logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Capítulo 4 Umiiyak ang aking pusong nagdurusa

“UMIIYAK ang aking pusong nagdurusa. Ngunit ayokong may makakita…”
Pumailanlang ang boses ni Lovellia sa isang abalang mall sa Cubao. Sinasaliwan siya ng instrumento mula sa mga kasamahan niya. Nakadama siya ng kasiyahan nang isa-isang nag-ipon ang mga tao para marinig ang pagtugtog nila. Sa ilalim ng makapal niyang shades ay naroon ang saya at paghanga sa mga mata ng mga ito.
Isa kasi silang banda na puro bulag ang miyembro.
Ang bahaging iyon ng mall ay nakalaan para sa kanila. Sa isang tabi naman ay naroon ang mga bulag na masahista. Nawiwili ang mga taong pumunta doon dahil nakakapag-relax ang mga ito sa pagpapamasahe habang nakikinig ng musika.
Isang lalaki ang lumapit kasama ang kaibigan nito. Naghulog ang mga ito sa donation box. Titig na titig ang mga ito sa kanya na may kasamang ngisi.
“Ang ganda mo, Miss! Maganda pa ang boses mo. Kundi ka lang bulag, gusto talaga kitang maging girlfriend,” sabi ng lalaki sabay alis.
Wala siyang naramdamang lungkot nang marinig iyon. Di naman na bago sa kanya ang ganoong mga komento. Maraming mga lalaki ang lumalapit sa kanya lalo na kapag nagpe-perform siya subalit nandoon ang pagkadismaya kapag na-realize na bulag siya. Walang maggi-girlfriend na isang bulag lalo na’t pabigat ang tingin ng marami sa taong may kapansanan.
Hindi na lang niya pinapansin ang ganoong mga komento. Nalulungkot lang siya para sa mga kasamahan niyang may kapansanan. Minsan kasi ay minamaliit ang mga ito. Subalit natutuwa siya kapag pinararangalan ang mga ito dahil sa talento ng mga ito. Maraming may kapansanan ang may talento. Ang iba nga ay higit pang matalino at kapaki-pakinabang kaysa sa mga normal na tao. Hindi katulad ng ibang taong naturingang normal pero patapon naman ang buhay.
“Ang pag-ibig kong ito, luha ang tanging nakamit buhat sa iyo. Kaya sa Maykapal tuwina’y dalangin ko…”
Kakaibang init ang naramdaman niya. Parang may mga matang nakatitig sa kanya. Alam niyang maraming nanonood sa kanya subalit iba ang enerhiyang nararamdaman niya. Parang tumatagos sa himaymay ng laman niya. Pasimple niyang nilingon ang direksiyon kung saan nanggagaling ang kakaibang enerhiyang iyon.
Sumalpok ang mata niya sa isang mataas na pigura. Maganda ang hubog ng mukha nito at mukhang makisig. Kung pwede lang ay magtagal ang tingin niya dito. Subalit di pwede. Baka may makahalata sa totoong kalagayan niya.
Sa gilid ng mata niya ay nakita niyang kausap nito ang manager at kaibigan niyang si Bham. Nang ngumiti ang lalaki ay muntik na siyang pumiyok.
Ngiting-ngiti si Bham paglapit sa kanila. “May request iyong guwapong mama. Till I Met You ni Kuh Ledesma. Galingan ninyo.”
“Magkano?” pabulong niyang tanong sa ibinayad ng guwapong lalaki nang dumaan si Bham sa tagiliran niya.
“One kiyaw.” One thousand. Malaking bayad iyon para sa request. “Guwapo na siya at mabango pa.”
Pambihira talaga ‘tong si Bham. Basta lalaki ay walang pinapalagpas. Isang libo para sa request nito?
Gaganahan talaga siyang kumanta. Mabuti na lang at part ng repertoire ng grupo nila ang naturang kanta.
“I never dream. ‘Coz I always thought that dreaming’s just for kids…”
Unti-unti siyang nakaramdam ng lungkot habang kinakanta ang kantang iyon. Madalas kasi iyong kantahin ng nanay at tatay niya. Sa nanay niya namana ang singing voice niya at ang pagiging masayahin.
Subalit wala na ang nanay niya. Mula nang mawala ito, parang nawalan na ng ganang mabuhay ang tatay niya. Nalulong ito sa pagsusugal at kapag umuuwi sa bahay ay lasing. Natanggal na nga ito sa trabaho subalit di pa rin ito tumigil sa pagsusugal. Hanggang nalaman na lang niya na baon ito sa utang. Tumigil siya sa pag-aaral. Nakalimutan na rin niya ang pangarap niyang maging teacher. Nagtrabaho na lang siya para makabayad sa utang.
Subalit di pala simpleng mga tao lang ang pinagkakautangan nito kundi mga hoodlums. Mga taong nagpapautang pero doble-doble naman kung magpatubo. Nailit ang bahay nila pero di pa rin masaya ang mga ito. One hundred thousand pa rin ang utang ng tatay niya. Basta na lang naglaho ang tatay niya para makapagtago sa pinagkakautangan nito. Iniwan siya nito at ang pinsan niyang si Kulas. Wala siyang nagawa kundi harapin ang mga pinagkakautangan nito. Kinailangan pa niyang magpanggap na bulag para lang maawa ang mga ito sa kanya at bigyan siya ng mas mahaba-habang palugit para makabayad.
“Till I met you. I never knew what love was…”
Iyon din ang madalas nilang kantahin ni Mitos, ang childhood sweetheart niya. Sa mga panahong malungkot sila, nandoon sila para sa isa’t isa. Parang walang pwedeng maghiwalay sa kanila. Kahit pa ang mga pangarap nila ay di pwedeng sumira sa pagmamahalan nila. Tinulungan niya itong makapag-training at makapag-abroad. Nangako ito sa kanya na babalik ito.
Subalit di na bumalik si Mitos. Tumigil na lang ito sa pagpapadala ng sulat at pagtawag. Walang ibang kamag-anak si Mitos para makibalita siya. Basta nararamdaman na lang niya sa mga huling sulat nito sa kanya na parang tamad na tamad ito sa pagsulat sa kanya. Tuwing tatawagan siya nito sa telepono ay sandali na lang ito kung makipag-usap. Ni hindi na rin ito nagsasabi ng I love you.
Dalawang taon din siyang mukhang tanga sa paghihintay sa pagbabalik dito. Dalawang taon din siyang nag-alala dahil baka nadisgrasya ito o kaya ay nagkasakit. Huli na niya natanggap na wala nang Mitos na babalik. Di ito nadisgrasya o nagkasakit. Tuluyan na talaga itong naglayo sa buhay niya. Hindi na siya mahalaga dito. At hindi siya nito matutulungan sa mga problema niya.
Wala siyang aasahan kundi ang sarili niya. Hindi ang tatay niya. Hindi si Mitos o kahit na sinong lalaki.
Nang matapos niya ang kanta ay muling nagpalakpakan ang mga tao. Inapuhap ng paningin niya ang lalaking guwapo na nag-request ng kanta subalit wala na ito. Hindi na niya makita.
Sana naman ay nagustuhan nito ang kanta niya. Sana naman ay bumalik ito at mag-request ulit. Kailangan niya ng malaking tip nito.
Isa pa, gusto rin niyang makisinghot sa bango nito. Sayang naman.

Comentário do Livro (57)

  • avatar
    Thor Odin

    Thank you for sharing your stories

    22d

      0
  • avatar
    bansiljohn paul

    nice❤️❤️❤️

    16/06

      0
  • avatar
    Ricky Maramara

    ang ganda ng story,,

    13/06

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes