logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Kabanata III: Sibu

Sumapit ang dapit-hapon ay muli akong lumabas upang makita si Paubari. Ilang sandali lamang ang oras na hindi ko siya makita ay tila sabik ako na muli siyang masilayan.
"Tapos na ako sa aking ginagawa. Maaari na ba tayong magtungo sa Sibu?" Tumango ako sa pag-aaya niya.
Nagpaalam muna kami bago tuluyang sumakay sa balangay na pag-aari ng kaniyang ama.
Hindi ito ang unang sumakay ko ng balangay, ngunit hindi ko mawari ang kaba na nasa aking dibdib.
"Humawak ka lamang sa aking kamay. Huwang kang matakot, hanggat narito ako ay mananatili kang ligtas." Napatingin ako sa mukha ni Paubari matapos niyang ilahad ang kaniyang palad. Walang pagsidlan ang tuwa kong inanyayahaan ito.
Maalog ang balangay kung kaya't mahigpit ang kapit ko sa braso nitong sing tigas ng bato. Inalalayan niya akong umupo.
Kami lamang dalawa ang nasa balangay dahil ayaw niyang may ibang makisalo sa aming usapan.
Kasabay ng hangin ang muling pagsayaw ng aming mga buhok. Ang asul na dagat at ang magandang langit ang sumasalubong sa amin. Nakaupo ako sa likuran ni Paubari habang siya ang nagsasagwan.
Hindi ko mapigilan ang mapatingin sa kaniya habang ginagawa ito. Mas lalong nangangalit ang kaniyang braso habang sumasagwan sa mapayapang alon.
Maganda ang tindig nito sa unahan habang nakatayo. Marahan siyang huminto at inikot ang ulo upang maharap ako.
Pumungay lalo ang kaniyang mga mata at kumawala ng isang ngiti na mabilis nagbigay ng kakaibang pakiramdam sa akin. Sa tuwing ginagawa niya ang ngiti na ito ay halos mawala ako sa ulirat. Sadyang hindi ko kayang ikaila ang gandang lalaki nito.
"Nawa'y masiyahan ka sa ating pupuntahan," saad nito matapos tumalon sa balangay upang dalhin ito sa dalampasigan.
"Kahit saang lugar man, basta't ikaw ang kasama ko ay magiging masaya ako,” sagot ko pa rito habang marahan akong tumayo.
"Sandali lamang!"
Nagbadya na ako'y matumba noong umalog ang balangay bunga ng biglaang paghinto. Mabuti na lamang at nasalo niya ako gamit ang isa niyang braso na nasa baywang ko, habang ang isa ay nakakapit sa haligi ng balangay.
Nanlaki ang mga mata kong nakatitig sa kaniyang mukha na tila isang malakas na hangin lamang ay magdidikit na ang aming mga labi.
Malakas ang tibok ng puso ko at para akong nabibingi. Bumaba ang tingin nito sa aking labi at tumitig ng ilang sandali bago bumalik ang tingin sa aking mga mata. Muli siyang ngumiti at marahan ang pagkurap.
"Patawad kung muntik ka pang masaktan dahil sa kapabayaan ko.” Matapos niya itong sabihin ay binitawan niya ako pabalik sa balangay. Tumalikod ako sa kaniya upang humawak sa aking dibdib. Napapikit pa ako upang pakalmahin ang aking pusong kanina pa hindi mapakali.
"Halina't tutulungan na kitang makababa." Kumawala muna ako ng isang malalim na paghinga bago inanyayahan ang kaniyang kamay.
Nanatili akong tahimik sapagkat sa aking palagay ay lalabas na ang aking puso sa sobrang lakas nang tibok nito.
Bumalik siya sa balangay upang kuhanin ang mga gamit na kaniyang ipangangalakal. Muli ko siyang pinapanood habang inaayos ang mga iyon ngunit agad ding umiwas matapos niyang tumingin sa aking kinatatayuan.
Bakit ganito ang aking nararamdaman? Hindi ba't alam naman namin na may pagtingin kami sa isa't isa ngunit bakit kung magwala ang aking puso ay ganito?
Matagal ko na siyang iniibig ngunit sa bawat sandali ko siyang kasama at masilayan, ang pakiramdam ay ngayon ang unang beses akong umibig sa kaniya. Ganito nga ba ang totoong nararamdaman ng mga taong nagmamahal ng wagas?
"Ano pa't diyan ka lamang tatayo?"
Napalundag ako sa gulat matapos nitong magsalita mula sa likod ng aking tainga. Napalingon ako sa kaniya.
"Mamili ka lamang ng mga nais mo. Lahat iyon ay ibibigay ko," saad nito habang sabay kaming patungo roon.
Maraming tao at may mga ibang lahi rin ang narito upang makipagkalakal. Maingay rin ang paligid dahil sa iba't ibang usapan na nangingibabaw.
Hindi ko mapigilan ang mamangha sa aking mga nasisilayan. Iba't ibang magagandang bagay at palamuti, kahit ang mga tela ay sadyang nakakahumali.
Lumapit pa kami upang mas makita ang mga bagay. May iba't ibang lahi rin ang narito at may mga galing sa maharlikang pamilya.
"May mga nais ka ba? Sa aking palagay ay bagay sa iyo ang gintong palamuti na iyon, o ang plorera na iyon upang ilagay sa iyong silid. Kahit anong nais mong narito."
Napatango ako sa sinabi ni Paubari kahit hindi ako tumitingin sa kaniya ay alam kong tutok ang mga mata niya sa mukha kong manghang-mangha sa nakikita.
Nais ko sanang pumili sa mga tela, noong may isang bagay ang pumukaw ng aking mga mata. Pilit akong lumapit dito upang makita ng mas malapitan.
"Mukhang nais mo ang pana na ito?"
Napatingin ako sa mukha ng matandang lalaki, noong bigla niyang iharap sa akin ang kanina ko pang minamasdan.
"Marahil ay namamali lamang kayo." Hinawi ito ni Paubari upang ipaalam na nagkamali ang matandang ito.
"Hindi ako maaaring magkamali sa mga tingin ng iyong kasama." Pagpupumilit nitong kay Paubari na ang tingin.
Ilang saglit pa ay humawak sa aking braso si Paubari.
"Nais mo ba ang pana na iyan?" Marahan akong tumango sa kaniyang tanong. Nais ko naman iyon matagal na, ngunit ang pana na ito ay may kakaibang dala sa akin.
"Ano ang nais mo upang maging kapalit ng pana na iyan?" alok ni Paubari rito. Sumilip ang matandang lalaki sa mga dala nito.
"Nais ko ang kampilan na iyan." Itinuro nito ang kampilan. Agad naman itong inabot ni Paubari at kinuha rin ang pana.
"Hindi basta lamang ang pana na iyan. Sagrado iyan at sa taong nakatakda lamang nabibilang." Seryosong saad nito. Napatingin ako sa pana at sinuri ang bawat parte nito.
May mga nakaukit dito.
"Kadakilaan sa ngalan ng pag-ibig?" Pagtatakang tanong ko matapos itong mabasa. Napatingin ako sa matandang lalaki na may malawak na ngiti.
"Ngunit mag-iingat ka. Sa huling palaso na iyong bibitawan ay masasaksihan mo ang kamatayan ng isang taong labis mong mahal."
Lumakas ang ihip ng hangin at nakakabinging katahimikan kahit na sadyang maingay ang lahat. Tila naiwan kaming tatlo rito. Hindi ko rin mawari ang kaba na aking nadarama.
Sa pangalawang pagkakataon, mula sa yumao na punong babaylan at sa matandang lalaki na ito ay sinabi nila ang mga bagay na kinatatakutan ko.
Kaakibat ng pagiging magiting ay may buhay na kapalit.
"Marahil ay humanap na tayo ng iba pang bagay na maari mo pang magustuhan."
Pinutol ni Paubari ang nakakatakot na katahimikan ko. Isinukbit ko ang na lamang ang pana.
"Sa iyong palagay ay tunay ang kaniyang hula?"
"Kung sa hula ng matandang babaylan na magiging isa kang magiting ay maari pa. Ngunit ang pagsilay mo sa kamatayan ng iyong mahal ay hindi magiging tunay,” wika nito at muling tumingin sa akin na may malawak na ngiti at mapang-akit na mata.
"Huwag kang mag-alala sa mga bagay na hindi naman magyayari. Narito tayo upang magsaya." Ipinalupot nito ang kaniyang braso sa aking baywang upang mapalapit sa kaniya.
"Sa aking palagay ay bagay sa iyo ang gintong medalya na ito."
Sinundan ko ang pag-ikot nito sa hangin at unti-unting tumingin kay Paubari na tila sinusuri ang kabuoan ng aking mukha. Nakatingin siya na tila ako lamang ang nag-iisang babaeng kaniyang nakikita.
"Sadyang wala akong kayang ihalintulad sa iyong ganda. Sa tuwina'y ikaw lamang ang inaasam. Sadyang mapalad ang isang gaya ko at ang babaeng higit sa lahat ay nagbibigay ng pag-ibig sa akin."
Hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan dahil sa kaniyang mga sinabi.
"Hindi na kita kaya pang pakawalan. Dahil sa oras na lumuwag ang kapit ko ay may isang taong handa kang hilahin palayo sa akin." Kumunot ang aking noo matapos niya itong sabihin. Hindi ko alam kung sino ang kaniyang tinutukoy sapagkat noon pa lamang ay wala ng iba pang nagtangka na makipagmabutihan sa akin, dahil halos lahat ay takot sa kaniya.
Sa tuwing nababalitaan niyang may nais makipagmabutihan sa akin ay hinahamon niya ng laban at sa lahat ng iyon ay hindi niya pinatalo.
"Batid mo naman na walang sino man ang kayang pumalit sa iyo. Ikaw lamang ang pipiliin ko sa kahit anong sitwasyon." Matapos ko itong sabihin ay bumitaw siya at isinuot sa akin ang medalyon na kaniyang tinutukoy.
"Gabay mo iyan. Lagi mo lang tatandaan na kahit anong mangyari ay sa iyo lamang ang puso at buong buhay ng isang bagani na si Paubari."
"Kailangan na nating makabalik sa balwarte bago pa magdilim. Ngunit maari bang dalhan natin ng tela si Suklang Malayon? Hilig niya ang asul na kulay at may namataan akong tiyak na ikasisiya niya."
Tumango lamang siya sa aking sinabi kung kaya't dali-dali akong nagtungo paroon, ngunit sa hindi magandang kapalaran ay nabangga ko ang isang babae dahilan ng sabay naming pagbagsak.
"Mahal na Dal'ang." Pag-aalala ng babaeng sa palagay ko ay nasa katulad ko ng edad.
"Alunsina." Agad na lapit sa akin ni Paubari upang alalayan akong tumayo.
"Nasaktan ka ba? Nais mo bang buhatin na lamang kita?" Hindi matapos na tanong nito habang sinusuri ang balat ko.
"Hindi naman ako nasaktan, huwag ka nang mag-alala." Pagpilig ko sa kaniya at hinawakan siya sa magkabilang pisngi upang iharap sa akin.
"Mahal na Dal'ang, may sugat kayo."
Agad kaming napatingin sa babaeng nakabangga ko. Inilihis ko si Paubari at lumapit sa kaniya. Sa palagay ko ay galing siya sa maharlikang pamilya, dahil ito sa kung ano ang kaniyang kasuotan.
"Patawad kung nasaktan ka," saad ko rito matapos yumuko ng kaunti. Batid kong walang may kasalanan ngunit siya ang mas nasaktan.
Hindi pa rin siya humaharap sa amin kung kaya't si Paubari na ang nauna sa akin. Muli siyang humingi ng tawad dito at doon lamang siya tumingin.
Matalim ang kaniyang mga mata. Galing nga siya sa maharlikang pamilya dahil sa ganda ng balat niya, ang labi nito ay maganda.
Nakita ko ang galit nito na nakatingin sa akin ngunit nawala rin ng si Paubari ang kaniyang binalingan nang tingin. Sa pakiwari ko ay tinablan ng tingin ni Paubari na may mapang-akit na mata.
"Nahihilo ako." Humawak ito sa kaniyang ulo.
Muntik na itong matumba, mabuti na lamang ay nasalo siya ni Paubari. Nabigla akong nakatayo sa likuran habang buhat ni Paubari ang babae.
Nagkagulo na rin ang ibang nasa paligid kasama ang kaniyang uripon na hindi matigil sa pagtangis.
"Saan siya maaring dalhin?" Pag-aalala kong tanong. Napatingin ako sa kaniya na wala pa ring malay habang bitbit ni Paubari.
"Mahal kong Alunsina, huwag kang mataranta. Hindi ko nais makita ang takot sa iyong mukha." Napatingin ako kay Paubari na sa akin pa rin ang pag-aalala.
"Mabuti ang aking lagay kung kaya't huwag ka sa akin mag-alala,” sagot ko sa kaniya habang patuloy pa rin ang pagpaypay sa kaniyang bitbit na walang malay.
"Huwag mong gawin iyan. Huwag kang magpakapagod sa pagpaypay." Pagpigil niyang hindi ko pinakinggan.
"Ang sinabi ko'y tumigil ka! Nasaan ba ang mga kalalakihan na inyong kasama upang maidala na siya sa kaniyang tahanan." Sa gulat ay nabitawan ko ang pamaypay na hawak ko. Hindi ko na mabakas ang kahit ano kay Paubari. Sa palagay ko'y galit siya ngayon dahil sa hindi ko pagsunod sa kaniyang nais.
"L-Ligaya." Mahinang wika ng babae. Agad akong napahawak sa aking labi ng imulat nito ang kaniyang mga mata. Mabuti naman at walang masamang nangyayari sa kaniya.
"Mahal na Dal'ang. Kamusta po ang inyong pakiramdam?" Pag-alalay ng uripon matapos ibaba ni Paubari ang babae. Nakahawak pa rin ito sa kaniyang ulo habang ang isa niyang kamay ay sa katawan ni Paubari.
"Maraming salamat sa iyo. Kung hindi mo ako sinalo marahil ay mas marami pa ang gasgas na aking natamo." Mahinahong saad nito habang ang kaniyang kamay ay nasa matikas na braso ni Paubari gumagapang.
Nanatili akong tahimik habang pinagmamasdan ang kaniyang ginagawa sa harap ni Paubari. May kung ano sa kalooban ko na nais kong hilahin si Paubari dahil sa likot ng kamay ng babaeng ito at sa kaniyang pagpapanggap na mahina.
"Kung iyong aanyayahan, nais kitang imbitahan sa aming tahanan upang ipakilala kay Ama. Isa kang bayani para sa akin," saad nitong sinusubukang akitin si Paubari sa tono ng kaniyang pananalita at sa kaniyang tingin.
"Ipagpatawad mo ang aking pagtanggi, kailangan na naming bumalik sa aming balwarte ng aking mahal na kasintahan."
Matapos itong sabihin ni Paubari ay inayos ko ang aking tindig at taas noong ngumiti sa kaniya. Kahit ngumiti ito pabalik batid ko ang inis sa kaniyang mga mata. Ngayon lamang ata siya nakatanggap ng pagtanggi.
Naglakad ako palapit kay Paubari, agad naman nitong pinaikot ang kaniyang braso sa aking baywang, upang mas lalo kaming magdikit. Napatingin dito si Dal'ang at nakita ko ng pag-ikot ng kaniyang mata.
"Nakakainis!" Mabibigat ang bawat nitong hakbang paalis sa aming harap. Sumunod dito ang kaniyang uripon at ibang bantay. Nakasunod naman ang tingin ko sa kanila.
"Sa susunod huwag mong gagawin ang bagay na iyon." Nabaling ang tingin ko kay Paubari.
"Hindi ko nais na mapagod ka sa pagsisilbi sa iba. Hindi mo dapat iyon ginagawa."
Napangiti ako matapos niya itong sabihin at pinisil ang kaniyang ilong.
"Ikaw nga ay binuhat mo pa siya at hinayaan mong hawakan ang iyong katawan."
Inalis ko ng kamay niya sa aking baywang at nagmadaling maglakad patungo sa telang nais kong ibigay kay Suklang Malayon.
"Hindi ko naman nais na hawakan niya ang aking katawan." Hindi ko siya pinansin pakunwari na ako naman ang galit.
Nagpatuloy ako sa pagpili ng matitingkad na tela upang magpanggap na abala at huwang siyang pansinin.
"Kung agad dumating ang iba niyang kasama ay ibinigay ko na siya. Hindi ko naman maaring pabayaan siya sa buhanginan." Pagpupumilit niya ngunit hindi ako nagpatinag. Hindi ko pa rin siya binigyan ng pansin.
"Ano ba ang dapat kong gawin upang huwag ka nang magalit? Nais mo bang lumuhod ako–“
"Sandali." Pinigilan ko siya matapos tangkaing lumuhod sa aking harapan.
"Hindi mo na kailangang gawin iyan." Tumingin ako sa paligid na ang ilan ay sa amin na nakatingin.
"Hindi ka na galit?" Pagsusumamo nitong parang isang basang pusa.
"Ni minsan hindi ko kayang magalit sa iyo." Nang sabihin ko ito, tila ba lumiwanag ang kaniyang mukha at tila hindi magpaawat sa tuwa.
"Malapit ng magdilim, kailangan na natin makabalik sa ating pulo," hikayat nito matapos namin makapili ng ibibigay kay Suklang Malayon.
Alam kong magtatampo iyon matapos niyang malaman na umalis ako at hindi siya isinama. Matagal na rin niyang gusto makapunta ng Sibu upang makita ang ginagawang kalakalan doon. Masarap ang kaniyang tulog kung kaya't hindi na ako nag-abala na gisingin siya.
Muli akong inalalayan ni Paubari  pagsakay sa balangay at siya muli ang nagsagwan. Muli kong natanaw ang kaniyang magandang katawan na talagang nangangalit ang mga laman at sadyang kasing tigas ng bato.
Mukhang napansin niya ang matagal kong pagtitig dito dahil inayos niya ang kaniyang tindig at parang mas inigi ang paggalit ng mga laman sa kaniyang braso. Nais ko mang umiwas nang tingin ngunit hindi ko kinayang palampasin ang magandang tanawin.
"Saan mo nais itago ang pana na iyan? Kung makikita iyan ng iyong ama marahil ay kukunin niya iyan." Napahinto ako sa paglalakad matapos niya itong sabihin.
Tama siya, hindi ito ang unang pana na kinuha at itinago ni ama, kung kaya't alam kong ganoon din ang gagawin niya.
"Kung sa gubat mo kaya itago? Kung nais mo ay doon kita tuturuan kung paano gumamit niyan." Hinarap ko siya matapos niyang magsalita.
"Sa tingin mo ba'y hindi tayo mahuhuli ni ama?"
Umiling siya sa aking tanong. "Hindi natin alam. Hindi natin alam ang mga bagay na maaring mangyari."
Marahan akong pumikit at kumawala ng isang malalim na paghinga.
"Maari bang ikaw muna ang magtago nito? Bukas ng umaga itago mo ito malapit sa ilog kung saan naliligo ang mga kababaihan. Ako ang kukuha roon, batid kong hindi ako mahuhuli ni ama kung doon ako magsasanay gumamit nito." Pakiusap ko rito matapos iabot ang pana. Tiwala akong gagawin niya ito para sa akin. Hindi naman niya kailangan maging malapit doon, dahil may lugar lamang kung saan hanggang doon lamang ang mga kalalakihan.
Matapos niya akong ihatid sa aming tahanan ay nagpaalam na siyang muli. Wala si ama kung kaya't nagtuloy ako sa aming silid kung saan naabutan kong nakaupo si Suklang Malayon at nakatanaw sa malayo.
"May dala akong tela na tiyak ay magugustuhan mo." Galak na galak kong alok sa kaniya ngunit hindi niya ako binigyan ng pansin. Alam ko na may tampo siya sa akin kung kaya't niyakap ko siya mula sa likuran ngunit agad niya itong inalis.
"Alam mo namang nais ko ring magpunta sa Sibu upang maranasan makipagkalakal. Bakit mo ako iniwan?" Malungkot na saad dito habang ang kaniyang dalawang kamay ay nasa baywang.
"Masarap ang iyong tulog kung kaya't minabuti kong huwag ka ng abalahin. May dinala naman akong mga tela na tiyak ay magugustuhan mo." Muling lahad ko rito ng aking dala. Nakasimangot pa rin siya habang nakatingin sa mga telang ikinalat ko sa aming higaan.
"Sa ngayon ay pagbibigyan muna kita, ngunit sa susunod na iwan mo ako, tiyak hindi na kita papansinin ng tulayan." Nakanguso niyang saad habang palapit sa mga telang dala ko.
Pinagmamasdan ko ang mukha nito na umaliwalas dahil sa mga nakikita niya. Alam kong sa ganitong paraan ko lamang siya kayang mapasaya at hindi niya kayang tanggihan ang mga ito.
"Lahat ba ng ito ay sa akin?"
Nakangiti akong tumango na simbolo ng aking pagsagot.
Ang saya na nababakas sa mukha niya ay walang katumbas. Ang makita ang ngiti sa kaniyang labi ay ngiti na rin sa puso ko ang kapalit.
"May isa pa akong bagay na sasabihin." Matapos ko itong sabihin sa mahinang tono ay mas lumapit pa siya sa akin upang marinig ang tinatago ko.
"May pana na ako at nais kong samahan mo ako sa pagsanay nito," bulong ko sa kaniya upang hindi kami marinig ng nino mang nasa labas ng aming silid.
"Talaga? Masaya ako para sa iyo. Galak na galak rin akong nais mong masaksihan ko kung paano mo mapabubuti iyan." Halata sa mukha nito ang tuwa.
May mga bagay kaming patagong ginagawa at sadyang ang ilan lamang ang nahuhuli ni ama. Makatwiran si Suklang Malayon kung kaya't palagi kaming ligtas.
"Bukas na bukas ay gagawin natin ito sa batis, kailangan lamang nating agahan upang walang makaalam nito." Pagkumbinsi ko sa kaniya na hindi naman niya tinanggihan.
Matagal na rin niyang gustong matuto ako upang mag-iba ang tingin ng lahat sa mga kababaihan. Nais niyang maging malakas din sa pakikipaglaban ang mga kababaihan.
Matapos ang aming gabihan ay nagmadali kaming nagtungo sa aming silid upang pag-usapan ang naging pagsasama namin ni Paubari.
Habang ako’y nagsasalaysay, siya naman paghawak niya sa kaniyang dibdib. Sadyang natutuwa lamang daw siya sa mga kilos ni Paubari kung kaya't halos lahat ng kababaihan ay mabilis mahulog sa kaniya.
Naikwento ko rin ang naging kaganapan kay Dal'ang. Nainis pa nga siya dahil sa pagpapanggap niyon, ngunit natuwa ng tinanggihan ito ni Paubari.
Kahit ako ay natuwa sa ginawang iyon ni Paubari kung kaya't batid kong ako lamang ang babaeng kaniyang iniibig. Halos lahat man ay sa kaniya nahuhumali, ngunit sa huli ang mga mata niya ay sa akin lamang ang tuon.

Comentário do Livro (46)

  • avatar
    Reymond Cinco Almencion

    5000

    30/05

      0
  • avatar
    Pings Tngcay

    500

    19/04

      0
  • avatar
    Erenel James Magno

    🥰😍😍😍

    13/04

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes