logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

—Chapter 3—

SUMAPIT na ang gabi. Nahihimbing pa din sa pagtulog si Cornelia sa couch habang tinutulungan naman ako ni Griffin sa pagluluto ng hapunan. Naisip ko na magluto ng sweet and sour pork at sinigang na tilapia. Nang kukuha na ako ng pampalasa, ay napansin ko na hindi sapat ang pampaasim para sa sinigang. Nagpaalam ako kay Griffin na pupunta lang ako saglit sa kanto para bumili ng pampaasim sa sinigang.
“Griffin, bantayan mo muna ang niluluto ko. Pupunta lang ako kay Aling Bebot para bumili ng pampaasim sa sinigang. Nalimutan ko kasing mamili kanina eh,” ang pagpapaalam ko kay Griffin.
Tumango naman si Griffin at agad niyang isinuot ang apron upang hindi madumihan ang kanya’ng kasuotan. Minsan napapaisip ako kung paano sila inalagaan ni Mama? Hindi ako makapaniwala na nalimutan ko ang naging papel nila sa buhay ko. Ayon sa kuwento nila ay sila ang sumagip sa buhay ko. Sa lalim nang aking pag-iisip ay nakarating ako sa eskinita palabas ng kanto. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay may bumagsak sa harapan ko na isang taong paniki. Natumba naman ako sa aking kinatatayuan at napaatras ako nang bigla itong pumagaspas sa paglipad.
“Huwag kang lalapit!” ang sigaw ko sa taong paniki na nasa harapan ko ngayon.
Inilabas nito ang kanya’ng mahabang dila at ang matitilos nitong mga ngipin. Sa sobrang takot ko ay napapikit ako at ang sunod kong narinig ay ang nakakarinding sigaw ng taong paniki. Narinig ko ang yabag na nagmula sa takong ng sapatos kaya nang imulat ko ang aking mga mata ay nakita ko ang paggulong ng ulo ng taong paniki. Alam kong hindi sa taong paniki nagmula ang yabag na iyon lalo na't wala ang kalahati ng ibabang parte ng katawan nito. Napalingon ako sa paligid at nakita kong may hawak na punyal ang babae. Nababalot ng dugo ang kanya’ng punyal at iwinasiwas niya ito upang maalis ang dugo sa dagger.
“A—Ano ang nilalang na iyon? Bakit ako nito inatake?” ang tanong ko sa babae.
Tiningnan ako nang babae at laking gulat niya nang makita niya akong nakaupo sa may eskinita. Hanggang ngayon ay nangangatal pa rin ako sa takot. Akala ko ay mamamatay na ako sa kamay nang taong paniking iyon. Iniabot niya ang kamay niya at agad ko iyong tinanggap.
“Isa itong manananggal. Kadalasan, mga nagdadalang-tao ang kanilang inaatake. Kapag naman may natipuhan silang binata ay agad nila itong susundan at kukunin ang puso mo upang kainin,” ang walang emosyong sambit ng babae.
Natulala naman ako sa sinabi ng babae. Pambihira. Sa dinami-daming matitipuhan ng manananggal ay bakit ako pa? Nang silipin ko ang katawan ng manananggal ay nakita kong tuluyan itong naging abo. Napatingin naman ako sa hawak nitong punyal at inilagay niya ito sa kanya’ng kaluban na siyang nakasukbit sa kanya’ng baywang. Salamat sa liwanag na nagmumula sa streetlight ay nasilayan ko ang mukha ng babaeng nagligtas ng buhay ko. Maikli ang kanya’ng buhok at umaabot iyon hanggang sa kanya’ng balikat. Singkit ang kanya’ng mata, mala-rosas ang kanya’ng labi at kutis porselana ang kanya’ng balat. Matangos ang kanya’ng ilong at hanggang tenga ko ang kanya’ng tangkad.
“Mag-iingat ka. Base sa aking obserbasyon, masyadong malakas ang enerhiya na dumadaloy sa katawan mo. Kaya sa tingin ko ay iyon ang dahilan kung bakit ka sinalakay ng manananggal,” ang sambit ng babae at bigla itong nawala na parang isang bula.
Naiwan akong nag-iisa sa gitna ng eskinita. Mabuti na lang at wala masyadong tao sa paligid dahil kapag nagkataon ay matinding gulo ang aabutin ko. Sayang, hindi ko man lang naitanong ang pangalan ng babaeng iyon. Nalimutan ko na ang magpasalamat sa kanya. Kung hindi dahil sa kanya, malamang ay pinaglalamayan na ako ngayon. Bigla naman akong napaisip dahil iniisip ko kung ipagluluksa ba ako nina Cornelia kung sakaling mamamatay ako? Dahil sa totoo lang ay baka hindi umuwi si Tita Lucille sa oras na may mangyari sa akin. Malamang tatambakan siya ng gawain ng kanya’ng papa upang hindi siya makarating sa burol ko kung sakali.
Sa lalim ng aking pag-iisip ay bigla akong nakaramdam ng gutom. Bigla akong napatakbo nang maalala ko ang rason kung bakit ako nasa may eskinita. Binilisan ko ang aking pagtakbo dahil baka hindi ko maabutang bukas ang tindahan ni Aling Bebot. Nang makarating ako sa tindahan ay nakahinga ako nang maluwag nang maabutan ko pang bukas ang tindahan. Naglapag ako ng eksaktong bayad sa bintana bago ko tawagin si Aling Bebot.
“Pagbilhan po!” ang sigaw ko.
Lumabas ang isang babaeng nasa thirties ang edad at may suot itong curler. Suot nito ang kanya’ng damit na pangmalakasang awra at suot niya ang isang elevated na tsinelas. Nakapameywang pa ito nang magtanong sa akin.
“Ano’ng bibilhin mo?” ang tanong ni Aling Bebot.
“Sinigang mix po! Lima po!” ang sabi ko.
Napalingon naman ako sa mga lasing na maiingay sa tindahan. Oo nga pala, Biyernes nga pala ngayon. Walang pasok ang mga lasenggo kaya p’wede silang makalasap kinabukasan ng tinatatawag ng mga workaholic alcoholic na ‘Weekend Hangover’. May bitbit pang gitara si Mang Lemuel at maingay silang nagkakantahan kahit sablay ang kanilang tono.
“Oy, Lairus! Tagay ka muna!” ang paanyaya ni Kuya Jimmy.
Agad naman akong tumanggi lalo na't may lakad pa ako bukas. Kailangan kong puntahan ang kaibigan ni Mama sa may Quiapo. Si Tita Jingle. Maaaring may alam siya tungkol sa baraha ni Mama.
“Naku, Kuya Jimmy. Hindi p’wede! Alam mo naman na mapapagalitan ako ni Tita Lucille. Nalimutan mo na ba nang minsan kitang inakay pauwi dahil nakatulog ka sa gitna ng kalsada? Hindi ba nakarating sa kanya na tinuruan mo akong tumagay ng gin at rum sa kanto? Ano’ng napala ko? Isang katerbang sermon! Kahit na ang totoo ay muntik kang lapain ng aso!” ang sagot ko kay Kuya Jimmy.
Napakamot naman ng ulo si Kuya Jimmy at tinawanan naman siya ng kanya’ng mga kainuman. Pambihira, tila hindi nadadala itong si Kuya Jimmy. Kahit na minsan nang lumipad sa kanya’ng mukha ang stiletto ni Tita Lucille.
“Wala naman dito si Lucille. Kaya huwag kang mag-aalala!” ang sagot ni Kuya Jimmy.
Lumaklak ito ng gin at ginawa niyang chaser ang rum. Pambihira. Ngayon lang ako nakakita ng taong ginawang chaser ang rum sa gin. Tanggap ko pa ang Iced tea o kaya soft drinks pero alak? Hanga talaga ako sa mga tanggero ng taon! Napailing na lang ako sa kanya’ng sagot. Hindi niya ata alam na madaming Marites sa paligid. Ika nga sa salawikain ng mga matatanda, ‘May tainga ang lupa at may pakpak ang balita.’ Kaya hindi ko ipagsasapalaran ang sarili ko.
“Parang hindi mo naman kilala ang mga tao sa panahon ngayon, Kuya Jimmy. Pati mga chismosa nasa social media na! Kaya kung ako sa'yo magbabagong buhay na ako,”ang sabi ko at kinuha ko ang binili ko.
Narinig ko pa ang kantyawan ng mga lasing at agad akong nagmadaling umuwi nang bahay. Nang makarating ako ay nakita ko ang nakasimangot na mukha ni Griffin.
“Akala ko sa kabilang ibayo ka na ng mundo nakabili ng pampaasim sa sinigang,” ang reklamo ni Griffin.
Napakamot naman ako sa aking ulo at inilapag ang binili ko. Nakita ko ang pagsalubong ng kilay ni Griffin at lumapit siya sa akin. Hinatak niya ang braso ko at doon ko lang napansin na may sugat ako sa bandang siko.
“Ano’ng nangyari dito? Bakit may sugat ka?” ang tanong ni Griffin.
Napalunok naman ako dahil ramdam ko ang pag-aalala ni Griffin. Napalingon naman ako kay Cornelia na siyang kagigising lamang. Kinusot niya ang kanya’ng mata at agad siyang lumapit nang makita niyang may sugat ang braso ko. Sinimulan ni Cornelia na gamutin ang aking sugat. Noong una ay nakaramdam ako ng hapdi ngunit kalaunan ay napalitan iyon ng tamang init. Labis ang paghanga ko nang mawala ang sugat sa aking siko. Napabuntung-hininga naman ako nang tingnan nila ako nang seryoso dahil hindi ko pa kinukuwento ang totoong nangyari sa akin. Hindi naman sigurong masamang ikuwento sa kanila ang nangyari sa akin kanina. Lalo na't lagay ang loob ko sa kanila.
“Ang totoo niyan, inatake ako ng manananggal sa daan. Sa sobrang takot ko, natumba ako sa aking kintatayuan. Akala ko katapusan ko na. Buti na lang may babaeng nagligtas sa akin kanina. Kaya laking pasasalamat ko sa kanya dahil nakauwi pa ako ng buhay,” ang kwento ko sa kanila.
Nagkatinginan naman si Griffin at Cornelia. Hindi ko alam pero sa reaksyon nila parang may may ideya sila sa kakaibang nangyayari sa akin? Dapat na ba akong kabahan?

Comentário do Livro (201)

  • avatar
    Jewel Jane Udtohan

    maganda hindi peke thank you novels dahil saying may bahay ma kami

    29/05

      0
  • avatar
    BarrugaAngelica

    maganda ito

    14/04

      0
  • avatar
    EspiaLem

    yes

    04/04

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes