VEDA CERYS POV "Ma, ito na ang pagkain natin! Ang cool ng pagkakagawa, Mama!" Nakangiting saad ko kay Mama habang hindi ko maialis ang aking paningin sa harap namin. Pinagmamasdan ko ang estilo ng plating at ang mismong pagkaing nakahain sa aming lamesa. Hindi ito ang tipikal na pasta na nakikita sa mga ordinaryong kainan sa Baguio ang sarsa nito ay may kakaibang kinang na tila ba hinaluan ng mga bituin sa kalangitan. "Tapos 'yung drinks, Ma, paiba-iba siya ng kulay!" namamanghang saad ko pa, habang medyo inilalapit ang mukha ko sa baso. Kanina lang ay tila malalim na asul ang kulay ng likido, pero habang tinititigan ko ito at nakakaramdam ako ng excitement, bigla itong nagkaroon ng mga streaks ng kulay lila at pink. Mukha itong isang maliit, umiikot na galaxy sa loob ng baso. "Nakamamangha nga, anak," nakangiting saad ni Mama. Pero napansin kong kahit nakangiti siya habang nakatingin sa mga pagkain, may kakaibang lalim sa kanyang mga mata na hindi ko mawari. Parang may kung ano siyang iniisip. "Miss, pinapaabot po sa inyo ng may-ari ng restaurant." Nagulat na lang ako nang biglang sumulpot sa tabi namin ang matangkad at seryosong lalaki kanina sa cashier—si Eric. Ang boses niya ay mababa at pormal, walang kahit anong emosyon. Inabot niya sa akin ang isang parang business card na kulay lila na may nakaukit na mga itim na titik. Kinuha ko naman ito, sabay ngiti nang matamis bilang pasasalamat. Pagkakuha ko nito ay hindi na siya nagsalita pa, tumalikod siya at umalis na din agad patungo sa direksyon ng kusina. "Ano 'yan, anak?" curious na tanong ni Mama, bahagyang sumisilip sa hawak ko. Tiningnan ko ang nakasulat sa lilang card. Napakasimpleng disenyo pero napaka-eleganteng tingnan. "Hiring for Chef Assistant," basa ko sa nakalagay doon sa card. Kumunot ang noo ko. Chef assistant? Ako? Bakit naman ako bibigyan ng ganito ng may-ari eh sikat silang restaurant at simpleng estudyante lang naman ako na nagse-celebrate ng birthday? Inabot ko naman kay Mama iyon para ipakita sa kanya. Binasa niya lang ito nang tahimik. Inaasahan kong magugulat siya o magtataka, pero sa halip, muli niya lang itong inabot sa akin. Ngumiti siya sa akin—isang ngiti na puno ng misteryo at tila ba may alam na hindi ko alam—bago siya tahimik na naunang kumain ng pagkain na nasa harap niya. Ang weird ni Mama ngayon, feel ko. Karaniwan ay mabusisi siya at madaming tanong kapag may mga kakaibang nangyayari sa akin, pero ngayon, parang hinayaan niya lang. Ipinatong ko na muna ang card sa gilid ng lamesa at kumuha na rin ng tinidor. Naalala ko ang panuntunan sa may cashier: Humiling ka habang kinakain mo ang pagkain. Huminga ako nang malalim, ipinikit ko ang aking mga mata, at bago isubo ang unang tikim ng pasta, tahimik akong humiling sa aking isipan. Na sana ay maging matagumpay at lumago pa ang maliit naming negosyo ni Mama... at sana, humaba pa nang husto ang buhay naming dalawa para mas matagal pa kaming magkasama sa mundong ito. Iyan ang tahimik at taimtim kong hiling sa kaibuturan ng aking puso habang dahan-dahang nginunguya ang unang subo ng pasta. Sa bawat paggalaw ng aking panga, tila ba sumasabay ang isang kakaibang init na gumagapang mula sa aking lalamunan pababa sa aking dibdib. Ang lasa ng pagkain ay napakayaman, isang perpektong timpla na hindi ko pa nanamnam sa buong buhay ko, ngunit ang kakaibang pakiramdam na dulot nito ang mas nagpatibok nang mabilis sa puso ko. Para akong hinehele ng isang mahiwagang kapayapaan habang iniisip ang kinabukasan naming dalawa ni Mama. Idinilat ko ang aking mga mata at nakita kong nakatitig pa rin sa akin si Mama, banayad ang ngiti ngunit may bakas ng hindi maipaliwanag na lungkot sa kanyang mga mata. "Masarap ba, anak?" malambing niyang tanong. "Sobra, Ma. Parang may mahika sa sarap," natatawa kong sagot para pagaanin ang kakaibang atmospera sa pagitan naming dalawa. Mabilis kong itinuon ang aking pansin sa baso ng Nebula Drink na nasa gilid ng aking plato. Muntik na akong mapasinghap nang mapansin ang pagbabago nito. Ang likido na kanina lang ay naglalaro sa kulay lila at pink ay biglang naging kasing-linaw ng kristal sa ibabaw, ngunit sa pinakailalim niyon ay may namumuong parang usok na kulay ginto at pilak—kumikinang, sumasayaw, at tila sumasalamin sa kadalisayan ng aking naging hiling. Ang inuming iyon, na ayon sa panuntunan ay nakabase sa aking emosyon, ay mukhang handa na para sa huling lagok. Pagkatapos naming ubusin ang huling patak ng aming inumin ni Mama sa tanyag at misteryosong restaurant na iyon, napagpasyahan na naming umuwi dahil malalim na rin ang gabi. Habang naglalakad kami pabalik, tahimik lang si Mama, tila ba lumilipad ang isip sa kung saan, kaya naman hindi ko na rin muna siya masyadong kinausap. Pagdating na pagdating namin sa bahay, dinala ako ng aking mabibigat na hakbang diretso sa aking kuwarto upang magpahinga. Pabagsak akong nahiga sa kama, ngunit sa kabila ng pagod ng aking katawan, gising na gising naman ang aking isipan. Ipinasok ko ang aking kamay sa bulsa at muling nilabas ang lilang business card na ibinigay ng misteryosong may-ari. Tinitigan ko ang makikinang na titik: Hiring for Chef Assistant. Hindi ko pa rin lubos maisip kung bakit ako. Bakit sa dinami-rami ng mga kostumer doon—na karamihan ay mas mukhang may karanasan at maririwasa sa buhay—ay isang simpleng tulad ko ang pinili niyang alukin ng ganoong posisyon? May nakita ba siya sa akin na hindi ko nakikita sa sarili ko? Ngunit sa kabilang banda, napangiti ako. Isang napakalaking oportunidad nito na hindi dapat palampasin. Mukhang sikat at mamahalin ang restaurant, kaya paniguradong malaki ang magiging sahod ko rito. Malaking tulong ito para sa amin ni Mama. Kaya naman, bago ko pa man maipikit ang aking mga mata, nakapagdesisyon na ako: bukas na bukas din, babalik ako sa restaurant na iyon para sabihing tinatanggap ko ang trabaho. Matapos ang ilang minutong pag-iisip, tumayo na ako para magbihis ng pantulog. Nang makapagpalit na, lumabas ako ng aking silid upang magtungo sa kuwarto ni Mama. Gusto ko siyang yakapin at magpasalamat ulit sa pagbili niya sa akin ng hapunan para sa kaarawan ko. Marahan kong pinalad ang pinto ng kanyang silid at pumasok sa loob. "Ma?" tawag ko. Ngunit sinalubong lamang ako ng katahimikan at ng malamig na hangin mula sa nakabukas na bintana. Kumunot ang noo ko nang makitang walang tao sa ibabaw ng kanyang kama. Tiningnan ko pa ang loob ng banyo ng kanyang kuwarto, baka sakaling naghihilamos lang siya, ngunit madilim at walang tao roon. Isang kakaibang kaba ang biglang sumagi sa dibdib ko. Saan naman pupunta si Mama sa ganitong oras na nakapantulog na kami? Kaya naman, mabilis akong humakbang patungo sa pinto at napagpasyahan kong bumaba ng hagdan para hanapin si Mama sa buong bahay. MADAM ELEUIA POV "Ano ang plano mo, Ate? At bakit siya ang binigyan mo ng card?" Ang nag-aalalang boses na iyon ay nagmula kay Althaia, na kararating lang ngayon sa aking bodega sa pinakailalim ng restaurant. Ang silid na ito ay binalot sa anino ng kalaliman, kung saan ang tanging liwanag ay nagmumula sa mga garapon ng kumikinang na mga likido. Dito nakatago ang mga pinakamahahalagang sangkap ng aking mga putahe—at ang mga nakaw na bahagi ng pagkatao at kaluluwa na iniwan ng mga mortal bilang kapalit ng kanilang mga kahilingan. Naramdaman ko ang takot at tensyon sa kanyang awra, ngunit hindi ko siya nilingon. Ipinagpatuloy ko ang aking ginagawa, maingat na hinahanap sa mga matataas na istante ang mga mahiwagang sangkap na unti-unti nang nauubos sa kusina sa itaas. "Tinutupad ko lang ang hiling mo, kapatid," seryoso at malamig kong saad. Ang aking tinig ay umalingawngaw sa tahimik at madilim na uniberso ng bodega. "Anong ibig mong sabihin?" bakas ang pagkalito at takot sa tanong ni Althaia. Ibinaba ko ang isang kristal na garapon na naglalaman ng gintong usok—ang mismong enerhiya ng hiling na iniwan ng kanyang anak sa kanyang plato kanina. Hinarap ko si Althaia gamit ang aking mga matang walang emosyon. "Humiling ka, hindi ba?" Humarap ako sa kanya nang tuluyan, ang aking tinig ay mas malamig pa sa hanging umiihip sa kailaliman ng bodegang ito. "Hiniling mo na sana ay maging isang normal na Witch na lang ang anak mo, at huwag maging isang Tarahoro. Kaya tinutupad ko lang ang kahilingan mo, Althaia." Seryosong saad ko sa kanya habang ang aking mga daliri ay dahan-dahang humahaplos sa mga antigong garapon. Sa batas ng aming lahi, ang mahika ay hindi maaaring lumikha ng isang bagay mula sa wala. Upang pigilan ang pag-usbong ng pagiging Tarahoro ng kanyang anak, kailangan itong tabunan ng mas mabigat na kapangyarihan—ang kapangyarihan ng aming sariling dugo. At ang tanging paraan para mangyari iyon ay ang isailalim si Veda sa aking gabay, sa loob mismo ng aking kusina. "Binigyan ko siya ng daan upang matutunan ang ating sining. Sa pamamagitan ng pagiging assistant ko, ang kanyang mahika ay huhubugin sa paraang nais mo. Kaya huwag mo akong palalabasin na masama dito... dahil ikaw ang pumirma sa kasunduang ito gamit ang sarili mong mga luha." Pagkatapos kong sabihin iyon, ibinalik ko muli ang aking likod sa kanya at nagpatuloy na sa paghahanap ng mga natitira pang pampalasa na kulang sa itaas. Walang isinagot si Althaia. Ang tanging narinig ko na lang sa aking likuran ay ang mahinang paghampas ng hangin at ang marahang pagpaspas ng natitirang enerhiya. Sa isang iglap, bigla na lamang siyang nawala—nag-teleport pabalik sa mundo ng mga mortal kung saan naghihintay ang kanyang anak. Hindi ko na siya pinansin pa. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko bago ko kinuha ang huling sangkap na aking kailangan. Ang tadhana ay isang laro na ako mismo ang naglatag ng board, at kahit ang sarili kong kapatid ay walang magagawa kundi sumunod sa bawat hakbang nito.
Obrigado
Apoie o autor para lhe trazer histórias maravilhosas
cool
6d
0Ver Todos