logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

CHAPTER 02

Daig ko pa ang nasa interrogation room. Sagad sa kaluluwa ko ang mga tingin na ipinupukol ng mga taong nasa harapan ko. Kasalukuyan akong kumakain ng chicken sandwich na inihanda ni Kuya Ismer, isa sa mga kusinero rito sa resort.
“Wala ka pa rin bang balak magsalita?” taas-kilay na tanong ni Grace.
Pinangunutan ko siya ng noo at umirap. “Ano ba dapat kong sabihin? Wala akong dapat ipaliwanag dahil wala naman talaga.”
“Ang aga-aga kanina, ‘no? Kuya Gelo? Kung makapaglandi akala mo talaga, e.”
“Hoy, iyang bibig mo nga. Gusto mong isubo ko lahat sa’yo iyang kinakain mo? Sinabi na ngang wala e!”
“Huwag mo na kasi i-deny, hindi kami bulag para hindi makita ang pamumula ng mga pisngi mo kanina. ‘Yong totoo nga, bukod sa reservation, ano pa napag-usapan ninyo ni Sir Pablo?”
Bumuga ako ng isang malalim na hininga dahil sa kakulitan nitong kaibigan ko. Kanina pa siya nangungulit tungkol sa narinig nila na sinabi ni Sir Pablo. Malay ko ba kung anong nakain no’n kaya nasabihan niya akong pretty.
“Hayaan mo na muna, Grace.  Malay mo, doon magsimula ang panibagong lovelife niyan ni Easter,” turan ni Kuya Gelo na agad kong inungusan.
“Duh. Mukha ba gusto kong maiwan ulit?” sarcastic ko na sagot.
“Oo nga naman, kuya. Kung titingnan kasi halatang mayaman si Sir. Mas angat kay *you know* kung sino. ‘Di malabong ma-broken heart na naman itong kaibigan ko.”
“Bakit ba natin pinag-uusapan 'to? Bahala nga kayo riyan, babalik na ako sa labas.”
Sukat sa aking sinabi ay tumayo na ako. Inubos ko ang juice na nasa aking baso at iniwan na sila sa loob ng kusina.
Nang makabalik ako sa reception desk ay naabutan ko si Miss Ana na hindi mapakali.
“Ayos lang po kayo, Miss Ana?”
Balisa itong tumingin sa akin at bakas ko ang pagdadalawang-isip niya.
“Easter kasi… nagpasadya si Mayor na um-order dito. Ano, walang maghahatid na iba bukod sa’yo kasi kailangan ko ang tulong ni Gelo at Grace sa paglilinis sa ibang kwarto, a-ayos lang ba?”
“O-oo naman po, Miss Ana. N-ngayon na po ba?”
“Salamat! Sandali lang at ipa-follow up ko lang kina Ismer.” Nagmadali siyang pumasok sa kusina at narinig ko na lang na kinakausap ang mga tao roon.
Tahimik akong umupo sa stool at nalilito kung ano ba ang dapat na maramdaman ko. Wala naman na dapat dahil matagal na ‘yon. Wala nang saysay pa kung balikan ulit. At saka maghahatid lang naman ako…
“Easter, ito na! Ingatan mo ah, kilala mo naman si Mayor.”
“Sige po. Alis na po ako.”
Umalis ako sa resort na dala sa magkabilang kamay ang dalawang bilao na naglalaman ng order ni Mayor. Lutang ang aking isip habang naghihintay ng tricycle. Namalayan ko na lang na lulan na ako nito at tinatahak ko na ang daan patungo sa bahay nila.
Nagsimulang tumambol nang malakas ang puso ko nang huminto kami sa tapat ng bahay. Pagkatapos kong makapagbayad ay bumaba na agad ako.
Inilibot ko ang tingin sa two storey style na bahay. Halong itim at puti ang pintura nito. Sa kanilang garahian ay may nakaparadang dalawang sasakyan, isang minivan at sedan. At alam ko kung kanino ang huli.
Iwinaglit ko ang pagkamangha sa bahay. Nagmadali ako sa paglapit sa may kataasan na gate at pinindot ang doorbell.
Wala pang ilang segundo nang mamataan ko kung sino ang lumabas sa pinto. Nanlamig ang kamay ko at umusbong ang kakaibang emosyon sa dibdib ko.
Titig na titig ang lalaki sa harapan ko na para ba kung kukurap siya ay agad akong mamawala. Itinuwid ko ang reaksiyon sa aking mukha at malamig ang tingin na isinukli ko sa kaniya.
“Easter…” anas niya sa hangin.
“Ito na order ni Mayor.” Iniabot ko sa kaniya ang dalawang bilao. Kinuha naman niya ito subalit nabitin sa ere ang magkabilang kamay niya dahil hindi niya pa rin iniaalis ang titig sa akin.
“Iyong payment? Kailangan ko na rin makabalik sa resort.”
Atubili niyang inabot sa akin ang bayad. Tatalikod na sana ako nang may babaeng lumabas at nakangiting tinawag ang lalaking nasa harapan ko.
“Hon, matagal ka pa riyan?”
Suot nito ang malaking t-shirt na sigurado akong hindi sa kaniya, sa pambaba niya ay isang maikling short. Litaw ang kaputian at makinis niyang legs.
Mukhang malditang tingnan pero sabi nga nila don't judge the book by its cover kaya sige, mukha lang.
Tila hindi naman alintana ng lalaking ito ang kasintahan niyang nasa tabi. “U-uh. Easter… p-pwede ba tayong mag-usap mamaya?”
Hindi ko naiwasan ang pagtaas ng isa kong kilay. “Pasensiya na, busy akong tao.”
“K-kahit sandali lang?” pakiusap niya pa.
Hindi ko na napigilan ipakita ang galit ko. Matalim akong tumingin sa kaniya at gayundin sa babaeng nakakapit na sa kaniyang braso.
“Huwag ka nga umakto na parang wala kang ginawa sa akin. Gusto ko ng tahimik na buhay kaya huwag mo nang hingiin sa akin ‘yan.”
Narinig ko itong sinabihan ang babae na pumasok na sa loob at dalhin ang mga pagkain. Hindi pa sana ito susunod pero dahil sa ginamit na boses ng kaharap ko ay wala itong nagawa.
“Aalis na ako,” sabat ko.
“Easter, sandali!”
Mabilis ang paglakad ko papunta sa may nakaparadang tricycle. Naririnig ko pa ang tawag nito sa pangalan ko na lubos kong ikinakahiya dahil maraming tao ang naroon din at pinagtitinginan na kami.
Nahablot niya ang braso ko at iniharap sa kaniya. Masama ko siyang tinitigan. Mabilis ang pagtaas-baba ng dibdib ko gawa sa hingal at sa pinipigilan na emosyon.
“Ano pa ba ang kailangan mo, Christoper Nelson?” diin kong bigkas sa pangalan niya.
“H-hindi ‘yan ang tawag mo sa akin,” nandoon ang sakit sa boses niya.
“Ano naman ngayon?” asik ko. Pasimple kong ipinalibot ang aking tingin at mas dumagdag sa init ng ulo ko ang mga usosyong tingin ng mga chismosa!
“G-gusto ko humingi ng tawad sa nagawa ko noon…”
Tumawa ako ng pagak sa narinig. “Huh. Ngayon pa kung kailan ‘di ko na kailangan ng paliwanag mo!”
“Sorry…”
“Hindi mababawi ng sorry mo ang mga gabing nakakatulugan ko ang pag-iyak. Hindi niyan mabubura ang sugat na iniwan mo sa akin at hindi niyan matatanggal sa isip ko ang mga panghuhusga na itinatak ng mga tao rito!” pigil kong sigaw.
Ipinagpag ko ang aking braso para matanggal ang hawak niya sa akin. Nagtagumpay ako roon at diretsong sumakay sa tricycle.
Doon ko ibinuhos ang pag-iyak. Hindi ko inaasahan na sa muli namin pagtatagpo ay ganito pa ang magiging eksena. Siguradong may maikakalat na naman na chismis ang mga taong nakasaksi sa amin.
Ang punyeta lang kasi ng buhay, ba’t niya ako piniling iwan? Pwede niya naman sabihin sa akin ng maayos pero pinagmukha niya akong katawa-tawa. At ngayon babalik siya na parang wala lang sa kaniya?
Ni wala akong natanggap na paliwanag sa kaniya sa una pa lang! Kaya anong karapatan niya na hingiin iyon sa akin ngayon?
Nang malapit na sa resort ay inayos ko ang aking sarili. Mabigat man ang loob pinilit kong umaktong normal. Pagkababa ko sa tricycle ay naglakad na ako papasok. Ipinagdarasal ko na sana ay ‘di nila mahalata ang pag-iyak ko.
Malapit sa bukana ng resort ay namataan ko ang aming guest na tila may kausap sa cellphone nito. Iniwas ko ang tingin sa kaniya at dire-diretso na sanang papasok subalit natigil ako sa pagsalita nito.
“Are you alright, Easter?” concern ang boses niya.
Isa pang punyeta. Hindi ba siya na-inform na huwag tanungin nang ganiyan ang mga taong halata naman na hindi okay?!
Ayaw ko man sanang maging bastos pero iniwas ko ang aking tingin sa kaniya. Maliit akong tumango at nagtuloy-tuloy na. Hangga’t maaari ayaw kong malaman nila ang nangyari pero sa tingin ko sa dami ng nakasaksi kanina, malamang ngayon pa lang nakaabot na sa kung saan ang balita.
Pumasok ako sa reception desk at ipinahinga saglit ang utak ko. Saktong dumating si Miss Ana at nagtanong sa akin.
“Easter, ano? Na-deliver mo ba?” marahan niyang tanong. Tumikhim ako upang maalis ang bikig sa lalamunan ko.
Hindi rin ako humarap sa kaniya dahil sa takot kong makita niya ang pamumula ng aking mata. “Opo. Nandito na rin po ang bayad.”
Hindi ko siya narinig sumagot, at hindi ko na rin iyon pinansin pa. Ang mahalaga naman ay nasabi ko nang hindi pumipiyok ang aking boses.
Mayamaya lamang habang inaayos ko ang mga papel ay narinig ko ang mahinang paglagutok ng mabigat na bagay sa desk. Tumambad sa akin ang isang basong tubig at nang tuluyan ko nang iangat ang ulo ko ay nakakunot na noo ni Sir Pablo ang nasalubong ko.
“D-do you need anything, sir?”
“Nothing, but I know you needed this. Seems like you got a problem but I will not force you to tell me because we did not know each other personally.”
Napakurap-kurap ang mata ko. Alam kong concern siya kanina pero kailangan niya pa ba na gawin ito?
Kinuha ko ang basong may tubig at inilapag sa mesa sa ilalim ng desk. “You don't really have to do this, sir. But, thank you po.”
Tumuwid ang mukha niya at pinakatitigan ako. Nagsimula akong mailang sa tingin niyang iyon. At mas gumulat sa akin ang kaniyang sinabi.
“Smile, Easter. You're more than prettier when you have that.”
Matapos niyang sabihin iyon ay tumalikod na siya. Sinundan ko siya ng tingin at nang malayo na siya sa tanaw ko ay naramdaman ko ang muling pag-iinit ng magkabila kong pisngi!

Comentário do Livro (10)

  • avatar
    Crismathew Solis

    salamat Po.

    29/07/2022

      0
  • avatar
    Jesslyn Bataller

    🖤🖤

    21/06/2022

      0
  • avatar
    Rej Dela Cruz

    evwww

    26/02/2022

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes