logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Chapter 7

Magkatulad na naman kami ng school na papasukan? Kaya nga pumayag ako na sa Buenaventura na magsenior high para ibang mga mukha at paligid naman ang makita ko.
Tapos malalaman kong doon rin pala siya papasok? At mas lalong hindi malabo na pati ang apat niyang kaibigan ay doon din pumasok.
"Mas gugustuhin ko kung magkasabay na kayo ni Ysabella sa pagpapa-enroll. Mas mapapanatag ako dahil ikaw ang kasama niya." saad ni Lola.
Mabilis akong tumutol.
"Lola, kasama ko po si Sam. Dadaanan niya ako rito sa isang linggo."
"Oh, edi magsabay-sabay na kayong tatlo."
"La, hindi pwede!"
Ayoko nga na kasabay ang taong iyan. Mas lalong ayoko na kasabay silang lima. Nakakahiya silang kasama kapag nagkataon. Mga makaluma! Kung sa Luis Palad ay aminado ako na marami nga ang nagkakagusto sa kanila, sa Buenaventura, paniguradong wala ng magkakagusto sa kanila roon!
Taka siyang tumingin sa akin. Siguro ay nagugulat sa mga reaksyong ipinapakita ko ngayon. Kung sabagay, hindi naman talaga ako ganito kapag nasa loob ako ng bahay at kaharap si Lola.
Pero iba ang sitwasyong ito, nasa harapan ko ang isa sa mga taong pinakaaayaw ko sa mundo. Hindi ko naman kayang magpanggap na hindi ako naiinis sa presensya niya ngayon. Lalo pa at palagi na lamang siyang nakangiti sa akin na para bang balewala sa kaniya ang ginagawa kong pakikitungo.
"Bakit hindi pwede, Ysabella?"
"La, marami iyang kasamang mga kaibigan niya panigurado. Hindi naman magandang tingnan kung sasama kami ni Sam sa kanila, puro lalaki pa naman sila." Katwiran ko.
Sige, Lola, ngayon mo sabihin iyang mga paniniwala mo tungkol sa mga dapat at hindi dapat gawin ng mga kababaihan.
"Iba naman iyon, Ysabella. Kilala ko ang batang iyan at alam kong mapagkakatiwalaan. Kaya nga siya ang pinakisuyuan ko na masamahan kayo tutal ay magkatulad naman kayo ng eskwelahang papasukan."
Wala na akong nagawa kung hindi ang tumango. Kapag nakipagtalo pa ako sa kaniya, baka masermonan ako mamaya. Pwede naman akong sumang-ayon kahit hindi ko gawin. Tutal ay enrollment lang naman iyon. Bakit ko nga ba ginagawang big deal?
Umirap ako kay Ibarra nang sumulyap siya sa akin. Pabida talaga ang isang iyan.
"Kung ganoon, Lola Carmen, makakaasa po kayong ako na ang bahala sa apo ninyo. Hindi ko po siya pababayaan."
"Kung maaari man ay hinihiling ko rin na bantayan mo ang apo ko kapag nagsimula na muli ang klase niyo. Bago ang lugar na iyon para sa kaniya, mabuti na rin na may mga kakilala siya sa paaralan na iyon."
Buryong-buryo ako sa pag-uusap nilang dalawa. Si Lola, kung makapagbilin akala mo elementary pa lamang ako. Kung tutuusin ay kayang-kaya ko na ang aking sarili. Malaki na ako at kaya ko ng magdesisyon. Hindi ko na kailangan pa ng taong titingin sa kalagayan ko.
"Maraming salamat sa'yo hijo. Talagang napakabuti mong bata. Kung gugustuhin ko man na magkaroon ng kasintahan ang apo ko ay iyong katulad mo ang hihilingin ko para sa kaniya."
Nanlalaki ang mga mata ko nang tumingin kay Lola. Seryoso ba talaga siya? Iyang lalaking iyan ang gusto niya para sa akin?
Sa isip-isip ko ay muntik na akong masuka. Ano ba? Kahit ipagpilitan niyo ay hinding-hindi ko magugustuhan ang isang iyan. Hindi ko siya gusto. Hindi siya ang tipo ko. Kahit kailan ay hinding- hindi ako titingin sa kaniya ng higit pa sa taong pinakainaayawan ko.
Ngumiti sa lola ko ang loko.
"Masyado pong mabuti ang tingin niyo sa akin, Lola Carmen. Kahit sino naman po sigurong lalaki ay gugustuhing maging kasintahan ng apo niyo." Sinisisi kong muli ang aking sarili dahil iba ang naging dating sa akin ng kaniyang mga sinabi. Hindi ko nagawang samaan siya ng tingin. Miski ang sulyapan siya ay hindi ko nagawa. Pati ang pagtibok ng puso ko sa aking dibdib ay hindi ko maintindihan ang biglaang pagbilis. Kinakabahan ako sa hindi malamang dahilan. "Maganda po siya at mabait. Subalit... May iba po akong binibining nagugustuhan."
"Huwag mo sanang isipin hijo na ipinagpipilitan kita sa apo ko, ang ibig ko lamang sabihin ay iyong mga kagaya mo ang tipo ko para sa kaniya."
"Naiintindihan ko po."
Matapos ng kanilang usapan ay saglit na nagpaalam si Lola upang magpunta sa kusina. Magluluto naman daw siya ng pananghalian.
Hindi ko alam subalit hindi ako naging komportable ngayong kami na lamang dalawa ang nasa sala. Pinanatili kong nakakunot ang aking noo. Para hindi niya mahalata ang kakaibang pakiramdam na nararamdaman ko ngayon. Maging ako naman ay hindi ko iyon nauunawaan.
"Binibining Rose, napakaganda ng tahanan ninyo. Gusto ko ang disenyo lalong-lalo na ang mga muwebles. Talaga ngang magaling pumili ng mga kasangpaan ang iyong Lola Carmen."
Kunot-noo akong napatingin sa kaniya. Ano daw ang itinawag niya sa akin?
"Anong sabi mo? Binibining Rose? Tinawag mo ako noon? Alam mo ba kung gaano kasamang pakinggan iyon? Tigilan mo nga ang pagtawag sa akin ng Binibini o Binibining Rose, kung ano pa man iyan. Iba na lang tawagin mo niyan, 'wag ako! Hindi maganda sa pandinig!"
Prangka na kung prangka. Ang mahalaga ay maipakita ko sa kaniya ngayon na hindi ako natutuwa sa presensiya niya ngayon dito sa harap ko. Lalong- lalo na sa pagtawag niya sa aking Binibini. Dinagdagan pa talaga niya ng Rose. Mas lalong sumamang pakinggan.
"Paumanhin, Binibini. Subalit iyon lamang talaga ang paraan ko ng paggalang sa isang babae. Isa pa ay Ysabella Rose ang pangalan mo hindi ba? Ayaw mong tinatawang kitang Binibini. Maging sa pangalan mo ayaw mo rin, kung ganoon ay ano ang gusto mong itawag ko sa iyo?"
"Huwag mo na akong tawagin! Huwag mo rin akong kausapin! Hindi naman tayo close. Lalong- lalo na hindi tayo magkaibigan. Walang dahilan para magkausap tayo."
Tumango-tango siya. Animo'y naiintindihan ang katwiran ko. Subalit kahit ganoon ay hindi pa rin nawawala ang pagkakangiti niya sa akin. Para namang natutuwa ako sa kaniya. Mas lalo ko lamang siyang kinaaayawan.
"Naiintindihan ko." saad niya. Umiwas ako ng tingin sa kaniya. Sa palagay ko ay naging sobra ang pakikitungo ko. Wala siyang ginagawang masama sa akin. Nasa akin lang talaga ang problema.
Ramdam ko sa gilid ng aking paningin ang pagtayo niya. Muli ay sumulyap ako.
"Mauuna na ako. Pakisabi na lamang sa Lola Carmen mo na salamat sa pagpapatuloy niya at sa magandang pakikitungo. Pakisabi rin sa kaniya na iniintay ng aking ama ang pagbabalik niya sa aming casa. Mauuna na ako..."
Dahan-dahan siyang naglakad patungo sa pintuan. Pinanood ko hanggang sa tuluyan na niyang maisarado ang pinto at tuluyang mawala sa paningin ko. Bigla akong naguilty dahil sa pakikitungo ko sa kaniya.
Bisita siya subalit ganoon ako makitungo. Wala naman talaga siyang ginagawa para ayawan ko siya ng todo. Basta ayaw ko lamang talaga sa mga kagaya niya.
Isa pa ay hindi ko rin maintindihan ang biglaang pagbabago ng wisyo ko kanina.
Mabilis akong umakyat at nagtungo sa aking kwarto. Magpapahinga na lang muna ako.
Pasubsob akong nahiga sa aking kama at ipinikit ang aking mata.
Gusto kong matulog subalit paulit-ulit na pumapasok sa aking isipan ang mga sinabi niya sa harap namin kanina.
'Maganda po siya at mabait. Subalit... May iba po akong binibining nagugustuhan. '
Sino naman kaya ang babaeng sinasabi niya?

Comentário do Livro (37)

  • avatar
    Kiana Micayas

    wow

    20/07

      0
  • avatar
    AlcaydeKate

    kkk

    15/02

      0
  • avatar
    Tomnob

    tnks

    04/02

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes