logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Chapter 11 Part II

Griffith Balancas
Five hours before the Brothers crossed the border
January 16, 1:00 A.M.
Lahat kami ay nakatalungko at namimikit-mikit ang mata ngunit hindi namin magawang matulog lalo na nang malaman namin mula kay Mouse ang nangyaring kaguluhan sa may Plaza. Nakaupo kami palibot sa lamesang kahoy habang may kan’ya-kan’yang hawak na phone.
Si Mouse, ilang beses idinikit ang phone sa tainga at patayo-tayo kaya napapatingin kami sa kan’ya. Magkasalubong ang makapal nitong kilay at pagalaw-galaw ang mainipis na bigote na paminsan-minsan niyang kinakamot.
Kahit na madaling araw ay nakakaramdam kami ng pag-init sa paligid dahil sa kaba. Liban na lang kay Gab na mayroong nakapandong na kumot kahit na may suot na siyang hoodie jacket.
Marahas na kumamot sa ulo si Mouse. Maya-maya ay tumayo ulit at itinapat ang screen sa kan’yang mukha. “Anakin!” bungad niya.
“Sigurado ka ba na si Uno ‘yon? Bakit siya dinala?” mahinang tanong ni Anakin mula sa phone.
Nagchat siya sa group chat namin na hindi siya makaalis agad dahil pinapatulog niya pa si Tushkin, na nagising din kanina dahil sa biglaang pagpasok ni Mouse sa kanila. Si Billkin naman ay papunta na galing pa sa handaan malapit sa kanila.
“Oo. Nasalubong ko siya kahapon dala ‘yong motor niya. Sabi ni Esteban, tinalo raw ni Uno ‘yong teritoryo nila. Nandukot daw doon,” ani Mouse.
“Nakita mo ba kung saan ang ruta nila?” mahinanong tanong ni Bear pagkatapos ay naglapag ng mainit na kape at dalawang basong gatas, para sa kan’ya at para kay Gab na nakaub-ob sa lamesa.
“Iyon na nga ang problema.” Napatingin kami kay Mouse dahil sa sinabi niya. “Susundan ko sana sila kaso tumawid sila sa border,” dagdag niya. Tumingin si Bear kay Gideon at bumalik ulit kay Mouse.
Hindi ko sila maintindihan dahil hindi ko pa kabisado ang lugar na ito. Hindi ko rin alam kung saan ang border at kung ano ang mayroon doon. Nakatikom lang akong nakikinig habang inuurong ang tasa sa harapan nila.
“Gid.” Inilapit ko sa kan’ya ang tasa kahit hindi siya kumikibo. Nakatukod lang ang dalawa niyang siko sa lamesa habang nakadaop sa isa’t-isa ang daliri at nakatitig sa ibaba.
“Ano’ng Gang? Kilala ba natin?” tanong ni Billkin na kapapasok lang sa pintuan. “Sila Esteban na naman ba?” aniya sa pagitan ng hininga.
Umiling naman si Mouse. “Hindi, ‘eh.”
“Wala pang bente kwatro oras pero ang alam ko p’wede na ireport ang nawawala−”
“Huwag!” Natigilan kaming dalawa ni Gab sa biglaang pagsigaw ni Gideon. Inagaw niya ang phone mula kay Gab at itinabi ito. “Wala munang tatawag ng pulis.”
Kumunot ang noo ni Gab. Kinuha niya ang basong nasa harapan niya ngunit bago siya uminom ay nagsalita ito na nakapagpatahimik sa amin. “Bakit? Naniniwala ba kayong nandukot siya?” Nilapag niya ito na nangalahati na agad ang laman. “Oh, baka may alam ka sa nangyare?”
“Gab,” bulong ko. Hindi ko maintindihan kung bakit contradicting ang sinabi niya kagabi tungkol sa pagsusumbong sa mga awtoridad at ngayon na sinuhestyon niya pa ito.
Hindi nakakibo si Gideon kaya tumingin sa kan’ya si Bear at Mouse.
“Tsong−” Natigilan si Billkin sa biglang pagtayo ni Gideon.
“Kung alam ko hindi niyo ko makikita rito,” matigas niyang sabi habang nakatingin kay Gab.
“Siguro subukan natin ulit tawagan?” Sumingit ako sa pagitan nila upang hindi na lumala ang tensyon.
“Cannot be reach kanina pa,” ani Bear habang nakaangat ang phone na hawak.
“Oh!” Tumingin kami lahat sa direksyon ni Mouse. “Naalala ko, no’ng bago ka namin makita sa Ilaya Night Market, nagkausap sila ni Primo. May binanggit si Primo na volunteer work tuwing Miyerkules. Hindi naman sinabi ni Uno sa’kin kung para saan. May contact ba kayo ni Primo?”
“Primo?” Lumapit si Gideon sa table. “Sumasama si Uno kay Primo?” aniya.
Bakas sa mukha nito ang pag-aalala. Napahilamos siya ng mukha gamit ang kamay. Hindi ko kilala kung sino ang tinutukoy niya pero base sa reaksyon niya ay parang napakadelikadong tao nito.
“Bakit, may kalokohan na naman bang ginawa si Primo?” ani Billkin.
Magsasalita sana siya ngunit agad niyang itinikom ang bibig. Yumuko siya at huminga ng malalim pagkatapos ay nag-angat ng tingin. “Hindi lang kalokohan ang kinasangkutan ni Primo. Hindi dapat samahan ni Uno ang taong ‘yon.”
“Sisay?” (Sino?)
Natahimik kami nang bumaba ang may edad na lalaki na sa tingin ko ay around 50s na. Puro puti na ang buhok nitong hanggang balikat at may katangkaran at kapayatan ang pangangatawan. Sa palagay ko ay siya ‘yong tinatawag nilang Manong Resty.
Lumapit si Bear. “Si Primo po, Bossing.”
“Ta’no?” aniya at dumiretso sa kusina habang ipinupuyod ang buhok. Nakita ko mula sa suot niyang T-shirt na puti ang tattoo nito sa buong likod hanggang sa batok. Huminto siya at tumingin sa amin ni Gab. “Sisay ‘yang kaibanan nindo?” nguso niya kay Bear. (Bakit? Sino ‘yang kasama niyo?)
Sa mga oras na ito ay padagdag ng padagdag ang mga bagay na hindi ko maintindihan. Tumingin sa akin si Bear na parang hinihintay ang sagot ko. Hindi ako makasagot dahil hindi ako pamilyar sa dialect na ginamit niya.
“Sina Griffith at Gabriela, Tsong. Nakaistar kay Gideon.” Si Billkin na ang sumagot. “Mga dae man tatao magbicol.” Lumingon ako ng bahagya kay Billkin dahil sa tono nitong gaya ng kay Manong Resty. (Nakatira kay Gideon. Mga hindi marunong magbicol.)
Humarap ulit ito sa amin kaya napaayos ako ng upo. Bahagya ko rin tinapik si Gab dahil bumalik na naman ito sa pagub-ob.
“Good morning po,” bati ko. Tumango lang ito at sumenyas gamit ang kamay. Tumingin ako kay Billkin.
“Sige raw. Ikaw din.” Namilog ang bibig ko at napatango. “Hindi ‘yon bicol, ha.” Aniya.
Lumipat ang tingin namin kay Gideon nang tumayo at akmang aalis.
“Saen ka maduman, Gideon?” Napahinto rin siya sa tanong ni Manong Resty. (Saan ka pupunta, Gideon?)
“Hahanapin ko si Uno.”
Napalabas naman si Manong Resty mula sa kusina. Nakasuot ito ng apron at may hawak na kutsilyo at siling haba. “Ta’no? Ano’ng nangyare kay Uno?” (Bakit? Ano’ng nangyare kay Uno?)
Tumingin si Gideon kay Mouse at Bear. Umiling si Mouse at napaubo naman ang isa.
“Kinuha raw si Uno no’ng mga ‘di kilalang Gang, Tsong.” Ani Billkin.
Napakamot ng batok si Mouse. “Patal-patalun,” bulong niya. (tanga-tanga)
“Hindi niyo pa ba nasasabi?” Walang muwang na napatakip ng ilong gamit ang kamao si Billkin.
“Tigas ng pamayo ni Uno. Ano na namang kapatalan ang ginibo’t−” (Tigas ng ulo ni Uno. Ano na namang kalokohan ang ginawa−)
“Kung hindi lang sana nagsara ‘tong Resto, hindi lalayas si Uno.” Napatikom kami lahat sa sinabi ni Gideon. Humarap siya sa direksyon ni Manong Resty at nagpamulsa. “Hindi niyo sana kami iniwan sa ere.”
“Tsong!” Saway ni Billkin na may hawak na tasa ng kape.
Dahil sa lakas ng sigaw nito ay napabalikwas si Gab sa pagkakasandal. Nagpalinga-linga ito sa tahimik na paligid habang kumukurap-kurap. Lumipat ang tingin ni Gideon kay Gab, particularly sa leeg nito. Diretso siyang lumapit dito at mabilis na hinatak ang nakasuot kay Gab na kwintas.
“Saan mo ‘to nakuha?” Tumaas ang tono niya. Nagulat ako nang hatakin niya ang suot ni Gab at patayuin ito. Nalaglag sa upuan ang kumot at umurong ng bahagya ang table dahil sa pag-untog nila rito. Doon ay tumayo na ako at hinawakan ang braso ni Gideon upang pigilan siya.
Hindi agad nakasagot si Gab dahil sa gulat. “Ano’ng sinasabi mo? Akin ‘to!” Hinablot ni Gab ang kwintas sa kamay ni Gideon.
“Kinuha mo ba ‘yan sa gamit ko? Sinasabi ko na, ‘eh. Dapat ‘di ko kayo pinatuloy−”
“Wait, hindi na tama ‘yang sinasabi mo.” Kinalas ko ang pagkakahawak niya sa damit ni Gab at hinarap siya. “I think sumusobra ka na. You should apologize to Gab dahil sa ginawa mo kahapon. Alam mo ba’ng Birthday niya−” Natigilan ako nang marahang hatakin ni Gab ang tagiliran ng T-shirt ko.
Nangunot ang noo niya at muling inagaw ang hawak ni Gab. Dahil dito, naputol ang kwintas at gumulong ang singsing na nakasabit dito sa direksyon ni Manong Resty. Yumuko siya upang pulutin ito pagkatapos ay sinuri ang paligid nito. Nangunot ang noo niyang napatingin kay Gab. Ilang segundo silang nagsukatan ng tingin.
“You’re so quick to judge others. Mapapahamak ka dahil d’yan,” matigas na sabi ni Gab kay Gideon. Lumapit siya kay Manong Resty at nilahad ang kamay. “Sa akin ho ‘yan.”
Tumikom ang bibig ni Manong Resty at tahimik itong nilapag sa kamay ni Gab. Aalma pa sana si Gideon nang humarap ito sa kan’ya.
“Magpuyo ka baya,” aniya. (Umayos ka)
“Akin ‘yong singsing!” pilit ni Gideon. “Bakit mas pinapaniwalaan mo pa ‘tong magnanakaw na ‘to?—”
“Gideon!” Saway ko.
“Sino ba sa’tin ang gumawa ng krimen kaya sinundo ng pulis sa bahay?” buwelta ni Gab.
“Gab, that’s enough.” Hinatak ko si Gab papunta sa likod ko nang akma niyang agawin ulit ang hawak nito.
“Dinalaw ka ng parak?” ani Mouse.
“Napagkamalan lang ako,” paglilinaw niya. “H’wag mo ibahin ang usapan. Kung sa’yo ‘yan, saan ‘yan galing?”
“Ba’t ko sasabihin sa’yo?” sagot naman no’ng isa.
Hindi alam ni Bear kung sino ang uunahin niyang awatin habang si Mouse naman ay nakatulala.
“Tsong, baka naman parehas lang kayo?” awat ni Billkin habang tinatapik ang balikat ni Gideon.
“Tama na ‘yan at hanapin na natin si Uno,” ani Manong Resty.
Hinawi ni Gideon ang kamay ni Billkin at humarap sa nakatalikod na si Manong Resty. “Gano’n na lang ‘yon?” Napabuga siya ng hangin. “Parang katulad ulit ng dati, ‘ah. Bigla-bigla na lang aalis at babalik? Bakit mo pa kami kinupkop kung iiwan mo kami rito kung kailan mo maisipan,” mahabang litanya niya.
Hinawakan siya sa braso ni Billkin. “Tsong,” bulong nito at tumingin kay Manong Resty.
Tumingin ito sa kan’ya. Hindi katulad kanina, lumamlam ang tingin nito at halos hindi makatingin ng diretso kay Gideon. “Unahin muna natin ang paghahanap sa kapatid niyo,” ani Manong Resty.
“Pwede ba, huwag kang umastang parang ama.”
Humakbang pa-abante si Bear. “Gideon!” Napataas ang balikat namin ni Gab dahil sa lakas at kapal ng boses nito. Ngayon ko pa lang din siyang nakita na nakasimangot.
Lumapit pa ito kay Manong Resty. “Huwag mo na ulit subukang kunin ang loob namin gaya ng ginawa mo dati. Huwag mo kami itulad sa pamilya mong nasira nang dahil sa’yo—”
Agad namula ang mukha ni Manong Resty. Lumalim ang paghinga nito at kumuyom ang payat na kamay. Nagulat kami nang sampalin niya gamit ang likod ng kamay niya si Gideon. Nanlaki ang mata ni Gideon at matalim na tumingin dito. Umigting ang panga nito. “Hindi mo alam ang sinasabi mo.”
Lumapit na rin si Mouse, na gaya ni Bear na seryoso na rin ang mukha. “Gid, hindi na tama ‘yang ginagawa mo.”
“Kayo,” matigas niyang sabi. “Wala lang ba ‘yong nangyari noon para sa inyo? Ba’t ang dali niyo ulit bumalik dito?” mahina na ang boses nito at malalim na rin ang bawat paghinga niya. Nakita ko ang pangingilid ng luha niya. Napansin niya ito at marahas na pinunasan.
Humarap ulit siya kay Manong Resty. “Mali ba ako? ‘Di ba inabandona mo rin ang anak mo—”
Hinatak niya ito sa damit gaya nang paghatak ni Gideon kay Gab kanina. Dinala niya ito sa kusina.
Kami namang natira ay hindi makakibo.

Comentário do Livro (26)

  • avatar
    BuenaflorAiyana Gail

    niceeeeeee oneeeeeeeee I likeeeeee ittttt

    27/07

      0
  • avatar
    ArcaDhan Jester

    100

    03/06

      0
  • avatar
    Hannah Miley Casco

    amazing incredible

    27/01

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes