logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Chapter 5.2

IKATLONG TAUHAN
“Selene”
HINDI niya alam kung ano ang dapat niyang isagot kaya nanatili siyang tahimik. Iniwas niya na rin ang kanyang tingin sa mga mata nitong puno ng pinagsama-samang mga emosyon.
Awa.
Pangamba.
Takot.
At hilakbot.
Narinig niya ang pagtikhim nito bago ito muling magsalita.
“Papayagan kitang makausap siya. Just maintain a distance from her, alam mo kung ano ang nangyari kanina. Hintayin mo lamang ang paggising niya,” saad nito. Muli siyang tumango bilang tugon dito.
Naramdaman niya ang mahinang pagtapik nito sa kanyang balikat bago ito tuluyang lumabas ng silid at sinundan ang iba pang mga doktor.
Iginala niya ang kanyang paningin. Nang makasigurong wala na ngang iba pang tao sa paligid ay dumiretso siya sa isang upuan na katabi ng kamang kinalalagyan ni Lickesia.
Tahimik siyang napaupo, matiim niyang pinagmasdan ito.
Malayong-malayo ang hitsura nito ngayon sa nangyari’t ginawa nito kanina.
Marahan niyang hinimas ang unan na pinaglalagyan ng ulo nito—ilang sentimetro lamang ang layo mula sa makinis nitong pisngi.
Kasinghaba ng buhok nito ang kanya; parehong abot hanggang baywang. Datapwa’f palaging nakatirintas ang kanya’t simpleng pagkabigkis lamang ng mga hibla ang sa buhok nito.
Bilugan ang mga mata nito, katamtaman ang tangos ng ilong at may katabaan ang mga labi nitong kulay rosas.
Marikit si Lickesia.
Marami itong naging mga manliligaw sa kabila ng pagiging madaldal nito. Subalit lahat ng mga ito ay hindi binigyang pagkakataon ng dalaga, tanging isang tao ang nagawa nitong pusuan.
Ang kasalukuyang nobyo nito.
At sana—hinihiling niya—na hindi ito ang pinili ng kaibigan.
Napaigtad siya nang bigla na lamang itong magmulat ng mga mata kasabay ng paglitaw ng isang nakakikilabot na ngisi sa mga labi nito.
Agaran siyang napatayo mula sa kanyang kinauupuan. Sa matinding salpok ng kanyang katawan sa silya, nawalan iyon ng balanse at tumuklap na lamang sa sahig.
Umalingawngaw sa kanyang pandinig ang mala-demonyo nitong tawa subalit ay kaagad itong huminto at tinapunan siya ng isang madiin at malalim na titig.
“Bakit ka nandito? Pagkatapos mo akong iwan, babalik ka?”
Nababakas niya ang ngitngit sa pananalita nito.
Agaran siyang umiling. “H-Hindi. Hindi, Lickesia,” saad niya.
Para siyang nabunutan ng tinik sa lalamunan at tila’y muling ibinaon doon nang pumawi ang galit sa mukha ng babae’t bigla na lamang itong ngumiti.
“Bumalik ka ba para sunduin ako? Uuwi na ba tayo? Aalis na ba ako rito? Hindi na ba nila ako tatalian pa?”
Nagbuntonghininga siya bago tumikhim. Maghahayag na sana siya ng mga salita nang bigla na lamang itong lumuha.
"M-masakit," daing nito. Hihikbi-hikbing nakatingin sa mga tali nito sa palapulsuhan.
Lumapit siya rito. Tumatangis ito’t pilit na kumakawala mula sa pagkakaratay sa higaan. Napansin niya ang pagiging kulay lila ng braso nito.
Nanlaki ang kanyang mga mata.
Masyadong mahigpit ang pagkakatali rito!
Nagmamadali niyang kinalagan ang kaibigan. Nang tuluyan na niyang matanggal ang pumupulupot dito ay inangat nito ang sarili mula sa pagkakahiga at nagawa pang imasahe ang palapulsuhan.
Binalingan siya nito ng tingin.
“Thank you, friend. Ang bait mo naman.” Bigkas nito bago siya ngitian.
Napatango na lamang siya at tahimik na itinayo ang silyang natumba at umupo roon. Tiningnan niya ito.
“Ayos . . .” mahinang tanong niya rito.
Umiling ito’t muli na namang humagulgol.
Nataranta siya.
Akma niya pa itong lalapitan nang sumilay ang nakalolokong ngisi sa labi nito.
“Ayos naman ako, friend.”
Pinili niya na lamang na manahimik.
Labis niyang napapansin ang paiba-iba nitong ugali. Subalit . . . alam niyang sadyang gulong-gulo lamang ang isip nito kaya ito nagiging ganoon.
Walang mali rito.
Oo . . . walang mali rito.
Nanatili ring tikom ang mga bibig nito. Nakangiti lamang ito sa kanya’t ’di man lamang nito nagagawang kumurap.
Naiilang siya.
Hindi siya sanay na tahimik ang paligid lalo na sa t’wing kasama niya ito.
Noon kasi, halos walang dumaraang minuto na wala itong idinadakdak. Palagi itong may baong paksang gustong pag-usapan.
‘Tama ka nga noong sinabi mong may sakit siya sa pag-iisip.’
Ano ba ang ibig nitong sabihin?
Muli niyang tiningnan ang kaibigan. Nais niyang magtanong, subalit nag-aalinlangan siya.
Hindi maaari.
Nagsimulang magkaroon ng agwat ang oras—patuloy sa pagkaripas ng takbo.
Sampung segundo.
Tatlumpu.
Isang minuto.
Lima.
Tumikhim na siya.
“K-Kumusta . . . kayo?” tanong niya.
Sa mga pagkakataong iyon ay napaiwas ng tingin ang kaharap niya.
Alam niyang alam na nito kung sino ang kanyang tinutukoy.
Alam niyang hindi na dapat siya nagtanong patungkol dito.
Napakurap na lamang siya nang muli itong lumingon sa kanya.
Tinaasan siya nito ng kilay. “Ayos lang naman, friend,” may katapatang-loob nitong saad.
[ katapatang-loob - confident ]
Naguguluhan siya sa naging sagot nito.
Ayos lang?
“A-Ano’ng ibig mong s-sabihin noong . . .”
Higit na umalsa ang kilay nito’t kumunot na ang noo. Napaihip siya ng hangin.
“Sinabi mong . . . m-may s-sakit siya sa pag-iisip?"
Tumahimik ito . . . saka biglang humalakhak.
Iiling-iling itong tumingin sa baba't pinaglaruan ang mga daliri nito. Umaasa siyang tutugon ito, dahil ang sagot sa katanungang iyon ay alam niyang sanhi ng mga nangyayari kay Lickesia.
Muli itong napaangat ng tingin, ginamit nito ang nanginginig na hintuturo upang daliriin ang sariling leeg. Namasdan niya sa pangalawang pagkakataon ang peklat nito roon.
“This is the proof, friend. Kaya ibabalik ko sa ’yo ang tanong: okay lang ba kami?”
Ramdam niya ang paglakas ng kabog ng dibdib niya. Inilantad nito ang ngisi nitong mistulang binudburan ng asin sa labis na kaplastikan.
Halos pigilan niya ang kanyang paghinga nang mahina itong bumulalas ng mga mura. “Sagutin mo ako! Okay lang ba kami?”
Mahigpit na lamang siyang napakapit sa kanyang inuupuan.
Muli itong humalakhak. “Pasensya na, friend. Nakatatakot ba ako?” Wala sa sarili siyang tumango; banayad at marahan lamang na napapalakpak ito.
“Ganito kasi ang palagi niyang ginagawa sa akin. It feels good pala. I totally feel superior,” ngiting-ngiti nitong saad.
Nais na niyang umalis. Batid niyang may naghihintay na kapahamakan sa kanya sa mismong mga kamay nito.
Lubos na namamawis ang kanyang mga kamay. Nangangaligkig ang kanyang mga tuhod na wari’y ilang sandali na lamang ay tatakan iyon ng lakas at maging taksil upang kanyang maisakatuparan ang pinaplanong pagtakas.
Suminghap siya nang nginitian siya nito. Titig na titig siya rito’t ayaw niyang kumurap.
Hindi siya mapapanatag, kailangan niyang maging alisto upang magawa niyang antabayanan ang mga susunod na kilos nito.
Tumagilid ang kanyang ulo matapos umalingawngaw sa kanyang pandinig ang isang malutong na sampal.
Kaagad niyang nasapo ang kanyang kaliwang pisngi. Mistulang nawasak ang kanyang panga’t namanhid ang pinagdaungan ng palad nito.
“Gusto mo bang malaman kung ano pa ang iba niyang ginagawa sa akin?”
Nais niyang umiling. Subalit hindi na niya nagawa pang makapaglaban nang abutin nito ang kanyang buhok at sinimulan siya nitong sabunutan.
Kirot ang sumasakop sa kanyang pandama: parang ginugupit ang kanyang anit at binubulwak ang kanyang ulo.
Nananaig ang hilo at nagpaikot-ikot ang kanyang paningin nang bigla na lamang nitong inuntog ang kanyang ulo sa metal na bahagi ng higaan.
Dalawang beses siya nitong inuntog bago itulak palayo.
Bumagsak siyang nanghihina sa malamig na sahig, sapo-sapo ang kumikirot niyang ulo.
Tuluyan nang bumangon si Lickesia at nilapitan siya nito’t hindi man lang siya nakapaglaban nang muli nitong hinila ang kanyang buhok at ginamit iyon upang hilain siya patayo.
Dinala siya nito sa mesang nasa gilid ng higaan at doon muling inuntog ang kanyang noo.
Kanyang nababakas ang malapot na kulay pulang likidong nagpapalagkit sa kanyang pilikmata.
Hindi niya magawang maglabas ng daing.
Humiyaw.
O sumigaw man lang.
Pilit niyang inilalandas ang kanyang kamay sa ibabaw ng mesa.
Kailangan niya ng pangsuporta!
O ’di kaya’y armas!
Kahit ano . . . kahit ano para lang pigilan si Lickesia.
Nanlalabo ang kanyang bista.
Masyadong mabilis ang mga pangyayari.
Wari’y lumundag ang kanyang puso nang may nakapa siya.
May nakapa siya!
Malamig.
Hawakan.
Dalawang pabilog.
Mahaba.
Matulis.
Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon at kaagad na itinarak iyon patalikod. Sa isang iglap ay pumawi ang mga hawak mula sa kanya.
Tiningnan niya ang nangyari’t doon tumambad sa kanyang mga mata ang wari’y nabibilaukan na kaibigan niya habang may nakatarak na gunting sa leeg nito.
Nakahinga siya nang maluwag.
Kahit katiting na pagsisisi’y wala siyang nahalungkat sa kanyang dibdib.
Wala.
Hindi siya nagsisisi.
Alam niyang kailangan niyang gawin iyon.
Kung hindi, siya ang mamamatay.
Hilong-hilo pa rin siya, nandidilim ang kanyang paningin. Hindi niya maunawaan kung bakit, subalit natagpuan na lamang niya ang sarili na ngumisi.
Para siyang nasa alapaap noong makita ang mala-gripong pulang likido na umaagos mula sa leeg nito pababa sa pang-ospital na suot nitong kulay puting blusa.
Takot siya sa kulay pula.
Subalit noong mga sandaling iyon, parang natatakam pa siyang makakita ng mas marami pang dugo.
Pula.
Dugo.
Tanging pulang-pulang dugo.
Lumapit siya rito. Nagagalak siya sa nakikita niyang panlalaki ng mga mata nito.
Panahon na upang kanyang lubus-lubusan ang paghihiganti.
Hindi siya makapapayag na siya lang ang makararamdam ng kirot at sakit ngayong gabi.
Hinablot niya’t hinawakan nang maigi ang gunting bago iniladlad ang dulong bahagi niyon sa buong leeg ng babae.
[ iniladlad - spread ]
Napapikit siya’t ngumisi nang may mga butil ng dugo ang gumuhit sa kanyang mukha.
Ngising-ngisi niyang tinadyakan ito matapos makuntento nang makita ang litro-litrong dugo na ginagawang marumi ang makintab na sahig.
Bumagsak ito nang sapo-sapo pa rin ang duguan nitong leeg.
Lumapit siya sa kinalalagyan nito. Nagagawa pa nitong umiling nang inabot niya ang tatangnan ng gunting at walang kahirap-hirap itong binunot. Nakita niya ang marahas na pagdampot ni Lickesia ng hangin.
Natatawa siya.
Kahit ano pa’ng gawin nitong pagsinghap ay tiyak na malulunod pa rin ito sa sakit.
Umubo ito nang umubo hanggang sa bumagsak na lamang ang mga palad nitong nababalutan ng sariling dugo sa malamig na piso.
[ pisó - floor ]
Tuwang-tuwa siya sa kanyang mga nakikita.
Nakatirik ang mga mata ng babaeng wala nang buhay sa sahig.
Nilapitan niya ang katawan nito; hanggang ngayo’y hindi pa rin siya nakukuntento.
Sinipat niya ang malaking sugat nito sa leeg.
Gumawa siya ng kasaysayan sa katawan nito. Hindi lamang ang nobyo nito ang sumira sa magandang kutis ng kaibigan.
Dumapo ang kanyang mga mata sa tiyan nito.
Muling kumurba ang kanyang mga labi niya sa isang nakalolokong ngisi.
Hiniwa niya ang tiyan nito.
Nagsimulang bumulwak ang napakarami at masaganang dugo mula roon.
Higit na nilakihan niya pa ang hiwa at sunod na napagdiskitihan ang mga lamang-loob nito.
Masyadong nakalulugod para tumigil.
Hindi siya maaaring tumigil.
Kulang pa.
Kulang pa.
Ipinasok niya ang buo niyang palad sa wakwak nitong tiyan at hinila ang tila’y lubid sa palabas.
Tinitigan niya iyon.
Patuloy na pumapatak ang dugo mula roon: binubusog ang kanyang mga mata.
Ilang sandali ang dumaan, napakisap siya.
Buong lakas siyang humiyaw at itinapon palayo ang hawak-hawak na bituka at nagmamadaling tinungo ang sulok ng silid.
Napaupo na lamang siya sa sobrang gulat; napatingin din siya sa kanyang mga kamay na kasalukuyang balot na balot sa dugo.
Ramdam niya ang kanyang pangininig . . . at ang dahilan?
Sa katunayang wala siyang kaide-ideya kung paano siya nabahiran ng dugo ng kaibigang nakasalampak at hindi na humihinga pang si Lickesia Alonzo.

Comentário do Livro (45)

  • avatar
    Michelle Sibaruten - Revilla

    One of a good novel I've read when it cones to suspense/ thriller/ horror genre! Veey realistic when it comes to narrating scenes where in readers/ audience would really feel the adrenalin in a certain scemario!

    06/12/2021

      1
  • avatar
    Bradley Patian

    Thankyou to sopport

    16/08

      0
  • avatar
    Joanie Sofia Delgado Eda

    oooommggggggg iiillllllooooovvvvvveeeee ittt!!!!

    28/10

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes