logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

LTMWAH 6

Ilang sandali pa at nahagip niya ang kamay ng tao. Hindi siya nag-aksaya ng panahon. Ikinawit niya ang braso sa leeg niya at pilit na lumangoy sa pampang.
Subalit wala na siyang lakas. Naubos na sa kalalangoy niya kanina. Nakahinga siya ng maluwag nang dahan-dahan siyang hinila ng mga kasamahan patungo sa pampang. Ligtas na sila.
Humihingal siya nang makaahon sa ilog. Pinagtulung-tulungan silang iahon ng mga kasamahan. Ibinagsak niya ang sarili sa pampang nang padipa dahil pagod na pagod na siya. Wala siyang pakialam kung mabasa man ng ulan ang mga mata niya.
“Buhay pa siya!” narinig niyang usal ni Mang Kadyo nang alalayan siyang tumayo. Narinig niya ang pag-ubo ng sinagip niya. Nang lumingon siya ay naidapa ito nina Topher at inilalabas ang tubig na nainom.
“Sino kayo?” mahinang tanong ng lalaki na nanlalambot na nakatingin sa kanila.
Umuklo ang dalaga sa tabi nito at hinaplos ang may kahabaan nitong buhok. May balbas ang lalaki at mukhang isang buwan nang di nag-ahit. Isa ba itong ermitanyo na inanod ng baha? “Huwag kang mag-alala. Ligtas ka na. Huwag ka munang matutulog. Masakit ba ang ulo mo?”
“No. But the rest of my body feels...”
Ingliserong ermitanyo. Saan naman ito galing?
Nang dumilat ang mga mata nito at tumutok sa kanya ay parang binundol ang dibdib niya ng rumaragasang troso.
Kape. Kulay kape ang mga mata nito. Isa sa pinakamagandang mga mata na nakita niya. Sa kabila ng panghihina ay parang may kapangyarihan ang mga mata nito na humihila sa puso niya. Kakaibang emosyon ang nasinagan niya doon habang nakatingin sa kanya. Hindi niya alam kung takot o galit.
Saka niya napagmasdang mabuti ang itsura nito. Sa palagay niya ay naglalaro ang edad nito sa treinta hanggang treinta y dos anyos. Matangos ang ilong nito. Maamo ang mukha. Moreno at makinis ang balat nito. Hindi ito ang tipo ng lalaki na gumagawa ng mabibigat na bagay tulad ng pagbubukid. At natitiyak niyang hindi ito galing doon dahil ang suot nito ay abuhing slacks at asul na long sleeve polo.
“Y-You?” nanghihinang usal nito bago ipinikit ang mga mata.
Nakadama siya ng takot nang marinig ang boses nito. Takot na hindi niya naramdaman nang tumalon sa ilog kanina upang sagipin ito. Ang boses nito, parang narinig na niya. Boses na nagdadala ng sanlibong kilabot sa pagkatao niya.
Ngunit ang mga mata nito. Parang nanghihipnotismo. Na sa isang tingin lang nito ay may kakayahang pasunurin siya sa lahat ng gusto nito.
Naipilig niya ang ulo. Isa itong estranghero. Noon lang niya ito nakita. Noon lang niya narinig ang boses nito. Wala siyang rason para matakot dito. Maaring epekto lang iyon ng matagal niyang paglangoy kanina. Naapektuhan pati ang utak niya.
Tumayo si Esmeralda. “Sunduin na ninyo si Nanang Ising, Mang Kadyo. Topher, kunin mo ang isa pang duyan sa bahay. Doon natin siya isakay dahil di naman siya mabubuhat. Kailangan nating matiyak na hindi walang naapektuhan sa pagkakatangay sa kanya ng agos o kung sino ang pamilya niya. Kailangan natin siyang maibalik sa pamilya niya dahil tiyak na nag-aalala na sila.” Hinaplos niya ang buhok ng lalaki habang nakasilong sila sa ilalim ng puno. “Huwag kang mag-alala. Ligtas ka na. Di ka namin pababayaan dito.”
MATAPOS magpalit ng tuyong damit ay sinilip ni Esmeralda ang lalaking sinagip niya kanina. Pansamantala nila itong ihinimlay sa isa sa mga bakanteng kuwarto. Alam niyang hindi ito magiging komportable sa sala kung saan maraming tao. Matapos makitang nahihimbing ito ay saka siya bumaba patungo sa kusina.
Naabutan niya doon si Cynthia Lyn na naghahanda ng mainit na sabaw. Hindi naikaila sa kanya ang pinipigil nitong ngiti habang isinasalin ang sabaw sa mangkok.
“Parang kakaiba yata ang ngiti mo ngayon,” puna niya. Kumuha siya ng baso ng tubig at uninom. Hanggang ngayon ay masakit pa rin ang katawan niya dahil sa paglangoy. Matagal na siyang hindi nakakalangoy kaya hindi nakapagtatakang manakit ang katawan niya dahil pinuwersa niya ang mga kalamnan kanina.
Dumating na rin ang ibang mga kalalakihan na inutusan niyang sumundo kay Nana Ising. Maayos na ang lahat. Natutulog ang mga bata at nagkukwentuhan ang mga kababaihan habang malakas ang hagupit ng hanging dala ng bagyo sa labas.
“Kasi tumulong ako sa pagbibihis doon sa lalaking sinagip mo kanina,” pabulong nitong sabi. “Ang guwapo pala niya!”
“Shhh!” saway niya dito. “Nakakahiya sa mga tao dito.”
Itinirik nito ang mga mata. “Ano naman ang masama? Talaga namang guwapo siya. Saka maganda ng katawan. Parang ang sarap yumakap.”
Hindi niya maiwasang mamula sa gusto nitong ipahiwatig. Tinalikuran niya ito at kumuha ng kutsara para sa sabaw na idudulot sa mga bisita. Hindi siya komportable na pag-usapan ang mga aspeto ng estranghero niyang bisita. Kahit kailan ay hindi pa siya nagkahilig sa mga guwapong lalaki. Kahit si Aiden na mapapangasawa niya ay ubod ng guwapo, hindi siya nakaramdam ng atraksiyon dito. Sa isang estranghero pa kaya?
“Mahiya ka naman sa sarili mo, Cynthia Lyn. Hindi ko siya iniligtas sa pagkalunod para lang pagnasaan mo. Kaya huwag mo na siyang pantasyahin.”
Namaywang ito. “Bakit ka ba kumokontra? Hindi mo naman boyfriend ang pinagnanasaan ko. Magalit ka kung si Aiden ang pinapantasya ko.”
“Nasaan ang pagkain ng bisita natin?” pag-iiba ni Esmeralda sa usapan. “Ako na ang magdadala sa taas.”
Sumimangot ako. “Wala ka bang tiwala sa akin?”
Nang-iinis siyang ngumiti. “Wala. Dahil baka kapag ikaw ang nagdala nito, molestiyahin mo pa siya. Masira pa ang reputasyon ng baryo natin dahil sa iyo,” kantiyaw niya.
“Kung hindi ka lang ikakasal, baka pagpantasyahan mo ring molestiyahin siya,” pahabol nito habang palabas siya ng kusina.
Pagpasok niya sa silid ay nagulat siya nang makitang gising na ang lalaki. Nagpipilit itong tumayo kahit na nanghihina. “H-Huwag ka munang gumalaw,” saway niya dito.
Subalit huli na dahil bumangon na ito. At ang kumot na kanina’y nakatakip sa katawan nito ay dahan-dahang dumausdos pababa. Nahantad sa kanya ang matipunong dibdib nito na may manipis na balahibo.
Tama si Cynthia Lyn. Matipuno nga ang pangangatawan ng lalaking sinagip ni Esmeralda. Na parang napakasarap yumakap at handa siyang protektahan sa sinumang pwedeng manakit sa kanya. Handang magbigay ng init sa malamig na panahon.
Sa ilang sandali napagkit si Esmeralda sa kinatatayuan habang sinasamba ng paningin niya ang katawan nito. Kung hindi siya maagap ay baka naibagsak niya ang hawak na tray ng mainit na sabaw.

Comentário do Livro (78)

  • avatar
    carapatanmarife

    im a fan of yours since my teenage years ❣️❣️ i love collecting stallion series that time,, ilove all your works po ❤️❤️❤️

    28/03/2022

      0
  • avatar
    Nhetz Villarino

    Thanks Miss Sofia...Im an avid reader of you..Waitin for Stallion Island and the7 lords story and also prince Rostam and Jammilah's story too..

    21/01/2022

      1
  • avatar
    AlburoArlyn

    🥰🎉🎉🎉

    5d

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes