logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Chapter 3

Ginugol ko ang buong isang linggo sa pagsama kay Lolo sa pastulan, pagtulong sa paglilinis ng bahay at paglililibot malapit sa palayan. Hindi na ako nagtangkang pumunta mismo sa palayan dahil hindi ako sanay maglakad sa mga makipot na pilapil nito.
Nakapag-apply na si Kuya ng trabaho sa bayan at sa susunod na lunes ay magsisimula na siya sa pagtatrabaho. Sa susunod na lunes na rin ang pasukan sa school na pinag-enrolan ko noong nakaraan. Hindi na ko kailangan pang bumili ng mga bagong gamit dahil maaari ko pa namang gamitin ang mga notebook ko noong nakaraan. Siguro naman ay makakahabol ako sa mga lessons dahil hindi naman malaki ang ipinagkaiba ng mga itinuturo sa mga paaralan.
Noong nakaraang araw pa naman si Mama lumuwas pabalik ng Manila. Malungkot ako noong araw na iyon pero wala akong ibang nagawa kundi ang ngumiti kay Mama dahil ayokong ipakita sa kaniya ang nararamdaman ko. Baka hindi pa siya makaalis dahil sa akin. Baka maabala ko pa siya sa byahe niya at ayokong mangyari iyon.
Mabuti na lamang at kasama ko rito si Kuya. Mabilis din akong naging malapit kina Lolo at Lola dahil palagi nila akong kinakausap at kinukwentuhan. Hindi ako nabuburyo kahit wala akong ibang batang nakakausap na kaedad ko. May telebisyon dito pero malabo ang kuha sa mga channels. Mabilis din akong natututo ng mga niluluto ni Lolang meryenda dahil palagi niya akong inaakit sa kusina.
Si Kahel naman, nakikita ko rin siya minsan sa pastulan. Pumupunta pa rin siya rito sa bahay para kuhain si Abacus pero hindi na kami nagkausap pa. Ngumingiti ako sa kaniya pero kagaya ng dati, wala akong natatanggap na tugon mula sa kaniya.
Siguro mahirap talagang ipilit kapag ayaw sa'yo ng isang tao. Pero gusto ko talaga siyang maging kaibigan lalo na at siya ang una kong nakita at nakausap dito kahit palaging galit ang tono niya. Isang beses ko na ring naitanong kay Lola kung anong klaseng lalaki si Kahel. Ang sabi niya ay mabait daw ito sa lahat at magalang kaya kinagigiliwan ng mga tao rito.
Bakit ganoon? Sa akin lang siya hindi mabait?
"Lola? Sino po bang bisita natin ngayong araw?" tanong ko isang hapon nang makita si Lola na abala sa pagluluto ng ginataang saging. Nabanggit niya sa akin kanina na may darating na bisita kaya naman inutusan niya akong magwalis sa salas.
"Si Ate Violet mo. Palagi iyong bumibisita rito dati at tinutulungan akong mag-alaga ng mga halaman. Natigil lang dahil kagagaling niya sa Maynila." tugon ni Lola habang nakatingin sa niluluto.
"Ate Violet?" takang tanong ko.
Tumingin sa akin si Lola at tumawa. "Hindi mo nga pala kilala. Nakatatandang kapatid iyon ni Kahel. Napakagandang bata at napakabait din." nakangiting aniya.
Nanlaki ang mata ko sa narinig. "May kapatid po si Kahel?" manghang anas ko. Ngayon ko lang nalaman na may kapatid pala ang lalaking iyon. Paano kaya siya kumilos sa harap ng ate niya? Masungit din kaya?
"Oo. Lima silang lahat. Nag-iisang babae lang si Ayo. Ayo ang palayaw ni Ate Violet mo." tumango-tango ako.
Bigla akong natuwa nang malaman na may mga kapatid pala si Kahel. Hindi ko alam pero pakiramdam ko ay nagmumukha na akong tanga kakangiti. Gusto kong makikilala ang mga kapatid niya lalo na si Ate Ayo. Gusto ko ring malaman kung gaano kaganda ang ate niya. Gwapo siya kaya malamang ganoon din ang mga kapatid.
Bumalik ako sa salas at inayos ang mga kubyertos sa lamesa. Kinuha ko rin ang tambo at muling nagwalis-walis kahit kanina ko pa ito ginagawa. Maayos kong pinunasan ang mga upuan at sinalansan iyong maigi. Kumakanta-kanta pa ako dahil wala na akong ibang magawa sa paghihintay. Napatigil ako nang biglang may tumawag mula sa labas.
"Tao po!" dali-dali akong sumilip mula sa bintana. Doon ay nakita ko ang isang matangkad na dalaga na nakasuot ng bulaklaking bistida. May kasama siyang isang lalaki na mas bata pa sa kaniya.
"Lola! May tao po!" sigaw ko naman kay Lola na hanggang ngayon ay nasa kusina pa. Dali-dali siyang lumabas at nagtungo rin sa may bintana para silipin kung sino ang nasa labas.
"Naku! Andito na sila!" nakangiting anas niya. Ngumiti rin ako dahil hindi ako nagkamali ng hinala. Ang puti at ang kinis ng babae. Ang ganda-ganda niya kagaya ng sinabi ni Lola.
"Ayo! Jacques! Pumasok na kayo." napagmasdan ko ang kasama niyang lalaki na mas bata sa kaniya. May pagkakahawig silang dalawa ni Kahel lalo na sa mata at ilong. Siguro ay isa na ito sa mga kapatid niya.
Nagtungo ako sa likod ni Lola nang salubungin niya ang dalawang bisita. Nanatali akong nakatitig kay Ate Violet dahil talagang ang ganda-ganda niya. Naisip ko tuloy bigla kung magiging kasing tangkad at kasing ganda niya ba ako sa paglaki ko. Pero sa ayos ko ngayon, parang imposible.
Natutuliro naman akong umiwas ng tingin nang mapabaling ako kay Kuya Jacques at masulyapan na nakatitig siya sa akin. Nahihiya akong nagbaba ng tingin.
"Ayo... Jacques... si Anastacia nga pala, apo ko." pagpapakilala sa akin ni Lola. Wala naman akong nagawa kundi ang alanganing ngumiti sa kanila. Ayokong isipin nila na masama ang ugali ko.
Nakita ko naman ang matamis na pagngiti sa akin ni Ate Violet. Mas lalo siyang gumanda sa paningin ko dahil doon. "Hello, Anastacia. Ako nga pala si Ate Ayo mo." tipid pa siyang kumaway sa akin at tumungo upang mas mapantayan ako. "Ang ganda ganda mo naman, Anastacia." pagpuri niya sa akin.
Namula ako dahil sa hiya. Kahit kailan yata ay hindi ako masasanay kapag may nagsasabi sa aking maganda ako. Lalo na kung galing kay Ate Ayo. Nahihiya akong matawag na maganda gayong siya naman itong sobrang ganda.
"Ito naman pala si Kuya Jacques mo. Kapatid ko." tumingin naman ako kay Kuya Jacques na hanggang ngayon ay nakatingin pa rin sa akin. Nahiya ako lalo nang i-abot pa niya ang kaniyang kamay sa akin.
"Jacques." simpleng pakilala niya. Nahihiya akong ngumiti at nagpakilala na rin.
"Anastacia po." nakita kong ngumiti rin siya sa akin. Inakit sila ni Lola na maupo sa salas kaya sumunod na rin ako. Magkatabi ang magkapatid sa upuan. Ako naman ay tumabi kaagad kay Lola. Wala ngayon dito sina Kuya dahil sumama siya sa pastulan. Maya-maya lamang ay paniguradong nakabalik na ang dalawang iyon.
"Anong grade ka na Anastacia?" tanong sa akin ni Ate Ayo. Nahihiya ako dahil palagi niya akong nakikita na nakatitig sa kaniya.
"Ana na lang po. Grade 8 na po ako." tugon ko naman. Bahagyang nanlaki ang mata niya sa akin.
"Parehas kayo ni Kahel. Grade 8 na rin iyon. Kilala mo ba si Kahel?" ngumiti naman ako at tumango sa kaniya.
"Kilala ko na po si Kahel. Sinamahan nga po niya ako noong nakaraan na magpa-enrol."
"Oh... dito ka na pala mag-aaral?" tumango ulit ako.
Totoo nga ang sinabi ni Lola na mabait si Ate Violet. Ang bait bait niya at mas lalo pang gumaganda dahil palangiti. Naiilang naman ako kay Kuya Jacques dahil palagi ko siyang nahuhuling nakatingin sa akin. Nagpaalam saglit si Lola na titingnan ang niluluto niya.
Tumayo rin ako at sumunod kay Lola upang tulungan siya sa paghahanda. Kinuha ko ang isang bowl kay Lola na may laman na ginataang saging. Medyo mainit pero kaya ko naman. Nagulat pa ako nang biglang tumayo si Kuya Jacques at tinulungan ako.
Nahihiya akong nagpasalamat sa kaniya at umupo na lamang pagkatapos. Nagsimula nang magkwentuhan sina Ate Ayo at Lola kaya natahimik ako at nanatili na lamang na nakikinig.
"Nakapag-apply na po ako sa school na pinapasukan ni Kahel. Sa susunod na lunes ay magsisimula na rin akong magturo roon."
Nagulat ako nang malaman na magtuturo pala sa secondary ang ate ni Kahel. Bigla akong naiinggit dahil wala akong Ate na kagaya ng kay Kahel. Masaya naman ako kay Kuya pero iba pa rin talaga kapag may ate ka. May mga bagay kasi na hindi mo kayang sabihin sa mga kuya mo. May mga pagkakataon din na hindi nila maiitindihan ang mga pinagdadaanan naming babae. Kaya mas maganda talaga kapag may kapatid kang babae. Gusto ko kasi iyong may makakausap ako at may magsusuklay palagi sa buhok ko kagaya ng ginagawa sa akin ni Mama.
Habang nag-uusap sila ay nalaman ko rin na tapos ng mag-aral ang tatlo sa kanilang magkakapatid. Si Kahel na lang ang nag-aaral pati si Kuya Jacques na first year college na.
Hindi nagtagal ay natanaw ko sina Kuya na pumasok sa pintuan. Tumayo ako para ikuha sila ng makakainan. Pagbalik ko sa salas, bigla akong natuwa nang makita na titig na titig si Ate Ayo kay Kuya. Nagpipigil ang ginawa kong pagngiti nang muli akong bumalik doon.
Lumapit ako kay Kuya at mahina siyang binulungan sa tenga. "Kuya, ang ganda ni Ate Ayo." napasimangot naman ako nang bigla niya akong samaan ng tingin. Sinenyasan pa niya ako na manahimik na raw ako.
Nakasimangot ako nang muling bumalik sa pagkain. Nagpatuloy ang usapan nilang matatanda. Natahimik naman ako dahil wala rin naman akong ibang sasabihin. Nang matapos ako sa pagkain ay nagpaalam ako na lalabas muna. Dumiretso ako sa likod ng bahay at doon sinilip ang mga kabayo na nakalagay sa kuwadra.
Tumigil ako sa tapat ng kulungan ni Abacus at pinagmasdang maigi ang kabayo. Ang linis linis talaga niyang tingnan lalo na at pino ang kulay puting buhok nito. Nakakamangha na kaya itong paamuhin ni Kahel kahit bata pa lamang siya. Hindi maipagkakaila na natutuwa rin ako sa mga kabayo subalit hindi naman ako marunong magpatakbo ng mga ito. Magpapaturo na lang ako kay Lolo kapag may libreng oras na siya.
"Mahilig ka rin sa mga kabayo?" muntik na akong mapatalon dahil sa gulat. Nasapo ko ang dibdib ko para pakalmahin ang sarili. Nang tuluyan akong makabawi ay saka lamang ako lumingon kay Kuya Jacques na ngayon ay nakatingin na sa akin.
"Oo, Kuya." nahihiyang tugon ko.
Narinig ko ang pagtawa niya. "Jack na lang. Huwag na Kuya. Tatlong taon lang naman ang tanda ko sa'yo."
Nahihiya akong tumango sa kaniya at nagbaba ng tingin. Lumapit naman siya at pinagmasdan din si Abacus. Nanatili naman akong tahimik dahil hindi ko alam kung paano makikipag-usap sa kaniya. Nahihiya ako lalo na at ngayon pa lamang ang unang pagkikita namin. Nahihiya at naiilang ako sa kaniya samantalang siya ay kaswal lamang kung makipag-usap.
"Gusto mong sumakay?" tanong niya. Umangat ang tingin ko at sunod-sunod na tumango sa kaniya. Natawa siya sa akin.
"Kaso hindi pa ako marunong magpatakbo." natatakot pa ako na baka biglang magwala ang kabayo at hindi ko makontrol. Baka mahulog ako at mabalian ng buto kung ipipilit ko.
"Edi sasamahan kita."  nakangiting anas niya. Nanlaki ang mata ko sa narinig.
"Totoo?" tumango siya at tumawa.
"Hintayin mo ako. Magpapaalam lang ako sa Lolo mo." nahihiyang tumango ako sa kaniya. Sasama sana ako para ako na mismo ang magpaalam kaso baka hindi ako payagan ni Kuya. Paniguradong hindi niya ako papayagan.
Nanatili akong nasa likod bahay at hinihintay ang pagbabalik ni Kuya Jacques. Kumuha na lamang ako ng damo at pinakain si Abacus pati na rin ang isa pang kabayo. Lihim din akong nagdadasal na sana ay pumayag si Lolo.
Parang biglang dininig ang panalangin ko dahil sa pagkakangiti ni Kuya Jacques nang makabalik siya. Napangiti ako lalo na nang sabihin niya na pumayag nga si Lolo basta't huwag daw kaming magtatagal. Hindi ko naman na naitanong kung anong sinabi ni Kuya dahil baka biglang magbago ang isip niya.
Lumapit si Kuya Jacques sa kuwadra at binuksan ang kulungan ni Abacus.
"Si Abacus ang gagamitin natin?" nagdadalawang-isip na tanong ko. Hindi alam ni Kahel na si Abacus ang gagamitin namin. "Hindi ba magagalit si Kahel?"
Tumingin naman siya sa akin at umiling. "Bakit naman siya magagalit? Eh sa inyo naman si Abacus?" napatungo na lamang ako. Nagdadalawang-isip pa rin ako kung si Abacus ang sasakyan namin. Baka magalit siya kapag nalaman niya. Nag-aalala ako na baka mas lalo pa siyang magalit sa akin.
"Halika na, Ana." hindi na ako nakatanggi pa nang ilahad sa akin ni Kuya Jacques ang kamay niya. Lumapit na lamang ako at nagpatulong sa pag-akyat. Hinawakan niya ako sa baiwang hanggang sa tuluyan na akong makaakyat kay Abacus.
"S-salamat, Kuya."
Siya naman ang siyang sumampa sa kabayo para makaupo sa likod ko. Walang kahirap-hirap siyang nakasampa kay Abacus. Iba talaga kapag lalaki ka at matigas kung kumilos. Walang kahirap-hirap mong magagawa ang mga bagay-bagay.
"Ang sabi ko Jack na lang. Huwag mo na akong tawaging Kuya." paalala niya sa akin. Hinawakan niya ang lubid kaya nagsimula nang lumakad si Abacus.
Nahihiya naman akong ngumiti habang nakatingin sa unahan. Pakiramdam ko ay hindi tamang tawagin ko siya na Jack lang gayong mas matanda siya ng ilang taon sa akin. Kawalang-galang iyon para sa akin. Ang awkward din para sa akin na tawagin siya na Jack lang at walang kuya. Pero wala rin naman akong magagawa kung iyon ang gusto niya.
"S-sige." kumapit ako sa makapal na buhok ni Abacus. Tumingin na lamang ako sa unahan at pinagmasdan ang paligid. Nakalampas na kami sa palayan.  Ngayon ay patungo na kami sa pastulan kung saan mas malawak ang espasyo para magpatakbo ng kabayo.
"Masasaktan ang kabayo kapag hinawakan mo riyan." komento niya sa akin. Kaagad naman akong napabitaw sa buhok ni Abacus. Bigla akong natuliro kung saan kakapit. Mahuhulog ako kapag wala akong makakapitan. "Kumapit ka sa braso ko." nahihiya man sa kaniya ay wala akong ibang nagawa kundi ang kumapit sa braso niya habang siya ay may hawak na lubid para makontrol si Abacus. Hindi ko idiniin ang kamay ko dahil hindi pa rin naman ako ganoon kakomportableng kasama niya.
Subalit habang nakasakay kami sa kabayo at pinapatakbo niya si Abacus sa malawak na espasyo, doon ako tuluyang bumigay. Ang kaba at hiya na nararamdaman ko kanina ay biglang napalitan ng saya. Tuwang-tuwa ako lalo na kapag bumibilis pa lalo ang takbo ni Abacus. Bigla ko tuloy naisip na para akong kagaya noong mga napapanood ko na mga nagpapatakbo ng kabayo. Gustong-gusto ko talagang maranasan ito noon pa man. Hindi nga lang ako mabigyan ng pagkakataon dahil wala namang kabayo sa lungsod. Mabuti na lang talaga at lumipat kami rito sa Quezon. Sa pamamagitan niyon ay nabigyan ako ng pagkakataon na maranasan ang mga bagay na noon ko pa gustong maranasan.
"Isang ikot pa?" tumango ako sa kaniya. Mahigit isang oras na rin kaming narito at nakasakay sa kabayo. Hindi pa naman madilim pero baka hinahanap na ako ng strikto kong kuya.
Mabuti na lamang at mabait si Jack at mabilis pakisamahan. Madaldal din siya at malakas kung tumawa. Hindi ako nabuburyong kasama siya. Mabilis nawala ang pagkailang ko sa kaniya. Doon ko napagtanto na magkaibang-magkaiba sila ni Kahel. Si Kahel kasi ay halos hindi ko makausap ng maayos. Saka lamang siya nagsasalita sa tuwing papagalitan niya ako. Palagi rin siyang galit o hindi kaya iritado pagdating sa akin.
"P-pwede magtanong?" nahihiyang anas ko habang pabalik kami sa bahay.
"Oo naman. Bakit hindi?" nakatalikod man ay ramdam kong nakangiti siya sa akin.
"Tungkol sana kay Kahel..." nakagat ko ang labi sa hiyang nararamdaman. Baka iba ang isipin niya sa pagtatanong kong ito.
"Anong tungkol kay Kahel?"
"Ganoon ba talaga siya sa lahat? Masungit? O hindi kaya ay palaging galit?" wala kasi sa pag-uusap namin ni Kahel ang natatandaan kong maayos. Palagi na lamang masama ang tingin niya sa akin na nagsisimula na akong magtaka.
Narinig kong tumawa si Kuya Jacques sa likuran ko. "Masungit talaga iyon lalo na kapag hindi niya gusto ang isang tao."
Bumagsak ang balikat ko sa nalaman. Bigla akong nalungkot dahil galing na mismo sa kapatid niya ang kasagutan.
"Pero masungit din iyon minsan kay Ayo. Ganoon talaga iyon maglambing." napasimangot naman ako. Huwag mong sabihin na naglalambing lang sa akin si Kahel kaya siya masungit? Parang imposible naman yata iyon. Siguro tama nga na ayaw niya sa akin. Iba kasi ang pakikitungo niya pagdating sa ibang tao.
Pero kung ayaw niya... siguro dapat lang akong gumawa ng paraan para magustuhan niya ako bilang kaibigan.
"Speaking of Kahel..."
Nanlaki ang mga mata ko nang matanaw si Kahel hindi kalayuan. Nakatayo siya sa may palayan at nakatingin sa amin. Kahit may distansya ay kita ko pa rin kung gaano kasama ang tingin na ibinibigay niya sa amin. Bigla akong nagsisi. Dapat talaga ay hindi na lang si Abacus ang isinama namin. Dapat iyong isang kabayo na lang ni Lolo. Sinabi ko na nga ba at magagalit siya lalo na at hindi kami nagpaalam na hihiramin namin ang kabayo niya.
"Kahel!" nakita kong ngumiti si Kuya Jacques at kumaway sa kaniya. Hindi man lamang nawala ang masamang pagkakatingin niya lalo na sa akin. Kinabahan ako ng matindi dahil doon.
"K-kahel-
Magpapaliwanag na sana ako sa kaniya subalit nagulat ako nang bigla niya akong buhatin paibaba sa kabayo. Napahawak ako sa balikat niya dahil sa gulat. Hindi ko maunawaan kung saan titingin lalo na nang hindi pa rin niya binibitawan ang baiwang ko.
"P-pasensiya na Kahel. H-hindi kami nakapagsabi na hihiramin namin si Abacus-
"Alam ba ito ng kuya mo?" galit na tanong niya. Binitawan niya ako kaya napatungo ako sa lupa. Hindi ko rin nagawang makasagot kaagad lalo na at hindi ako sigurado kung alam ba ni Kuya o hindi ang ginawa ko. "Bakit hindi ka makasagot?"
"Kahel." nagbabantang tawag sa kaniya ni Kuya Jacques. "Nagpaalam ako sa lolo niya."
"Eh kay Kuya Gilbert?"
"Hindi ko na sinabi. May kausap ang kuya niya kanina kaya hindi ko naipagpaalam. Pumayag naman si Lolo Menandro kaya ayos na-
"Kita mo na?" mas lalo akong natakot nang bumalik ang tingin niya sa akin. Halatang galit talaga siya ngayon. Magpapaalam naman talaga sana ako tungkol sa kabayo. Wala naman kaming gagawing masama kay Abacus kaya hindi na niya kailangang magalit pa.
"S-sorry. Magpapaalam naman talaga dapat kami. Wala ka kasi kaya kay Lolo na lang namin naipagpaalam si Abacus-
"Wala akong pakialam sa kabayo niyo." nagulat ako nang bigla niya akong higitin sa kamay. Hinila niya ako papunta sa bahay ng hindi iniintindi ang mga pagtawag sa kaniya ng kaniyang kapatid. Iniwanan niya rin doon si Abacus. "Isusumbong kita kay Kuya Gilbert." anas pa niya.
Mas lalo akong natakot. Galit na galit talaga siya ngayon. Siguro ay dahil na rin sa kabayo. O hindi kaya ay nag-aalala siya sa usapan nila ni Kuya noong nakaraan. Baka iniisip niya na magagalit sa kaniya si Kuya dahil napabayaan niya ako. Hindi naman na niya kailangang gawin ito. Hindi naman siya obligado sa akin.
Napahinga ako ng malalim. Ano ba kasing ginawa kong kasalanan sa kaniya para makatanggap ng ganitong klaseng pagtrato?

Comentário do Livro (172)

  • avatar
    QuindaraImelda

    I really enjoyed reading this novel inspite of busy days. I try to read. So inspiring specially the main character Anastasia and Kahel. The time sequences is extremely important. The moral values of the characters are very good coz they show the value of being patience and if you really love the person you can wait until the right timing. Its give suspense for the reader to wait what will happen on the next chapter. My heart beat make me in love again, fall in love again.Thank you for this novel

    23/11/2021

      2
  • avatar
    RodriguezCharlene Mae Odal

    the novel is so really appreciated and it really feels like existing in real life congratulations author you made a wonderful novel👏👏👏

    01/07

      1
  • avatar
    Kimryl Nazareno

    niceeeeeeeeerereeeee

    28/06

      1
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes