tanong niya habang nakataas ang kaliwang kilay. Nakaya pa rin talaga niyang magtanong kahit gusto na niyang sampalin ang mukha ng binata at ipalasap dito ang tindi ng nararamdaman niya.
Alam na niya ang sagot, alam na niya. Pero parang ang sarap kasing malaman ang katotohanan at masampal na kasing tindi ng isang malakas na delobyo. Pero wala eh, masakit pa rin talaga kahit alam na niya ang sagot.
Natigilan ang lalaki at hindi niya matukoy kung ano ang naging reaksiyon nito. Nawalan ng kulay ang mukha nito at daig pa ang tao na natuklaw ng ahas. Siguro kung sa panahon nila Adan at Eba, siya ang ahas at itong kaharap niya ay tutuklawin niya.
Ang sarap pala maging ahas. Kung sana hindi ito ang panahon para maging ahas siya.
Pero hindi eh, hindi gano’n ang sitwasiyon nila. Tinatanong lang naman niya ang nobyo at wala sila sa sinaunang panahon. At kung mayroon mang ibang nobya si Jude, baka may possibility na siya nga ang ahas. Dahil hindi rin naman niya alam kung sinong nauna sa kanila.
Kung siya ba ang nauna o siya ang pangalawa.
Dumako ang tingin niya sa cake na nasa mesa. Monthsary nga ang nakalagay doon. May isa pa ngang kandila na nakagay sa gitna ng cake, simbolo sa isang buwan.
May kung anong sumipa sa dibdib niya at kinurot ang puso niya nang paulit-ulit sa sobrang masakit na paraan. Tama, baka siya nga ang pangalawa o baka nga ay pang-tatlo pa. Isang linggo pa lang sila at isang buwan na ang nais ipagdiwang ng nobyo niya. Baka hindi siya dapat ang kasama nito na magdiwang, baka iyong una nito.
Humigpit ang paghawak niya sa kuwelyo ng lalaki. Lumipas na ang ilang segundo pero wala pa rin siyang nakuhang tugon dito. Kahit pagtango na lang sana o kaya ay pag-iling. Hindi niya tuloy alam kung anong uunahin. Ang pag-iyak ba o ang pagsampal sa mukha ng lalaki.
Mahirap ba talaga dito na sagutin ang tanong niya? Mahirap ba ang tumango o ang pag-iling?
Wala namang ibang dapat sisihin kun’di siya lang din naman. Hindi nagkulang ang mga kaibigan niya, kahit ang mga kaklase niya ay hindi nagkulang sa pagpapaalala sa kaniya na dapat niyang iwasan si Jude dahil nga ay playboy ito at sobrang sama ng image. Pero hindi siya nakinig sa halip ay nagtila alitaptap siya na pilit lumapit sa apoy kahit mahigpit na ipinagbabawal.
Kasi naman diba? Lahat ay may panahong magbago. Lahat kayang magbago. Lahat ay may choice kung anong nais niyang gawin. Kung nais magbago ng tao, kaya nito, dahil karapatan nitong magbago at dahil may karapatan itong pumili.
At siya. May karapatan din siyang pumili. Dahil do’n sa ipinipilit niyang karapatan, pinili niya si Jude. Pinili niya ang lalaking sasaktan lang din pala siya sa bandang huli.
Wala eh, ganoon talaga. Dahil kung alam lang din naman niyang sasaktan lang siya ni Jude, bakit pipiliin pa niya ito, hindi ba?
Natigil ang pag-iisip niya nang biglang nag-vibrate ang cellphone niya. Binitawan niya ang lalaki at kinuha ang cellphone. Agad niyang sinagot ang tawag.
“Foi?” sagot niya sa tawag ni Foina.
“Kailangan mong bumalik sa university. Hindi natuloy ang faculty meeting, may pasok tayo.”
*****
NAGMAMADALI siyang ibinigay ang pamasahe niya sa driver nang huminto ang tricycle nito sa tapat ng unibersidad. Inabot niya ang ibinigay ng sukli ng driver saka siya bumaba sa tricycle.
Hindi niya maalala kung paano siya nakalabas sa bahay ni Jude. Ang malinaw lang sa kaniya ay ang hindi nito pagsagot sa kaniyang tanong na parang ang hirap talagang sagutin. Oo o hindi lang naman ang sagot pero parang Math problem na ang ibinigay niya sa lalaki dahil nahihirapan ito. Para kasing ito ang buhay na patotoo sa kasabihing ‘silent means yes’.
Kasi naman, bakit pa siya nagtanong kahit malinaw na malinaw na ang sagot. May iba ito. Hindi lang siya ang girlfriend ng lalaki.
Pero kahit ganoon ang nangyari ay nagpapasalamat pa rin siya. Mabuti na lang dahil nalaman niya ng maaga dahil hindi pa lumalalim ang pagtingin niya sa binata. Mabuti na lang talaga.
Nakarinig siya ng ingay hindi kalayuan sa kinatatayuan niya. Dahan-dahan siyang lumingon at nakita niya ang binata na tumatawa pa kasama ang isang babae at ang mga ka-banda nito. Nagpatuloy pa rin siya sa paglakad at hindi na lang ito pinansin.
Kita mo nga naman, pupunta rin pala sa university, hindi man lang siya inaya.
Mas lalong lumakas ang tawanan ng gropo ng nobyo niya na tila ba siya ang tinatawanan. Nagkibit-balikat na lang si Georgie at binilisan ang lakad hanggang sa makarating siya sa classroom nila ng oras na iyon.
*****
“GEORGIE, sabi ko ayos na ba kaya itong mga tela na kinuha natin? O baka kailangan pa na kumuha pa tayo,” pag-ulit ng kaklase niya nang hindi niya ito nasagot.
“Ahm.” Huminga siya nang malalim at muli na namang sinulyapan ang nasa kanan nila. “Okay na siguro ‘yan, tara na, bumalik na tayo sa building. Kanina pa sila naghihin—”
“May problema ka ba?” malumanay nitong tanong sa kaniya kaya natigilan siya at pinagmasdan ang mukha ng kasama niya. “Para kasing wala ka sa sarili mo mula pa kahapon. Alam mo namang nandito lang ako kahit,” pait itong ngumiti, “kahit mas pinili mo si Jude kaysa sa’kin.”
“Frans,” pagtawag niya rito.
“Alam ko, alam ko. Alam kong mas gusto mo siya dahil—”
Hinawakan niya ang kamay nito. “Okay lang ako, salamat sa pag-alala.”
Iyon ang ipinagtataka niya. Mas guwapo si Francisco kumpara kay Jude. Mas matalino si Francisco kumpara kay Jude. Mas mabait at matino si Francisco kumpara kay Jude. Pero bakit si Jude ang sinagot niya?
Siguro dahil magaan ang loob niya kay Jude kaya ito ang sinagot niya. Pero hanggang ngayon pa rin ay hindi siya makapaniwala kung bakit ang playboy na Jude ang pinili niya kahit may Francisco rin naman na naghihintay na sagutin niya.
“Halika na, Frans. Baka naiinip na ang mga classmates natin.”
“Pero, Georgie. Naghihintay pa rin ako sa’yo.” Hinawakan nito ang kamay niya at kahit hinila niya iyon palayo sa lalaki ay mas hinigpitan pa nito ang paghawak. “Naghihintay ako, tandaan mo ‘yan.”
“Pero si Jude na ang sinagot ko, hindi na maaaring—”
“Kung ako naman ang gusto mo, puwede mong iwan ang lalaki na ‘yon. Alam ng lahat na ako ang karapat-dapat sa’yo.”
Totoo naman ‘yon. Lahat ng mga kaibigan at kakilala niya ay mas gusto si Francisco. Pero may kung anong hangin na sumapi sa kaniya at naging ganito na lang. Nagising siyang si Jude na ang boyfriend niya.
“Teka, si Jude ‘yon diba?”
Naputol ang paglalakbay ng isip niya nang biglang nagsalita si Francisco at binitawan ang kamay niya upang ituro ang tinutukoy nito.
“Loko ‘yon ah! Bakit may kasamang ibang babae?” dagdag pa nito.
Ngumiti na lang siya nang pilit at nag-iwas ng tingin sa tinutukoy ng kasama niya. Hinawakan niya ang braso ni Francisco at iginiya niya ang lalaki pabalik sa classroom nila.
“Tara na. Balik na tayo.”
“Hindi! Si Jude ‘yon, Georgie. Bakit hindi mo lapitan?” Tiningnan nitong muli ang nobyo niya. “Tingnan mo oh! Loko ‘yon ah! Inakbayan pa ang babae!”
“Tara na,” pag-aya niya ulit rito at hindi na muling sinulyapan si Jude. “Akbayan na lang din kita. Huwag mo silang pansinin. Acting lang siguro ‘yan. Kita mo oh, may camera.” Tinuro pa niya puwesto ng nobyo niyang may kasamang iba kahit hindi siya roon nakatingin. “Dali na, bilis.”

Comentário do Livro (56)

  • avatar
    AbuhanAzil

    Congrats li'l sis for your new masterpiece! Keep it up! For me you are an inspiration, keep inspiring others by your wonderful stories.

    27/04/2022

      0
  • avatar
    DimasangkayHalim

    yes

    10d

      0
  • avatar
    Jess Zer Jagorin

    nice

    17d

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes