“A-ARAY!” Napahawak si Estelle sa kanyang noo nang mauntog ito sa kahoy dahil sa biglang pagbangon mula sa higaan. Marahan niyang hinahaplos-haplos ang noo pagkatapos ay dahan-dahan itong nagmulat. Agad na nagsalubong ang kanyang kilay nang makitang sa isang mababa at tila malapit nang masira na mesa siya nauntog kaya wala sa wisyo nitong hinampas iyon. “Saan ba galing ang table na ito? Wala namang ganito sa kwartong tinutulugan namin nila Roselyn,” reklamo pa nito saka iginala ang mata sa buong kwarto. Doon ay gayon na lamang ang kanyang pagkagitla nang mapagtantong siya pala’y nasa ibang silid. Ang higaan na kanyang inuupuan ngayon ay isang banig na lamang. Nang kanyang idako ang paningin sa bubungan, kanyang nabanaag na iyon ay yaring anahaw habang naglalagos ang sinag ng araw sa maliliit nitong butas. Ang sahig nama’y gawa sa kahoy at ang bawat pader ay yari sa kawayan. “Nasaan ako?” naguguluhan nitong tanong sa sarili. Tumayo ito at doon lamang napansin ang kanyang suot na damit. Kulay puting camisa na hanggang siko ang haba ng manggas at kulay kayumanggi naman ang kanyang saya. Tila estatwa itong nakatayo habang pinagmamasdan ang sarili sa kanyang suot, hindi maproseso ang nangyayari. “Bakit ganito ang suot ko?” muli nitong usisa habang nagugulumihanan. “Estela! Ika’y lumabas na riyan sa iyong silid. Hindi mo ba rinig ang tilaok ng mga manok? Hindi mo pa ba maaninag ang liwanag ng araw na dumaraan sa butas ng iyong durungawan? Magtutungo pa tayo sa pamilihan upang mamili ng gulay. Hala! Lumabas ka na riyan!” rinig ni Estelle ang sigaw mula sa labas ng silid. Hindi pamilyar ang boses at lalong napakunot ito nang mawaring Estela ang itinawag sa kanya. “T-Teka. Ano bang nangyayari? Panaginip ba ’to? Nasaan ang cellphone ko!” Nagkukumahog na inapuhap ng dalaga ang kanyang hatinig upang sana ay tawagan ang ina at mga kaibigan ngunit kanya mang nalibot na ang buong silid ay hindi parin niya iyon mahanap. “Nasaan ba ’yong phone ko?!” bulalas nito at pagkadiin-diing hinawakan ang ulo na tila ba kaunti na lamang ay mawawalan na siya ng bait. Muli nitong narinig ang pagtilaok ng manok sa labas kaya gayon na lamang ang kanyang pagkukumahog na nagtungo sa durungawan at iyon ay minadaling binuksan. Napapikit ito nang isang preskong hangin ang mabilis na dumapo sa kanyang balat. Nang magmulat na, ito’y nabigla sa kanyang nasilayan. Purong luntian ang nakikita niya. Mga puno sa hindi kalayuan at damo na hindi gaanong malalaki. Mayroon ding halamang San Francisco sa bakuran na nakapalibot sa bahay na tila ba sinadyang itanim upang magsilbing bakod. May mga ibon din na malayang nagsisiliparan sa himpapawid habang ang iba nama’y nangag-aawitan na animo’y may sariling fiestang pinagdiriwang. Ang mga halaman at puno rin ay masayang nagsasayawan, sumasabay sa awit ng mga ibon, at sa hangin na presko. Napansin din nito ang pababang daan na napupuno ng maliliit na damo kaya napagtanto ng dalaga na ang bahay ay nakatayo sa paanan ng bundok. Siya ma’y aburido subali’t gayon na lang ang bahagyang pagbuo ng isang matamis na ngiti sa kanyang labi dahil sa nasaksihan. “Estela! Ikaw ba’y hindi pa lalabas riyan? Akala ko ba’y nais mong sumama sa akin sa pamilihang bayan? Halika na’t tumataas na ang sikat araw!” muling narinig ni Estelle ang sigaw mula sa labas ng silid kaya napaatras ito mula sa bintana. “Sino ba ’yong tumatawag sa akin ng Estela sa labas? Ano bang nangyayari?” Naguguluhan nitong tanong sa sarili. Kapagkuwan ay kinapa-kapa ang sarili nang maalala ang nangyari sa kanyang pagkahulog mula sa dalisdis. “Hindi naman masakit ang buo kong katawan. Ni walang sugat,” anas nitong nagtataka habang nakatingin sa mga kamay na walang galos. “Estela, isang tawag pa at ika’y iiwanan ko na riyan!” muling sigaw mula sa labas. “Sino ba kasi ’yon? Ang lalim ha,” bulong ng dalaga saka napakamot sa ulo. “Tsaka bakit ganito ang suot ko?” tanong niya pa habang nakatingin sa suot na kumupas na baro’t saya. “Hala!” singhap nito saka napatakip sa bibig nang sumagi sa isip ang isang marahil ay posibleng bagay sa kanya. “Hindi kaya matagal akong nawalan ng malay at may nakapulot sa akin doon tapos inampon ako kasi na-amnesia ako? No way.” May takot sa boses nitong anas. “Estela! Ako’y hindi na natutuwa. Iiwanan na kita kung hindi ka pa lalabas riyan!” muling sigaw ng mula sa labas. Napabusangot si Estelle. “Bakit niya ba ako tinatawag na Estela, kanina pa?” inis nitong bulalas. Kalaunan ay napamulagat ito nang may maalala. “Hindi kaya si Lola Rosan iyon?” muli niyang bulong nang sumagi sa isipan niyang minsan din siyang tinawag na Estela ng matanda noong una silang nagkita sa Maynila. Agad na napatakbo si Estelle palabas ng kwarto. Isang maliit ngunit simpleng salas ang bumungad sa kanya. Ang sahig ay gawa sa pinagdikit-dikit na kawayan at mayroong mababang mesa sa gitna. May mga bayong din na nakalagay sa gilid at malapit sa bintana’y mga damit na nakasampay. “Susmaryosep! Ikaw ba ay talagang sasama sa akin? Tignan mo nga ang iyong sarili, ika’y tila nilukuban ng masamang hangin!” sermon ng babaeng tila nasa kwarenta anyos na nang makita si Estelle na gulong-gulo ang buhok at tila mayroon pang muta sa kanyang mga mata. Nakapusod ang buhok ng ginang at kakapasok lang ulit sa pinto bitbit ang isang buslo. “Hala! Bumalik ka sa iyong silid at ayusin ang sarili!” dagdag nito saka dumiretso sa mga sampay at tinanggal ang mga iyon. Nakaawang ang bibig ni Estelle habang sinusundan ng tingin ang ginang. Sinipat niya iyon mula ulo hanggang paa saka pa pumikit-pikit at umiling sakaling namamalik-mata. “S-Sino po kayo?” mahina at utal nitong tanong na siyang ikinakunot-noo ng babae. Napatigil nga iyon sa ginagawa at marahang napalingon kay Estelle. “Ano nga ulit iyon?” “P-Pasensya na po, pero sino po kayo?” muling tanong ni Estelle sapagka’t bago sa paningin niya ang ginang. Maski ang lugar na kinaroroonan niya ngayon ay hindi niya alam kung saan. “Ano’t ganyan ang iyong sinasabi? Ako ay hindi mo nakikilala? Ikaw ba’y nauntog sa kung saan at tuluyan nang nawaglit ang iyong katinuan?” nagtatakang tanong ng ginang, magkasalubong pa rin ang mga kilay habang nakatingin kay Estelle. Napahawak ang dalaga sa kanyang noo na nauntog kanina sa maliit na mesa kaya siya nagising. “Naguguluhan po talaga ako. Kayo po ba ang tumulong sa akin nang mahulog ako sa bangin at siyang nag-alaga sa akin? Kaya rin po ba ako narito sa bahay ninyo?” muling usisa nito. Hindi rin niya batid kung bakit gano’n na lamang kalalim ng mga salitang ginagamit ng babae. “Ano ba ang mga salitang namumutawi sa iyong mga labi? Ako ang iyong ina, at ito ang ating tahanan. Ano’t wari’y sinukluban ka talaga ng hangin at itinangay ang iyong katinuan?” paliwanag at tanong din ng nagtatakang ginang saka pinagpatuloy ang pagkuha sa mga nakasampay na damit sa bintana. “Wait lang po, ha. Hindi ko talaga gets, eh. First of all, hindi po ito ang bahay namin. At mas lalong hindi po ikaw si mommy,” pagtatama ni Estelle saka napakamot nang madiin sa kanyang ulo. “At saka, bakit po ganito ang suot natin? Na para bang nasa past tayo. Ang gulo po talaga,” dagdag niya pa saka naglabas ng malalim na buntong hininga. Mabilis na lumapit ang babae sa kanya at dinampi ang kanyang noo. “Tila yata kailangan ko nang tawagin si Mang Isko upang ika’y gamutin,” mutawi nito na siyang ikinaatras ni Estelle. Hinawi ng dalaga ang kamay niyon na nakadampi sa kanyang noo. “S-Sandali lang po. S-Sino naman po iyang si Mang Isko? Wala po akong sakit. H-Hindi ko lang talaga gets ang mga happenings ngayon. Hindi ko rin po alam kung bakit ako narito.” “Bakit ba tila ikaw ay nawawala sa katinuan? Hindi ko rin maintindihan ang ibang salita lumalabas sa iyong bibig,” kuryos at naguguluhang tanong ng ginang. “Pati po ako ay naguguluhan na rin,” buntong-hininga ni Estelle. “But anyways, salamat po sa pagpapatuloy sa akin. Sige po, aalis na lang po ako at hahanapin si mommy. Pati si Roselyn at Cataline,” paalam nito at akmang aalis na sana nang bigla siyang pigilan ng ginang. Ibinaba niyon ang dalang bayong saka hinawakan ang kanang kamay ng dalaga at hinila ito palabas ng bahay. Gulat at takot ang naipinta sa mukha ni Estelle dahil sa ikinilos ng babae. “B-Bakit po?’ kinakabahan nitong tanong habang binabawi ang kamay subali’t masyadong malakas ang babae kaya kahit nagpupumiglas ay napipilitan parin itong sumunod. “W-Wait lang po, manang. Saan po ninyo ako dadalhin?” giit ni Estelle, mahihimigan ang pangamba sa kanyang boses. “Ika’y aking dadalhin sa tahanan ni Mang Isko upang ipagamot!” diretsong sagot ng ginang habang seryoso sa paghila kay Estelle. “P-Po? W-Wala naman po akong sakit, Manang! D-Dalhin na lang po ninyo ako sa terminal nang makauwi ako sa amin o hindi kaya sa bahay nila Lola Rosan,” saad ni Estelle, ngunit nagpatuloy lamang sa paglalakad ang babae na waring wala siyang narinig. Nagpupumiglas man ang dalaga subali’t patuloy parin siyang hinihila kaya wala itong nagawa hanggang sa makarating sila sa harap ng isang bahay kubo. “Mang Isko! Nariyan ho ba kayo sa inyong tahanan?” magalang na sigaw ng ginang nang makarating sila sa harap ng bahay-kubo. Hindi parin nito binibitawan ang kamay ni Estelle. Doon ay lumabas ang isang matandang puti ang balbas. May dalang tungkod na kahoy. Nakasuot ng puting camisa de chino at pantalong maluwag na animo’y gawa sa tela ng sinamay. Mayroon din itong pulang panyo na nakatali sa kanyang ulo. “Susana, ano’t naparito kayo?” seryosong tanong ng matanda sa kanyang tila nanginginig na boses. “Kung inyong mamarapatin, nais ko sanang ipaayos sa inyo ang kalagayan ng aking anak. Aba’y para ho siyang hinipan ng espiritu sa ulo. Sa wari ko, siya’y hindi na sa mundo ng matinong kaisipan lumalakad,” sambit ni Susana habang sinisipat si Estelle mula ulo hanggang paa na tila hindi sigurado kung sinapian ba talaga ng espirito ang dalaga. “Over naman po sa words, Manang,” simangot ni Estelle saka iginala ang tingin sa buong paligid. Maliit lamang ang kubo, habang napapalibutan ito ng malalaking puno ng narra kung kaya’t mas lalong kinilabutan ang dalaga. “O siya, dalhin mo rito ang iyong anak at siya’y aking susubukang ayusin,” tugon ng albularyo saka ito pumasok sa loob ng bahay, iniwang bukas ang kanyang pintuan bilang paanyaya na pumasok din sila. “Wow ha? Ano ako robot or manika para ayusin?” banat pa ni Estelle subali’t hinila lamang siya ni Aling Susana papasok sa loob ng bahay. Naglatag ang matanda ng tela sa sahig na gawa rin sa kawayan saka nila roon pinaupo ang nagpupumiglas na dalaga. “Wala nga po akong sakit o sapi! Dalhin na lang po ninyo ako sa bahay nila Lola Rosan, baka nandoon pa sila Roselyn at Cataline. O hindi kaya sa Manila, baka hinahanap na ako ni mommy. For sure, pagagalitan ako no’n o baka sinunog na niya lahat ng books ko,” mahabang pagsumamo ni Estelle sa dalawa ngunit hindi nila siya pinansin. “Tignan ho ninyo, Mang Isko. Hindi ko mawari ang kanyang pananambitan. May mga ngalan din siyang binabanggit na hindi natin kilala. Ako pa ay kanyang tinatawag na manang gayong ako ay ang kanyang ina,” pagsusumbong ni Aling Susana sa matanda. “Kayo na ho ang bahala. Nawa’y mapagaling ho ninyo ang aking anak,” dagdag niya pang bilin saka binitawan ang kamay ni Estelle, na tila ba ipinagkakatiwala nito ang dalaga sa mga kamay ni Mang Isko upang gamutin. “Walang problema. Siya nga pala, kung hindi kalabisan ay maaari mo ba akong ipagkuha ng dahon ng alagaw? Iyong nasa ilalim ng punong mangga sa gawing silangan,” kalmadong pakiusap ng matanda sa ginang habang nilalapag ang isang botelyang may laman na likido. “Sige ho, Mang Isko,” magalang na sagot ng babae saka tinapunan sandali ng tingin ang dalaga bago lumabas ng bahay. Nanlaki ang mga mata ni Estelle at dinaga ang kanyang dibdib sapagka’t naiwan ito na isang matandang lalaki lamang ang kasama. Hindi mapakali ang utak sa kaisipang baka kung anong masamang gawin sa kanya ng matanda. “Batid ko ang laman ng iyong isipan, Hija. Subali’t hindi ako tulad ng iyong iniisip,” anas ng matanda saka binalingan ang dalaga. Nanliit ang mga nito na nakatitig kay Estelle. Dahil doon ay mas lalong dinaga ang dibdib ng dalaga kaya napaatras ito’t napalunok. May kung ano sa titig ng matanda na hindi niya maipaliwanag. Waring sinasaliksik ang buo niyang pagkatao kaya hindi maiwasan ni Estelle na igala kung saan-saan ang kanyang mga mata upang iwasan ang tingin ng matanda. Kapagdaka’y isang ngisi ang bumuo sa labi ni Mang Isko. “B-Bakit po gan’yan kayo makatingin sa akin?” hindi naiwasang tanungin ni Estelle sa nauutal at mahinang boses. “Tunay ngang ikaw ay naparito na.” Ayan ang tanging lumabas sa bibig ng matanda. Napalunok si Estelle. “P-Po?” nagtatakang nitong tanong. “Estelle. Hindi ba’t ikaw si Estelle?” usisa ni Mang Isko na siyang ikinagitla ng dalaga. “T-Teka... P-Paanong... K-Kilala po ninyo ako?” tanong ni Estelle, nanlalaki ang mga matang nakatitig kay Mang Isko. Tumango ang matanda. “Sapagkat bago ka pa man makarating dito ay ipinakilala ka na niya sa akin,” tugon niyon kaya lalo lamang nagulumihanan si Estelle. “W-Wait lang po. Timeout muna.” Itinaas ng dalaga ang isang kamay na tila nagpapatigil sa usapan. “Ang gulo po ninyo, sa true lang. Kanina, lagi akong tinatawag ng aling sa pangalang Estela, sinabi rin niya na nanay ko raw siya at bahay namin ’yong.....basta roon. Eh, una sa lahat, hindi naman iyon ang bahay namin. At pangalawa, mas lalong hindi siya ang mommy ko,” mahaba niyang paliwanag na halos hindi na huminga dahil sa diretsong pagsasalita. “Tapos ngayon, tinanong ko kung kilala ni’yo ba ako dahil binanggit ni’yo ang pangalan ko pero ang labo ng sagot ninyo. Hindi naman ako manghuhula,” pagpapatuloy ni Estelle na ngayon ay nakatayo na at nakapamaywang. Nanatiling nakatingin ang matanda sa kanya kaya napabuntong-hininga ang dalaga. “At isa pa, hindi po kaya kayo ang wala sa katinuan at hindi ako?” dagdag niya, sabay turo sa sarili. “Pwede naman po siguro ninyong sabihin nang diretso sa akin na nakita ninyo akong nahulog sa bangin, tinulungan ninyo ako, at dinala sa lugar na ito, kung anong lugar man po ito, kaysa sagutin ang mga tanong ko ng mga palaisipan at malalalim na salita,” reklamo pa niya. Magsasalita na sana ang matanda ngunit muli niyang ikinumpas ang dalawang kamay, saka naglakad pabalik-balik. “Okay, gets. Opo, mahilig ako sa historical fiction, pero that doesn’t mean na kabisado ko na po ang lahat ng malalalim na salita.” Napakamot siya sa batok saka napahinto sa harap ng matanda na ngayon ay abala nang inaayos ang kanyang mga langis. “I mean, yes, I appreciate na ganiyan kayo magsalita, pero nalilito na po talaga ako. Hindi ko na gets ang mga nangyayari at mas lalong hindi ko gets ang mga sinasabi ninyo.” Saglit na napatigil si Estelle nang sumagi sa kanyang isipan ang isa pang posibleng bagay bago muling nagsalita. “Unless... you guys are filming a historical movie?” anas niya saka inilibot ang tingin sa buong paligid ngunit wala siyang makitang ni isang crew o anumang mga gamit sa filming kaya bahagya siyang napailing. “O hindi kaya ay dinala ninyo talaga ako sa isang lugar kung saan buhay pa rin ang ganitong paraan ng pagsasalita?” Nang mailapag ni Mang Isko ang mga bote ay dahan-dahan siyang tumingin kay Estelle at tinitigan ito nang buong taimtim. “Estás en el pasado, Estelle.” (Narito ka sa nakaraan, Estelle.) Napatda si Estelle. Hindi dahil sa nais sabihin ni Mang Isko kun’di dahil hindi niya iyon naunawaan. “At ngayon, ibang linggwahe naman ang gamit ninyo,” reklamo nito saka napabuntong-hininga. “Ang lahat ng iyong nakikita at nararanasan ay hindi isang palabas,” pagpapatuloy ng matanda. “Ito ang katotohanan.” Sandali itong tumigil bago muling nagsalita. “Sa panahong ito, ikaw ay nasa katauhan ng isang dalagang nagngangalang Estela. At ang babaeng iyon, si Susana, ay ang ina ni Estela, kung kaya’t sa paningin niya ay ikaw ang kanyang anak,” dagdag nitong paliwanag. Napaawang ang bibig ni Estelle at hindi alam ang sasabihin. “Batid kong mahirap itong paniwalaan ngunit tunay ang lahat ng aking sinambit, Hija. Ikaw ay nasa ibang panahon,” muli ay pagkukumpirma ni Mang Isko. “P-Pero paano po? P-Paanong napunta ako rito? Napaka-imposible naman. Baka panaginip ko lang ito or imaginations dahil sa pagbabasa ko ng libro o kagustuhan na makasulat?” mabilis na depensa ng dalaga, hindi parin makapaniwala saka bumalik sa pagkakaupo. “Naaala mo ba ang iyong pagkahulog sa dalisdis na lupa? Ang pag-init ng iyong kuwintas at pag-ilaw niyon. Iyon ang nagsilbing lagusan upang ika’y maparito,” pagsagot ng matanda. Gayunpaman ay nanatili paring naguguluhan si Estelle. Hindi parin ito kumbinsido. “P-Pero bakit po?” muling usisa ng dalaga, umaasang maibibigay sa kanya ni Mang Isko ang kasagutang kanyang nais marinig. “Larga es la historia, hija.” (Mahabang istorya, hija.) tugon ng matanda habang pinagmamasdan si Estelle na tila isang batang naligaw sa sariling panaginip. “Ngunit sa pag-ikot ng oras at sa bawat salitang iniwan niya sa papel, mararating mo ang mga sagot sa sandaling ang kanyang liham ay huminga sa pagitan ng iyong mga mata.” Sandaling natahimik si Estelle, tila pinoproseso ang sinambit ng matanda. Maliban sa naguguluhan siya ay masyadong malalim ang mga salitang iyon kaya hindi niya maunawaan nang lubusan. “O-Okay...” Napatango nang marahan si Estelle nang unti-unti niyang maproseso ang tugon ni Mang Isko. “P-Pero kaninong liham? Kailangan ko bang hanapin ’yong liham dito sa gubat?” tanong ng dalaga subali’t hindi siya sinagot ng matanda. Tumayo iyon at itinago sa isang maliit na baul ang mga bote. “Bakit ayaw po ninyong sagutin ang tanong ko?” muling usisa ni Estelle. “Malalaman mo na lamang sa oras na iyong mahawakan ang kanyang liham,” ayan lamang ang isinagot ni Mang Isko. “Siya nga pala, inày ang itawag mo sa ina ni Estela nang sa gayon ay hindi niya mapansing ika’y naiiba,” bilin pa nito. Magsasalita pa sana si Estelle nang biglang bumukas ang pintuan ng bahay at iniluwa nito si Aling Susana na may dalang mga dahon ng alagaw. “Narito na po ang mga dahon, Mang Isko!” hingal na saad ng ginang na animo’y nagtatakbo. “Iyang dahon ng alagaw ay hindi na kailangan pa sapagka’t ang dumating ay hindi inuubo, ni sinasapian. At kahit anong halaman o halimuyak ng kagubatan ay walang kapangyarihang makapagtataboy isang anyong pinanday ng panahon at panata,” malalim na litanya ng matanda saka kinuha ang mga dahon sa ginang. “Huwag kang mangamba. Nasa kanya pa ang wisyo. Nanibago lamang ang diwa sapagka’t ang paggising niya’y hindi sa umaga ng bukas, kun’di sa umaga ng kahapon.”
Obrigado
Apoie o autor para lhe trazer histórias maravilhosas
Custo 75 diamantes
Balanço: 0 Diamante ∣ 0 Pontos
Comentário do Livro (4)
Radha Eleanora Uccello
Gusto ko itooo
7d
0
AcayanErika Joy
Napakaganda nito! Na para bang dinala ako sa nakaraan😭
8d
0
kaaaaa
Highly recommended! Excited na me for the next chapter!!!🤍✨
Gusto ko itooo
7d
0Napakaganda nito! Na para bang dinala ako sa nakaraan😭
8d
0Highly recommended! Excited na me for the next chapter!!!🤍✨
8d
0Ver Todos