logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Capítulo 3 II: Liwanag sa dilim

Exypnos - Kaharian kung saan may mga kakaibang kagamitan at sandata sa pakikipaglaban. Matatagpuan ito sa kanlurang bahagi ng Magia.
━━━━━・ 。゚★: *.☪.* :★ ゚。・━━━━━━
"Sumunod ka," galit na sabi ng hari.
Walang nagawa si Arayan kung hindi ang sumunod kung saan man ito papunta. Huminto sila sa malaking bahagi ng kaharian, mga kawal na nagbabantay na lamang ang nanditolo dahil nga hating gabi na.
Nagulat si Arayan nang bigla siyang suntukin ng Hari dahilan para mapaupo siya sa sahig sa sobrang lakas ng pagsapo nito sa kaniya. Napakahawak siya sa labi at ilong niyang dumudugo. Wala naman naging reaksyon ang mga kawal, para lang silang estatwa, walang nakikita, walang naririnig, at hindi gumagawa ng aksyon hangga't walang naririnig na utos mula sa Hari.
"Tanggap ko na kaibigan ka ng Prinsesa at may tiwala ako sa'yo, ngunit anong karapatan mo para labagin ang kaisa-isang utos na pinagkaloob ko? Wala kang karapatan na gawin iyon sa aking anak!" sigaw ng Hari. Hinawakan niya ang kwelyo ni Arayan at muli itong sinuntok.
"Lapastangan! Paano mo nagawang hawakan ang nag-iisang anak ko?! Walang kahit sino man ang pwedeng gumawa no'n! Walang kahit sino ang pwedeng humalik sa prinsesa! At ang pagtawag-tawag mo sa kaniya gamit ang kaniyang pangalan ay isang kalapastanganan!" galit na sigaw ng Hari sabay sipa sa katawan ni Arayan dahilan para tuluyan na itong mahiga sa sahig.
"Ano ang karapatan mo? Isa ka lamang hamak na anak ng utusan ko, hindi mo kasing taas ang prinsesa! Paano mo nagawa 'yon, Arayan? Paano mo ako nagawang suwayin?"
Bumangon si Arayan galing sa pagkakahiga at lumuhod sa harap ng Hari. "Patawarin niyo po ako, inaamin ko pong ako ay nagkasala. Ngunit kamahalan, minamahal ko po ang inyong anak." Hinawakan niya ang paa ng Hari gamit ang nanginginig niyang kamay.
Natawa ang Hari, ngunit ang mata nito ay masama ang tingin sa kaniya. Bago niya pa mahawakan ang paa nito ay sinipa agad siya nito mukha. Sobrang pagdudugo na ang natatamo niya, ngunit wala siyang magawa.
"Hindi 'yon maaari, alam mong ayaw ko siyang mapahamak! Hindi mo siya pwedeng mahalin bilang babae! Pumayag ako na makipag-kaibigan ka sa aking anak, ngunit hindi ibig sabihin no'n ay pumapayag akong gawan mo siya ng masama!"
"N-Ngunit wala naman pong masama sa nagmamahal, hindi ba? Hindi ko po siya kayang ipahamak, lubos ko po siyang pinahahalagahan."
"Hindi mo 'ko naiintindihan! Malayo ang estado ng buhay mo sa aking anak! Kung may dapat man siyang mahalin ay hindi ikaw 'yon! Isa siyang prinsesa at prinsipe ang nararapat sa kaniya, naiintindihan mo ba 'yon?"
( "M-Mahal na mahal kita at napakahalaga mo sa akin, d-dahil matalik kitang kaibigan." )
Tumango si Arayan nang lubos na niyang naintindihan ang nais iparating ng Prinsesa. Sa buong panahon na nagkasama sila ay kaibigan lamang ang turing nito sa kaniya at dapat lamang iyon, dahil dumating naman talaga siya sa buhay nito bilang kaibigan at wala ng iba pa.
Sobrang malaking pagkakamali niya na umibig siya sa kaibigan niya, sa Prinsesa. Habang tumatagal kasi na magkasama sila ay iba na ang nagiging pagtingin niya dito, samantalang ang Prinsesa pala ay kaibigan lang ang turing sa kaniya, hindi naman niya ito masisisi.
"Patawarin niyo po ako, mahal na Hari. Nagkasala po ako, inaamin ko po ang kamalian kong nagawa. Hindi po dapat akong umibig sa isang prinsesang kaibigan lamang ang turing sa akin. Tinatanggap ko po ang parusang ipapataw niyo para sa nagawa kong kalapastanganan. Patawarin niyo po ako, mahal kong Hari." Nakapikit habang yukong-yuko si Arayan sa harapan ni Haring Gualtiero.
Pinagmamasdan siya ng Hari habang humihingi siya ng tawad dito. "Pinapatawad na kita. Dahil isa kang matalik na kaibigan ng aking anak at anak ka ng matalik kong kaibigan, hindi na kita papatawan pa ng parusa."
Mas lalong yumuko si Arayan dahil sa sinabi ng Hari.
"Maraming salamat po, mahal na Hari. Sadya pong napakabuti niyo."
"Sa oras na lapitan at kausapin mo pa ang aking anak nang hindi ko ipinag-uutos, hindi na ako magdadalawang isip pang parusahan ka," seryosong sabi ng Hari.
Tumango naman si Arayan. "Masusunod kamahalan." Napapikit siya nang madiin at halos i-untog na ang ulo sa sahig.
━━━━━・ 。゚★: *.☪.* :★ ゚。・━━━━━━
Nakasilip sa bintana ang Prinsesa tulad ng lagi niyang ginagawa sa loob ng kaniyang silid. Pinagmamasdan niya ang malawak na lupain ng kaharian, gano'n din ang mga kawal na walang pagod na nagbabantay, hindi niya din maiwasang pansinin palagi ang masaganang dagat sa 'di kalayuan at ang mga bangkang lumalaot dito. Matitibay naman ang mga bahay-bahay na nakatayo sa paanan ng bundok na kinatitirikan din ng palasyo.
Pinagmamasdan niya ang mga ito ng mabuti, para maayos niya itong maiguhit.
Kitang-kita din sa kaniyang silid ang bayan na dinadagsa ng maraming tao. Tuwing gabi naman ang nakikita niya ay bituin, kahalati ng buwan na nagiging kulay pula pagsapit ng gabi, at mga ilaw sa bayan.
'Yon ang laging ganap ng buhay niya sa loob ng ilang taong nagdaan. Gusto na nga niyang makalabas, ngunit hindi siya pinapayagan. Ilang araw na ang lumipas simula noong kaarawan niya, simula noon ay hindi na niya muli pang nasilayan si Arayan at hindi niya alam kung bakit.
Bumukas ang pintuan ng kaniyang silid kaya naman sabik pa siyang lumingon dito nang nakangiti—umaasang si Arayan ang nagbukas nito. Ngunit napawi din ang matamis niyang ngiti, nang makitang nagkamali siya ng akala.
Tumayo siya sa pagkakaupo, binitawan ang kagamitan sa pagpinta at sinalubong ang ama ni Arayan na si Edmondo. Kahit paano ay gumaan ang loob niya, dahil kamukha naman nito ang ama niya.
"Paumanhin, ngunit maaari ba akong magtanong?" tanong ni Luna kay Edmondo habang nilalapag nito sa kaniyang mesa ang agahan niya.
"Ano po 'yon prinsesa?"
"Nasasabik na po akong makita ang inyong anak, kailan po ba siya pwedeng bumisita sa akin?" nakangiting tanong ni Luna. Nahinto sa ginagawa si Edmondo at hinarap ang Prinsesa.
"Abala po ang aking anak sa pakikipag-negosasyon sa kabilang kaharian, kasalukuyan silang bumibili ng mga gamit pang-sandatahan. May mga bago kasing kagamitan na ibinibenta sa atin ang kaharian ng Exypnos. Kaya't malabo po siyang nakapunta ngayon, mahal na Prinsesa." Yumuko si Edmondo at aktong aalis na, ngunit pinigilan siya ng Prinsesa.
"Ngunit matagal na siyang hindi bumibista, gano'n ba ang lagi niyang ginagawa? Kailan po siya maaaring dumalaw?" malungkot na tanong ni Luna.
"Ang kasagutan po ay nasa inyong Ama. Paumanhin, ngunit kailangan ko na pong umalis, mahal na Prinsesa. Ang mabuti po ay kumain na kayo, upang kayo ay maging malakas," sagot nito bago tuluyang iwan ang Prinsesa sa loob ng silid.
Umupo si Luna sa harap ng hapag at tinitigan ang mga pagkaing nakahain sa harap niya ngayon.
Napabuntong hininga siya. "Aanhin ko ang isang marangyang buhay kung ang kasiyahan ko naman ang nakasalalay?" tanong niya sa kaniyang sarili. Dahil wala na siyang ganang gumawa at tinatamad siyang kumain ay natulala lamang siya sa kawalan.
Napapikit siyang bigla dahil sa malakas na ihip ng hangin na pumasok sa kaniyang silid.
"Malapit mo ng malaman ang mga kakayanan mo, mahal kong Prinsesa." Nagkasalubong ang kilay ni Luna at agad na nilingon ang babaeng nagsalita. Isang Dyosa ang nakita niya, puti ang kasuotan nito at sadyang napakaganda. Kumikinang at nakakasilaw itong tignan.
"Maaari ko bang malaman kung sino ka at ano ang pakay mo sa akin?" tanong ni Luna habang kinokontra ang liwanag na dala nito gamit ang kanyang kamay.
Ngumiti ito sa kaniya. "Kailangan mo ang mga kakayanang ito para makapagligtas. Dahil balang araw magagamit mo 'yan laban sa kasamaan…" Lumapit ito kay Luna, "ngunit maaari ka ding gamitin ng masamang loob upang matupad ang kanilang mithiin. Isa kang mahalaga at malakas na armas sa iyong kaharian, kaya naman may magkakainteres sa iyo, mahal na Prinsesa."
"Ano po ang ibig niyong sabihin?" Tuluyan na niya itong nasilayan ng maayos.
"May makakaalam tungkol sa iyo at ang nilalang na iyon ay sadyang mapagmatyag. Walang makakapigil sa kaniyang pinuno lalo na't kung kapangyarihan ang pag-uusapan, pilit ka nilang kukunin upang mapasunod ang tatlong kaharian," sagot nito sabay hawak sa buhok ni Luna. "Napakahalaga mo, mahal na Prinsesa. Kailangan mong alagaan ang iyong sarili, gano:n na din ang mga nilalang na nakapaligid sa iyo," dagdag pa ng babae.
"Hindi po kita maintindihan." Tumayo si Luna para harapin ang napakagandang babae.
Mas lalo itong ngumiti at hinawakan ang itaas na kaliwang dibdib ni Luna. "Ikaw ang pag-asa ng inyong kaharian, kung ang puso mo ay iyong pababayaan, mawawalan din ng pag-asa ang inyong mga mamamayan.
"Masaya ako at lumaki kang ganyan kaganda. Sa oras na malaman mo na kung ano ang kaya mong gawin, hindi na kita kailangan bantayan pa," sabi nito sabay hawak naman sa pisngi ni Luna. Kusang napapikit ang Prinsesa upang damdamin ang kamay nitong humahagod sa kaniyang pisngi.
Naluluha siya habang dinadama niya ang haplos nito. "Sinasabi po ng puso kong ikaw ang aking Ina, ngunit si Reyna Lila-" Tuluyan nang bumuhos ang luha niya.
"Ako si Seraphina ang iyong ina gano'n na rin si Lila. Siya ang nagbigay daan upang maipaganak ka sa wakas sa mundong ito, mahal kong Prinsesa," nakangiti nitong sagot.
Sinubukang hawakan ni Luna ang kamay nito ngunit nabigo siya, hindi niya ito mahawakan ngunit ang kamay nito ay ramdam niya sa kaniyang pisngi.
Dumilat siya at pinagmasdan ang mukha ng babaeng kamukhang-kamukha niya. "Ano po ba ang nagawa ko para danasin ko ang ganitong sitwasyon?" umiiyak niyang tanong.
"Alam mo ba kung bakit Luna ang pinangalan ko sa'yo?" tanong ni Seraphina. Binaliwala niya ang katanungan ng Prinsesa, kahit naman kasi paliwanag niya ay hindi pa din ito matatanggap ni Luna. Kailangan nitong manatili sa tore, para ito ay hindi mapahamak. At matagal na nito alam ang tungkol do'n, ngunit nagtatanong pa din ito.
"Bakit po?" Hinayaan na lang din ni Luna na hindi 'yon masagot.
"Dahil buwan ang kahulugan nito. Ikaw ang buwan sa gabing madilim, ikaw ang magsisilbing liwanag sa panahon ng kadiliman," sagot nito habang hinahagod ang buhok ng prinsesa.
"Luna, may dahilan kung bakit ka nananatili dito sa tore. Hindi ka pa gano'n kalakas, para malaman mo ang iyong mga kakayanan. Ipinanganak kang kakaiba sa lahat, nasa puso mo ang kakayahan mo at ikaw ang nakakaalam kung paano mo ito gagamitin." Hindi din nakayanan ni Seraphina at sinagot niya din ang kaninang tanong ng kanyang anak.
"Ikaw ang daan upang mapanatili ang katahimikan sa apat na kaharian. Malalaman mo rin balang araw ang dahilan, kung bakit kailangan mo itong gawin. Alagaan mo ang sarili mo, piliin mo ang bawat taong makakasalamuha mo, at tatandaan mong hindi lahat ng tao ay tapat. Mahal kita, Anak," dagdag pa nito.
"Mahal din kita aking Ina. Mahal na mahal kita, kayong dalawa ni Reyna Lila."
Nagising siya bigla dahil sa nabasag na baso. Nakatulog pala siya sa mesa at natabig niya ang basong may laman na gatas. Kinusot niya ang mata niya at pinagmasdan ang bintana kung saan lumabas ang isang napakagandang paru-paro.
( Paanong naging panaginip lamang ang lahat? )
━━━━━・ 。゚★: *.☪.* :★ ゚。・━━━━━━
"Iniinda mo pa rin ba ang sakit ng iyong braso?" tanong ni Edmondo sa kaniyang anak na kakarating lang kasama ang ibang kawal na may dala-dalang mga armas.
"Madalang na lang Ama. Sa tingin ko naman ay gagaling din ito," sagot ni Arayan.
Tinanggal ni Edmondo ang baluti na nakakabit sa braso ni Arayan at pinagmasdan ang pasa na natamo niya.
"Sa tingin mo ba kailangan natin ito ipaalam sa Hari? Ang Prinsesa ang may gawa nito at ikaw na ang may sabing mahina lamang ang pagsuntok niyo sa'yo, ngunit ilang araw mo na itong iniinda. Hindi kaya ay may kinalaman ito sa sinasabi ng matandang babae na kakayanan ng prinsesa?" tanong ni Edmondo.
Binalik muli ni Arayan ang tinanggal ng kaniyang ama. Tumango siya at sumunod sa kaniyang ama papunta sa Hari. Naabutan nila itong binabalaan ang mga kawal tungkol sa nasabing pag-atake sa kanilang kaharian.
"May ipinadalang babala ni Megalitha na ang kaharian ng Ischyros ay may balak na sugurin tayo. Unang panahon pa lamang ay sila na palagi ang nagsisimula ng gulo, ngunit hindi natin pahihintulutan na tayo ay kanilang matalo. Lalaban tayo sa ngalan ng kapayapan."
"Para sa kapayapaan!" sigaw ng mga kawal. Nang matapos ang pagsasalita ng Hari ay nilapitan ito ni Edmondo upang kausapin.
"Magbantay kayo sa bawat sulok ng kaharian, magpadala na rin kayo ng mga kawal para pangalagaan ang mga mamamayan," utos ng hari.
"Masusunod kamahalan," sagot ni Cerberus: Ang heneral.
"Ano ang iyong sasabihin?" tanong ni Haring Gualtiero.
"Sa tingin ko po ay lumalabas na ang kakayahan ng mahal na prinsesa."
Dahil do'n ay napalingon sa kaniya ang Hari. "Ano ang ibig mong sabihin?" tanong nito.
Pinalapit ni Edmondo ang kaniyang anak at ipinakita sa hari ang nangyari sa braso nito.
"Ang prinsesa po ang may gawa nito. Sa tingin niyo po ba ito ang sinasabing kakayanan ng prinsesa? Mahina lamang po niyang sinuntok ang aking anak, ngunit nagtamo ito ng malaking pasa na nagtagal ng ilang araw."
Iniwas ni Haring Gualtiero ang kaniyang paningin kay Arayan. "Ano ang eksaktong gusto mong iparating sa akin tungkol diyan?"
"Bakit hindi natin gamitin ang prinsesa upang maipanalo ang laban-" Natahimik si Edmondo nang magdabog ang hari.
"Iniisip mo ba ang iyong sinasabi?" galit nitong tanong.
"Ama, hindi ko 'yon mapapayagan," hindi pagpayag ni Arayan.
"Paumanhin, ngunit sinabi ng matandang babae na ang Prinsesa ang magliligtas sa ating lahat," sagot ni Edmondo.
"Ngunit siya din ang maaaring magdala ng kadiliman dito sa Magia kung makuha siya ng kahariang Ischyros!" sigaw ng hari. "Mas mabuting h'wag na siyang masali sa kaguluhang ito." Aalis na sana ang hari sa harap nilang mag-ama, ngunit pinigilan ito ni Edmondo.
"Hindi po ba kayo nagtataka kung bakit ngayon lang naisipan ng Ischyros na lumusob? Hindi kaya nalaman na nila ang tungkol sa Prinsesa, lalo na ngayong lumalabas na ang tunay niyang kalakasan. Kilala po ang Ischyros dahil may itim silang salamangka, kakaiba ang mga kawal nila, at pinalilibutan sila ng mga alaga nilang mga dragon," sabi ni Edmondo.
"Mahal na hari nakakasiguro akong nalaman na nila ang tungkol sa Prinsesa, siguro ay may balak silang dukutin ito kaya susugudin nila ang ating kaharian," dagdag pa niya.
"Hindi pa sigurado, ngunit ano ngayon ang gusto mong gawin ko? Ilabas ang Prinsesa upang labanan ang mga kalaban kung sakaling totoo ang paglusob? Sa tingin mo ba ipapahamak ko ang sarili kong anak?" galit na tanong ng Hari.
"Hindi iyon mangyayari Edmondo. Wala pang nakakakita sa Prinsesa kaya mahihirapan silang makuha ito. Kailangan natin doblihen ang pagbabantay sa kaniya at sa kaharian ng Prostatévo, kakayanin natin 'to nang hindi kasama ang Prinsesa." At sa mga salitang 'yon ay tuluyan ng umalis ang Hari.
"Tama ang Hari, Ama. Hindi po natin dapat isaalang-alang ang buhay ng Prinsesa kung wala naman tayong kasiguraduhan sa mangyayari. Kahit ako ay hindi ko 'yon mapapayagan," sabi ni Arayan.

Comentário do Livro (18)

  • avatar
    CristinaKetlhen

    Não é ruim

    07/01

      0
  • avatar
    Erinea Heshan

    Ang ganda ng story ang sakit lang talaga nung part ni Luna.

    22/08/2023

      0
  • avatar
    Ian Anglo Gualva

    wow

    31/07/2022

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes