logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Capítulo 6 V: Nararamdaman ng isa't isa

Matapos ang araw na 'yon ay hindi na muli pang lumabas si Luna, hindi lang dahil sa ayaw niya kung hindi ay mas pinahigpit ng hari ang pagbabantay sa kaniya upang hindi na siya makalabas pang muli. May mahika na nakakapit sa pintuan ng kaniyang silid, kahit sino ay hindi na pwedeng pumasok o makalabas maliban na lang kung pahihintulutan ito.
Ilang araw na siyang nasa silid at nakatulala, hindi na niya magawa ang pagguhit, ang huling guhit niya ay ang kaniyang bagong kaibigan na isang lambana.
Kung hindi siya nananahimik sa isang tabi minsan ay umiiyak siya buong araw. Minsan nga'y magang-maga na sa kakaiyak ang kaniyang mga mata at dumadating pa sa puntong hindi na siya kumakain o ginaganahang kumain.
"Mahal na Prinsesa mas makakabuti po sa inyong kumain upang kayo po ay lumakas," sabi ng Lambana niyang kaibigan na may pangalang Rumi. Tumigil ito sa paglipad at tumuntong sa lamesa para harapin ang nakatulalang Prinsesa na nakaupo sa harap nito.
"Patunayan mo sa kanilang hindi ka dapat ikinukulong sa silid na ito dahil kaya mong pangalagaan ang sarili mo. Paano ka lalakas at paano mo malalaman ang kakayahan mo kung hindi mo papalakasin ang iyong sarili?" nag-aalalang tanong ni Rumi.
"Paano ko malalaman ang kakayahan ko kung mananatili lamang ako dito?" Nakatulala pa rin si Luna mula sa bintana.
"Nais ko lamang na kumain ka. Hindi maganda ang nalilipasan ng gutom," nakangusong sagot ni Rumi.
Nilingon siya ni Luna. "Pakiramdam ko wala akong silbi, walang nagmamahal sa akin, at mag-isa lang ako," naiiyak niyang sinabi. Si Rumi na lang ang lagi niyang napapagsabihan ng problema simula noong hindi na siya dalawin ni Arayan, kaya laking tulong na nakilala niya ito.
"Hindi ka nag-iisa, prinoprotektahan ka nila dahil mahal ka nila," sagot ni Rumi.
"Hindi, tinatago nila ako dito dahil balang araw ako ang magiging dahilan ng pananakop sa buong Magia. Kung hindi nila ako hahayaang makalabas, hindi mangyayari ang nakatakdang 'yon," mahinahong sabi ni Luna kahit gustong-gusto na niyang sumabog dahil sa nararamdaman.
"Walang nagmamahal sa akin. Dahil kung mahal nila ako hindi nila ako hahayaang malungkot at hindi nila ako hahayaang maging mag-isa. Sasamahan nila ako dahil mahal nila ako, hindi nila ako iiwan. Gano'n dapat 'yon, hindi ba?" Tumayo siya at nagpunta sa maliit niyang bintana. Pinunasan niya ang mga luha bago pagmasdan ang kapaligiran.
"Paumanhin, Prinsesa. Hindi nila alam na ganito na pala ang dating ng pagpoprotekta nila sa'yo, wala silang alam na may hinanakit ka na pala sa kanila."
"Wala silang alam dahil wala silang pakialam sa nararamdaman ko," mahinahon ngunit may hinanakit na sagot ni Luna.
━━━━━・ 。゚★: *.☪.* :★ ゚。・━━━━━━
"Ilang araw ng hindi kumakain ang Prinsesa," pagbabalita ni Edmondo sa Hari. Nakatayo ito sa balkunahe at pinagmamasdan ang tore kung saan naroroon ang silid ng kaniyang anak.
"Araw-araw ko din siyang naririnig na umiiyak. Minsan nga'y naririnig ko siyang nagsasalita, hindi ako sigurado kung may kinakausap siya dahil nga mahigpit na ang pagbabantay sa kaniya," dagdag pa ni Edmondo.
"Nagmumukha ba akong masamang Ama?" tanong ni Haring Gualtiero habang nakatalikod mula kay Edmondo.
Yumuko ito at sinagot ang hari, "Hindi alam ng Prinsesa ang hinaharap niyang panganib kapag pinilit niya pang lumabas, ginagawa mo lamang ang dapat na gawin Mahal na Hari."
Nilingon siya ni Haring Gualtiero habang nasa likod ang dalawang kamay. "Hindi ba't nais mong matuto na siyang makipaglaban?" tanong nito.
"Base sa mga sinasabi niya ay iyon ang nais niyang ipabatid. Ngunit ikaw ang masusunod at ang kailangan kong sundin Mahal na Hari," sagot ni Edmondo.
"Nais kong gumawa ka ng paraan para maibalik siya sa dati," sabi ng Haring Gualtiero bago muling pagmasdan ang mataas na tore.
"Siguraduhin niyo lamang na papayag kayo sa aking suhestiyon."
"Kahit ano pa man 'yan, ikaw na ang bahala."
━━━━━・ 。゚★: *.☪.* :★ ゚。・━━━━━━
Napabangon ang Prinsesa mula sa pagkakayuko dahil sa biglang pagbukas ng pintuan ng kaniyang silid. Hindi man lang siya nagulat sa nakita niya kahit na inaasahan niya ang taong ito na dumating noong mga nakaraang araw, ngunit ngayon ay para bang wala na siyang pakialam dito.
"Kumain ka, Prinsesa," sabi ni Arayan. Nakatingin ito sa kaniya na parang walang problema, na para bang ayos lang ang lahat. Nag-iwas siya ng tingin at binalik na ulit ang atensyon sa labas ng bintana.
"Hindi maganda sa kalusugan ang walang laman ang tiyan." Narinig niyang inilapag ni Arayan ang dalang pagkain sa lamesa.
Nakaramdam siya ng ginhawa at hindi na niya kailangan magpanggap na ayos lang siya dahil siguradong nakaalis na ito, kaya't lumingon siya para sana magtungo na sa kanyang kama. Ngunit hindi pa rin pala ito umaalis, nakasandal ito sa lamesa habang nakatingin sa kaniya.
"Ano pang ginagawa mo dito? Pwede mo na akong iwan." Nagdadalawang isip na tuloy si Luna kung magtutungo pa ba siya sa kama niya para magpahinga or mananatili siyang naka-upo sa tapat ng bintana. Hindi na kasi siya makagalaw sa kinatatayuan dahil sa mga titig nito.
"Sisiguraduhin kong kakainin mo ang nakahain dito bago ako umalis," seryosong sagot ni Arayan habang umiigting ang panga.
"Kakain ako, kaya pwede bang umalis ka na?" inis na tanong ni Luna. Nagtitigan sila ng ilang minuto at si Arayan ang unang bumitaw, nag-iwas ito ng tingin.
"Hindi ako aalis hangga't hindi ko nakikitang ginagawa mo ang gusto ko," sagot ni Arayan habang nakatingin sa lapag.
"Gusto mo? Paano naman ang gusto ko? Sa'yo na ba nakasalalay kung kakain ako o hindi?" Tumaas ang kilay ni Luna, hindi na niya mapigilan na ipakita ang pagka-inis niya sa lalaking kaharap niya ngayon.
"Parang gano'n na nga." Tinignan muli ni Arayan si Luna. "Utos ito ng hari."
Ngumisi at umirap si Luna. "Alam ko. Hindi ka naman pupunta dito dahil gusto mo, nagpupunta ka lang kasi napipilitan ka, kasi utos ng Hari." Tinalikuran niya si Arayan at para hindi madismaya ng tuluyan ay binaling niya sa ibang bagay ang atensyon niya, ginuhit niya ang kaniyang pangalan sa bintana kahit hindi naman 'yon kita.
"Hindi na naman kita kailangan, bakit ka pa nila pinadala dito? Akala ba nila mapapasunod nila ako kapag ikaw ang humarap dito? Babae ako, pero hindi ako tanga," sabi ng Prinsesa na ikinagulat ni Arayan.
Hindi niya inaasahan na manggagaling 'yon sa Prinsesa. Bumilis ang paghinga niya at gano'n din ang tibok ng kanyang puso habang inaalala ang sinabi sa kaniya ni Maia na baka may gusto din sa kaniya ang Prinsesa, ngunit nang marinig niya ang mga salitang 'yon ay para siyang sinaksak ng katotohanan na imposible 'yon mangyari.
"Nasasaktan ako," sabi ni Arayan.
"Akala mo ba ikaw lang? Nasasaktan din ako," mabilis na sagot ni Luna. Tumayo siya at nilingon si Arayan na hindi na maipaliwanag ang reaksyon ng mukha.
"Anong nagawa ko? Paano kita sinaktan?" tanong ni Arayan na napatayo na din nang diretso para harapin siya.
"Kailangan pa ba 'yan tanungin? 'Yan! 'Yung ganyang ugali mo," sagot ni Luna habang nakaturo sa kaniya. "'Yung mata mo, kung paano ka tumingin sa akin, kung paano ka magsalita, kung paano mo ako tratuhin na parang wala tayong pinagsamahan. Ikaw lang ang nasasandalan ko dati, pero anong nangyari? Iniwan mo ako." Pinilit niyang h'wag umiyak, pero namuo na ang luha sa gilid ng mata niya dahilan para hindi niya makita nang maayos si Arayan na nasa harapan niya.
"Hindi naging madali para sa akin na iwan ka, nahirapan din ako," giit ni Arayan.
Nagpunas ng luha si Luna para makita ito ng maayos. "Maging tapat ka sa akin, Arayan. Bakit ka nahirapan? Bakit hindi madali sa'yong iwan ako?" Hindi niya gustong paniwalaan ang sinabi nito, lalo na kapag naaalala ang araw na lumabas siya para makita ito. Para kasing wala na itong pakialam sa kaniya no'n, pero nang makita niya kung paano ito tumingin sa kaniya ngayon…nakaramdam siya ng sinseridad.
Nag-igting ang panga ni Arayan at nag-iwas ng tingin. Hindi niya magawang magsabi ng totoo, 'yung totoo na may pagtingin siya sa Prinsesa.
"Kailangan ko ng iyong tugon, pagtapos nito hindi na ako mangungulit pa," mahinahong sabi ni Luna.
Binuka ni Arayan ang kaniyang bibig para magsalita, "D-Dahil kaibigan kita." Hindi niya magawang tignan sa mata ang Prinsesa, dahil kapag nangyari 'yon baka hindi na niya mapigilan ang sarili.
Tumango si Luna at nag-iwas ng tingin. "Ang akala ko malabo kitang magustuhan…" Gulat na napatingin sa kaniya si Arayan at halos kumawala ang puso nito sa dibdib, dahil sa mga binanggit niyang mga salita.
Huminga ng malalim si Luna at tinignan din siya sa mga mata. "Tulad ng sabi mo, magkaibigan tayo. 'Yon ang alam ko, pero noong hindi ka na nagpakita sa akin. Iba na ang naramdaman ko, hindi ko kaya kapag wala ka. Gusto kong makita kita palagi."
Pinagmasdan ni Arayan ang Prinsesa habang hirap itong pinapaliwanag ang nararamdaman. Ilang minuto din niyang inintindi ang nais nitong iparating, ngunit ayaw niyang maniwala sa sinabi nito kaya lumapit siya at hinawakan ito ng marahan sa braso. "Anong ibig mong sabihin?" mahinahon niyang tanong na nagpapikit nang mariin kay Luna.
Umiling ang Prinsesa. "Ngunit naisip kong hindi ito tama." Tinanggal niya ang kamay ni Arayan na nakahawak sa braso niya at aktong lalayuan niya ito, ngunit pinigilan siya nito na gawin 'yon at ikinulong siya sa mga bisig. Nakasandal siya ngayon sa pader at hindi makatingin kay Arayan ng diretso.
"Paanong hindi tama? Anong ibig mong sabihin do'n, Luna?" Gamit ang mapupungay na mata ay sinubukan niyang hulihin ang tingin ni Luna.
"Arayan, layuan mo ako." Pilit umiiwas si Luna.
"Paki-usap, tumingin ka sa mga mata ko," malambing na utos ni Arayan sa kaniya. Huminga nang malalim si Luna at tumingin sa asul na mata nito. "Mahal mo ba ako?"
Bumilis ang tibok ng puso ng Prinsesa.
"Sabihin mong mahal mo ako at ako na ang bahala sa lahat," sabi pa nito. Tumingin si Luna sa mga labi nito, hindi na niya alam ang gagawin. Nakaramdam siya ng ginahawa nang masabi niya ang nararamdaman niya, kaya para mas lalong matahimik ang naguguluhan niyang puso…tumango siya bilang pagsagot sa tanong nito.
"Sabihin mo, Prinsesa," bulong ni Arayan. "Sabihin mong mahal mo ako, hindi ako nakukumbinsi ng tango lang. Sabihin mo gamit ang 'yong labi."
"M-Mahal kita."
Napangiti si Arayan nang marinig 'yon. "Mahal din kita, Luna."
Napalunok si Luna para mapigilan ang mga nagbabadya niyang luha. Nararamdaman na niya ang hininga ni Arayan na tumatama sa kaniyang mukha, sobrang bago nito. Nakaka-adik ang amoy ng lalaking nasa harap niya. Sa sobrang lapit nila sa isa't isa ay halos magkahalikan na sila.
"Arayan." Isang matikas at malalim na boses ang pumigil sa kanilang dalawa para gawin 'yon.
Nilingon ni Arayan ang kaniyang Ama. Nakita niya itong umiling sa kaniya kaya lumayo siya sa Prinsesa.
Marahan niyang hinaplos ang pisngi ni Luna bago lumabas sa silid.
Naging magaan naman ang pakiramdam ng Prinsesa kahit na naiwan na naman siyang mag-isa sa loob.
━━━━━・ 。゚★: *.☪.* :★ ゚。・━━━━━━
"Buti na lang dumating ako at baka kung ano na ang nangyari sa inyo," sabi ni Edmondo habang naglalakad sila palayo mula sa silid ng Prinsesa.
"Mabuti na lang talaga at dumating ka, Ama. Sinubukan kong pigilan ang sarili ko, pero mahal ko talaga siya," sagot ni Arayan. Huminto sa paglalakad si Edmondo at hinarap ang kanyang anak.
"Bakit mo ba gagawin ang bagay na 'yon? Pinahintulutan ka ba ng Prinsesa na gawin 'yon sa kaniya?" bulong ni Edmondo.
Ngumiti si Arayan. "Mahal niya din ako, Ama."
Umiling naman si Edmondo. "Alam mong malaki ang kabayaran ng ginagawa niyo. Hindi ako makakapayag na mamatay ka dahil sa pag-ibig na 'yan. Alam mo na ang mga Prinsesa ay galing sa mga maharlikang pamilya at alam mo din na isang prinsipe lamang ang nababagay sa kanila. Hindi ka nararapat kay Luna, Arayan."
Natahimik si Arayan sa sinabi ng kaniyang Ama. Hindi dahil nasaktan siya sa sinabi nito, kundi dahil wala na siyang magagawa. Walang makakapigil sa kaniya na mahalin ang Prinsesa.
"Hindi masama ang umatras paminsan sa laban, lalo na't kung hindi mo kakayanin," sabi pa ni Edmondo.
Huminga ng malalim si Arayan. "Hindi po ba sapat na mahal namin ang isa't isa? At bakit niyo ho ba sinasabi sa akin 'yan? Hindi ka naman tutol sa pag-ibig ko sa kaniya dati, hindi ba?"
"Mukhang nakakalimutan mong hindi sang-ayon ang iyong Ina sa nararamdaman mo sa Prinsesa. Hinayaan kitang gustuhin ang Prinsesa noon, ngunit ngayong nalaman ko na gusto ka din niya? Hindi ko hahayaan na saktan mo ang sarili mo," sagot ni Edmondo na naglakad na ulit. Gusto pa sana magsalita ulit ni Arayan, pero hindi niya alam kung saan magsisimula.
Sa haba ng nilakad nila ay hindi pa din siya mapakali sa sinabi ng kanyang ama, kaya sinubukan niya itong kausapin muli,
"Ang akala ko'y papayag ka-"
"Ayaw ko lamang na mapahamak ka," mabilis na sagot ni Edmondo na para bang pati ito ay hindi mapalagay ang isip sa usapan nila ngayon.
"Sa tingin ko ay haharapin ko na lang ang mga kabayaran, lalo na't nalaman kong mahal niya din ako." Pinagmasdan ni Arayan ang magandang tanawin sa malalaking bintana na nadadaanan nila, makikita din dito ang mataas na tore na kinalalagyan ng Prinsesa.
"Duda ako sa'yo, Arayan," sabi ni Edmondo. Kaya naman napatingin siya dito habang magkasalubong ang kilay. "Nakikita kong hindi ka pa handa para magsakripisyo sa isang pag-ibig. Sa oras na pumasok ka sa isang gulo, dapat alam mo na ang iyong ginagawa."
"Anong ibig mong sabihin, Ama?" naguguluhang tanong ni Arayan. Sa mga oras na ito ay napapa-isip na siya kung ano ba ang kaya niyang gawin para sa Prinsesa.
"Nagtapat kayong dalawa na mahal niyo ang isa't isa, ngunit ngayon mo lang naisip na kailangan harapin mo ang mga kabayaran? Mali 'yon, Arayan," sagot ni Edmondo. Huminga naman ng malalim si Arayan at binaling ang paningin sa ibang direksyon. "Dapat noong mga oras na pakiramdam mong mahal mo na siya, nagdesisyon ka na din na kailangan mo siyang ipaglaban," dagdag pa nito.
"Ipaglalaban ko siya," depensa ni Arayan.
Huminto muli sa paglalakad si Edmondo para harapin siya. "Ito lang ang tatandaan mo, Arayan. Hindi ako nagkulang sa pagpapaalala sa'yo, hindi kayo nakakabuti sa isa't-isa."
Magsasalita pa sana si Arayan pero biglang bumukas ang pintuan na nasa harap nila, biglang lumabas mula dito ang Hari kaya naman agad silang yumuko para magbigay galang.
"Kayo pala ang naririnig kong nagtatalo, ano bang pinag-uusapan niyo?" tanong ni Haring Gualtiero.
Nagkatinginan ang mag-ama. Nag-iwas ng tingin si Arayan at si Edmondo naman ang sumagot sa Hari. "Nag-uusap lamang po kami tungkol sa Prinsesa, Mahal na Hari."
"Ang aking anak, kumakain na ba siya?"
"Sinigurado kong kakainin niya ang pagkain, bago ako umalis," sagot ni Arayan.
"Mabuti, simula ngayon ikaw na ang magbibigay sa kaniya ng makakain para siguradong kakain siya. Inaasahan kong hindi na muli nagtatanim ng sama ng loob ang aking anak, ngunit alamin mo ang iyong mga limitasyon, Arayan."
Hindi sumagot si Arayan, ayaw niyang pangakuan ang hari na masusunod ang limitasyong sinasabi nito.
"Masusunod, Kamahalan. Sisiguraduhin ng aking anak na babalik sa dating sigla ang Prinsesa," sagot ni Edmondo para kay Arayan.

Comentário do Livro (18)

  • avatar
    CristinaKetlhen

    Não é ruim

    07/01

      0
  • avatar
    Erinea Heshan

    Ang ganda ng story ang sakit lang talaga nung part ni Luna.

    22/08/2023

      0
  • avatar
    Ian Anglo Gualva

    wow

    31/07/2022

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes