logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Chapter 3

Mabilis na naglakad si Alice nang makitang madaraanan niya ang grupo nila Andrea. Kaklase niya ito at paborito siyang ibully. Palagi siyang pinagkakatuwaan ng mga kaibigan nito kaya naman umiiwas na lamang siya.
"Ayan na 'yong ampon, oh! Putok sa buho!" narinig niyang sambit nito. Nagbingi-bingihan siya at pinagpatuloy na lamang ang paglalakad. "Hoy, wirdong ampon! Saan ka pupunta?" Humarang pa ang bata sa daraanan niya. Hindi niya ito pinansin at nagpatuloy lang sa paglakad.
"Bastos 'to, ah! Kinakausap kita!" sambit nito at mabilis siyang hinatak sa balikat.
"Aray! Andrea, ano ba?" sambit niya at hindi sinasadyang nahampas niya ang kamay nito. Lalong nag-init ang ulo ng kaklase niya at itinulak siya. Napaupo siya sa sahig kaya napadaing siya sa sakit.
"Lalaban ka na? Ano, ha! Lalaban ka!" singhal nito.
Napapikit siya nang makaramdam ng hilo. May mga bulong siyang naririnig.
'Huwag kang paaapi, Alice. Labanan mo sila. Itulak mo o kaya sabunutan. Sige na, Alice, lumaban ka. Patayin mo sila!'
Napailing siya at hinawakan ang ulo ng may maramdamang sakit.
"Wirdo talaga. Nababaliw na naman!" halakhakan ang mga ito habang siya ay nanatiling nakasalampak sa lupa.
"Tignan mo 'tong libro niya, Andrea! Nakakatakot!" naningkit ang mga mata niya nang makitang hawak ng isang bata ang librong binabasa niya.
"The exorcist! Maysa demonyo talaga ang wirdong yan!" sambit ng mga ito.
"Witch!"
Tinikom niya ang mga kamay at tinitigan isa-isa ang mga ito. Tumalim ang bawat tingin niya kaya tila nakaramdam ng takot ang grupo nila Andrea. Umatras ang mga ito habang nakatingin sa kanya.
"Hoy! Ano 'yan!" tinig ng isang guro ang dahilan kung bakit nagtakbuhan paalis ang grupo ni Andrea.
"Mga batang 'to talaga!" Iiling-iling na nilapitan ng guro si Alice na ngayon ay nakaupo sa lapag habang nanlilisik ang mga mata.
"Alice, ayos ka lang ba?" tanong ng guro ngunit tulala lang ang bata. Nakakuyom ang mga kamao habang nakatitig sa kawalan.
Sa isip ng bata ay umaalingawngaw ang isang tinig.
"Salbahe sila, Alice. Dapat silang matuto ng leksyon. Dapat mo silang patayin!" sambit ng malamyos na tinig.
"Alice, iha. Ano bang nangyayari sa 'yo? Ayos ka lang ba?" marahang hinawakan ng guro ang bata para tulungang tumayo pero nagpumiglas ito. Bahagya niya pang naitulak ang guro.
"Alice! Ano ba ang nangyayari sa 'yong bata ka!" tumaas ang tinig nito kaya naman natauhan ang bata. Napaatras ito habang nanlalaki ang mga mata.
"Sorry po, Ma'am. Hindi ko sinasadya. Sorry po." Naiiyak na napayuko na lamang siya. Bahagya namang tumango ang guro at hinayaan siyang makauwi.
Hindi naman umuwi agad si Alice. Dumiretso siya sa maliit na opisina ni Ka Ipeng na nadaraanan lamang niya tuwing papasok at uuwi galing sa eskwela. Malapit lang ang bahay nila sa eskwelahan kaya nilalakad lang niya ito. Nadatnan niya roon si Ka Ipeng na nakaupo at tila malalim ang iniisip.
"Ka Ipeng!" tawag niya rito bago pumasok at naupo sa harap ng mesa nito. Hindi ito natinag. Nakaupo lamang ito habang nakatitig sa kawalan.
"Ka Ipeng, may problema po ba?" tanong niya. Doon naman natauhan ang matanda at agad nabaling ang atensyon sa kanya.
"Alice! Nariyan ka pala?" gulat na napatuwid sa pagkakaupo ang matanda dahil hindi nito napansin ang pagpasok ng bata dala ng malalim na iniisip.
"Gusto ko pong pag-usapan ang gagawin natin para hindi na ako guluhin ng halimaw. Patuloy siyang bumubulong sa akin tuwing gabi. Minsan ay sa ilalim ng kama ko ngunit madalas ay nasa kabinet. Ayaw po niya akong tigilan. Sabi niya ay walang nagmamahal sa akin," malungkot itong yumuko at tila maiiyak na naman. Naalala rin ng bata ang nais ipagawa ng halimaw na bumubulong palagi sa kanya. Gusto nitong patayin niya si Andrea. Ayaw niya iyon, ayaw niyang maging masamang tao!
Natigilan lamang siya nang mapansing naluluha lang ang matandang lalaki habang nakatitig sa kan'ya.
"Ka Ipeng Bakit po?" tanong ng bata na may pagtataka.
Pabuntong-hiningang sumandal sa upuan ang matanda bago tumingin kay Alice. "Hindi kita matutulungan, Alice," sambit nito sa seryosong tono. Blangko ang ekspresyon sa mukha nito.
Kunot-noong tumitig naman ang naguguluhang mata ng bata kay Ka Ipeng. "Pero nangako ka, Ka Ipeng! Nangako ka sa akin na tutulungan mo ako!" giit nito habang naluluha.
"Makakauwi ka na Alice," tugon ng matanda sa mariing tono. Dinampot nito ang librong nasa ibabaw ng mesa upang abalahin ang sarili. Ayaw niyang makita ang nakakaawang mukha ng bata.
Nagsimulang humikbi si Alice habang nakatitig sa matanda. Hindi na nito napigilan ang mga luhang pumatak bago muling nagsalita. "Ka Ipeng, wala na po akong matatakbuhan. Hindi ko po alam kung kanino pa lalapit!" umiiyak na binuksan nito ang bag at inilabas ang pitaka.
"Heto po ang bayad ko. Magdadagdag pa po ako pero pag-iipunan ko pa." Inilapag niya ang perang barya na may mangilan-ngilang benteng papel sa ibabaw ng mesa. Inipon niya ito mula sa allowance niya.
"Gusto kong makausap ang mga magulang mo." Itiniklop ng matanda ang libro at muling humarap sa bata. Hindi magawa ng konsensya niya na tuluyan itong pabayaan.
"Hindi po p'wede Ka Ipeng!" Pabiglang tumayo ang bata habang umiiling. "Ayaw ko pong abalahin si Mama dahil marami na po siyang problema! Huwag niyo po siyang kausapin please!" natatarantang pagmamakaawa nito.
"Tanggapin niyo po ito!" umiiyak na inusog niya sa matanda ang perang naipon niya. "Dadagdagan ko pa po iyan. Pangako!"
"Hindi ako ang makakatulong sa 'yo Alice!" giit ng matanda bago ibinalik ang pera sa bata. "Lumapit ka sa kura Paroko ng simbahan at siya ang hingian mo ng tulong. Dalhin mo na ang pera at makakaalis ka na," pagtataboy niya rito.
"Pero Ka Ipeng–"
"Iyon lang ang maitutulong ko sa'yo, Alice," putol niya sa mga sasabihin pa ng bata. Natigilan ito at saglit na nag-isip bago marahang tumango.
Napipilitang dinampot ng bata ang pera at isinilid sa pitaka. "Sige po. Kakausapin ko si Father pero maaari niyo po ba akong samahan? Hindi po kasi ako makapasok sa simbahan," malungkot nitong sambit. Simula nang may mga naririnig siyang bulong ay nahihirapan na siyang pumasok sa simbahan.
"Sige pero ipangako mong hindi mo na ako pupuntahan pa," wika ni Ka Ipeng bago tumayo at inakay paalis ang bata.
"Opo, pangako," sunod-sunod na pagtango nito habang nakataas pa ang kanang kamay.
Nakita ni Ka Ipeng ang pagpupursige ng bata para malunasan ang sarili nitong problema. Kung kasing tatag lang sana ito ng kanyang anak, sana'y hindi ito nasakop ng tuluyan ng diyablo. Hindi kayang tulungan ng matanda ang bata at ang tanging magagawa niya ay ilapit ito kay Father Ben.
Natitiyak niyang matalino si Alice. Alam nitong may mali sa kanya hindi katulad ng ibang nais sapian ng diablo. Natitiyak niyang lumalaban ito kaya hanggang ngayon ay hindi pa nagtatagumpay ang kung sino mang diablong nais na kunin ang kanyang katawan.

Comentário do Livro (55)

  • avatar
    Jhenalyn De Belen Dedace

    ano to

    8d

      0
  • avatar
    Francis Dizon Concepcion

    good

    11/07

      0
  • avatar
    Justine Salvacion

    Df do di dog care and grocery package from HAPPY PERA 2 is now on the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from th

    22/06

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes