logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Chapter 2

"Hinding-hindi mo ako  matatakasan, Allyson."
Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko nang ibulong sa 'kin, malapit sa tainga ko. Ang tumatama niyang hininga ro'n na s'yang nagbibigay kilabot sa buong pagkatao ko at nagpatayo ng mga balahibo ko sa batok.
Mariin na lang akong napapikit nang maramdaman ang kamay niya sa leeg ko. Marahan niyang hinawakan ang buhok ko at hinawi ito papunta sa likod ng tainga ko. Mas lalo naman akong natigilan sa ginawa niya. Napahugot ako nang malalim na hininga at buong lakas na itinaboy ang kamay niya, palayo sa akin. Masamang tingin ang ibinigay ko sa kaniya nang harapin ko ito.
"Wala kang karapatan para hawakan ako," mariin kong pagkasabi sa kaniya. 
Namangha naman ito sa ginawa ko, pero kalaunan ay napatawa siya sa naging asal ko, at muling hinawakan ang dulong bahagi ng buhok ko. "Hindi ka pa rin nagbabago, Ally, ang hot mo pa rin sa t’wing nagagalit. Innocent on the outside but on the inside like a tiger waiting to be preyed upon," sabi niya at makita mo sa mata ni Miguel ang matinding paghanga sa akin.
"Ang kapal nga naman ng mukha mo 'no? Pagkatapos nang mga ginawa mo sa 'kin no'n at panloloko mo sa 'kin ay may gana ka pang magpakita na parang walang nangyari!" Hindi ko mapigilang tumaas ang boses at sigawan siya. Mabuti na lang at kami lang ang tao rito. Ayaw kong may makakita i makarinig man lang sa mga pinagsasabi ko. Napatahimik naman siya at walang nasabi. Kanina ang kapal ng mukha na sabihan ako ng kung ano-ano pero ngayon parang tuta na biglang umamo.
College kami no'n nang magkaroon kami ng relasyon ni Miguel. Mabait at responsableng lalaki ang pagkakilala ko sa kaniya, pero simula nang sagutin ko siya ay doon ko unti-unting nakilala ang totoong ugali niya. Maloko, hindi sineseryoso ang isang relasyon at higit sa lahat laro lang para sa kaniya ang mayroon sa aming dalawa. Ibinigay ko sa kaniya lahat pero anong ginawa niya sa akin? Iniwanan niya ako na parang basura. Na parang isang damit na kahit anong oras ay p'wede niyang palitan.
Napakawalang k'wentang tao niya. Kaya ngayon magpapakita ulit siya sa 'kin na parang wala lang? Na parang walang nangyari at kung kailan okay na ang lahat? Kung kailan nakalimutan ko na siya at kahit katiting na nararamdaman ay wala na?
Napa-smirk na lang ako nang wala akong nakuhang sagot mula sa kaniya. Tumalikod na ako para sana pumasok na ng kotse ko, pero laking gulat ko na lang nang hawakan niya ang kamay ko at hinatak papalapit sa kaniya at niyakap ako mula sa likuran.
Ilang segundo rin akong natigilan sa ginawa niya. Kung noon niya ito ginawa ay baka kiligin pa ako, pero ngayon? Hinding-hindi ko na 'yon maramdaman. Kahit katiting man lang na kilig ay wala na. Naka-move on na ako at wala na akong pakialam sa kaniya. Hinawakan ko ang braso niya para sana alisin 'yon sa akin, ngunit mas hinigpitan niya ang pagkayakap sa 'kin.
"Alam kong hindi ako naging mabuting boyfriend sa 'yo noon, pero sana mapatawad mo pa ako." Humiwalay siya sa pagkakayakap sa 'kin at hinawakan ako sa braso bago  pinaharap sa kaniya. "Bigyan mo pa ako ng isang pagkakataon. Pangako sa pagkakataon na 'to ay hindi na kita lolokohin," nagmamakaawang sabi niya. Natigilan ako nang makita ko ang sensiridad sa boses at mga mata niya. Puno ng pagsisisi at tanging pagmamakaawa lang ang magawa. Hindi na rin ako makapag-isip nang maayos dahil sa nakikita kong emosyon sa buong pagkatao niya.
Ibinuka ko ang bibig ko para sana magsalita pero nakarinig kami ng isang malakas na busina sa likuran ko. Kaagad akong napahiwalay kay Miguel, at tiningnan ang kotseng nakatigil malapit sa amin. Ang pinagtataka ko lang ay kung bakit dito pa malapit sa amin tumigil? Ang laki-laki ng space na p'wede niyang tigilan ng sasakyan.
Tumingin ako sa salamim ng kotse. Tinted 'yon kaya hindi ko kita kung sino ang nasa loob pero hindi ko mapaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Parang mayroong nag-uutos sa 'kin na alamin kung sino ang nasa loob nito kahit hindi ko nakikita. Ngunit napakurap lang ako nang bigla nitong pinaandar at pinatakbo nang mabilis ang kotse.
"Siraulo 'yon, ah? Akala mo kung sino, may nalalaman pang gano'n." Napatingin ako sa lalaking nagpangahas na hawakan ako kanina. Tila natauhan din ako sa gusto ko sanang sabihin sa kaniya kanina. Ba't ba ang dali kong utuin? Tsk, pasalamat sa kotseng tumigil. Natauhan ako sa katangahan ko sana.
Masama ko itong tiningnan dahil sa sinabi n'ya, at sino ba naman kasing siraulo ang makipag-usap dito? Walang sabing tinalikuran ko siya at binuksan ulit ang pintuan ng sasakyan. Naisara ko yata kanina ng hindi ko man lang nalalaman.
"Sandali, Ally! Saan ka pupunta?" tanong nito at hinawakan ang kamay ko.
"Pwede ba, Miguel. Tigilan mo na ako, please lang!" sigaw ko sa kaniya sabay hila ng kamay kong hawak niya. Hilig niya talagang hawakan ako 'no?
"At iiwan mo na lang ako rito ng basta-basta?" Hindi naman ako makapaniwala sa sinabi n'ya. S'ya pa talaga ang may ganang sabihin 'yan? At wala s'yang pakialam kung iiwan ko s'ya rito. Hindi siya worth it para paglaanan ko ng oras
"Wala na akong pakialam sa 'yo, kaya tigilan mo na ako pwede ba? Wala na akong nararamdaman sa 'yo, ang nakaraan ay mananatili lang do'n. Tapos na tayo, matagal na. Hindi ko nga alam kung naging tayo nga ba talaga," bato ko ng mga salita sa kaniya, bago ko s'ya tinalikuran at tuluyan nang pumasok sa loob ng kotse. Kaagad kong sinarado ang pinto at hindi ito pinansin.
Katok ito nang katok sa bintana ng kotse ngunit kahit isang sulyap ay hindi ko ginawa. Walang lingong pinatakbo ko sasakyan at hindi na s'ya tiningnan hanggang sa tuluyan ko nang lisanin ang lugar na 'yon.
Nang makalayo na ako'y unti-unti kong binagalan ang takbo ng kotse hanggang sa hininto ko ito sa tabi ng daan. Hindi ko alam pero kinikilabutan pa rin ako sa tuwing naaalala ko ang kotseng tumigil sa harap namin kanina. Parang mayroong nag-uutos sa 'kin na kilalanin ko ito nang mabuti. At parang may mga bagay na dapat kong malaman tungkol sa kaniya at 'yon ang kailangan kong aalamin.
Inabot ko ang pouch sa tabi ko, at kinuha ang cellphone sa loob. D-in-ail ko ang number ni Lala at inilagay sa tainga. Hindi rin nagtagal ay sinagot din nito agad.
"Hello, Lala. May ipapagawa sana ako sa 'yo."
***
NAPAMULAT ako ng mata nang maramdaman ko ang tumatamang sikat ng araw sa mukha ko. Kinusot ko ang isa kong mata at napatakip ng bibig dahil sa antok. Kinuha ang unan para itakip sa mukha bago ulit ipinikit ang mata. Hindi ko matandaan kung anong oras akong nakatulog kagabi, ang natandaan ko na lang ay kung paano dumikit ang likod ko sa kama.
"Ally, gumising ka na nga riyan. Anong oras na pero nakahiga ka pa rin diyan. Halos lahat ng tao rito sa condominium ay gising na, pero ikaw ay parang paniki na nakapikit pa rin." Mahabang talumpati ni Lala, habang hinihila ang unan at kumot ko.
"Hindi naman kasi ako katulad nila, na kailangan gumising ng maaga. Artista ako, kailangan ko rin ng pahinga para maging fresh 'no," inaantok kong sabi sa kaniya. Kinuha ko ang unan sa uluhan at ito ang ginawang pantakip sa mukha ko, dahil nagtagumpay siyang kunin ang isa kong unan. Matutulog na sana ako ulit nang bigla ako nitong hilahin sa kamay.
"Ano ba, Lala!" inis kong sigaw sa kaniya at sinamaan siya ng tingin. Nakaka-frustrate, ah? Kitang natutulog ako, e.
"Ano bang ginawa mo kagabi at anong oras na ay nakahiga ka pa rin? 'Wag mong sabihin na nakainom ka na naman? Naku, babae ka! Sinabihan na kitang nakakasama 'yon sa kalusugan mo, pero hindi ka nakikinig!" Bored lang akong nakatingin sa kan'ya dahil muli na naman itong nanermon.
"Alam mo, gumagawa ka naman ng k'wento. Paano pa ako iinom ng alak kagabi, e, sobrang pagod ko nga?" pagsisinungaling ko sa kaniya. "Kung ayaw mong maniwala. P'wede kang magtanong sa lahat ng bar. Marami kang source diba?" tamad kong pagkasabi sa kaniya.
Nawala na rin ang antok ko dahil sa mga pinagsasabi niya. Sino ba naman kasi ang hindi mawala ang pagkaantok kung ganito na ang sasalubong sa paggising mo? Walang na akong nagawa kun'di ang tumayo sa kama bago siya tinalikuran at matamlay na pumasok ng banyo.
Humarap agad ako sa salamin nang tuluyan na akong nakapasok sa loob. Pinaandar ko ang gripo para maghilamos ng mukha. Pagkatapos ay tumingin ako sa repleksiyon ko sa salamin. Nitong nakalipas na buwan ay puro ako trabaho. Minsan nakakalimutan ko na rin ang sarili ko. Kahit pagbili man lang ng gusto ko ay hindi ko magawa. Kailangan kong i-maintain kung anong meron ang ako ngayon.
Hindi rin maiwasan minsan na parang gusto ko nang sumuko pero hindi p'wede. Maraming umaasa sa 'kin, at dapat ko pang pagbutihan para sa kanila.
Maghilamos ulit sana ako ng bigla kong maalala ang kotseng huminto malapit sa 'kin kagabi. Hindi ko man nakita o nakilala kung sino ang may-ari no'n pero parang mayroong nagbubulong sa akin na dapat ko s'yang kilalanin. Simula kagabi ay hindi na ito mawala sa isip ko, kaya medyo late na ako nakatulog at late na rin nagising.
Napabuntonghininga ako at itinuloy na ang paghilamos. Nang masiguro kong maayos na ay pinatay ko na ang gripo at kinuha ang towel na nakahalay para magpunas ng mukha. Tiningnan ko ang repleksiyon ko sa salamin. Itinukod ko ang dalawa kong kamay sa sink at mariing tiningnan ang sariling repleksiyon. Nagtataka pa rin ako sa mga iniisip ko ngayon, sa buong buhay ko ngayon lang ako nagkaroon ng interest sa isang tao at sa isang estranghero pa? Muli akong napabuntonghininga at benaliwala na muna ang iniisip ko.
***
Paglabas ko pa lang ng k'warto ay nakita ko na agad si Lala sa kusina. Nakatalikod ito sa akin habang nagluluto. Hindi naman kasi gano'n kalaki ang condo ko. Pagpasok pa lang sa pinto ay makikita na agad ang maliit na sala at kusina. Walang naghahati sa dalawang bahagi dahil 'yon ang gusto ko. Para kahit nasa sala palang ay kita na agad ang buong paligid, maliban sa kuwartong. Simple at maayos lang na paligid ay p'wede na sa 'kin.
"Mabuti naman at nandito ka na. Akala ko aabutin ka ng taon sa banyo, e," sabi ni Lala, nang makita niya akong palapit sa pwesto niya.
Hindi ko pinansin ang sinabi niya at basta na lang akong umupo sa upuan na nakalaan para sa 'kin. Tiningnan ko ang mga niluto n'ya, at tulad pa rin ng dati, fried egg at sinangag. Hindi ko alam kung paborito lang talaga n'ya ito o wala na s'yang ibang alam na lutuin.
"Hays, palagi na lang bang ganito?" tanong ko sa kaniya, habang nakatingin pa rin sa niluluto niya.
"Huwag ka ng magreklamo. Pasalamat ka na lang at ako ang nagluluto sa 'yo, kaya 'wag ng maraming tanong." Inilagay nito ang pagkain sa harap ko at s'ya na mismo ang nagsandok ng pagkain ko.
"Ano pa nga ba ang magagawa ko? Ikaw na ngang naglagay, oh," mataray kong sabi sa kan'ya at hinawakan ang kubyertos para mag-umpisang nang kumain. Minsan napapaisip ako kung paano ko siya naging manager at kaibigan. Inirapan n'ya lang ako at tinuloy na ang ginagawa. Wala naman talaga akong reklamo sa niluluto n'ya. Masarap naman at tama ang pagkakaluto, 'yon nga lang paulit-ulit.
"May balita na pala about do'n sa pag-apply mo ng t'way company," biglaang sabi niya na ikinalaki ng mata ko. Halos mabitawan ko ang hawak na kubyertos at gulat na tiningnan ko si Lala. Ang matagal ko ng hinihintay na pagkakataon dumating na!
Inabot ko ang basong may lamang tubig at ininom ito. Inilapag ko ito sa lamesa at tiningnan s'ya. "Ano raw ang sabi?" tanong ko na may pagmamadali sa tono.
"Excited lang? Tapusin mo muna 'yang pagkain mo dahil mamaya ko pa sasabihin," sabi niya. Ang kaninang masaya kong mukha ay bigla na lang umasim, napanguso na lang din ako sa sinabi n'ya. Kung mamaya n'ya pa pala sasabihin, bakit pinaalam n'ya pa sa akin ngayon? Tsk, feeling gold talaga ang babaeng 'to, kahit hindi naman. Wala akong nagawa kun'di ang magsimula ulit na kumain.
***
IBINIGAY agad sa akin ni Lala ang hawak na folder nang makaupo na kami sa sofa. Dito ang napili nitong mag-usap kami para raw maayos at komportable. Ewan ko ba kung anong arte nito.
"Ano bang nasa loob nito?" Binuksan ko ang folder at binasa ang nakasulat do'n.
Nasa unang sentence pa lang ako pero halos hindi ako makahinga habang binabasa ang nakasulat. Hanggang sa mabasa ko na lahat ay hindi pa rin ako makapaniwala sa naka saad sa sulat.
Dahan-dahan ko itong binaba habang nakatulalang nakatingin kay Lala. Hindi ako sure kung totoo ba talaga ang nabasa ko pero sana totoo.
"Totoo ba talaga 'to?" wala sa sariling tanong ko habang nakatulala pa rin.
"Oo, at pinapupunta ka bukas sa t'way company para sa kontrata mo."
Nanghihinang napasandal ako sa sofa. Kilala ang t'way company sa buong Asia, maging sa Europa at America. Kaya isang karangalan sa isang tulad ko na makuha nila bilang isang modelo. Hindi ko maisip na ang matagal ko ng pinapangarap ay matutupad na. Mabibigyan ko na maayos na buhay ang pamilya ko.
"Ally? Okay, ka lang ba?"
Napailing ako sa naging tanong ni Lala. Hindi ako okay, dahil mas okay pa ako, sa okay.
"Sa tingin ko ito na. Ito na ang pagkakataon ko na makilala at hinding-hindi ko 'to sasayangin pa." Tumayo ako sa sofa at nakangiting tiningnan sa mga mata si Lala.
"Dahil si Allyson Rodriguez, ang titingalain nilang lahat."

Comentário do Livro (59)

  • avatar
    Kįm Cîê Perez

    ow so cute

    10/08

      0
  • avatar
    Eunuce Myrtle Lachica

    wow nice

    13/07

      0
  • avatar
    Queen Elisabeth Cabrera Musica

    very niceee

    16/03

      1
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes