logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Chapter 7.1

IKATLONG TAUHAN
“Raziel”
GINAW.
Kagat.
Nakikisama ang nginig.
Banayad na kanyang kinakatkat ang kuko at balat sa gilid ng kanyang mga daliri sa labis na kabang nararamdaman.
“Here’s the result of your past examination.”
Sinundan niya ng tingin ang kanyang kaklase na siyang inutusan ng kanilang propesor upang ipamigay ang kanilang mga papel.
Bawat hakbang nito palapit sa kanyang kinauupuan ay lalong paglakas ng tibok ng kanyang puso. Wari’y ilang sandali na lamang ay tatalon iyon at bubulwak mula sa kanyang dibdib.
Napasinghap na lamang siya nang tuluyang tumapat sa kanya ang braso nitong bitbit ang tumpok.
Panahon na upang malaman ang nakuha niyang marka.
Kaagad niyang hinatak ang kanya mula sa ibabaw ng mga papel at inilapag sa kanyang tabla.
“Thank you.” Nginitian lamang siya’t tinanguan ng kaklase bago ito umalis at nagpatuloy sa pamamahagi.
Pinasadahan niya ng haplos ang kanyang papel. ’Di kita ang harapang bahagi nito na kung saan ay nakasulat ang nag-iisang letrang labis na nagpapakaba sa kanya.
Lubos niyang pinagdarasal na sana ay mataas ang kanyang nakuha.
Sana.
Hindi . . . dapat.
Ilang oras ang kanyang iginugol para lamang makamtan ang mga ideyang kanyang kakailanganin para sa pagsusulit.
Hinahangad niya na lamang ngayon na maging saldado ang paghihirap niyang iyon.
[ saldado - paid off ]
Kanya nang hinawakan ang dulo ng papel.
Kaunting hila.
Kulang pa.
Hila pa.
Napapikit na lamang siya bago tuluyang pinaharap iyon at itapat sa kanyang mga mata.
Nakahinga siya nang maluwag.
Nailapat niya ang kanyang likuran sa sandalan bago muling kinatkat ang paligid ng kuko sa kanyang hintuturo.
A.
Hindi man pinakamataas, maituturing pa rin naman iyon na mataas.
Kasiya-siya na iyon para sa kanya.
“Ms. Wright got the highest score. Congratulations.” Rinig niya ang marahang palakpakan sa paligid.
Mabilis din naman iyon naglaho’t nagkanya-kanya na muli ang mga estudyante.
Huminto siya sa pagkagat nang marinig ang anunsyong iyon ng kanilang guro.
Wright?
Wala sa diwang sumilay ang maliit na ngiti sa kanyang mga labi.
Naaalala niyang pangalan lamang ang ibinigay nito noong una nilang pagkikita; kaya’t kanya na ang diskarte sa kung paano niya nalaman ang apelyido nito.
Mahina siyang tumawa.
Masyado siyang nagigiliwan dito kahit na hindi ito palangiti at wari’y palaging walang pakialam sa mga nangyayari sa paligid.
Unang kita niya sa nakasibangot nitong mukha ay noong nakaraang araw lang, subalit hanggang ngayo’y hindi iyon nabubura sa kanuang isipan.
Kanya mang palaging naaaninag ang kunot sa noo nito sa t’wing nagtatagpo ang kanilang mga mata, hindi niya maikakailang ’di niyon nagawang lamangan ang pagkawalang muwang na siyang ipinapamalas ng mga mata nito.
Mga mata nitong naghuhumiyaw sa pagiging sariwa.
Naghuhumiyaw sa pagiging dalisay.
Tipong wari’y galit; subalit may bahagi pa rin dito na nais na hatakin siya upang sumisid nang higit sa katauhan nito.
Madalas niyang mapansin ito sa pinaka-likurang bahagi ng kanilang silid-aralan. Tahimik, at walang kinakausap ni isa sa kanilang mga kaklase.
Kailanma’y hindi niya ito nanakawan ng tingin na ngumiti man lang.
Gayunpaman, ramdam niyang higit sa kanyang mga nakikita at napapansin ang tunay na pagkatao nito.
Siya’y nagbuntonghininga.
Huling kita niya rito ay noong nagkasabay sila sa makinang pantaas sa ospital.
Hanggang ngayo’y ’di niya pa rin ito nasisilayang muli—idagdag pa ang kaisipang apat na araw itong lumiban sa klase.
Agad siyang napaayos ng upo nang tumayo ang kanilang guro’t dinalo ang pisara.
Mabilisang kumintal ang tinta ng kanyang panulat sa blangkong bahagi ng kanyang kuwaderno: isinasalin doon ang kung anumang isinusulat ng kanilang propesor.
Muli siyang nagbuntonghininga.
Isa na namang nakayayamot na araw na iyon para sa katulad niyang estudyante.
TUNOG ng kampana.
“Class dismissed.”
Nagsitayuan ang lahat nang banggitin iyon ng kanilang huling magtuturong propesor bago magtanghalian.
Napatayo siya’t isinilid na ang kanyang mga kuwaderno’t libro sa bag at ikinabit naman ang panulat sa kanyang uniporme. Tumayo na siya’t isinukbit ang kanyang sisidlan sa balikat.
Kumakalam na ang kanyang sikmura’t halos matuyo na rin ang kanyang lalamunan. Kahit nga ang inupuan niya’y uminit na.
Bunga na rin iyon ng ilang oras niyang walang ginagawa kung ’di ang makinig, magsulat, at sumimple sa paghikab.
Kanya nang inasahan iyon. Wala namang sandaling lumipas nang ’di nag-iingay ang kanyang tiyan.
Tinakbo na niya ang daan palabas ng kanilang silid-aralan at pababa ng hagdan.
Ilang lakad at takbo lamang ang kanyang ginawa bago narating ang kanyang destinasyon.
Lubos niyang ipinagpapasalamat na malapit lang sa kanyang kinabibilangang gusali ang kantina.
Inilibot niya ang kanyang paningin sa kaligiran sa sandaling tumapak ang suwelas ng kanyang mga sapatos sa loob.
Kanya nang nalanghap ang hanging nahaluan ng iba’y ibang amoy ng mga putaheng wari’y hinahatak siya. Amoy masarap—bagay na labis siyang pinatakam.
Nakadagdag pa sa kondisyon ng paligid ang nakasisilaw na banaag na siyang kumikislap sa tuwing nakikipagyakapan iyon sa salaming kisame.
Suminghap siya.
Isang napakagandang tanawin iyon para sa kanya mula sa ilang oras na pag-aaral. Labis-labis ang pagkapanatag na kanyang natatamasa.
Lubos na nakatulong iyon sa pagpapakalma sa pagod niyang utak.
May importanteng usapin na nais talakayin ang kanyang kaibigan kaya’t napagkasunduan nilang dalawa na rito na lamang sila magkikita.
Ilang paglibot pa ang kanyang ginawa bago tuluyang matanaw ang kumakaway na braso ng taong kanyang hinahanap mula sa ’di kalayuan.
Pumaroon siya sa kinalulugaran nito.
Ibinaba na niya ang kanyang dalang sisidlan sa silya. Nakipagtagpo siya ng palad dito bilang pagbati bago tuluyang naupo.
“Ziel,” pagbati nito sa kanya.
Subalit taliwas sa atmospera ng paligid sa t’wing nagkikita sila ang dating ng boses nito.
Lugmok.
Nanghihina.
Mapanglaw.
[ mapanglaw - sad ]
Wari’y binura ang dating galak sa tinig nito.
Wari’y hinigop ang kabuhayan ng loob sa t’wing nagsasalita ito.
Mistulang tulog ang diwa nito.
Mistulang hindi ito ang kaibigang nakasanayan niya.
Hindi siya nagsalita. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin o itanong.
Napatayo siya nang unti-unti itong ngumiti—itinatanghal ang sintetikong kurba sa mga labi nito.
Hinawakan niya ang balikat nito bago iyon marahan na minasahe.
“August,” tawag niya rito.
Marahan at mariin itong humalakhak bago tumingala.
Hindi nakatakas mula sa kanyang paningin ang taksil na luhang tumulo’t lumandas sa kaliwang pisngi nito bago pa man nito mapunasan iyon.
Hindi niya man ipakita, subalit naaalarma siya. Iyon ang kauna-unahang beses na nadatnan niya ang kaibigan na nasa lagay na ganoon.
Nanatiling tikom ang kanyang bibig, pinili lamang na gawing maluwang ang butas ng mga tainga para sa kaibigan.
Singhot.
Punas.
Marahas.
Ilang beses pang ginawa nito iyon.
Batid niyang hindi nito ibig na maglabas ng daing.
Hindi nito ibig na magsayang ng mga luha.
Hindi nito ibig na umiyak.
Hindi nito ibig na magmukhang mahina.
“Wala na. Patay na siya.”
Napatigil siya nang marinig ang mga katagang iyon.
Unti-unti siyang umupo sa pangalawang pagkakataon.
“Lickesia commited suicide.”
Ramdam niya ang panglalata ng kanyang mga tuhod.
Paglupaypay ng kanyang mga daliri.
“Nilaslas niya ang sarili niyang leeg . . . then slashed her stomach open.”
Napalunok siya sa ibinalita nito.
Masyadong masahol ang pinagdaanan nito. Masyadong makirot.
Hindi sa lagay ng dalaga kung ’di sa kanyang kaibigan.
Kahit hindi man ito tumangis, batid niyang may bumabaon na matulis na bagay sa dibdib nito.
Batid niyang nasasaktan ito.
Natanaw niya ang pagpikit nito kalakip ng ilang beses na pag-iling.
“Ziel, kasalanan ko ’to.”

Comentário do Livro (45)

  • avatar
    Michelle Sibaruten - Revilla

    One of a good novel I've read when it cones to suspense/ thriller/ horror genre! Veey realistic when it comes to narrating scenes where in readers/ audience would really feel the adrenalin in a certain scemario!

    06/12/2021

      1
  • avatar
    Bradley Patian

    Thankyou to sopport

    16/08

      0
  • avatar
    Joanie Sofia Delgado Eda

    oooommggggggg iiillllllooooovvvvvveeeee ittt!!!!

    28/10

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes