“Ay! May pa-note? Anong nakasulat?” curious na tanong ni Rae saka mabilis na lumapit sa akin upang tingnan ang binabasa ko. Mabilis ko namang tinupi at inilagay iyon sa bulsa ng grey slacks ko. May halong pang-aasar ang tingin na ibinigay niya sa akin. “Wala namang nakasulat, pangalan niya lang.” saad ko. Hindi naman talaga ako mahilig magsinungaling kaya hindi ko alam kung napaniwala ko si Rae sa palusot ko. Nagkibit-balikat lang siya saka tumingin nang nakakaloko sa akin. Hindi ko alam kung anong oras niya iniwan ang paperbag sa office. Pero malakas ang pakiramdam ko na nagdala rin siya ng lunch sa Dad niya. Wala pa naman ang ibang officers ng org kaya naisipan kong lumabas muna. Ayos na rin naman ang elevator kaya hindi na ako mahihirapang pumunta sa third floor para i-check kung nandoon siya. Gusto ko lang linawin at itanong sa kaniya kung ano ang ibig sabihin ng isinulat niya sa papel at gusto ko na rin magpasalamat sa pagdadala ng pagkain kahit na hanggang ngayon ay naiinis pa rin ako sa kaniya. Mabuti na lang at wala akong nakasabay sa elevator kaya payapa akong nakarating sa third floor. Pagkalabas ko roon ay may nakita akong mga third year law students na nagkukumpulan sa isang tabi. Mayroon silang tinuturo at mukhang kinikilig pa yung isa. “Naku! Minsan lang tayo mabiyayaan ng grasya. Lapitan niyo kaya at itanong kung anong pangalan.” saad ng isang babae na nakasalamin. Sinundan ko naman ng tingin ang tinuturo nila. Awtomatikong napakunot ang noo ko nang makitang nakasandal sa labas ng wall ng faculty si Alistair. May hawak siyang paperbag na kulay purple. Marahil ay hinihintay niyang lumabas ang Dad niya. Nakasuot siya ngayon ng scrubs na kulay sky blue at may ID na nakasabit sa chest pocket ng suot niyang uniform. Kailan pa nagsimula ang internship niya? “Ano na? Baka mamaya umalis ‘yan hindi pa rin natin alam ang pangalan.” saad naman ng isang babaeng mahaba ang buhok sa babaeng kanina pa kinikilig. Halatang pressured rin ang babae dahil sa utos ng mga kaibigan. Hindi na ako nag-aksaya ng oras at naglakad na sa kinaroroonan ni Alistair. Medyo nahiya lang ako nang madaanan ko yung grupo ng mga babae dahil napatingin sila sa akin. Nang makita ako ni Ali ay agad siyang umayos ng tayo. Agad na dumako ang paningin ko sa hawak niyang paperbag. Sa totoo lang, pwede naman siyang kumatok at pumasok sa loob ng faculty para iabot ‘yon sa Dad niya. Hindi niya naman kailangang maghintay pa rito sa labas dahil kung hihintayin pa niyang lumabas si Attorney Altamirano, panigurado male-late pa siya sa pagpasok. “Akin na.” saad ko saka mabilis na inilahad ang palad ko sa harapan niya. Mukhang hindi niya naman naintindihan kung ano ang ibig kong sabihin kaya kinuha ko na mula sa pagkakahawak niya ang paperbag. Ngumiti ako saka kumatok sa pintuan ng faculty. Nakita ko naman ang pamumula ng pisngi niya saka mabilis na lumayo mula sa pinto. “Good morning po. Para po kay Attorney Altamirano.” sambit ko saka nagmadaling naglakad patungo sa table ni Atty. at mabilis na inilapag iyon sa lamesa niya. Naguguluhang tumingin sa akin si Attorney. Marahan pa niyang inalis ang suot na reading glass bago bumaling sa akin. “Ah, galing po sa anak niyo.” Mabilis naman siyang tumango at ngumiti sa akin. Narinig ko rin ang kaniyang pagbuntong-hininga bago tiningnan kung ano ang laman ng paperbag. “Thank you very much, Alissa. Is he outside?” Mabilis akong tumango. “Pakisabi sa kaniya na sa susunod pwede namang siya na lang ang mag-abot. Welcome naman siya sa faculty.” nakangiting turan ni Atty. Altamirano. Ngumiti lang ako at nagpaalam na rin kaagad. “Dahlia!” dinig kong sigaw ng isang babaeng propesor sa maliit na batang babae. Kung tatantiyahin ay marahil ay five years old ang edad nito. Bago pa man ako tuluyang makalabas ng pinto ay bigla ako nitong tinulak. Mabuti na lamang ay nahawakan ko kaagad ang doorknob kung hindi ay paniguradong na-out balanced ako. Agad akong kinabahan nang mamataan itong tumatakbo patungong hagdan. “Alistair! Yung bata!” Kabadong sigaw ko sabay turo sa batang tumatakbo. Mabilis niya iyong hinabol ngunit huli na. Napatakip ako ng aking bibig nang marinig ang paggulong nito pababa ng hagdan. “Dahlia!” gimbal na sigaw ng propesor. Halos hindi ako makagalaw dahil sa nakita ko. “Alissa, tumawag ka ng ambulansiya!” sigaw sa akin ni Alistair. Nanginginig na nag-dial ako sa aking cellphone. Maging ang mga daliri ko ay nanginginig din. Mabilis akong tumakbo pababa ng hagdan kung saan naroon si Alistair na inaasikaso ang bata na ngayon ay duguan ang ulo. Narinig ko ang pag-iyak ng propesor. Maging ang mga nasa faculty ay lumabas na rin nang marinig ang palahaw na iyak ng ina ng bata. “First aid kit! Kailangan ko ng first aid kit!” maging si Alistair ay natataranta na rin. Hawak pa rin niya ang ulo ng bata na hindi tumitigil sa pagdugo. Nang makitang walang gumagalaw sa mga tao ay ako na mismo ang nagboluntaryong tumakbo pababa para kumuha ng first aid kit sa clinic na katabi lamang ng office namin. Hingal na hingal ako nang makarating ako muli sa taas. Nang mai-abot ko ang kit kay Alistair ay agad niyang kinuha ang gasa. Agad niyang ipinosisyon ang ulo nang bata sa aking hita para maalalayan ko iyon. “Alissa make sure that her head and shoulder are slightly elevated.” Tumango naman ako at sinunod ang kaniyang sinabi. Mabilis niyang ipinaikot ang gasa sa ulo ng bata para kahit papaano ay mapigil noon ang pagdurugo ng sugat. “Check if she’s still breathing.” muli niyang utos. Mabilis kong pinulsuhan ang bata. Yumuko pa ako sa bandang bibig nito upang siguraduhin kung humihinga pa. “Alistair, no breathing and movement.” kinakabahan kong saad. Mas lalong umiyak ang ina ng bata. Maging ako ay naiiyak na rin. “Alissa, CPR!” Muntik na akong mapaigtad nang sigawan ako ni Alistair. Hindi ko na alam ang ginagawa ko. Unti-unti na ring nag-iinit ang palibot ng mata ko at pakiramdam ko maiiyak na ako dahil sa pinaghalong kaba at pressure. “Do it, please.” mahinahon niyang sambit. Napatingin ako sa kamay niyang nanginginig na. He seemed shocked too. Pati mga mata niya ay namumula na rin. Mabilis akong pumwesto upang i-CPR ang bata. I did it for almost three minutes bago ito gumalaw muli. Nang magkaroon ng malay ay bigla na lamang itong umiyak habang tinatawag ang pangalan ng kaniyang ina. Nakahinga kami nang maluwag nang dumating ang ambulansiya. Mabilis na isinakay ang bata sa stretcher at agad itong inasikaso ng nurse na nandoon. Napabuntong hininga ako habang nakatulala sa kawalan. Wala nang mga tao sa paligid, kami na lang dalawa ni Ali ang nakaupo sa sahig. Naroon pa rin ang dugo sa sahig, hindi pa nalilinis ng janitor. Narinig ko ang kaniyang pagbuntong-hininga samantalang ako ay bigla na lamang napaiyak. Mabilis kong inilagay ang dalawang palad ko sa aking mukha para matakpan iyon. Pinipilit kong takpan ang bibig ko para hindi niya marinig ang paghikbi ko. Ito ang kauna-unahang beses na nakasaksi ako ng ganoong aksidente. Pakiramdam ko paulit-ulit ako na bumabalik sa sitwasyon. Paulit-ulit ko na naririnig ang palahaw na iyak ng bata at ng kaniyang ina. “Shhh. H’wag ka nang umiyak. Magiging okay siya.” mahinang saad ni Alistair sa tabi ko. Hindi ko alam kung matutuwa ako o mabibigla. Hindi ko rin alam kung paano ako nakarating sa ganoong sitwasyon. Para akong nakalutang sa ere. Halos wala akong maramdaman. Umusod siya sa tabi ko at saka inalalayan ang ulo ko para isandal sa kaniyang balikat. Mas lalo akong napaiyak nang tapikin niya nang paulit-ulit ang balikat ko. “Shh. You did well. You saved her.” bulong niya. Halos tatlumpung minuto kaming nanatili roon. Hinintay niyang tumigil ako sa pag-iyak bago kami tuluyang bumama sa first floor. Habang naglalakad ay saka ko lang napansin ang dugo na natuyo sa mga damit namin. Nagusot na rin ang longsleeves ko pati ang slacks na suot ko. Maging ang sapatos ko ay may bahid din ng dugo. “Ali!” Sabay kaming napalingon nang sunod-sunod na dumating sina Roman, Bryse, Mayelle at Aldwin. “Narinig namin ang balita, kaya nagmadali kaming bumalik.” saad ni Aldwin na may bitbit pang isang box ng pizza. “O-okay ka lang ba? Namumutla ka, Ali.” natatarantang sambit ni Aldwin. Binigyan ko sila ng isang pilit na ngiti bago naglakad na pabalik ng opisina. Ngunit nakakailang hakbang pa lang ako nang biglang umikot ang paningin ko. Mabilis akong napahawak sa cemented wall upang tumigil at magpahinga sandali. I squeezed my eyes shut because of the sudden headache. Napahawak ako sa ulo ako at marahang hinilot iyon. Pero ganoon pa rin, parang umiikot pa rin ang paligid ko. “Ali!” Narinig kong sigaw ni Aldwin bago pa man ako tuluyang mawalan ng malay at bumagsak sa sahig. “MABUTI naman at gising ka na.” I was still adjusting my vision when I saw four people standing beside me. Kinailangan ko pang pumikit nang mariin para tuluyang luminaw ang paningin ko. Bakas sa pagmumukha ang pag-aalala. Napangiti pa ako nang makitang maluha-luha pa sa isang tabi si Roman. “Buhay pa naman ako, bakit ka umiiyak diyan?” pagbibiro ko. “Dapat lang, sa’yo pa naman ako mangongopya sa exam. ‘Pag nawala ka, paano na ako at grades ko?” aniya sa pabirong tono. Agad naman siyang nakatikim ng malakas na batok kay Bryse kaya mas lalo akong natawa. “Paano na lang kung hindi kita nasalo bago ka bumagsak sa sahig? Edi sana nasa ospital ka na ngayon?” inis na reklamo ni Aldwin habang nakahalukipkip sa isang tabi. Kung anu-ano pa ang mga sinabi nila. Hindi na ako sumagot habang pinapagalitan nila ako. Hindi ko na lang maiwasang mapangiti ng palihim dahil nakikita ko kung gaano sila nag-aalala sa akin. Ibig sabihin, mahalaga ako sa kanila. Itatanong ko sana kung nasaan si Alistair kaya lang hindi ako makasingit dahil panay ang kwento ni Roman tungkol sa nangyari pagkatapos kong mahimatay. Bilib din talaga ako sa taong ito kung paano magkwento, talagang with actions pa. Hindi na rin nila ako pinapasok sa afternoon class namin dahil sabi nila kailangan ko pa raw magpahinga. Binisita rin ako ng iba kong subject professor sa clinic, ang iba ay nagpadala pa ng pagkain para sa akin. Gustuhin ko mang bumalik sa office namin para doon na lang magpahinga, kaya lang ayaw naman akong payagan ng nurse na nagbabantay sa akin. Mas mabuti na raw na dito na lang ako magpahinga para mabantayan niya ako nang mabuti. Wala akong nagawa kundi makipagtitigan na lamang sa kisame hanggang sa mag-uwian. Agad din naman akong binalikan nina Roman pagkatapos ng klase para sunduin. Si Aldwin at Roman naman ang umalalay sa akin hanggang makasakay ako sa sasakyan. Nagulat pa nga si Kuya Basti sa hitsura ko dahil hindi pa ako nakakapagpalit ng damit. Mabilis naman akong nagpaliwanag kay Kuya Basti para hindi niya na i-report pa ang nangyari kina Dad. Ayoko na ring makapagdagdag sa kanilang isipin kapag nagkataon. Mukhang naintindihan naman niya ang paliwanag ko kaya tumango na lamang siya bilang pag-sang ayon. Pagdating ko sa bahay ay agad akong naligo at nagbihis. Nagpadala na lang ako sa helper ng pagkain sa taas dahil mag-aaral pa ako para sa quiz namin sa Property. Kung kailan ako nahihilo saka pa magkakaroon ng quiz. Hindi ko na napigilang sabunutan ang sarili nang makita ang coverage ng quiz. Okay, Ali! Wala kang time mag-break down ngayon. Kinondisyon ko muna nang ilang minuto ang sarili ko bago magsimula sa pagbabasa. Hindi ko alam kung kakayanin kong matapos ‘to pero mas mabuti nang may nabasa kaysa wala. Sana lang talaga madali lang ang pa-quiz bukas. Ano ba yan?! Muntik na akong mapatalon sa upuan ko nang biglang tumunog ang cellphone ko na nasa bedside table ko. Nagva-vibrate pa iyon kaya rinig na rinig ang pag-ugong. Huminga ako nang malalim upang kalmahin ang aking sarili. Saglit akong tumingin sa wristwatch ko at napagtantong alas onse na ng gabi. Sino namang tatawag sa akin ng ganitong oras? Walang ganang tumayo ako upang tingnan kung sino iyon pero agad kumunot ang noo ko nang makitang hindi registered ang number sa contact list ko. “Sino kaya ‘to? Prof kaya?” Saglit akong napaisip bago iyon sagutin. “Hello. This is Alissa Valeria, who’s this?” My brows furrowed in confusion when no one’s speaking on the other line. “Hello? Prank call ba ‘to?” Inis na tiningnan ko ang cellphone bago muling inilapat sa tenga upang hintayin magsalita ang nasa kabilang linya. “Wala ka talaga sigurong magawa sa buhay mo ‘no? Nag-aaral ako rito, busy ako, h’wag mo akong guluhin.” inis na saad ko. Akmang papatayin ko na ang tawag nang bigla itong magsalita. “Magpahinga ka na, Alissa.” Natigilan ako nang marecognize agad kung kaninong boses iyon. Muli akong napatingin sa unregistered number sa cellphone ko. Paano niya naman nalaman ang number ko? “Excuse me?” paglilinaw ko. Baka kasi nagkamali lang ako ng pagkarinig. “You go to sleep, Ali. Magpahinga ka na.” pag-uulit niya. This time I’m sure it was him. Nagkaroon ng mahabang katahimikan. Hindi ko rin kasi kung ano ang sasabihin ko. “Alistair, rounds!” Mula iyon sa boses ng isang lalaki. Narinig ko naman ang pagbuntong hininga niya. “Alissa are you still listening?” Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit bigla bumibilis ang tibok ng puso ko. Phone call lang ‘to pero bakit ganito ang pakiramdam ko? “Bakit ka napatawag?” “I was wondering if you were okay.” Agad kong pinaypayan ang sarili gamit ang kanang palad. Bakit parang ang init bigla? Bakit pakiramdam ko namumula ang pisngi ko? “You called because you were worried?” lakas-loob kong tanong na agad ko namang pinagsisihan. Baka isipin niya assuming ako masyado. Sino bang nagsabing worried siya? Saan ba naman kasi nanggaling ‘yong tanong na yon? Oh shocks! Mas lalo akong kinabahan nang hindi siya sumagot. Narinig ko na lamang siyang bumuntong hininga. “Matulog ka na.” Pagkasabi niya ng mga salitang iyon ay agad niya na ring pinatay ang tawag. Tulala akong napaupo sa aking kama. Mabilis kong inilapag ang cellphone sa bedside table saka mabilis na napahawak sa aking dibdib. Napapikit ako nang mariin habang pinakikiramdaman ko ang pagtibok nito. Bigla kong naalala ang mga nangyari kanina. Kung paano namin niligtas yung bata at kung paano niya inalalayan ang ulo ko para isandal sa balikat niya. Naitakip ko ang dalawang palad sa aking mukha. Imposible. Imposibleng gusto ko na siya.
Obrigado
Apoie o autor para lhe trazer histórias maravilhosas
nice
27/01
0mabuting construction workers
01/01/2025
0wc too you
14/12/2024
0Ver Todos