logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Chapter 4

Still 2005
Mabilis na lumipas ang araw. Parang kailan lang nang excited pa ako para sa unang araw ng klase pero ngayon ay gusto ko na lang humilata sa kama ng buong araw.
"Cance!" Tawag ni Mama sa pang-siyam na pagkakataon. Siyam na ba? O walo pa lang? Hindi ko alam, basta ang alam ko lang ay kailangan ko na tumayo dahil hindi ako matutuwa sa susunod na mangyayari kapag umabot sa sampong beses ang pagtawag niya sa pangalan ko.
Matamlay akong lumabas ng kuwarto at sinalubong ng halik ang noo ni Cloud Jay.
"Ma, parang nilalagnat yata ako." Pagi-inarte ko habang nakahawak pa sa noo. Tinignan niya ako, hinaplos ang noo ko saka binalingan si ate.
"Christine, kunin mo nga 'yong injection doon sa kuwa--"
"Hindi na pala 'ma, magaling na ako. Grabe ang bilis kumilos ng himala. Gusto ko ng pritong itlog ha?" Mabilis kong bawi saka umupo sa upuan ko. Tinapunan niya ako ng tingin saka umiling.
Pailing-iling lang 'yan pero totoong may injection 'yan sa kuwarto. Dati kasing nurse si Mama pero tumigil siya sa pagt-trabaho nang ipanganak niya si ate kaya housewife na siya ngayon.
"Dalian ninyong kumain, maya-maya dadating na ang service niyo."
"Si Papa?" Tanong ni ate habang kumakain at ang atensyon ay nasa librong binabasa. Hindi sumagot si Mama, sa halip ay pinagpatuloy niya lang ang paghuhugas sa kawali na ginamit niya.
Saktong bumukas ang pinto at dumating si Papa.
"Gising na pala ang mga prinsesa ko," lumapit siya sa akin saka hinalikan ako sa pisngi. Naamoy ko ang alak sa hininga niya kaya nakusot ko ang ilong ko.
"Ang baho mo 'pa. Amoy alak ka." Napabaling kami sa direksyon ni Mama nang padarag niyang ibinaba ang kawali sa lababo. Humarap siya sa amin at tumingin ng masama kay Papa.
"Mag-usap tayo," simpleng saad niya saka nagtungo sa kuwarto. Narinig kong nagbuntong hininga si Papa bago ako ngitian at guluhin ang buhok ko.
"Kain lang kayo," wika niya bago sumunod kay Mama. Sinara niya ang pinto pero rinig ko pa rin ang sigaw ni Mama mula roon.
"Tapos ka na bang kumain? Maligo ka na," sabi ni Ate pero nanatili ang tingin ko sa saradong pinto ng kuwarto nila Mama.
"Ate, dahil ba sa akin kaya sila nag-aaway?" Tanong ko. Ibinaba ni Ate ang libro saka ako binalingan ng tingin.
"Hindi. Maligo ka na," simpleng sagot niya pero hindi pa rin mapanatag ang loob ko.
Hanggang pagdating sa school ay tulala pa rin ako dahil sa pangyayari kanina. Nagaalala ako kina Mama at Papa, nag-aaway pa rin kaya sila hanggang ngayon?
"Hoy!" Napa-kurap ako nang tapikin ni Yuna ang palad ko. "Ayos ka lang?" Si Yuna Agapito nga pala, siya yung babaeng nakaupo sa harapan ko.
Tumango ako bilang sagot. Noong una ay parang hindi pa siya naniniwala sa sagot ko pero kalaunan ay parang tinanggap niya na lang din.
"May kuwento ako--"
"Ang aga-aga chismis agad, Yuna," singit ni Mikael, ang seatmate ko.
"Manahimik ka, supot!"
"Tuli na ako 'no!"
"Ha? Kuwento mo sa pagong," sagot ni Yuna bago ako muling balingan ng tingin. "May kuwento nga kasi ako! Kilala mo si Rachel 'di ba? Yung kaklase natin na isang beses lang pumasok sa isang linggo."
"Oh? Ano nangyari?" Kunwari ay interesado ako sa kini-kuwento niya. Mukha lang 'yang tahimik si Yuna pero punong puno ng kuwento ang bibig niyan. 'pag nag-umpisang bumukas ang bibig niya, hindi na 'yon sasara ulit unless may teacher or naubusan na siya ng kuwento.
"'yong mga magulang niya, naghiwalay na." Sa parteng iyon ay nakuha niya ang atensyon ko.
"Paano mo naman nalaman?" Tanong ni Mikael na nakikinig rin naman pala kay Yuna.
"Kausap ko siya kahapon. Sinabi niya sa akin. Noong una daw, palaging nag-aaway yung parents niya patago pa iyon pero habang tumatagal ay tumitindi raw yung pag-aaway ng dalawa hanggang sa, 'yon nga, nagdesisyon silang maghiwalay. Nakakaawa nga eh, dalawa kasi silang magkakapatid kaya hahatiin sila. Siya, mapupunta sa Nanay niya tapos 'yong isa niyang kapatid ay sasama sa Tatay niya." Patuloy lang siya sa pagk-kuwento habang ako naman ay nalunod sa isang malalim na pag-iisip.
Paano pag naghiwalay sila Mama at Papa? Tatlo kaming magkakapatid so paano kami hahatiin? Kanino kaya ako mapupunta, kay Mama o kay Papa, o baka naman ipapa-ampon na lang nila ako? Ginulo ko ang buhok ko saka isinubsob ang mukha ko sa desk.
Hindi sila puwedeng maghiwalay!
"ANO NA namang problema mo?" Nangingilid ang luha ko nang iangat ko ang tingin ko sa nagsalita. Recess na at tuwing recess ay nakagawian na naming tumambay sa rooftop kasama sina Yhann at Teo.
Si Yuna ay nasabay iyon sa kung kani-kanino, hindi naman siya nahihirapang makisama kasi sobrang daldal talaga niya kaya halos lahat ng kaklase namin ay kaibigan niya.
"Keene! Ipapa-ampon na ako nila Mama at Papa," napalakas ang iyak ko matapos kong sabihin iyon at nakita ko ang pagkataranta sa mukha niya.
"Ha? Bakit?!"
"Kasi... Kasi, maghihiwalay na sila!" Hinila ko yung kuwelyo niya saka sinubsob ang mukha ko sa shirt niya. Umiyak ako at wala akong paki kung malagyan ko man ng sipon ang puting uniform niya.
Kinuwento ko sa kaniya yung mga nangyari kaninang umaga pati na rin yung kuwento ni Yuna.
"Huwag ka ngang umiyak," inilagay niya ang hintuturo niya sa noo ko saka itinulak ang mukha ko palayo sa kaniya. "Iba-iba naman kasi 'yon. Isang beses pa lang naman nag-away 'yong magulang mo. Malay mo simpleng away lang talaga 'yon. Huwag ka munang mag-isip ng kung ano-ano."
Natahimik ako dahil naisip kong may punto nga siya. Tinignan niya 'yong mukha ko pagkatapos ay umirap siya sa ere. May kinuha siya sa bulsa ng pants niya pagkatapos ay binato iyon sa akin na agad ko namang nasalo.
"Ano 'to?"
"Panyo, kainin mo baka masarap," sarkastikong saad niya. Inambahan ko siya ng suntok at agad niya namang prinotektahan ang sarili niya. "Ayusin mo sarili mo, mukha kang tae. 'pag nakita ka ni Yhann mag-aalala na naman 'yon."
Sinamaan ko lang siya ng tingin pero sinunod ko naman ang sinabi niya.
"Huwag na huwag mong iki-kuwento kay Yhann o kay Teo man. Susuntukin ko ngala-ngala mo," pagbabanta ko. Nag-make face lang siya kaya naman kinurot ko ang tagiliran niya.
Inirapan ko siya pagkatapos noon pero kalaunan ay napangiti rin nang may biglang pumasok sa isip ko.
"Hoy," tawag ko kay Keene na kasalukuyang iritadong hinihimas yung tagiliran niya na kinurot ko. "Sa tingin mo ba, crush ako ni Yhann?" Nakangiti kong tanong. Nakatingin lang siya sa akin habang nakakunot ang noo. "Kasi naman, palagi siyang nag-aalala sa akin tapos palagi rin siyang nagbabaon ng extra na zest-o para sa akin. 'di ba? Crush niya ako di ba? Ano sa tingin mo?"
"Sa tingin ko," nakangiti kong tinuon ang buong atensyon ko sa kaniya. "Sa tingin ko nasisiraan ka na ng bait."
Hinubad ko yung sapatos ko at agad naman siyang tumayo sa kinauupuan niya.
"Hoy, madumi 'yan!" Sigaw niya habang lumalayo sa akin.
"Oh? Mukha ba 'kong may paki?" Tumakbo ako palapit sa kaniya at tumakbo naman siya palayo hanggang sa ma-corner ko siya. Naka-angat na ang kamay ko at handa na siyang hampasin kung hindi lang bumukas ang pintuan ng rooftop.
"Nagpapatayan na naman ba kayo?" Agad akong tumayo ng tuwid saka inayos ang sarili ko bago nakangiting humarap kay Yhann.
"Hi Yhann!"
"Tss, plastic." Rinig kong bulong ng katabi ko. Tinignan ko siya ng masama at may pagbabanta pero inirapan niya lang ako saka muling bumalik sa kinauupuan niya kanina. Hindi rin naman nagtagal ay dumating na rin si Teo kaya naman nag-umpisa na rin kaming mag-nakawan ng ulam sa mga lunch box namin.
°°°
Mabilis na lumipas ang araw at nandito na naman ako sa rooftop, katabi si Keene at umiiyak.
"Ang sabi mo, isang beses lang iyon pero bakit nagbabatuhan na sila ng sandok, ha?!" Kinusot ko ang kuwelyo niya saka siya niyugyog "Wala na talaga, ipapa-ampon na talaga nila ako! Mama!"
"Bitawan mo nga ako!" Inis niyang sabi saka  binawi ang kuwelyo sa pagkakahawak ko at itinuwid iyon. Nanahimik siya sa tabi ko habang patuloy naman ako sa pag-iyak.
Maya-maya pa ay naramdaman kong marahan niyang tinatapik ang likod ko dahilan upang mas lalo pa akong mapaiyak. Hindi siya nagsalita habang patuloy lang naman ako sa pag-iyak.
Narinig ko ang pagbuntong hininga niya bago siya tuluyang magsalita. "Kausapin mo sila."
Mabilis akong umiling sa suggestion niya saka pinunasan ang luha ko. "Ayaw ko! Paano kung tama 'yong hinala ko? E di... E di..." Hindi ko natuloy ang sinasabi ko dahil bigla na naman akong napahagulgol. Hindi na siya nagsalita pagkatapos noon, narinig ko lang siyang nagbuntong hininga sa huling pagkakataon hanggang sa tumunog ang bell hudyat na tapos na ang break time namin.
Pag-uwi sa bahay ay namamaga ang mata ko. Nadatnan ko si Papa na nasa sala habang karga si Cloud Jay. Nakangiti siyang bumaling sa direksyon kung nasaan ako ngunit agad ding nawala iyon nang mapansin niya ang pamamaga ng mga mata ko.
"Cance? Ayos ka lang," tumango lang ako saka nagdire-diretso sa kuwarto namin ni Ate. Ayaw kong magtanong dahil ayaw kong malaman na tama nga ang hinala ko.
Nakakainis naman kasi si Yuna! Kung ano-anong pinagsasabi.
Nang gabing iyon, marahil dahil sa pag-iyak ay mabilis akong nakatulog. Ni hindi na nga ako nakakain ng hapunan pero nagising ako nang may maramdaman kong may tumatapik sa braso ko. Pinilit kong buksan ang mata ko at naaninag ko si Papa.
"'pa?" Nakakunot kong tanong. Nginitian niya ako saka sinenyasang tumayo.
"Tayo ka dali, bagong suweldo si Papa. Ibibili kita ng ice cream," pabulong na saad niya. Mabilis akong bumangon pero sinenyasan niya akong magdahan-dahan lang dahil natutulog si Ate sa tabi ko na agad ko namang sinunod.
Hindi ko na napigilan ang tawa na umalpas sa labi ko nang matagumpay kaming makalabas sa bahay. Palagi kaming ganito sa tuwing bagong suweldo si Papa, tatakas kami sa kalagitnaan ng gabi para bumili ng burger o ice cream o kung ano mang uri ng pagkain ang mabibili sa labas at sa tuwing nangyayari iyon ay feeling ko isa akong spy sa isang action movies.
Maya-maya pa ay naramdaman ko na ang lamig dahil naka-pajama lamang ako. Agad naman napansin iyon ni Papa at inakbayan ako.
"Bakit malungkot ang ate namin?" Tanong niya, dahil doon ay nakaramdam na naman ako ng lungkot.
"Papa..." Tawag ko sa kaniya, nagaalangan pa rin kung tatanungin ko ba siya o hindi.
"Hmm?"
"Maghihiwalay na ba kayo ni Mama?" Lumingon siya sa akin, may naglalarong ngiti sa labi niya.
"Paano mo naman nasabi, huh ate?"
"Kasi... Kasi..." Pinaglaruan ko ang daliri ko na siyang lagi kong ginagawa kapag kinakabahan ako. "Palagi kayong nag-aaway simula noong sabi ko amoy alak ka. Tapos... Tapos yung Mama at Papa ng kaklase ko naghiwalay daw kasi palagi silang nag-aaway. Maghihiwalay din ba kayo ni Mama?"
Hindi niya na napigilang mapahalakhak. Huminto siya sa paglalakad saka lumuhod sa harapan ko at pinisil ang noo ko.
"Hindi kami maghihiwalay," sagot niya.
"Talaga?"
"Opo, saka alam mo naman na malapit na ang anniversary namin hindi ba?" Tumango ako bilang sagot. "Ang totoo niyan, may surprise ako sa kaniya. Gusto mo bang malaman kong ano?" Nanlaki ang mata ko saka sunod-sunod na tumango.
Sinenyasan niya akong lumapit sa kaniya at hindi ko mapigilang kiligin nang malaman ko ang mga plano niya.
~~~~~
"'ma dalian mo maglakad, bilis! Bilis!" Excited na saad ko habang hinihila ang kamay ni Mama patungo sa lugar kung nasaan si Papa.
"Cance! Magdahan-dahan ka! Pag ikaw nadapa papaluin pa kita." Sinunod ko naman ang sinabi niya pero hindi ko pa rin mapigilang ma-excite lalo na nang makita ko ang greenhouse. "Anong ginagawa natin dito?" Tanong niya, sa halip na sumagot ay hinawakan ko ang doorknob at nginitian siya.
"Pasok na tayo 'ma." Nagtataka pa rin siya pero nang buksan ko ang pintuan at nagkasalubong ang tingin nila ni Papa ay nakita ko kung paano mapuno ng luha ang mga mata niya. Naglakad si Papa habang hawak ang isang tangkay ng puting rosas.
"Happy anniversary, mahal." Napangiti ako habang pinagmamasdan ko sila.
Hindi ko talaga maintindihan ang utak ng mga matatanda. Parang kailan lang ay halos magpatayan sila pero ngayon ay kaunti na lang at maaari na silang akyatin ng langgam.
Maya-maya pa ay nagsimulang tumugtog ang theme song nila at kagaya ng nakagawian ay nagsayaw sila kasabay ng mabagal na tugtog ng kanta.
Kitang-kita ko mula sa puwesto ko kung gaano sila kasaya dahil bakas na bakas iyon sa mga mukha nila.
Habang tinitignan ko sila Mama at Papa ay napaisip ako. Dati gusto ko ng prince charming, iyong prince charming na ililigtas ako sa mangkukulam pero ngayon, parang gusto ko na lang ng lalaking kagaya ni Papa. 'yong lalaking iintindihin ako gaano pa kasama ang ugali ko, 'yong lalaking handang magtiis, 'yong lalaking titignan ako ng kung paano tignan ni Papa si Mama, 'yong lalaking mamahalin ako ng kagaya ng pagmamahal ni Papa kay Mama o kung posible man, mas higit pa.
Napangiti ako ngunit agad ding napangiwi nang may umapak sa paa ko.
"Sorry," walang buhay na wika ni Keene saka umalis sa harapan ko.
Buwisit! Buwisit talaga kahit kailan!

Comentário do Livro (107)

  • avatar
    Jose SalesOtacilio

    bom

    03/05

      0
  • avatar
    John Talisic

    high quality

    23/05/2025

      0
  • avatar
    LucasGabriel

    Bom demais

    07/02/2025

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes