logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Chapter 9.1

IKATLONG TAUHAN
“Selene”
LAMIG at tubig ang bumalot sa kanya.
Ramdam niya ang pagdikit ng suot niyang chaketa sa kanyang balat nang dahil sa pagkabasa.
Umaandar ang kanyang pagiging maarte sa bawat tilapon ng putik: gumuguhit iyon ng samu’t saring mga dibuho sa kanyang saplot pati na rin sa kanyang suot na sapatos.
Wala siyang ibang marinig kung hindi ang ingay ng bawat pagtagpo ng mga butil ng ulan sa lupa.
Labis na nakaiirita.
Patuloy siya sa pagtakbo. Hindi niya lubos maunawaan ang sarili kung bakit niya iyon ginawa . . . at patuloy na ginagawa.
May parte sa kanya na nagnanais nang tumalikod at tumigil sa pagkaripas, subalit hindi niya magawang pigilin ang bahagi niya na pinipilit siyang h’wag huminto.
Mistulang sa mga sandaling iyon ay nawalan ng preno ang kanyang mga paa.
At wala siyang magawa upang kalabanin iyon.
Papalapit.
Nang papalapit.
Sa kabila ng makapal na hamog, lumilinaw na kahit papaano sa kanyang paningin ang matandang ginang na nakahandusay.
Punumpuno man ng pinaghalong kulay itim at kayumanggi ang kanyang katawan, naniniwala siyang kinakailangan niyang panghawakan ang kanyang naging pasya.
Sa kabila ng lahat, narito siya upang tumulong, hindi upang panatilihing bahag ang kanyang buntot.
Bumagal ang paglayag ng kanyang mga paa nang tuluyan siyang makalapit.
Kumupad.
Huminto.
Hanggang sa tumigil.
Labis siyang nahahabag sa kanyang natunghayan.
Hinihingal. Hinihingal.
Bitbit pa ang ibang nasalbang mga paninda.
Tumiklop na ang kariton nito.
Napapalibutan ng mga gumulong na kendi.
Lata na ang mga pagkaing kakanin.
Tingin pa lang, alam na niyang lumandas na’t humalo sa putik ang tamis ng mga iyon.
Napapikit siya nang kanyang namuslak ang butil ng ulan na humalik sa kanyang mga mata. Mahapdi iyon; datapwa’y walang kasinghapdi ng kanyang kasalukuyang natatanaw.
Wala man lang ba talagang ibang tao na lalapit dito?
Kahit isa lang?
Alam niya ang pakiramdam na walang umaagapay.
Alam na alam niya iyon.
Kaagad niyang ginamit ang kanyang kanang braso upang palibutin iyon sa bisig ng matanda. Kanya ring ginamit ang kaliwa pa upang suportahan ang likuran nito.
Laylay nitong balat ang nagpadagdag ng lamig na sumisirkulo sa kanyang sistema; mistulang kinapitan ng niyebe ang kutis nito.
Ramdam niya ang panginginig ng kanyang mga daliri.
“’La, t-tulong po ako.” Hindi siya sinagot ng ginang ngunit kanyang naramdaman ang pilit din nitong pagbuhat sa sariling bigat.
Nakatayo ito—bumagsak naman ang isa pang bagay.
Sinundan ng kanyang mga mata ang maliit na hopia na may maliit na kulay pula sa gitna.
Kakanin.
Kakaning hopia.
Labis na malamig. Subalit kanyang naramdaman ang paglandas ng mainit na likido sa kanyang pisngi.
Bumalik na naman.
Babalik na naman.
Tinutusok ang kanyang sentido. Nakahihilo. Sinasakop ng itim at iba’t ibang larawang ’di niya maunawaan ang kanyang bista.
Nais niyang maupo. Mahiga. Magpahinga—kahit saglit.
Kanyang pagbagsak—kalakip ng kanyang paghingi ng kasagutan kung bakit patuloy siyang bumabalik.
Nang bumabalik.
KILITI.
Ingay.
Tawanan.
Kaagad siyang napamulat ng mga mata. Wala siyang ibang maramdaman kung ’di ang sakit ng paghalik ng mga bato sa putikan sa kanyang bisig at likuran.
Subalit ibang tagpo ang kanyang sunod na nasaksihan.
Wala nang ingay ng ulan.
Wala nang putikan.
Hindi na siya maruming tingnan.
Datapwat tanong kung siya’y nasaan.
Isang malutong na daing ang kumawala sa kanyang bibig nang puwersahan niyang bumangon. Inaasam niya na sana pati sakit ng kanyang katawan ay naglaho.
Marahan niyang minasahe ang kanan niyang braso. Ilang beses pang napapikit nang ’di sinasadyang haplusin ang nabugbog na bahagi niyon.
Nakahinga na siya nang maluwag nang unti-unting humupa ang kirot na kanyang nadarama.
Kanyang hinatak mula sa pagkakalapat sa lapag ang kanyang palad.
Malamig na naman.
Inilibot niya ang kanyang paningin sa paligid.
Marumi.
Makalat.
Wari’y dinaanan ng bagyo ang kusinang kanyang kinabibilangan.
Ang puting baldosang may disenyo ng mga bato’y natatakpan ng ilang katibayan ng natapon na harina.
Malinaw ang mga butil ng tubig doon, klarong-klaro mula sa kanyang kinalalagyan dahil sa numiningning na liwayway na hatid ng araw sa dungawan.
Napasinghap siya. Nilalanghap ang mabangong samyo ng nilulutong biskwit mula sa ’di kalayuan.
Nasapo niya ang kanyang ulo’t marahang napasabunot sa kanyang buhok.
Ramdam niya ang tila’y pagdagan ng isang bagay sa kanyang dibdib: mistulang inuupuan ng elepante.
Marahas siyang napapikit.
Ang tagpo na namang ito. Ang alaala na naman. Ang konsensya na muli na namang umuusbong na wari’y walang planong siya’y tigilan.
Parang sirang-plaka.
Paulit-ulit.
“’Tay!”
Isang sigaw kasabay ng ilang hagikhik ang muling nagpamulat sa kanyang mga mata.
Kanyang inabot ang baranda ng hagdanan sa gilid. Ginamit niya ang buo niyang lakas upang dukutin ang sarili mula sa pagkakasalampak sa lapag.
Iginala niya ang kanyang paningin sa kabuuan ng silid.
Kabisado niya na ang mga bagay rito: ang paligid, ang ganap.
Imposibleng hindi.
Sandaang-beses na siyang napadpad dito.
Napupunta sa tagpong ito sa t'wing nakakakita siya ng kulay pula . . . sa gitna ng biskwit na iyon.
Ramdam niya pa rin ang pangingirot ng kanyang likuran at tagiliran kahit noong tumayo siya. Nais niya pang magpahinga, subalit kailangan niyang harapin ang ganap sa lugar at panahong ito upang matapos na’t makawala na siya.
Gilid ng lababo ang kanyang ginamit upang suportahan ang kanyang sarili. Labis siyang pagod: kulang na lamang ay kaladkarin niya ang kanyang mga paa.
Hindi pa man tuluyang naaabot ang liko patungo sa hapag-kainan, lumantad na sa bukana ng kanyang mga mata ang kaganapang alam niyang sisira na naman sa kanya.
Isang batang babae.
Nakaupo. Mataimtim na naghihintay. Kita ang pagbubuyo sa kamay nitong ’di mahinto sa pagtapik sa sariling hita.
[ pagbubuyo - excitement ]
Mabagal na sumasabay sa indayog ng hangin ang mumunti nitong damit na kulay rosas. Nakatirintas ang hanggang baywang nitong malusog at itim na itim na buhok.
“Sandali lang, anak.”
Napadako ang kanyang tingin sa ginoo na sa kasalukuyan ay nagsusuot ng guwantes sa kamay. Marahan siyang sumandal sa pader habang tinatanaw ang eksena ng mag-ama.
Mapait siyang napangiti.
Isang taginting ang umalingawngaw na nagpatili sa batang babae. Napapalakpak pa ito na siyang ikinatawa lamang ng tatay.
Binuksan nito ang kanilang oven kasabay ng paghatak nito sa metal na lalagyanan, karga niyon ang maliliit na mga biskwit na may maliit na kulay pula sa gitna.
Napaiwas siya ng tingin.
Kakaning hopia.
“Tikman mo ito, ’nak.” Kanyang narinig na paghimok nito na siyang muling nagpalingon sa kanya.
Bahagyang pumawi ang ngiti sa bulilit na bibig ng batang babae nang isubo ang inaalok na biskwit ng kanyang ama. Muli naman itong umusbong pagkatapos ng ilang nguya na kalakip ng pagtango-tango nito.
Itinaas nito ang hinlalaki. “Masarap po!”
Bakas ang lugod sa boses nito. Patuloy pa rin sa pagnguya’t higit pang bumilis ang pagtapik ng palad sa hita.
Kaagad namang kumilos ang ama nito at dinako ang kanilang palamigan. Bumalik itong may dalang isang baso ng tubig na siyang umalalay pa sa pagpapainom niyon sa anak.
Sa ikalawang pagkakataon, kanyang naramdaman na umangat ang dulo ng kanyang labi: kumurba sa isang naiinggit na ngiti.
Ramdam niya ang hirap sa paghinga; mistulang may nakabara sa kanyang lalamunan.
Hindi niya maiwasan ang mapapikit at mapaangat ng tingin upang kahit papaano ay pigilan ang pagtulo ng mga namumuong butil ng luha sa kanyang mga mata.
Ito ang labis niyang kinaiinisan.
Ilang beses na niyang nasaksihan ang kaganapang ito—ang lahat-lahat sa panahong ito—subalit naaapektuhan pa rin siya.
Bumabara pa rin ang kanyang lalamunan.
Namumuo pa rin ang mga luha sa kanyang mga mata.
Pinipigilan niya pa ring maiyak.
Dahil hanggang ngayon, nasasaktan pa rin siya.
“Patikim po ulit!”
Hindi na siya nag-abala pang sinagang muli ang mag-ama. Alam na niya kung ano ang susunod na mangyayari: papalakpang muli ang bata, sisilay ang ngiti sa mga labi ng ginoo, akmang aabutin na ng batang ang isa pang piraso ng kakaning hopia subalit—
Tunog ng paglagpak ng isang metal na bagay sa lapag ang dumagundong sa paligid.
—may hahablot ng bandeha’t itatapon iyon sa sahig.
Mahinahon siyang napabaling ng tingin.
Hindi na siya nagulat pa. Ngunit ramdam niya ang pamamawis ng kanyang mga palad. Tila’y umiiyak ang mga iyon: may butas na kung saan umaagos ang tubig-alat.
Labis siyang kinakabahan.
Mababakas ang gulat sa mga mata ng ginoo na nanlalaki. Pinaghalo namang gitla at takot ang namamayagpag sa mga mata ng batang babae na nagsisimula nang manubig.
“Mallory, a-ano ba’ng problema?” Magaspang niyang hinatak ang hangin at binusog ang kanyang sistema—alam niyang kakailanganin niya iyon.

Comentário do Livro (45)

  • avatar
    Michelle Sibaruten - Revilla

    One of a good novel I've read when it cones to suspense/ thriller/ horror genre! Veey realistic when it comes to narrating scenes where in readers/ audience would really feel the adrenalin in a certain scemario!

    06/12/2021

      1
  • avatar
    Bradley Patian

    Thankyou to sopport

    16/08

      0
  • avatar
    Joanie Sofia Delgado Eda

    oooommggggggg iiillllllooooovvvvvveeeee ittt!!!!

    28/10

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes