logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Chapter 5.1

IKATLONG TAUHAN
“Selene”
KATAHIMIKAN.
Masyadong tahimik.
Nakabibingi.
Nakaaabala.
Ayaw niya ng ganito.
Dahil tanging paghinga niya’t malakas na pagkabog ng dibdib ang kanyang nauulinigan.
Nanunumbalik sa kanya ang mga pagkakataong pagharap at pagkausap niya sa sarili sa harap ng kanyang salamin.
Mga pagkakataong nananatili siyang gising sa gabi upang pakiramdaman ang katahimikan ng kanyang silid.
Mga pagkakataong nananatili siyang tago sa pamamagitan ng nakapaligid sa kanyang makakapal na mga pinid.
Mga pagkakataong naging mag-isa siya’t walang kasama.
Dumaan ang mga taong halos matuyo ang kanyang bibig. Hindi niya alam kung bakit, ngunit sa tuwing sinusubukan niyang magsalita’y parang pumupulupot ang kanyang dila.
Nakababahala.
Bakit nga ba?
Bakit nga ba ganoon ang nakalakihan niya?
Nang dahil ba sa naging karanasan niyang halos talian na ng kadena ang kanyang mga paa? Halos hindi na siya masinagan ng araw?
Ina. Karapat-dapat ba ito sa tawag na iyon?
Buhay. Humihinga lang siya, ngunit wari’y ’di siya naaaninag ng mga taong nakapaligid sa kanya.
Subalit nagbago ang lahat ng iyon dahil kay Lickesia.
Ngalan ng dalagang unang bumihag sa kanyang atensyon.
Makulit.
Madaldal.
Maingay.
Primerang kaibigan niya sa kanyang tanang buhay.
Nadagdagan man ng katuturan ang bawat paghinga niya ay nakasisiguro siyang walang nagbago sa kanya.
Hanggang ngayon, tanging pagtango’t pag-iling lamang ang kanyang nagagawa sa t’wing tinatanong siya nito. Kaya nga halos magdiwang ito kapag naririnig siya nitong nagbibigkas ng kahit isang salita.
Ngunit sa mga nakaraang araw ay wari’y namatay ang taong iyon.
Ang Lickesia na sumubok magpakamatay ay hindi ang kaibigan niya.
Marahas niyang natapakan ang preno ng sasakyang minamaneho niya.
Umalingawngaw sa kanyang tainga ang malakas at nakaiiritang busina ng behikulong malapit na rin niyang makabangga.
Mabibigat ang mga paghingang kanyang binitiwan. Nanlalamig at namamawis din ang kanyang kamay na siyang ginamit niya upang masapo ang kanyang noo.
“Hoy!”
Madalian niyang ibinaba ang door glass bago inilabas nang mabagal ang kanyang ulo: sapat upang kanyang matanaw ang namumulang mukha ng nakadungaw na lalaki.
“Tumingin ka sa dinaraanan mo, bata!” Napayuko na lamang siya nang panlakihan lamang siya nito ng mga mata’t hinampas pa ang manibela. Muli siyang nakarinig ng busina.
Hinayaan niya na lamang din munang humarurot ito ng takbo paalis bago niya muling pinaandar ang kotse.
Mabuti na lamang at hindi siya naaksidente. Ayaw niyang masira ang sasakyang ginagamit niya dahil iyon kanya.
Pagmamay-ari iyon ng kanyang ama.
Alas nuwebe y medya na ng gabi: oras na dapat ng kanyang pagtulog ngunit mas pinilit niyang lumabas at damhin ang ipinapamalas na lamig ng kaligiran.
Lubos niyang nasisinagan ang kanyang sariling repleksyon sa wind shield.
Muli niyang tinahak ang daan. Ilang minuto pa ang lumipas bago niya tuluyang natanaw ang pangalan ng ospital na siyang kanyang patutunguhan.
Symbiotic Hospital of the West. Dumiretso ang kanyang sinasakyan patungo sa paradahang nasa ilalim ng kinatitirikan ng gusali.
Inihanay niya iyon sa iba pang mga kotse bago bumaba at tinungo ang isang pasilyong umuugnay rito at sa entrada ng ospital.
Punumpuno iyon ng ilang nagsisiningning na mga ilaw sa paligid; bagay na siyang nagpakalma sa kanya kahit papaano.
Mabuti na nga lamang at walang kulay pula.
Tumuloy na siya sa loob at kaagad na dinalo ang makinang pantaas; tanging siya lamang ang nasa loob.
[ makinang pantaas - elevator ]
Kanyang pinindot ang bilugang umbok na may sagisag na ‘apat’. Akma nang magtatagpo ang dalawang magkahalang na pinto ng nang may braso ang pumagitna’t pumigil doon.
Bumukas iyon. Hindi niya mapigilan ang mapataas ng kilay nang tumambad sa kanya ang lalaking magda-dalawang linggo na niyang hindi nakikita.
Una’t huling kita niya rito ay noong nagkaroon ng away ang dalawa niyang kaibigan.
Kaklase niya rin ito, ngunit kataka-takang hindi niya man lang ito nakita.
Pasimple siyang umatras nang pumasok ito. Nasubaybayan niya ang pagpislit nito sa pindutan na may simbolong ‘tatlo’ at muling pagsara ng mga pinto.
Nagsimulang umugong ang makinang. Marahan lamang siyang humawak sa baranda sa gilid upang masuportahan ang kanyang balanse.
Napalunok siya nang umatras din ito hanggang sa tuluyan siya nitong nakapantay. Namulsa muna ito bago siya balingan.
Nais niyang magtanong kung bakit ito naroroon kahit wala naman siya sa posisyon upang humingi ng tugon dito.
Higit lamang na nangunot ang kanyang noo nang ngitian siya nito. “I’ll visit my friend.” Pagtalima nito sa kanyang katanungan na hindi niya naman sinambit.
Umiwas na lamang siya ng tingin.
Nakailang ugong pa ang makina bago niya narinig ang taginting kasabay ng paglahad niyon sa kanila sa ikatlong palapag.
Mahinahon itong lumabas at nagawa pa siyang kawayan na hindi niya binigyang-pansin.
Muling umandar iyon at dinala siya tungo sa sunod na palapag. Nagbuntonghininga muna siya bago napagpasyahang lakarin na ang daan tungo sa kanyang inaasam na silid.
Dito itinakbo ang kaibigan noong nakaraang linggo. Lubos siyang nasisiyahan sa balitang buhay pa ito.
Tinahak niya ang mahabang pasilyo roon.
Nakasisiguro siyang hindi na siya nangangamba. Tanging hiling niya na lamang ay naging mas maayos ang kalagayan nito.
Naging mas kaaya-aya kaysa noong huli niyang tanaw rito.
“Bitiwan n’yo ako!”
Napatigalgal.
Nanlaki ang kanyang mga mata.
Kasabay ng sigaw na iyon ang ingay ng wari’y nabasag na salamin.
Wala na siyang sinayang pa’t nagtatakbo na sinundan ang pinanggagalingan niyon. Lumiko siya sa kaliwa nang tuluyang marating ang dulo at doon sumalubong ang ilang mga basag na parte ng salamin na nakakalat sa sahig.
Napatakip na lamang siya sa kanyang bibig.
Silid iyon ni Lickesia.
Sinugod niya ang daan patungo sa loob niyon. Napupuno ang silid sa dami ng mga doktor at nars na nagkukumpulan sa isang sulok.
“Lumayo kayo!”
Pilit niyang sinisilip ang mga kaganapan; subalit ay masyadong natatakpan ng mga tao ang nais niyang makita.
“Layo!”
Alam niyang wala siyang kapahintulutang makialam, subalit masyado siyang binubulabog ng kanyang pangamba.
Kaibigan niya iyon!
Hindi maaaring wala siyang gawin!
Nagmamadali niyang binura ang malaking distansya sa pagitan niya at ng mga kasapi ng mga tagapangalaga. Pilit niyang pinagtatabig ang mga taong naroroon.
Hindi na siya nahirapang ’pagkat parang mas iniintindi ng mga ito ang pangyayaring nagaganap sa harapan kaysa matabig ng sinuman.
Kitang-kita niya mula sa kanyang kinatatayuan ang pagwasiwas ng kaibigan sa pang-ospital na gunting sa harapan ng mga doktor.
Nanginginig ang mga kamay nito’t kita niya ang pagiging putla nito.
Ramdam niya ang pagiging basa ng kanyang pisngi.
Lumuluha siya.
Hindi niya maintindihan kung bakit kailangang humantong sa ganoon.
Lubos na niyang napatunayang nagbago na ito.
Pilit itong pinapanulukan ng mga nars, ngunit sadyang mapangahas si Lickesia kaya’t hindi na sila makalapit pa bukod sa isang metrong pagitan nila rito.
Nais niyang lapitan ito.
Haplusin ang mga hibla ng buhok.
Hawakan nang marahan ang mga balikat.
Hagkan nang sobrang higpit.
At ipadama rito na siya pa rin ang kaibigan nito.
Siya pa rin ang mapagkakatiwalaan nito.
Walang nakaharang sa kanyang harapan kaya’t sinamantala na niya ang pagkakataon. Hahakbang na sana siya palapit nang may biglang sumulpot sa kanyang paanan.
Huli na ang lahat para makailag.
Nasalpok ng kanyang mga bisig ang likuran ng nars.
Wari’y naging mabagal ang pag-usad nito.
Palapit.
Palapit kay Lickesia.
Palapit sa disgrasya.
Nasaksihan ng kanyang mga mata ang pagtuon ng atensyon nito sa nars. Labis lamang siyang natuod sa kanyang kinalalagyan nang mabilis nitong ipinulupot ang braso nito sa leeg ng nars.
Pinaulanan nito ng saksak ang leeg at balikat ng biktima.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Hiyawan ang nanaig sa silid. Nasindak ang lahat sa kanilang nasaksihan.
Unti-unting bumagsak ang nars sa sahig habang sapo ang leeg nitong patuloy na nilalabasan ng dugo.
Pinalibutan at pinagtulungang hawakan ng mga natira ang kanyang kaibigan. Nagsimula itong magwala. “B-Bitiwan n’yo ako!”
Gulong-gulo ang mga mata nitong halos lumuwa. Hindi niya alam kung bakit, ngunit nang nagtagpo ang paningin nilang dalawa’y gumapang ang kakaibang lamig sa kanyang balat.
Saka lamang niya napansin ang namumugto nitong mga mata’t tuyong-tuyong mga labi.
Labis siyang naaawa sa kalagayan nito.
“Friend!” sigaw nito.
Nagulantang siya.
Siya ba ang tinutukoy nito?
“Tulungan mo ako! Tulungan mo ako, friend!”
Hindi siya makagalaw.
Ilang beses itong humiyaw nang isang doktor ang marahas na piniga ang kamay nitong may hawak na patalim.
Ipinaglalaban nito ang mahigpit na pagkakakapit sa gunting ngunit ay nabitiwan din nito iyon. Wala itong laban sa sandamakmak na pares ng mga kamay na pumipigil dito.
Isang nars ang lumapit dito’t kaagad na tinurukan ng pampakalma sa balikat.
“Help . . . friend.” Hindi niya maiwasan ang maluha.
Wari’y siya ang nakaramdam ng pagbaon ng matulis na labatiba sa kanyang laman. Wari’y siya ang pinagtutulungang hawakan.
[ labatiba - syringe ]
Mula sa pagiging bayolente at pagiging marahas ay unti-unting nanglata ang mga bisig nito. Nagiging marahan na lamang ang bawat hampas na ipinagkakaloob nito sa mga ayudante.
Ilang sandali pa’y bigla na lamang itong hinimatay. Kaagad na binuhat ito ng mga lalaking nars at ibinalik sa kama na nasa gilid lamang.
Sinimulan na ng mga ito ang pagtali rito ng malalaki’t makakapal na mga tela sa magkabilang kamay at paa.
Ang nars naman na nabiktima ng nag-amok na ay kaagad na tinugon ng pangunang lunas at pagkatapos ay inilabas sa silid upang dalhin sa emergency room.
Nanatiling gulat at ’di siya makapaniwala sa kanyang mga nasaksihan. Halos ’di na niya makilala ang babaeng ngayo’y mahimbing nang natutulog sa kama.
Maayos naman ito noong unang araw nito roon.
Bakit naging ganito ito ngayon?
Hindi niya lubos maunawaan. Hindi niya kayang intindihin ang mga nangyayari.
Napapitlag siya nang isang kamay ang naramdaman niya sa kanyang balikat. Napayuko na lamang siya nang makumpirmang doktor ito.
“P-Pasensya na po sa n-nangyari," matapat niyang tugon dito. Muli siyang napaangat ng tingin nang makaramdam ng mahinang pagtapik sa kanya nito.
"Hindi ka dapat naririto.” Yumuko siyang muli.
Narinig niya ang pagbuntonghininga nito. “Pero naiintindihan namin. Aksidente ang nangyari.”
Nakahinga siya nang maluwang. Sapat na ang pagkakakilanlan nito sa katotohanan.
Yumukod siya pahiwatig ng paghingi niya ng kapatawaran at pagpapasalamat sa kabutihang taglay nito.
“Ikaw ba si Selene?” Natigilan siya nang marinig iyon. Kahit nag-aalinlangan ay tumango siya.
Napatango-tango ang doktor bago siya nito tinitigan nang direkta sa mga mata. “Palagi kang binabanggit ng pasyente. Hinahanap ka niya, hindi raw siya kakain at iinom hangga’t wala ka rito.”
Idinako niya ang kanyang paningin sa bulto ng dalagang ngayo’y nakahimlay sa higaan.
Nagkaroon na rin ng kasagutan ang dahilan ng pagiging putla’t tuyo ng mga labi nito.
Muli siyang napatingin sa doktor nang magsalita ito. “Malimit din siyang nagwawala sa t’wing pinipilit siya ng mga staffs na kumain. Hindi rin naman namin siya makabitan ng tubo para doon na lang padaluyin ang pagkain dahil pinagtatanggal niya ang mga ’yon.”
Tatlong araw lang siyang hindi dumalaw subalit ay ganito na kaagad ang mga naganap.
Pinipilit niyang h’wag magbuntonghininga. Lubos siyang nakaramdam ng kaba nang ang doktor ang gumawa niyon.
“Pasensya na. We tried our best. Pero sa tingin ko... mali ka ng pinagdalhan niyang ospital.”
Nagpanting ang kanyang mga tainga.
Ano’ng ibig sabihin nito?
Na nararapat na sa isang mas protektadong pasilidad niya dalhin ito?
Saan?
Sa isang mental hospital?

Comentário do Livro (45)

  • avatar
    Michelle Sibaruten - Revilla

    One of a good novel I've read when it cones to suspense/ thriller/ horror genre! Veey realistic when it comes to narrating scenes where in readers/ audience would really feel the adrenalin in a certain scemario!

    06/12/2021

      1
  • avatar
    Bradley Patian

    Thankyou to sopport

    16/08

      0
  • avatar
    Joanie Sofia Delgado Eda

    oooommggggggg iiillllllooooovvvvvveeeee ittt!!!!

    28/10

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes