logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Chapter 8.2

IKATLONG TAUHAN
“Raziel”
IILAN lamang ang nakapaligid sa kinalulugaran nito kaya’t hindi na sila nahirapan pang makalusot at matayo mismo sa paanan ng mga tinda nito.
Kasabay ng pagpaypay ng manong sa mga pagkaing iniihaw ang naulinigan niyang sunod-sunod na pag-ubo ng dalaga.
Tumigil sa ginagawang iyon ang nagtitinda’t may bahid ng pag-aalalang tiningnan ito.
“Ineng, ayos ka lang ba? Pasensya na.”
Magsasalita na sana siya nang kumumpas lamang ang kanyang katabi’t itinawa na lamang ang nangyari.
“O-Okay . . . po.” Patuloy pa rin ito sa pag-ubo subalit ay kita niyang pinipilit nitong h’wag ipahalatang nasusulasok ito sa usok.
Lalabas mang peke, nakisama na lamang din siya sa pagtawa upang kahit papaano’y mabawasan ang nakaiilang na kalidad ng kanilang usapan.
Lumipas pa ang ilang segundo bago tuluyang tumigil ang pag-ubo nito. Ipinamalas nito ang ngiti sa kanila’t nagsimulang tumingin-tingin sa mga ibinebenta ng manong.
Itinuro nito ang isa sa mga pagkaing nasa tusok na buhol-buhol ang hitsura.
“Ano po ’yan?”
Sa sandaling kanyang naunawaan ang sinabi nito, nagkatinginan sila ng tindero. Mabagal siyang napatango-tango kalakip ng mahinang pagtawa nito.
Ngayon ay nauunawaan niya na: hindi ito sanay sa lansangan.
“Isaw iyan, Ineng. Masarap iyan! H’wag kang mag-alala, hindi naman iyan kasing-dumi ’gaya ng sinasabi ng iba,” mapanghikayat nitong saad.
Kaagad itong kumuha ng isang patpat ng nasabing pagkain bago inalok sa dalaga.
Binalingan naman siya nito, wari’y naghihintay ng sagot mula sa kanya. Mapaglaro lamang siyang umiling-iling at ginawaran ito ng hinlalaking nakaalsa.
’Di man kaaya-aya ang hitsurang ipinapakita nito ay unti-unti nitong inabot ang inaalok ng tindero.
“Ayan! Masarap iyan, ineng!” Napapalakpak pa ang nagtitinda’t abot-tainga ang ngiti.
Hawak-hawak ang isaw ay kita niya ang mabusising pagtitig nito sa pagkain. Napansin niya pa ang paglunok nito.
Pasimple nitong inilayo ang pagkain bago pilit na tumawa’t nginitian pa silang dalawa ng manong.
Upang pigilan ang sarili na tumawa ay kinagat na lamang niya ang kanyang pang-ibabang labi.
Kahit siya ay natatawa rito.
Hindi nga siya nagkakamali noong inisip niyang masaya itong kasama.
Napaiwas na lamang siya ng tingin nang pasimple pa nitong inamoy ang pagkain bago muling ipinakita sa kanila ang asim na asim na nitong mukha.
Ilang beses na naghiwalay ang mahigpit na kapit ng kanyang mga ngipin mula sa isa’t isa.
“Sige na,” paghimok niya rito. Hindi niya malaman kung saang bahagi niya nakuha ang katapangan upang makapagsalita pa.
[ paghimok - persuade ]
Masyado na siyang natatawa.
Hindi na niya kaya.
Titig na titig ito roon habang paunti-unting inilalapit iyon sa sariling bibig. Kahit siya’y inaantabayanan ang susunod nitong kilos.
Pumikit ito bago mabilisang isinubo ang isaw.
Muling umasim ang mukha nito; pansin niyang hindi pa ito ngumunguya.
“Nguyain mo na.” Muli niyang nakagat nang marahas ang kanyang labi.
Pagkaraan ng bigkas niya’y nagsimula itong ngumuya.
At ’gaya ng inaasahan niya, unti-unting nabura ang asim sa mukha nito.
Patuloy sa pagnguya.
Hindi pa rin dumidilat.
Wari’y nilalasap ang bawat hati ng laman.
Ilang sandali pa’y nakita niya ang paglunok nito at tuluyang pagbukas ng talukap ng mga mata.
Nang ngumiti ito, kanya ring naramdaman ang pag-angat ng dulo ng kanyang mga labi’t kumorte na siyang kawangis ng ngiti nito.
[ kawangis - same ]
“M-Masarap . . . po,” mahinahong sambit nito. Dinilaan pa nito ang labi upang linisin ang naiwang butil ng pagkain doon.
“Sabi ko naman sa iyo, Ineng!”
Mainit na hangin ang gumapang sa kanyang balat nang matanaw ang pagsingkit ng mga mata nito.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay kanyang nasaksihan iyon.
Labis ang pagkanais niya na magtagal ang pagkakataong iyon.
Mistulang isang bihirang sandaling nakagagalak na baunin bilang masayang alaala.
Ngiti.
Isang wagas na ngiti.
Hindi na peke.
Hindi na pilit.
Nagkandaugaga ang tindero’t kumuha pa ng mas maraming isaw at sunod na ibinabad sa salsa.
Inilahad nito ang kumpol ng mga patpat sa dalaga.
Masaya nitong inabot ang mga iyon at nagsimula nang muli sa pagkain. ’Di ’gaya ng kanina, ngayo’y magiliw na itong ngumunguya.
Kumuha na rin siya ng kanya’t nagsimula na ring kumain—’di binibitiwan ng tingin si Selene.
“Saan . . . gawa?”
Itinapon niya sa kalapit na basurahan ang patpat na pinagkainan niya bago ito muling tangnan ng tingin.
“Iyan ba? Bituka iyan, Ineng,” sagot ng tindero dito.
Kanyang nahagilap ang paglunok nito. Unti-unti itong umiling at muling ipinalagay ang kamay nito sa sarili nitong hita’t mahinang nagtapik na naman.
“Bituka?” tanong nito. Tila’y nag-aalangan namang tumango ang tindero.
Dahan-dahang ibinaba ng kanyang katabi ang hawak na mga patpat bago tiningnan ang mga iyon. Kita niya ang marahang paglaro nito sa sarili mga daliri—mistulang hindi ang pagtango ng tindero ang nais nitong makuhang tugon.
“H’wag kang mag-alala, Ineng, galing iyan sa bituka ng manok, hindi ng tao,” natatawang sambit ni Mang Amor.
Pasimple siyang kumuha ng bagong patpat nang napipilitang tumawa rin ang dalaga.
Muli nitong tinitigan ang hawak na pagkain bago siya balingan ng tingin. Matamis siyang ngumiti rito’t tumango. Sinuklian din siya nito ng simpleng pagtango.
Akma na nitong isusubo ang isaw nang pigilan niyang muli ito. “Sandali lang. Hindi ka ba magsasawsaw?” Itinuro niya ang salsa gamit ang kanyang nguso.
Muli siyang nagpatuloy sa pagkain habang nakatitig dito’t hinihintay na idampi nito ang hawak sa sawsawan.
Sa ikalawang pagkakatoan ay kanyang nasinagan ang pag-aalinlangan sa mukha nito. Ibinalik nito ang pagkain sa bandeha at muli na namang yumuko.
“S-Sorry. H-Hindi kasi ako . . . mahilig sa p-pula,” sagot nito. Unti-unti nitong ibinalik ang mga patpat sa lalagyanan at yumuko.
Ramdam niya ang pangungunot ng kanyang noo.
Hindi mahilig sa pula?
Nanumbalik sa kanya ang alaala noong una nilang pagkikita.
Noong malapit na itong mahulog sa hagdanan.
Noong matanaw niya ang nanginginig na pigura nitong wari’y ninakawan ng lakas na nakaupo sa lapag.
Nang dahil ba iyon sa mga pulang laso na nakasabit sa paligid?
Siya’y nagbuntonghininga.
Kanyang kinuha ang inilapag nito kanina.
“Lene,” mahina niyang tawag dito.
Unti-unti itong nag-angat ng tingin. Itinanghal niya rito ang kanyang maliit na ngiti bago inabot sa dalaga ang pagkain.
“Kainin mo na ’yan.” Nananatiling nakatitig sa kanya ang mga mata nito.
Kanyang naaaninag ang pangamba sa mga mata nito. Subalit hindi.
Tinanguan niya ito.
“Nang walang sawsawan.”
Ramdam niya ang pag-usbong ng kakaibang pakiramdam sa kanyang sistema.
Mistulang may kumikiliti sa kanyang tiyan.
May humaplos sa kanyang puso.
Tila’y katabi lamang iyon ng kanyang tainga: tumatambol na wari’y may hinahabol.
Nangyari iyon.
Lahat ng iyon.
Nang ginantihan siya nito ng dalisay na ngiti’t tinanggap ang kanyang ibinibigay.
MATUTULIS na patalim ang tumama sa kanyang balikat.
Unti-unti na siyang nababasa.
“Hope! Silong tayo!”
Bumalik lamang siya sa huwisyo nang dumagundong ang sigaw na iyon sa kanyang pandinig.
Nagpatianod na lamang siya nang marahas siyang hatakin ni Selene bago tuluyang tumigil ang paghampas ng mga butil ng ulan sa kanya.
Pinilit niya pang umatras upang higit na maprotektahan ang kanyang sarili mula sa pagkabasa subalit ay wala na siyang maatrasan pa.
Punumpuno ng mga taong nakisilong ang tindahang kanilang kinabibilangan.
Napahagod na lamang siya sa kanyang braso sa labis na lamig. Halos lamunin na iyon ng niyebe—napakalamig.
Tilamsik ng pinaghalong ulan at putik ang yumayakap sa kanyang pantalon.
Gumuguhit din iyon ng samu’t saring dumi sa kanyang puting sapatos.
Hindi na lamang niya iyon inabala pa’t binalingan ng tingin ang kanyang kasama.
Nakahinga siya nang maluwag nang makitang balot ito ng chaketa. May kaputsa ang suot nito kaya’t iyon lamang ang nabasa.
[ kaputsa - hood ]
Itinaas lamang nito ang hinlalaki nang mahuli siyang nakatingin. Tumango na lamang din siya bilang sagot at pinilit na ngumit sa kabila ng lamig na siyang nagpapangilo sa kanya.
Tanging ingay ng marahas na paghalik ng mga butil ng ulan ang mababakas sa paligid. May mga nagsasalita man sa kanilang likuran, hindi niyon nagawang talunin ang bagsik ng ulan.
Binalingan niya ang paligid.
Ulap na hamog ang nagpapalabo sa kabilang mga tindahan mula sa kanyang bista.
Sa isang iglap ay pumawi ang kasiglahan ng paligid.
Isang pangyayari lamang.
Nawala ang lahat.
Naroroon pa rin ang bughaw na mga bumbilya, subalit sa mga pagkakataong iyon ay walang magpapahalaga roon.
Bagsak.
Napaalerto siya nang dahil doon.
Kanyang iginala ang paningin sa kalsada.
Doon nagmumula ang bulabog.
Isang bulto ng tao ang nakahiga roon.
Mag-isa.
Nakahandusay.
Nagdaan ang mga segundo.
Lima.
Sampu.
Walang lumapit.
Walang nagbalak na tumulong.
Nagitla na lamang siya nang isang tao ang nawala mula sa kumpol.
Nawala sa kanyang tabi.
Nakipagsapalaran sa himagsik ng ulan.
Basang-basa.
Tumatakbo na babaeng naka-chaketa palapit sa bultong iyon.
Kahit pa man malayo at malabo, nasaksihan ng kanyang dalawang mga mata ang pag-akay nito sa humandusay.
Pinatayo.
Tinulungan.
Subalit ito ang sunod na lumagpak sa daanan.
Siya’y napahinto.
Pinoproseso pa sa kanyang sarili kung ano ang naganap.
Kusang nagsimula sa paglayag ang kanyang mga paa nang mapagtanto kung sino ang babaeng iyon.
Si Selene!

Comentário do Livro (45)

  • avatar
    Michelle Sibaruten - Revilla

    One of a good novel I've read when it cones to suspense/ thriller/ horror genre! Veey realistic when it comes to narrating scenes where in readers/ audience would really feel the adrenalin in a certain scemario!

    06/12/2021

      1
  • avatar
    Bradley Patian

    Thankyou to sopport

    16/08

      0
  • avatar
    Joanie Sofia Delgado Eda

    oooommggggggg iiillllllooooovvvvvveeeee ittt!!!!

    28/10

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes