logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Kabanata VII

“HOY, manang! May sawsawan ka ba na bagoong?”
Alas nuwebe y medya na ng umaga kaya mataas na ang sikat ng araw sa silangan, habang napakaliwalas ng bughaw na kalangitan. Sa ilalim ng mga nagsasayawang banderitas ay makikita at maririnig ang sigawan ng mga tindera, kalansing ng mga paninda, at halakhak ng mga mamimili. 
Habang naglalakad si Estelle ay hindi nito maiwasang mapangiti sa mga nasasaksihan. May mga makukulay na sariwang prutas at gulay sa mga bilao, makikintab na isdang animo’y kakakuha lamang sa dagat, at mga tuyong palay na nilalako ng mga matatanda. 
Sa ibang parte rin ay mayroong nagtitinda ng mga kakanin na siyang pinipilahan ng karamihan. May mga batang naghahabulan at kapagdaka’y iiyak kapag nadadapa. Ang iba ay nagkukwentuhan habang naglalakad bitbit ang kanilang bayong. Mayroon ding nagsisidaanang kalesa, ang iba’y inihahatid ang ibang paninda. At sa hindi masyadong kalayuan ay may nakatayo o minsa’y naglalakad na mga guwardiya sibil.
“Ang saya naman po rito! May mga banderitas pa. Ano pong meron?” biglaang tanong ni Estelle kay Aling Susana na abalang inaayos sa basket ang pinamiling bawang at sibuyas.
“Sapagka’t Mayo na ngayon. Sa huling linggo ng buwan ay gaganipin ang Flores de Mayo,” seryosong tugon ng ginang saka ito sandaling binalingan si Estelle, kunot ang noo. “Aba’y kung magtanong ka, tila ngayon ka lamang nakapunta rito sa pamilihang bayan?”
Napatikhim ang dalaga saka inalis ang tingin sa inay. Pinagmasdan na lamang nito ang mga batang nagtatakbuhan na natatalsikan ng tubig dahil sa paggalaw ng mga isda. Mayroon ding mga tinderang nag-aagawan sa mamimili. 
“Sa’kin na kayo! Mas sariwa pa sa bagong pitas ang aking mga gulay!” pag-anyaya ng tinderang nakasuot ng puting camisa at luntiang saya.
“Hindi nga! Iyo ngang pagmasdan ang kangkong na iyong nilalako. Mas lanta pa sa iyong buhok!” buwelta naman ng sa kabila. Dahil sa nasaksihan ay napatawa saglit si Estelle.
Nang lingunin ang kasama ay nasa tindahan na ito ng mga isda kaya agad itong tumakbo patungo roon. 
“Kapag malinaw ang mata at makintab ang kaliskis, iyon ang piliin mo sapagka’t iyon ang sariwa. Katulad nito.” Ipinakita ng inay kay Estelle ang hitsura ng tilapya na kanyang napili. “Tandaan mo, huwag iyong maputla at nangangamoy na ang iyong piliin.”
Napatango si Estelle bilang pagsang-ayon. Kapagdaka’y isang matamis na ngiti ang bumuo sa kanyang labi nang maalala nito ang kanyang mommy. Kung ganito lang din sana ang bonding nila ng kanyang ina.
Tinitigan nito sandali ang ginang na masusing sinusuri ang mga isdang pinipili. Ang mukha ni Aling Susana ay hindi maituturing na kapansin-pansing marangya, ngunit taglay nito ang isang payak at likas na kagandahan. Bahagya nang may mga guhit ang kanyang noo at sa gilid ng kanyang mga mata ay bakas ang mga taon na kanyang ginugol sa pag-aaruga sa pamilya. May katangusan din ang kanyang ilong at banayad ang hubog ng mga labi. Madalas ay seryoso ang kanyang mukha at mahigpit ang kanyang titig, dahilan upang agad siyang pagkamalan na istrikta. Ngunit kapag nasilayan ang banayad na paglalambot ng kanyang mga mata o ang munting ngiting sumisilay sa kanyang mga labi, madaling mahahalata na mayroon siyang pusong mapagmahal at mapagmalasakit.
“Ang suwerte siguro ni Estela na lagi kayong kasama rito sa palengke,” mahinang wika ni Estelle habang nakangiting nakatitig sa ginang.
Napatigil si Aling Susana sa pagpili ng isda saka saglit na pinagmasdan ang dalaga. Bahagyang nagtagpo ang kanyang mga kilay, bakas ang pagtataka sa kanyang mukha. Magsasalita na sana ito nang biglang tumikhim si Estelle nang mapagtanto ang kanyang nasabi.
“A-Ang ibig ko pong sabihin... napaka-suwerte ko po na isinama ninyo ako rito. Ang dami ko pong natututunan,” mabilis na katwiran ng dalaga, kasabay ng pilit na ngiti.
“Ako’y tunay nang naniniwala sa sinabi ni Mang Isko na hindi nga maayos ang iyong gising,” seryosong saad ni Aling Susana saka naglakad paalis nang makapagbayad ito. 
Napasimangot si Estelle. “Sungit naman...Walang pinagkaiba kay mommy. Old version siguro ’to no mom,” bulong nito sa sarili bago dali-daling humabol sa ginang.
Nagpatuloy sila sa paglalakad pagkatapos bumili ng isda. Maya-maya ay napadaan sila sa pwesto ng isang matandang nagtitinda ng mga anting-anting, tawas, at pulseras na may sinulid na sinasabing panlaban sa mga masasamang espiritu. 
“Ikaw....” anas ng tindera sabay turo kay Estelle dahilan kaya napatigil ang dalaga. Hindi siya napansin ng kanyang inay kaya dire-diretso lang iyon sa paglakad.
Napalingon naman sa magkabilaan si Estelle sabay turo sa sarili nang wala itong makitang tao sa kanyang tabi dahil abala ang lahat. “A-Ako po?” usisa nito.
“Tama! Ikaw.... may dalang anino ang iyong mga hakbang,” malalim na wika ng tindera. Sandaling kinilabutan si Estelle dahil sa malalim niyong boses at seryosong hitsura.
Napalunok ito saka napalingon sa kanyang likod. Nakita niya ang sariling anino dahil sa sinag ng araw. “A-Ah, opo. Dahil po sa sinag ng araw iyang anino ko,” pilit-nangingiti nitong tugon kahit sa loob niya ay nasisindak sa diretsong titig ng matanda.
“Hindi mo pa man alam subali’t pinili ka na niya! Hindi mo na ito matatakasan, Hija.” Muli ay sambit ng matanda kaya napalunok si Estelle sa takot. Hindi na niya sinagot pa ang tindera. Nagkukumahog na itong umalis upang hanapin ang kanyang inày. 
Sa gitna ng kanyang paghahanap ay may mabilis na kalesang dumaan sa gitna kaya kumalat ang alikabok sa buong daan. Napapikit si Estelle at napatakip ng ilong. “May mga bastos din pala talagang driver dito,” bulong niya.
Nang magmulat ito ay napatda nang biglang may batang babaeng nakatayo sa kanyang tabi. Nakasuot iyon ng lumang camisa at mapusyaw na saya. Nakalugay rin ang paalon-alon nitong buhok at sa kanang tainga ay may nakalagay na sampaguita.
“A-Ate, pahingi po ng bulaklak,” magalang at mahinhin na pakiusap ng batang babae.
Napakamot sa ulo si Estelle dahil wala itong dalang bulaklak. “Sorry, be. Wala akong bulaklak, eh. Next time nalang,” saad nito dahilan kaya napakunot-noo ang bata, ngunit hindi kalaunan ay umalis na rin iyon.
Nagpatuloy si Estelle sa kanyang paglalakad. Palinga-linga ito sa paligid na puno ng abalang mga tao na naglalakad sa kanya-kanya nilang patutunguhan. 
“Halina’t subukang tikman ang aking kakanin. Ito’y libre lamang!” sa hindi kalayuan ay naulinigan ni Estelle ang boses ng isang hindi katandaang lalaki.
Inilibot nito ang paningin upang hanapin iyon at sa kanang parte malapit sa payat na puno ng bayabas ay may lalaking nagtitinda ng mga kakanin. May iba na ring mga tao na lumalapit doon upang tikman ang sinasabi niyang kakanin na libre. 
Bumuo ang kakaibang ngiti ni Estelle at agad na tinahak ang daan patungo roon.
“Sigurado po ba kayong libre lamang ang mga ito?” usisa ng isang ginang na kasabay ni Estelle lumapit sa mesa. Tumango naman ang tindero bilang tugon.
Dahil doon ay tumikim nga ang dalaga sa mga kakanin na nakapaskil. Inuna niya ang puto, pagkatapos ay kutsinta. Nang makita ang pitsi-pitsi ay kumuha rin ito. Naagaw rin ng kalamay ang kanyang pansin kaya sumubok ito.
“Ang sarap po, manong!” papuri ni Estelle sa tindero saka nagthumbs-up.
“Subukan mo rin itong biko. Tiyak na makakarami ka!” tugon ng tindero saka inabutan si Estelle ng biko. Kinuha naman iyon ng dalaga at agad na kinain. 
“Hindi po ba kayo malulugi rito?” tanong ng isang binata na tumitikim. 
“Ito’y ngayon lamang sapagka’t unang linggo na ng Mayo. Nalalapit na ang Flores de Mayo,” tugon ng matanda, abot tenga ang ngiti na animo’y nasasabik na sa pagdating ng fiesta.
Nang masubukan lahat ni Estelle ay nagpasalamat ito sa tindero. Akmang aalis na ito nang muling magsalita iyon. “Siya nga pala, mayroon akong tatlong kakanin rito na pare-parehas ang kulay. Kung may nais sa inyong sumubok sa aking paligsahan ay mananalo ng tatlong kalamay,” paliwanag nito.
“Ano po ang mechanics?” agarang tanong ni Estelle.
Nagsalubong ang kilay ng matanda pati ang ibang naroon. “M-Mekaniks?” Tanong nila saka tumingin sa dalaga na animo’y naghihintay ng sagot.
Napatikhim si Estelle nang mawala sa isip niya ang tamang termino ng salita. Nasa dulo na ng kanyang dila ngunit hindi niya mabigkas kung ano nga ba sa salitang Filipino iyon. “A-Ano na nga iyon?” bulong nito, bahagyang ikinikiling ang ulo at pinalilit ang mga mata habang nag-iisip.
Kapagkuwan, isang palakpak ang pumagitna sa kanyang palad nang mapagtanto ang ibig sabihin niyon. “Ang ibig ko pong sabihin ay patakaran. Kung paano po ang paligsahan?”
“Ah, iyon ba kamo? Iyo lamang huhulaan sa tatlong ito kung ano ang tunay na mayroong ube. At katulad ng aking sinabi ay mananalo ang sinumang tama ang hula,” paliwanag ng tindero.
Pumalakpak muli nang isang beses si Estelle saka nagtaas ng kamay. “Ako na po ang unang manghuhula!” boluntaryo nito. Malakas ang loob ng dalaga sapagka’t maalam ito sa mga pagkain dahil iyon ang kursong kanyang kinuha. Hospitality Management.
“Malakas ang iyong loob, Hija. Ika’y nakakatuwa,” papuri ng matanda na sinang-ayunan ng ibang naroon. 
Inilapag nga ng tindero ang tatlong kakanin na may pare-parehas na hugis at kulay kaya kung hindi maalam sa lasa at pagkain ang titikim ay tiyak na hindi nito mahuhulaan kung saan sa tatlo ang may ube.
Sinimulan nga ni Estelle na tikman isa-isa ang kakaning ipinaskil. Natahimik ang lahat ng naroon habang siya’y pinapanood na sinusuri kung saan ang may ube. 
Ilang minuto ang lumipas matapos niyang tikman ang tatlong kakanin ay nagpakawala ito ng isang malalim na buntong hininga saka itinuro ang ikatlong kakanin. “Ito po. Ito ang may ube.”
Napatda ang tindero sa sagot ni Estelle. “P-Paanong.... Napakahusay mo, binibini!” papuri nito kaya nagpalakpakan na rin ang ibang naroon. 
Iniabot nga ng tindero ang tatlong kalamay kay Estelle. Kinuha naman iyon ng dalaga saka tuluyan nang nagpaalam sa kanila pagkatapos magpasalamat.
Bitbit ang napanalunang kakanin ay gumayak na ito upang hanapin muli ang kanyang inay. Nang makalayo kaunti ay may nakita itong magkapatid sa isang tabi. Pinapagalitan ang maliit na bata ng kanyang nakatatandang kapatid dahil sa pagkaing ninakaw niyon. Dahil doon ay lumapit si Estelle at ibinigay na lamang sa magkapatid ang kanyang napanalunan. 
“Maraming salamat po, ate!” natutuwa nilang pasasalamat. Kumaway lang ang dalaga saka tumango.
Hindi kalaunan, isang mahinang hampas ang gumulat sa likod ni Estelle kaya napalingon ito. “Saan ka ba nagtungo at bigla ka na lamang nawala sa aking tabi?” sermon ng inay, kilik ang basket nitong puno na ng pinamili.
“Hinahanap ko po kayo pero hindi ko kaya mahagilap,” dahilan ni Estelle.
“O siya. Humayo ka na’t magtungo sa tahanan ng pamilya Del Castillo dahil tiyak na kanina ka pa hinihintay ng Señorita Catalina,” kapagkuwan ay utos nito dahilan kaya napakunot ang dalaga.
Magtatanong pa sana ito nang may huminto nang kalesa na luma sa harap nila. Doon ay agad nang sumakay ang ginang. “Mag-iingat ka sa iyong paglalakad, anak!” paalala niya pa bago tuluyang umalis ang kalesa.
Naiwang tila estatwa si Estelle sa kanyang kinatatayuan. Hindi nito alam kung saan ang tahanan ng Pamilya Del Castillo na tinutukoy ng kanyang inay. Ni ang binanggit na ngalan ay hindi niya kilala.
“Saan ko naman mahahanap ’yong bahay nila? Buti sana kung may banner na nakalagay sa harap nila.” Buntong-hininga nito.
Naglakad-lakad na lamang ito kung saan, umaasang matutunton niya ang tahanan. 
Ang iyong nasa paligid ay tunay at hindi lamang isang palabas.
Nang sumagi sa isipan niya ang tinuran ni Mang Isko ay isang ngiti ang bumuo sa kanyang labi. Tumingin ito sa paligid at nang makitang abala ang mga tao, marahan itong lumakad saka nagpaikot-ikot. “Nasa past ako!” turan nito, nahihimigan ang tuwa sa kanyang boses. 
Hawak ang laylayan ng kanyang saya, patuloy siyang lumibot na animo’y batang napakawalan sa piyesta ng tanawin. Sa bawat hakbang niya ay parang kumakanta ang paligid. Tila nagsasayaw ang araw sa mga bubungan, ang mga dahon ay kumakampay, at ang simoy ng hangin ay may halimuyak ng umaga.
Muli ay umikot ito, nang bigla niyang maramdaman na tila siya’y may naapakan at nabangga. Muntikan na siyang mapaupo sa bangketa kung hindi siya nasalo ng matatag na bisig ng kanyang nabangga. Dahil doon ay agad na napaatras si Estelle at kumawala.
Napatingala siya at sa unang saglit, tila may banayad na hanging dumaan sa pagitan nila na may dalang liwanag na hindi maipinta. Umawang ang kanyang bibig nang makita ang binata.
Nakasuot iyon ng puting kamisa de chino, ang manggas ay may kaunting alikabok, dahil na rin siguro sa nadaraanan ngunit nanatiling malinis at maayos parin iyon kung hindi tititigan nang mabuti. Ang binata ay may makinis na kutis na kayumanggi, matangos ang ilong, purong itim ang bilog ng mga mata, at ang buhok ay tila laging nilalaro ng hangin. May kaunting pawis sa kanyang noo at may bahagyang bakas ng tinta sa daliri na animo’y kagagaling lamang sa sulatin. Ang kanang kamay ay mayroon ding bitbit na librong nakatali sa pisi.
“Binibinig Estela?” gitla nitong tanong nang makita ang dalaga subali’t wala itong natanggap na sagot mula rito. Nanatili paring nakatitig sa kanya si Estelle.
Nang mapansin ay isang pilyong ngiti ang bumuo sa kanyang labi. “Batid kong ako’y likas na pinagpala sa anyo subali’t hindi mo na ako maaaring gustuhin pa, binibini. Batid mong mayroon nang nagmamay-ari ng aking puso. At iyong nalalaman kung sino iyon,” saad nito na siyang nagpabalik sa wisyo ng dalaga saka umiling-iling.
“T-Teka. Feeling ka, ah?” buwelta ni Estelle. “Pero sandali lang, k-kilala mo ako? Pasensya na pero sino ka nga ulit?” nauutal nitong tanong.
Ngumiti ang lalaki dahilan upang lumabas ang biloy nito sa kanang pisngi. “Hindi mo ako nakikilala? Ako ito, si Valentino, binibini.”
Namilog ang mga mata ni Estelle sa narinig. “V-Valen...” mahina nitong sambit habang inaalala kung saan niya narinig ang ngalan na iyon.
Nang maalala ay isang beses na palakpak ang kanyang pinakawalan. “Wait, Lolo Tinong? Ikaw ba ’yan?” agaran nitong tanong na sandaling ikinakunot ng binata.
Napatikhim si Estelle. “A-Ang ibig kong sabihin, h-hello po. Kayo po ang manliligaw ni Linda, hindi ba?” nauutal nitong bati.
Napangiti muli ang binata. “Akala ko’y tuluyan mo na akong nalimutan. Kakaiba kasi ang iyong naging tingin sa akin kanina,” ani Valentino, sabay mahinang tawa.
“Huwag kayong mabahala sapagka’t hindi po tulad ninyo ang aking natitipuhan,” paninigurado ni Estelle nang maalala ang kuwento sa kanila ni Lola Rosan kung paano hinarana ng binata ang Lola Linda niyon.
“Mabuti naman kung gano’n, binibini,” naginhawaang saad ng binata.
“Kung gano’n, nasaan si Lo—este, si Linda?” kapagkuwan ay tanong ni Estelle. Tila may kung anong pananabik sa kanyang loob nang mapagtantong nakita niya sa personal ang mga taong kailan lamang kinuwento sa kanila ni Lola Rosan.
“Ang tinutukoy mo ba’y ang aking Rosalinda, ang rosas ng aking puso’t diwa?” pabalik na tanong ni Valentino, abot-tenga ang ngiti. Sandaling napangiwi si Estelle sa sinabi niyon, gayunpaman ay tumango pa rin ito. 
“Ako nga ang dapat na magtanong niyan sa iyo, binibini. Siya ba’y mayroon nang tugon sa aking liham?” muling usisa ng lalaki na ikinakunot ni Estelle.
“Anong ibig mong sabihin?” naguguluhang tanong ng dalaga.
“Iyo na bang nakakalimutan, binibini? Hindi ba’t ikaw ang tagahatid ng liham namin para sa isa’t isa?” paglilinaw ng lalaki. Doon ay nanlaki ang mga mata ni Estelle.
‘Postman din pala si Estela rito, eh.’
Nang mapansing tumataas na ang araw ay biglang sumagi sa isip ni Estelle ang bahay na pupuntahan niya. “Oo nga pala. Wala pa siyang binibigay. H’wag kang mag-alala, ibibigay ko agad sa’yo kapag may pinadala siya.”
Tumango ang binata. “Maraming salamat, binibini.”
“Siya nga pala, alam mo ba kung saan ang bahay ng Pamilya Del Castillo? Pinapapunta ako ng inay roon, hindi ko naman alam.” Napabuntong-hininga si Estelle.
Sandaling napakunot-noo si Valentino sapagka’t batid niya na sa pamilyang iyon naninilbihan si Estela ngunit laking pagtataka niya nang biglang magtanong ang dalaga kung saan ang daan patungo sa tahanan ng pamilya.
Gayunpaman ay tumango na lamang ang binata at itinuro ang daan patungo sa tahanan ng mga Del Castillo. Nais pa sana nitong ihatid si Estelle subali’t nababahala na baka may makakita sa kanila at pag-isipan ng masama kaya humingi na lamang ito ng paumanhin. 
Nang makaalis ang binata’y gumayak na rin ang dalaga nang sa gayon ay makarating na agad doon.
“NARITO ka na rin, Estela. Kanina pa ako tahimik na nag-aabang sa iyong pagdating,” mahinahong pagsalubong ni Catalina kay Estelle nang makapasok ito sa kanyang silid.
Gayon nalang ang pagkagitla ni Estelle nang makita ang dalaga. “C-Cataline?” bulalas nito na siyang ipinagtaka ni Catalina.
“Ano ang ngalan iyong sinambit?” usisa niyon, kunot ang noo.
“A-Ang ibig ko pong sabihin ay patawad, S-Señorita. Akin pa po kasing sinamahan ang inay sa pamilihang bayan,” pagdadahilang tugon ni Estelle, hindi makapaniwalang kamukha ng kanyang kaibigan si Catalina. 
‘Siya kaya ang tinutukoy ni Aling Susana na Señorita Catalina? Well, hindi malayo sa name at hitsura ni Cataline. Siguro’y ninuno siya ni Cataline kaya magkamukha’t magkatunog ang pangalan.’
Dahan-dahang lumapit sa kanya si Catalina at malalim siyang tinitigan. Umatras si Estelle, hindi alam ang gagawin. “B-Bakit po, Señorita?” utal nitong tanong.
“Ikaw ba’y may karamdaman o hindi maayos ang gising? Tinawag mo akong señorita bagama’t napag-usapan na nating ngalan ko na lamang ang iyong itawag sa akin kapag tayo lamang dalawa ang magkasama?” mahabang litanya ni Catalina.
Napatikhim si Estelle saka bahagyang ngumiti. “Siguro’y mali lang po ako ng gising. Pasensya na.”
Tumango si Catalina saka nagtungo sa kanyang tilkasan. Hinugot ang isang papel na nakatupi saka muling lumapit kay Estelle.
“Heto. May liham na dumating para sa iyo.” Iniabot niya kay Estelle ang liham saka kumunot nang may pagdududa. “Ikaw ba’y may nobyo na?” 
“A-Ako? Wala, ah!” Umiling-iling si Estelle.
“Kung gayon ay kanino galing ang liham na iyan? Hindi naman para sa akin sapagka’t sinabi ng cartero na para sa iyo iyan,” usisa ni Catalina.
“M-Marahil ay kay Rosalinda, ang aking kaibigan na nasa silangan!” dahilan ni Estelle kahit hindi nito batid kung sa silangan nga ba ang tahanan nila.
Tumango si Catalina. “Kung gayon ay basahin mo na iyan bago tayo magtungo sa hardin. Huwag kang mabahala, hindi ko naman iyan binuksan. Hindi rin ako magtatanong kung ano ang nasa liham. Hindi ko gawain iyon. Hihintayin ko na lamang na iyong isalaysay sa akin kung iyong nanaisin. O siya, basahin mo na iyan.”
Ngumiti si Estelle nang maalala ang kaibigan na si Cataline. Naisip nitong may pagkakaparehas ang dalawa na hindi mahilig makialam sa buhay ng ibang tao. 
Binuksan nga ni Estelle ang sulat na iyon. Bumungad agad ang mahabang liham sa kanya na galing kay Estela kaya napagtanto ni Estelle na iyon na nga ang kasagutan sa kanyang mga tanong.
Minamahal kong Estelle, ang anak ng kinabukasan, ang tagapagmana ng aking tinig, at ang huling pag-asa ng aking panulat.
“Wow!” bulalas ni Estelle nang mabasa ang unang linya ng liham ni Estela para sa kanya. Maliban sa humahanga ito dahil sa lalim ng mga salita at maganda ang pagkakasulat, tinawag din siyang tagapagmana at huling pag-asa ng panulat.
“Ganito lang ba ako kahalaga sa kanya para mapunta ako rito sa past?” muli ay bulong ni Estelle habang nakatitig sa mahabang liham ni Estela.
Dahil sa puno ng kuryosidad si Estelle kung ano ang nilalaman niyon at bakit gayon na lamang ang haba ay ipinagpatuloy na nitong basahin iyon.
Kung iyo nang hawak ang sulat na ito, batid kong ikaw na nga ay narito na sa panahong aking kinagisnan. Ikaw ang siyang hinintay ng aking panulat at ng aking panahon. Maaaring ikaw ngayon ay naguguluhan, nangangapa, o nagtataka kung bakit ikaw ay narito sa panahong hindi mo pinili. Ngunit ako ang pumili. Ako ang humiling. Ako ang nanalig.
Kung iyong hindi nababatid, ako si Estela, ang babaeng tinuruan ng daigdig na manahimik, lumihim, at sumuko. Ngunit hindi ko pinili ang ganyang wakas. Sumulat ako. Lumikha ako ng isang aklat. Ngunit ang panahon rito ay hindi handa sa isang gaya kong babae na may damdaming tinig at pusong humihiyaw. Ang aking obra ay sinunog at ako’y pinatahimik sa pag-aakalang isa akong espiya kahit ang tunay ay nais ko lamang bigyang buhay ang nasa aking damdamin at isipan.
Sa pagkawasak ng aking pangarap, isang sumpa ang tila sumunod sa ating lahi. Mula noon, ang mga kababaihan sa ating dugo’y tila nilalayuan ang panulat. Tila iniiwasan ang apoy na minsang sumunog sa akin. Ang pangarap ay ipinalit sa takot. Ang pluma ay isinumpa. Ngunit sa kabila ng lahat, nanatili akong umaasa.
Sandaling napatigil si Estelle. Wala sa wisyo itong napatango na animo’y may napagtanto dahil sa kanyang nabasa. “Is that the reason why mom, even lola, hates it when I am writing, reading, and collecting novel books?” paghihinuha nito. Kalaunan ay nagpatuloy siya.
At ngayon, ikaw, Estelle, ikaw ang kabalintunaan ng aking bangungot. Isa kang mukha na tila salamin ng aking kabataan. Ngunit higit pa roon, dama kong ikaw ang tagapagmana ng aking diwa. Ika’y matapang. Buhay sa’yo ang damdaming dati kong kinupkop. Sa kabila ng pagtutol ng iyong ina, sa kabila ng kawalang-tiwala ng paligid, nananatili kang matatag sa iyong hilig. Ikaw ang pagpapatuloy na hindi ko nasimulan. Kaya ikaw ang aking pinili.
Ikaw ang magsasara sa sugat. Ikaw ang magbabalik ng tinig. At kung maisusulat mong muli ang aking nobela, kung maisasalba mo ito at maipadama sa mundo ang aking salaysay, mawawala ang sumpa. Mawawala ang pighating bumalot sa ating dugo. Muling mamumulaklak ang panulat sa ating lahi.
Kung hindi man ito maipalimbag sa panahong ito, huwag kang mabahala. Isulat mo ito sa iyong kapanahunan. Ang mahalaga’y mabuhay itong muli. Ang mga salita na minsang sinunog ay maaari pang isilang sa panibagong anyo, hindi bilang abo, kundi bilang alaala.
Hanapin mo ang aking nasimulan. Nakasulat iyon sa aking kuwaderno. Makikita mo iyong nakaipit sa sahig sa ilalim ng aking mesa. Nakabalot ito sa aking lumang saya. Iyon ang puso ng aking pangarap. Ikaw na ang bahalang humugot muli ng damdaming iyon.
Isulat mo ang ating damdamin. Isulat mo ang panaginip ng isang Estelang pinatahimik, at ng isang Estelle na muling magbubukas ng daan.
Sa huli, nawa’y sa pamamagitan mo, ang galit ay maging pag-unawa. Ang takot ay maging lakas. At ang pluma, muli nating maging dangal.
Nguni’t isang bagay ang hindi mo dapat kalimutan, Estelle. May hangganan ang panahong ipinagkaloob sa’yo. Apat na buwan mula Mayo, ang huling hibla ng aking buhay ay tuluyan nang maglalaho. Bago dumating ang takdang araw na iyon, kailangang matapos mo ang nobela. Sapagka’t sa pagtatapos ng aklat na ito, doon lamang matatapos ang sumpa.
Isa pang paalala, huwag mong kakalimutan ang aking cedula saan ka man magtungo sapagka’t anumang oras ay maaari nilang apuhapin iyan sa iyo.
Nagmamahal,
Estela
Tila nanginig ang kamay ni Estelle sa kanyang nabasa. Ilang minuto rin itong madiin na nakahawak sa liham at diretsong nakatitig doon, tila pinoproseso ang lahat ng kanyang nabasa. Ang lalong nakapagpadaga sa kanyang dibdib ay ang paalala ni Estela sa isang bagay na hindi niya dapat makalimutan.
“A-Apat na buwan mula Mayo?” nauutal nitong usisa sa sarili, ang mga mata ay naroon parin sa liham. “Ibig bang sabihin ay mamamatay si Estela?”

Comentário do Livro (4)

  • avatar
    Radha Eleanora Uccello

    Gusto ko itooo

    5d

      0
  • avatar
    AcayanErika Joy

    Napakaganda nito! Na para bang dinala ako sa nakaraan😭

    7d

      0
  • avatar
    kaaaaa

    Highly recommended! Excited na me for the next chapter!!!🤍✨

    7d

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes