Maaga pa lang ay gising na ako. Pakiramdam ko ay mas mabilis pa sa alarm clock ang tibok ng puso ko dahil sa matinding pananabik. Ngayong araw kasi ang ika-dalawampu't limang kaarawan ko, at matagal ko nang pinaplano na subukan ang bagong tayong restaurant doon sa itaas ng kalsada namin—ang misteryosong lugar na pinag-uusapan ng lahat. Pagkabangon ko ay agad akong nagtungo sa banyo upang maghilamos at magsipilyo. Nang matapos ay halos patakbo akong lumabas ng kuwarto at bumaba patungo sa unang palapag ng aming bahay. Hindi pa man ako nakakatapak sa huling baytang ng hagdan ay sumalubong na sa akin ang pamilyar at nakapupukaw-gutom na amoy ng bawang—ang sinangag ni Mama. "Oh, gising na pala ang birthday girl ko," nakangiting saad ni Mama nang mapansin niya ang pagbaba ko. Natawa ako nang bahagya, nakaramdam ng kaunting hiya sa labis na atensyon. "Si Mama naman, pinapaalala pa talaga," naiilang ngunit nakangiti kong sagot. "Maupo ka na dyan. Maluluto na rin itong sinangag, nandiyan na ang ulam sa lamesa," utos niya habang masigasig na hinahalo ang kanin sa kawali. Inilapit ko ang kamay ko sa mesa at itinaas ang takip ng nakahandang ulam. Bahagya akong napangiti nang makita ang pritong itlog at hotdog—ang walang kamatayang pambansang almusal ng mga Pilipino. "Oh, ito na," masayang sabi ni Mama sabay lapag sa gitna ng mesa ng mangkok ng sinangag na umuusok pa. Kumuha siya ng sariling plato at umupo sa katapat kong upuan. Sabay kaming sumandok, at sa bawat subo, naramdaman ko ang simpleng pagmamahal na nakahanda sa bawat kaarawan ko. Pagkatapos naming kumain ay ako na ang nagprisintang mag-asikaso ng mga pinagkainan dahil maglilinis pa si Mama ng buong bahay. Nang matapos maghugas ay mabilis akong umakyat sa aking silid upang maghanap ng damit na isusuot para sa espesyal na araw na ito. Binuksan ko ang aking aparador at naghalungkat ng kahit anong matinong kasuotan, subalit nabigo ako. Puro maluluwag na pambahay at kupasing t-shirt ang nakasabit doon. Walang bagay para sa isang eleganteng selebrasyon. Bigo akong lumabas ng kuwarto at lumipat sa katabing silid—ang kwarto ni Mama. Saktong pagpasok ko ay nakaupo siya sa gilid ng kanyang kama, tila nagpapahinga. "Ma, wala ka bang mga dress dyan na pwedeng hiramin?" nakangusong tanong ko habang nakasandal sa hamba ng pinto. Ngumiti si Mama habang dahan-dahang umiiling. Tumayo siya, lumapit sa gilid ng kanyang kama, at lumuhod upang maabot ang madilim na espasyo sa ilalim nito. May kung ano siyang hinila palabas, at nang tuluyan na itong mailantad sa liwanag, tumambad sa akin ang isang lumang maleta na nababalutan na ng makapal na alikabok. "Ma, ano 'yan?" curious kong tanong, ngunit hindi ko natapos ang sasabihin ko nang biglang pagpagin ni Mama ang ibabaw ng maleta. Napabahing ako nang sunod-sunod sa biglang paglipad ng alikabok sa hangin. "Mga damit ko ito noong kabataan ko. Subukan mong maghanap dito, baka may magustuhan ka," nakangiting saad niya sabay hila sa zipper ng maleta. Nang bumukas ito, laking gulat ko nang tumambad sa akin ang tila isang dagat ng itim. Puro maiitim na kasuotan ang maayos na nakatupi sa loob. Dahil sa kuryosidad, lumapit ako at isa-isang nirebisa ang mga tela, hanggang sa may isang piraso na labis na pumukaw sa aking pansin. Isa itong black long-sleeve dress. Simple lang ang tabas nito pero napaka-elegante, may mga detalyadong burda na kulay itim din na sumasayaw sa mga manggas at laylayan. Sa tantya ko, ang haba nito ay lalagpas nang bahagya sa aking tuhod. Inangat ko ito upang masuri sa harap ng salamin, at sa taas ng pagkakahawak ko ay tuluyan nang natakpan ang mukha ni Mama na nakaupo sa kama. Sumilip ako sa gilid ng tela at nakita kong nakatitig si Mama sa akin, may malawak na ngiti sa kanyang mga labi na hindi umaabot sa kanyang mga mata. "Bakit po, Ma?" nagtatakang tanong ko. "Magaling kang pumili, anak," banayad na saad ni Mama. Hinawakan niya ang dulo ng tela na tila ba may binubuhay itong alaala. "Iyan ang damit na iniregalo ng Papa mo sa akin noong unang anibersaryo namin." Kahit nakangiti siya, batid ko ang banayad na kirot at pangungulila sa kanyang mga mata sa pagkabanggit kay Papa. Niyakap ko ang damit sa aking dibdib. "Ma, ito na lang po ang susuotin ko. Ang ganda-ganda po, eh." Tumango si Mama, pinalis ang anumang lungkot sa kanyang mukha, at muling dumukwang sa maleta. May kinuha siyang isang maliit na kahon at iniabot sa akin ang isang pares ng itim na flat shoes na gawa sa makinis na balat. "Ito ang iterno mo, anak. Bagay na bagay sa iyo," nakangiting saad niya. Nakangiti ko itong tinanggap, ramdam na hindi lang ito basta damit—ito ay isang piraso ng kwento na handa ko nang dalhin sa aking pag-alis. Eksaktong alas-siyete ng gabi nang marating namin ni Mama ang tapat ng restaurant. Sa malapitan, mas lalong nakikilabot at nakatutukso ang kagandahan nito. Ang violet neon lights ay nagbibigay ng kakaibang kislap sa madilim na kalsada ng Maynila, na tila ba isang portal patungo sa ibang dimensyon. "Wow..." Ang tanging naibulong ko habang itinutulak ko ang mabigat na salaming pinto. Sinalubong kami ng malamig na aircon na may kaakibat na amoy ng rosemary, vanilla, at isang hindi mapangalanang pampalasa na agad nagpatakam sa akin. Ang bawat sulok, mula sa makikintab na itim na lamesa hanggang sa mga lilang baso, ay perpekto. Punong-puno ng mga kabataan ang lugar, abala sa pagkuha ng litrato. Naglakad kami ni Mama patungo sa cashier para mag-order. Doon, agad na pumukaw sa mga mata ko ang plake na kulay itim na may makinang na violet na titik: “Humiling ka habang kinakain mo ang pagkaing nakahain sa inyo. At ang mga inuming base sa inyong emosyon ay pagkatapos lang ng pagkain niyo maaaring inumin.” "Ang astig naman ng pakulo nila dito, Ma," bulong ko sabay siko nang bahagya kay Mama. "May pahiling-hiling pa." "Modernong gimik ng mga kabataan ngayon," nakangiting sagot ni Mama habang namimili ng ulam sa menu. Isang matangkad at seryosong lalaki na naka-uniporme ng itim at violet ang lumapit sa amin para kunin ang order namin. Sa pananamit at tindig niya, mukha siyang mataas na opisyal kaysa sa isang ordinaryong waiter. Napansin kong nakatitig siya sa akin—hindi, sa buong pagkatao ko—na tila ba may sinusuri siya. "Isang Midnight Truffle Pasta at dalawang Nebula Drink para sa amin," saad ko sa lalaki. Tumingin muli ang lalaki sa akin, mas lumalim ang seryosong tingin nito bago tumango. "Masusunod po. Humanap na kayo ng mauupuan. Tandaan ang panuntunan: ubusin ang pagkain bago hawakan ang inumin." Habang naglalakad kami ni Mama sa isang bakanteng lamesa sa gilid, hindi ko maiwasang makaramdam ng kakaibang kaba. Ang tibok ng puso ko ay tila sumasabay sa mahinang tugtog sa paligid. Pakiramdam ko, ang pagpunta ko rito sa mismong kaarawan ko ay hindi isang simpleng selebrasyon. May naghihintay sa aking hindi ko inaasahan. MADAM ELEUIA POV Mula sa likod ng one-way tinted glass ng aking kusina, malinaw kong nakikita ang bawat mortal na pumapasok sa aking restaurant. Para sa kanila, ito ay isang kanlungan ng masarap na pagkain at magagandang litrato. Para sa akin, ito ay isang palengke ng mga kaluluwa at desperadong pangarap. "Madam," pumasok si Eric sa kusina, ang kanyang mukha ay mas seryoso kaysa sa normal. Lumapit siya sa akin at ibinaba ang isang tray na naglalaman ng mga order. "Nasa lamesa numero siyete ang babaeng hinahanap natin." Napatigil ako sa pag-ikot ng aking mga daliri sa ibabaw ng isang kumukulong kaldero na naglalabas ng lilang usok. Dahan-dahan akong lumarap sa salamin at itinuon ang aking paningin sa lamesa numero siyete. Isang batang babae. Simple ang kasuotan, may bitbit na pananabik sa kanyang mga mata, at katabi ang kanyang ina. Siya si Veda Cerys. "Siya nga..." bulong ko. Ramdam ko mula sa distansyang ito ang kakaibang enerhiya na dumadaloy sa kanyang dugo. Isang enerhiyang matagal ko nang hinahanap, isang bagay na hindi pag-aari ng isang ordinaryong mortal. "Ano ang plano mo, Madam?" tanong ni Eric, habang ang kanyang kamay ay awtomatikong nakahanda sa kanyang gilid, tila naghihintay ng utos na protektahan ako kung sakaling magwala ang tadhana. "Ihain mo sa kanya ang pinakamahusay nating putahe," walang emosyong utos ko habang kumuha ako ng isang maliit na kristal na bote na naglalaman ng likidong kulay pilak. Ibinuhos ko ang isang patak nito sa pasta na inihahanda para sa kanya. "Gusto kong makita kung ano ang hihilingin niya habang kinakain ang aking obra maestra. At gusto kong makita kung anong kulay ang lalabas sa kanyang inumin kapag natapos na ang transaksyon." Tumingin ako muli kay Veda. Nakikita ko ang saya sa mukha niya habang kausap ang kanyang ina. Kay sarap pagmasdan ng kawalang-malay ng mga tao. Hindi nila alam na ang bawat subo ay isang hakbang patungo sa aking mga kamay. "Maligayang kaarawan, Veda Cerys," bulong ko sa hangin habang pinapanood si Eric na lumabas dala ang pagkain nito. "Sana ay magustuhan mo ang regalo ko sa iyo... dahil ang kapalit nito ay ang buong pagkatao mo."
Obrigado
Apoie o autor para lhe trazer histórias maravilhosas
cool
9d
0Ver Todos