logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

LTMWAH 5

NAGMAMADALING kinuha ni Esmeralda ang mga kumot mula sa aparador. Bitbit ang gasera ay lumabas siya ng kuwarto. Walang kuryente dahil sa lakas ng hangin dulot ng bagyo. Pababa sa hagdan ay natanaw niya ang mga kababayan na nagsisilikas.
Pansamantalang nanuluyan ang mga ito sa sala at sa mga kuwarto sa ibaba ng bahay. Maluwag pa ang lugar na iyon dahil wala pang gamit maliban sa lumang kawayang sofa. Mataas ang lugar na kinatitirikan ng bahay niya kaya naman hindi iyon basta-basta aabutin ng tubig. Nakaugalian na rin ng pamilya nila na patuluyin sa bahay nila o kaya ay sa kamalig ang mga kababaryo nila na walang matuluyan.
“Tutulungan na kita, Esmeralda,” prisinta ni Cynthia Lyn, ang matalik niyang kaibigan. Kasama nito ang pamilyang nanuluyan doon dahil malapit din ang bahay nito sa ilog na unang apektado kapag tumataas ang tubig at masama ang panahon.
“Salamat,” sabi niya. “Sa tingin mo ba hindi kukulangin ang mga pagkain natin?”
Umiling ito. “Sobra-sobra pa iyon. Pinaghandaan din naman namin itong bagyo kaya may dala rin kaming mga pagkain.”
Nakahinga ng maluwag si Esmeralda. Ayaw na niyang matulad sa nangyari dati na nagutom ang mga tao na nakisilong sa kanila. Hindi napaghandaan ang pagdating ng bagyo. Kaya kahit na nakaligtas sa baha ay marami pa rin ang nagutom at nagkasakit dahil kulang sila noon sa pagkain at gamot. Ngayon ay mas handa na sila.
Malaking bagay din na nagawa sa oras ang bahay. Di pa iyon napapalitadahan pero matibay na ang bubong, maayos ang bintana at dahil malaki ang bahay ay mas marami nang pwedeng makituloy doon.
Maliit at mahirap na bayan lang ang San Luis. Kapag may kalamidad ay di sila basta-basta naabutan ng tulong ng gobyerno at NGO dahil mas inuuna ng mga ito ang mga malalaking bayan na mas madaling puntahan. At ayaw din niyang umasa sa mga pulitiko na ang pinagsisilbihan lang ay ang mga kaalyado ng mga ito noong eleksyon kahit na pare-pareho naman silang nagbabayad ng buwis.
Humihingal na pumasok si Mang Kadyo at ang ilan pang kalalakihan. Kasunod ng mga ito ang huling pamilya na nakatira sa baybayin ng ilog. “Nandito na kami,” anunsiyo nito at tinanggal ang basang kapote.
“Cynthia Lyn, hainan mo sila ng mainit na sabaw,” utos ni Esmeralda. “Pumasok na kayo.”
“Tulungan ninyo ako!” sigaw ni Topher na kababata niya na hangos na dumating. “Naiwan si Nana Ising sa kubo niya. May sakit siya at hindi makalakad. Kailangan niyang makaalis doon bago pa siya tangayin ng ilog.”
Tinanguan niya si Mang Kadyo. “Sunduin po natin siya,” yaya niya dito at sa iba pang mga kalalakihan. Wala nang kamag-anak si Nana Ising. Nag-iisa na lang ito sa kubo nito. Mahina na ito at hindi nila maaring pabayaan.
“Maiwan ka na lang dito,” sabi ni Topher.
“P-Pero di ka na dapat sumama sa amin. Hayaan mo na kaming mga lalaki.”
“Hindi ako matatahimik hangga’t di ko natitiyak na ligtas si Nana Ising.” Kinuha ni Esmeralda ang makapal na jacket at isinuot ang sumbrero. Nilagpasan niya si Topher. “Umalis na tayo,” utos niya at pinangunahan ang grupo.
Malapit siya kay Nana Ising dahil inalagaan siya nito noong bata pa siya kapag nasa bukid ang mga magulang niya. Madalas silang kwentuhan ng kung anu-anong kababalaghan. Gusto niyang matiyak na hindi ito mapapahamak.
“Kami na lang,” giit ni Topher.
“Bilisan ninyo. Lumalakas ang ulan. Baka mahirapan pa tayo kung babagal-bagal tayo,” walang lingon-likod niyang sabi at hindi pinansin ang sinabi nito.
Tahimik na nagsisunod sina Mang Kadyo at ang mga kalalakihan. Animo’y masyadong pagod para makipagtalo sa kanya. Alam ng mga ito na kapag naisipan niyang gawin ang isang bagay ay hindi na siya umuurong pa.
Malakas si Esmeralda. Hindi siya masyadong napagod sa pag-aasikaso sa mga tao dahil kanina pa siya nasa bahay. Samantalang ang mga kalalakihan ay kanina pa tumutulong sa paglilikas. Kung sakaling may maging problema, makakatulong siya.
Binaybay nila ang ilog. Malakas ang buhos ng ulan. Hindi nakaligtas sa paningin niya ang mga piraso ng troso na nagmula sa bundok. Gayundin ang ilang kabahayan na tinangay ng baha. Katulad ng araw na mamatay ang mga magulang niya.
“Tingnan ninyo!” sigaw ni Topher na pumutol sa pag-alala niya sa malagim na araw na iyon. Sinundan niya ang itinuturo nitong kulay asul na bagay na tinatangay ng agos ng tubig subalit pilit na gumagalaw. “Tao ba iyon?”
“Oo nga, no?” anang si Mang Kadyo habang tinitingnan ang asul na bagay na palapit sa tapat nila. “Saan kaya galing iyon?”
Hindi niya pinansin ang pagtatanungan ng mga ito at mabilis na hinatak ang lubid na nakaikid sa braso ni Topher. Mabilis niya iyong itinali sa baywang. Natitiyak niyang tao ang lumulutang na bagay. Nakita niyang gumalaw kaya nasisiguro niyang buhay pa ito. Subalit hindi madali para dito ang labanan ang malakas na pwersa ng tubig upang marating ang pampang ng ilog. Kailangan nito ng tulong.
“Anong gagawin mo?” tanong ni Topher na nagulat nang agawin niya ang lubid mula dito.
“Sasagipin ko siya,” sagot ni Esmeralda at hinigpitan ang tali ng lubid sa baywang.
Nanlaki ang mata nito. “Nasisiraan ka ba ng bait? Baka mamatay ka kapag tumalon ka diyan. Malakas ang agos at…”
Natigil ito sa paglilitanya nang ihagis ng dalaga sa kamay nito ang kabilang dulo ng lubid. “Itali mo sa puno. Wala na akong oras makipagtalo sa iyo.”
Naiwan niyang tulala ang mga kasamahan nang tumakbo siya. Tinantiya niya ang layo niya sa tao at humanap ng tiyempo saka siya tumalon siya sa ilog.
Tama. Isa ngang kabaliwan ang tumalon sa malamig na tubig ng rumaragasang ilog. Subalit wala na sa isip niya ang maari niyang sapitin sa kabaliwang iyon. Kailangan niyang iligtas ang taong iyon. Ayaw niyang manood na lang habang may namamatay kung alam naman niyang may magagawa siya.
Pinilit ni Esmeralda na ikampay ang mga kamay. Nilabanan niya ang malakas na agos ng tubig. Magaling siyang atleta sa swimming mula elementarya hanggang kolehiyo. Subalit ngayon masusukat ang tunay na galing niya sa paglangoy. Hindi niya pinansin ang sigawan ng mga kasamahan. Ang tanging naririnig lang niya ay ang malakas na pagragasa ng tubig at ang malakas na tibok ng puso niya.

Comentário do Livro (78)

  • avatar
    carapatanmarife

    im a fan of yours since my teenage years ❣️❣️ i love collecting stallion series that time,, ilove all your works po ❤️❤️❤️

    28/03/2022

      0
  • avatar
    Nhetz Villarino

    Thanks Miss Sofia...Im an avid reader of you..Waitin for Stallion Island and the7 lords story and also prince Rostam and Jammilah's story too..

    21/01/2022

      1
  • avatar
    AlburoArlyn

    🥰🎉🎉🎉

    5d

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes