logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Chapter 13

Helium's Point of View
"Helium. Maayos nang nakasalansan mga kargamento mula sa China."
Ibinaba ko ang hawak kong kopita matapos inumin ang lahat ng laman niyon. Nilaro-laro ko sa aking kanang kamay ang babasaging bote ng alak bago sumulyap kay Claude, ang aking kanang kamay.
"Papaano naman ang mga kargamento mula sa Hong Kong?"
"Sa isang araw pa darating ang mga iyon--
"Sa puputangina! Nalulugi ang negosyo ko dahil lamang sa hindi sila marunong sumunod sa usapan!" muntik ko nang maibato ang aking hawak kung hindi ko lamang naalala na nasa casino ako ngayon.
Pinagmasdan ko ang kabuuan ng aking pagmamay-ari. Puno na ang mga espasyo para sa mga nagsusugal. Sa paligid ay halos maghalo na ang amoy ng alak at sigarilyo. Malaki ang kinikita ko sa negosyong ito dahil puro mayayaman ang nagagawi rito.
Hindi ko rin pinapayagang papasukin ang mga wala namang malaking halaga na maaaring ipantaya. Magiging kawawa lamang ang mga iyon sa lugar na hindi naman sila nababagay.
"Ano naman ang sanabi ng impormante ni Au?" patungkol ko sa pinakamalaking personalidad na aking sinusuplayan ng ilang mga baril at sandata.
"Pupunta raw mismo ang anak niya upang suriin ang mga sandata." tugon ng aking alalay.
Muli kong pinagmasdan ang mga tao sa loob ng casino. Nakaugalian ko na iyong gawin sa tuwing narito ako. "Kailan?"
"Maya-maya lamang ay narito na iyon."
"Siguraduhin mong ang pinakamagandang kalidad lamang ang makikita niya. Ayokong mapahiya ang pangalan ko sa mga iyon."
Tumango-tango siya at akmang aalis. Natigil siya sa paghakbang nang tanungin ko siya tungkol sa isang bagay.
"Nalalaman mo ba ang pangalan ng babaeng iyon?" muli kong pinakatitigan ang hindi pamilyar na babae na nakaupo sa gitna.
Kanina ko pa rin siya pinagmamasdan mula sa aking kinauupuan. Sa hindi malamang dahilan, ang pagiging blangko ng ekspresyong ipinapakita niya ay nagpapaalala sa akin sa isang taong matagal ko ng piniling kalimutan.
Kalmado siyang nakatingin sa mga baraha na hawak niya. Hindi man lamang naputol ang mariing pagtitig doon at hindi inaalintana ang mga matang nakatingin sa kaniya.
"Ngayon lamang nagawi ang babaeng iyan rito, Helium." tugon ni Claude at tinitigan rin ang babaeng iyon.
Mapapansin na halos lahat ng lalaking naroon, matanda man o mga binata ay ninanakawan siya ng mga sulyap minu-minuto.
Hinog na ang hubog ng babaeng iyon at maging ang mukha ay lubhang kaakit-akit. Nakasuot siya ng kulay itim na damit na walang manggas at hapit sa kaniyang katawan.
"Saan ka pupunta?"
"Maglalaro lamang ako ng mga ilang minuto. Utusan mo na ang tauhan na ayusin ang mga sandata. Ano mang oras ay maaari nang dumating ang anak ni Au."
Tumayo ako at hindi na nag-abala pang lingunin ang alalay. Ang ilan sa mga nakakakilala sa akin roon ay mabilis na tumatayo upang makipagkamay sa akin at makipag-usap.
Kung sa ibang pagkakataon ay papaunlakan ko pa sila. Subalit dahil limitado lamang ang aking oras ngayon ay hindi na ako nag-abala pang makipagbatian sa kanila.
Dumiretso ako sa pabilog na lamesang siya ring kinauupuan ng hindi pamilyar na babae.
Nagugulat na napalingon sa akin ang kahera sa gitna nang maupo ako roon. Sinenyasan ko kaagad siyang bigyan ako ng mga baraha.
Tahimik akong naglaro habang sinusulyapan ang babaeng iyon. Sa unang sulyap pa lamang ay halatang baguhan sa pagsusugal ang isang iyon. Sunod-sunod ang talo niya at hindi ko alam kung nanalo na ba siya kanina bago ako lumapit rito.
Subalit kahit ganoon ay kalmado pa rin ang ekspresyong kaniyang ipinapakita.
Ang katabi niyang si Mr. Lim, isa sa pinakamayamang kliyente ko na naririto ay nakangising sumusulyap sa babae. Kilala ang intsik na iyon sa kabuuan ng Luzon dahil sa kaniyang negosyo.
At mas lalong kilala sa mga ganitong sitwasyon lalo na sa magagandang babae na nagigipit sa pagsusugal. Kapag nakikita niyang matatalo na ang babae ay magpapautang siya ng malaking halaga, o hindi kaya ay makikipagpustahan. Kapag natalo ay dobleng halaga ang magiging balik o hindi kaya ay isang gabing dangal ang kapalit.
Napangisi na lamang ako habang sinusulyapan sila. Sinenyasan ko ang isang tauhan sa malapit na kaagad namang lumapit sa akin.
"Alamin mo kung ano ang pagkakakilanlan ng babaeng iyon." isinenyas ko ang babae hindi kalayuan sa aking gawi. Tumango naman kaagad siya at pagkatapos ay mabilis na lumisan.
Nagpatuloy ang talo ng babaeng iyon. Makalipas ang ilang minuto ay bumalik sa akin ang aking inutusan.
"Boss, wala sa listahan ang babaeng iyon." saad niya.
"Papaanong wala sa listahan?" kunot-noo kong tanong. Ang pagtataka ay ebidente sa aking mukha.
"Boss, tiningnan kong mabuti ang listahan ngayong gabi. Wala ibang pangalan na nakalagay roon bukod sa mga kliyente natin na palaging nagagawi rito."
Papaanong wala sa listahan ang pangalan ng babaeng iyon?
"Utusan mo ang mga nagbabantay na pumunta ngayon rito. Kailangan nilang magpaliwanag sa akin kung paanong nakapasok rito ng basta-basta ang babaeng iyon."
Napunta ako sa malalim na pag-iisip habang seryosong tinititigan ang babaeng iyon na halos ilang silya lamang ang pagitan sa aking kinauupuan. Sa hindi ko mabilang na pagkakataon ay muli na namang natalo ang mga barahang hawak niya. Imbes na mapikon at kabahan ay nanatili lamang kalmado at blangko ang ekspreyong ipinapakita ng babae.
Halatang bata pa ang isang iyon. Siguro ay mga bente o mas mababa pa. Paano namang napunta ang isang iyon sa ganitong klaseng lugar?
Sino ang babaeng iyon?
Dinapuan ako ng kaba nang kaagad na tumama sa akin ang sulyap niya. Kaagad naman akong nanlamig sa aking kinauupuan nang hindi naalis sa akin ang malamig na titig niya. Sa titig pa lamang niya ay matindi na ang kabang nararamdaman ko.
Sino ang ba talaga ang babaeng iyon?
Humahangos na bumalik sa akin ang inutusan kong tauhan.
"Boss, natagpuan naming walang malay sa likod ng tanggapan ang dalawang bantay."
Napatayo ako dahil sa gulat.
Malalaki ang mga pangangatawan ng mga bantay na inilagay ko sa entrada ng tanggapan. Sila ang kukuha ng mga pangalan ng mga kliyente at siniguro kong maaalam silang makipaglaban upang kapag nagkataon ay alam nila ang kanilang gagawin sa mga taong magtatangkang manghimasok sa aking pag-aari ng hindi imbitado.
Bago pa man ako makapagsalita ay narinig ko na ang sigawan ng mga tao malapit sa akin. Napatingin ako sa pabilog na mesa at nagugulat na nasulyapan si Mr. Lim na nakalapat ang mukha sa mesa. Mas lalo akong nagulat nang makita ang tinutukoy kong babae na mahigpit na hawak ang braso ng intsik at pinipilipit iyon.
Kaagad kong inutusan ang mga tauhan na naroroon upang patigilin ang kaguluhan. Natatakot ang aking mga kliyente at paniguradong makakaapekto iyon sa aking negosyo.
Lapastangan ang babaeng iyon upang magdala ng kaguluhan sa aking teritoryo.
Isa-isang lumapit sa kaniya ang aking mga tauhan. Ang isa ay hinawakan siya sa braso upang kaladkarin palabas ng lugar subalit mabilis niyang nahatak ang braso ng lalaki, pinilipit at malakas na sinipa iyon sa likod.
Sunod-sunod na lumapit ang aking mga tauhan subalit kagulat-gulat na lahat ng iyon ay walang takot niyang nilabanan.
Ang mga nagsusugal ay mabilis na nilisan ang aking lugar. Ang tanging naiwan na lamang sa casino ay ako at ang aking mga tauhan pati na rin lapastangan babaeng iyon.
Patalikod na sumugod sa kaniya ang isa subalit mabilis siyang humarap na parang alam niya ang bawat kibot ng mga tao sa kaniyang paligid. Malakas niyang tinuhod sa sikmura ang lalaki at pagkatapos ay mas malakas na ihinampas ang mukha niyon sa lamesang katabi lamang niya. Kahanga-hangang hindi man lamang siya natinag mula sa kaniyang puwesto. Kung nasaan siy kanina magmula nang siya ay tumayo ay naroon pa rin siya.
Dumapo ang matinding kaba sa aking kalooban nang wala nang nakatirang nakatayo sa higit sa aking dalawampung mga tauhan. Lahat ng iyon ay mga walang malay nang nakasalampak sa sahig.
Napaatras ako ng isa nang dumapo sa akin ang blangkong tingin ng babae.
"S... Sino ka?!" pagalit kong tanong.
Sa kaloob-looban ko ay pinipilit ko na magmatapang sapagkat hindi ko gugustuhing ipakita sa kaniya na nababahala ako sa kaniyang presensiya.
Nagpapasalamat ako sapagkat sunod-sunod na nagsipaglabasan ang iba ko pang mga tauhan. Si Claude ay kaagad na humarang sa akin na animo'y pinoprotektahan ako mula sa kung ano mang panganib. Tulad ko ay hindi rin maipaliwanag ang pagtataka sa kaniyang ekspresyon nang masulyapan ang sitwasyon ng aking mga tauhan habang nasa gitna ng hindi kilalang babae.
Babae lamang. Papaanong nagawa niyang patumbahin ang lahat ng iyon.
Umalis si Claude sa aking harapan upang pigilan ang babae sapagkat sa ikalawang pagkakataon ay muli na namang naulit ang unang nangyari. Mas dumami pa ang nakasalampak na katawan ng aking mga tauhan sa sahig.
Mga walang kwenta! Kalalaking mga tao ay natalo lamang ng isang di hamak na babae! Isang babae lamang!
Dumoble ang takot sa aking dibdib nang pati si Claude ay walang kahirap-hirap niyang napatumba.
Si Claude na siyang pinakamagaling sa aking mga tauhan. Paanong nangyari ito?
Subok ko na ang abilidad ng aking kanang kamay. Ako mismo ay nasaksihan kung gaano siya kagaling makipaglaban. Subalit paanong nangyaring wala pang isang minuto ay nakasalampak na siya sa sahig?
Sunod-sunod akong umatras nang muling dumapo sa akin ang nakakapanlamig na ekspresyon ng babae. Mabilis akong tumakbo at inabot ang matalas na patalim na siyang naka-display sa loob ng isang bubog na lagayan. Binasag ko iyon at nanginginig na kinuha.
Ang kutsilyong ito ay binili ko sa napakamahal na halaga sa isang auction. Hindi ko inaasahang darating ang pagkakataong magagamit ko pala ang isang ito.
Bago pa man ako makaharap ay nanlamig ako nang maramdaman ang kaniyang presensiya sa aking likuran.
Napakabilis niya.
Sunod-sunod akong umatras nang humarap ako sa kaniya. Ang patalim ay mariing nakatutok sa kaniyang mukha. Matangkad ang babaeng iyon. Mas matangkad pa sa akin. Imbes na matakot ay blangko at kalmado ang mga ekspresyong tumitig lamang siya sa akin.
Isang beses akong kumurap.
Subalit kasabay niyon ay ang isang beses rin niyang pag-umpog sa aking ulo sa malamig na pader.
Napasalampak ako sa sahig at nahihilong hinawakan ang aking dumurugong ulo. Napakalakas ng pagkakatama ko sa pader. Hindi na ako magtataka kung makakakita ako ng sira roon.
Umupo ako sa sahig at kahit natatakot ay pinilit kong bigyan siya ng isang galit na tingin. Iyon lamang ang tanging magagawa ko sa pagkakataong ito.
Matakot ka.
Iyon ang paulit-ulit kong sinasabi sa aking isipan. Sa buong buhay ko ay ito lamang ang ikalawang pagkakataon na nakaramdam ako ng ganitong klase ng kaba at takot. Ang una ay mula sa isang taong labis kong kinamumuhian.
Matagal na siyang namatay kung kaya't kampante ako sa aking posisyon sa loob ng mahabang panahon.
"Sino ka?!" galit kong saad.
"Sino ka at anong kailangan mo?!"
Ilang segundo siyang tumitig sa akin bago ngumisi. Dinapuan ng matinding kaba ang aking dibdib nang maalala kung kanino ko unang beses na nakita ang ganoong klaseng pag-ngisi.
"Bakit hindi mo ako kilalanin?" pati paraan niya ng pagsasalita ay blangko rin. Walang ekspresyon.
"Ako ang hindi mo nakikilala! Ipapapatay kita sa oras na makatayo ako rito!"
Ngumisi lamang siya.
"Kilala na kita." sa kaniyang sinabi ay nabigyan ako ng kaunting pag-asa. Iniisip kong sa pamamagitan noon ay titigilan na niya ang kalokohang ito sapagkat kilala akong tao. Hindi sa kabutihan kundi sa larangang hindi mo gugustihin pang malaman. "Hindi ba't isa ka sa mga taong nagplano upang ipapatay sina Flourine at Chromium Everett?"
Nanlamig ako mula sa aking kinasasadlakan. Ang kaniyang sinabi ay nakapagbigay ng matinding kilabot sa aking sistema.
Flourine Everett...
Chromium Everett...
Ang dalawang pangalang iyon ay bangungot sa aking reyalidad na maging ang mga pangalan nila ay hindi ko na muli pang binanggit magmula nang mawala sila sa mundong ito.
"Hindi ko alam ang iyong sinasabi! Lisanin mo na ang aking teritoryo kung gusto mo pang mabuhay ng matagal."
Muli ako napaatras nang humakbang siya papalapit sa akin. Ilang beses akong napamura sa aking isipan sapagkat ngayon ko pa nakaligtaang bitbitin ang aking baril. Kung hawak ko sana iyon ngayon ay paniguradong hindi na ako magmumukha pang kaawa -awa sa harap ng isang hindi hamak na babae lamang.
"Ano ba talagang kailangan mo?! Pera ba? Kayamanan?! Bibigyan kita! Basta't umalis ka lamang at lisanin ang aking teritoryo!"
"Hindi kayamanan mo ang kailangan ko."
Natikom ko ang aking bibig. Ang sinabi niya ay hindi nakatulong sa pag-aalma ng aking sistema.
"A.. Ano kung ganoon?"
Tumitig siya sa akin ng diretso.
Malamig.
Blangko.
Nakakapangilabot.
"Buhay." mas lalo akong nanlamig nang marinig ang kaniyang sinabi.
Naglakas loob akong pulutin ang patalim na nasa sahig na nahulog nang tumama ang ulo ko sa pader kanina. Subalit mabilis niya iyong nakuha, isang beses na inikot sa kaniyang kamay at saka diretsong isinaksak sa aking binti.
Malakas akong napasigaw dahil sa sakit na dulot niyon. Masakit na masakit na hanggang kailaliman ay nanunuot ang kirot.
" Buhay ang kailangan ko. " bumilis ang aking paghinga. Malalalim at hirap na hirap. "At maniningil ako."
Mas lalo akong napasigaw sa sakit nang walang pag-aalinlangan niyang hinila ang patalim hanggang sa aking tuhod. Gumuhit ang pahabang linya ng sugat na dulot niyon at sunod-sunod na nagtuluan ang mga pulang likido paibaba.
Masakit.
Masakit na masakit na sa palagay ko ay habang-buhay na magmamarka iyon sa aking pagkatao.
Isinilang na ang bagong bangungot sa aking reyalidad.

Comentário do Livro (275)

  • avatar
    Sarah Santiago Tabilog

    Just another master piece. Sobrang ganda NG story. So much trill, so much action, so much pain. A very unexpected twist. But a very beautiful happy ending. The author is really amazing. You just made another master piece just like the other story you made in titled UNDER THE RAIN. I really really Love the both amazing stories you've made. I'm still looking forward for more stories you will make. Sana maka pag published ka NG libro mo. I will be your avid fan and supporter. God bless you 😊❤️😇

    23/11/2021

      2
  • avatar
    Natasha Miranda Palacio

    hahaha

    24/06/2024

      0
  • avatar
    Kristel Degano

    ihsjajshshsnshshxudsksbdhshshhsshshshdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhfhfhfhfhfhfhdhdhdhfhfhfhfhfhfhfhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdjksksjdhdhdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjsjsjsjshhshshshshshshshdhshshshshshshshshshshshsjsuhshshshshsjsjdhdhdhdhhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhdhhdhdhddhdhdjdhhddjjdjdjdjdjdjdjdjdjjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjjdjdjdjdjjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjdjd

    11/06/2024

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes