logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Mactan: The tale of Alunsina

Mactan: The tale of Alunsina

Cactushoney


Kabanata I: Ang bagani

“Mabuti at naabutan pa kita rito.”
Agad akong napalingon sa gawing kanan kung saan tumabi sa akin si Paubari.
“Ang buong akala ko ay hindi ka na makakaabot sa seremonya,” mahinahong wika ko rito, bago muling ibinaling ang tingin sa harap.
“Maaga kong tinapos ang pagsasanay upang maabutan kang sadya rito. Batid kong matapos ang kasiyahan ngayon, matagal pang muli bago ko masilayan ang iyong ganda, Alunsina.” Marahan na kumurba ang matamis na ngiti sa aking labi, dahil sa kaniyang tinuran.
“Galak din ang aking puso na makita kang muli,” napalagay rin ang damdamin ko nang makitang maayos ang lagay ng lalaking aking iniibig.
“Mahal na Laon, muli kaming nagpapasalamat sa tagumpay na aming nakamtan. Pinagpala mo kami mahal na Laon, dahil hindi ka pumayag na magapi kami ng aming mga kalaban,” panimula ng punong babaylan, habang iwinawasto ang kaniyang palad sa hangin. Inayos ko ang aking tindig at lumapit ng bahagya sa kaniya.
Hawak ko ngayon ang aming alay na manok, isang pasalamat sa muling pagkapanalo ng aming mga bagani.
“Ipinakiki-usap rin namin na gabayan ang aming mga sugatang bagani. Tulungan niyo silang maghilom agad ang kanilang mga sugat.”
Matapos niya itong wikain ay inabot ko na sa punong babaylan ang alay na aking hawak.
“Mahal na Laon, tanggapin mo ang aming alay.”
Itinaas ito ng punong babaylan at muling ibinaba upang gilitan ito sa leeg.
Nag-umpisa na ang pagtambol ng ilan sa mga kalalakihan naming kasamahan, habang ang ilan naman sa amin ay umaawit ng papuri.
Tumagal ng higit kalahating oras ang pagpupugay. Matapos nito ay mabilis akong hinila ni Paubari palayo roon.
“Mabuti naman at ligtas ka,” masayang tugon ko matapos kaming huminto. Lumingon-lingon pa ako sa paligid. Malayo ang kinatatayuan namin ngayon, hindi rin kami tanaw ng ilang mga taga-pulo na nagsisialisan na rin, upang bumalik sa kanilang tahanan.
“Sa tingin mo ba ay pahihintulutan ko ang iba na paslangin ako? Hindi ko pa lubos na naipaparamdam sa iyo ang buong puso kong pag-irog. Kung kaya’t sa bawat laban at kalaban na aming gagapiin, walang sino man ang kaya akong paslangin.”
Hindi ko mawari kung bakit ganito na lamang kabilis ang pagtibok ng aking puso, lalo na’t hawak ako nito sa aking kamay.
Kasabay nang pagliwanag ng bilog na buwan ang kinang ng mga ngiti niya, na sumasabay sa pagsilip din ng mga tala sa maaliwalas na kalangitan.
Handa na ako sa aking salitang bibitiwan noong biglang may isang boses ang pumukaw ng aming pansinin.
“Paano kung ako mismo ang pumaslang sa iyo ngayong gabi?” 
Nang makita namin kung sino ang nagsalita, agad naming iniyuko ang aming ulo.
“Patawad mahal na Datu Lapu-Lapu, marahil ay naging labag ito sa iyong kautusan, ngunit wala akong balak na masama sa inyong anak,” magalang na saad ni Paubari.
Nanatili kaming nakayuko habang dinig namin ang bawat hakbang nito palapit, na hindi naglaon ay nasa harapan na namin.
“Ano ang kalagayan ng mga sugatang bagani?”
Sa puntong ito ay inangat ko na ang aking ulo, ngunit nanatili ang pagyuko ni Paubari.
“Ang iba ay malubha pa rin ang lagay at ang iba naman ay ginagamot pa rin nina Mayari at Lumad.” Marahan na inangat nito ng kaniyang ulo. Nanatili akong nakatingin kay Ama na ngayon lang ako binalingan nang pansin.
“Sumama ka na kay Suklang Malayon, pabalik sa ating tahanan,” utos nito mula sa kaniyang malamig na boses.
“Nais ko sanang tumulong sa paggamot sa ating mga bagani. May ilan akong nalalaman sa mga halamang gamot na minsang itinuro sa akin ng punong babaylan,” pagsusumamo ko rito. Ngunit hindi ito naging sapat upang siya ay mapapayag.
“Naroon na sina Mayari at Lumad, maging ang mga matatandang babaylan. Madilim na ang langit kung kaya’t sumama ka na sa iyong nakababatang kapatid, upang magpahinga sa ating tahanan.”
Nais ko pa sanang mabigay ng pahayag, ngunit alam kong hindi niya rin ito pakikinggan.
Ibinaling ko ang aking tingin sa kasintahan kong si Paubari, na marahang ngumiti sa akin. Nagpaalam ako sa kanila at lumakad palapit kay Suklang Malayon, na bakas sa mukha ang pagkatuwa at tila nais malaman ang aming naging usapan.
“Ano ang pag-uusap na inyong ginawa?” mahinang tanong nito sa akin noong tuluyan akong makalapit sa kaniya.
“Ibinigay na ba ni ama ang basbas sa inyong dalawa?” sunod pang tanong niyang hindi ako nag-abalang sagutin.
“Sandali lamang, Alunsina.” Habol niya sa akin matapos kong bilisan ang paglalakad. Malapit lamang ang aming tahanan kung kaya’t madali rin namin itong narating.
“Ano ba ang nangyari?”
Bago ko bigyan ng kasagutan ang tanong na ito. Kumawala muna ako ng isang malalim na paghinga.
“Nais kong tumulong sa paggamot sa ating mga bagani. Ngutin ayaw pumayag ni ama.” Tumingin ko sa mukha nito na bakas ang pagtawa.
“Para doon lamang ay nagkakaganiyan ka? Maaari pa naman natin itong gawin ng hindi nalalaman ni ama.”
Hindi ko mawari ang damdamin nang marinig ko ang mga salitang iyon.
“Ngunit paano? Si Mayari lamang at ang ibang matandang babaylan ang babaeng naroon. Marahil ay makikilala nila tayo dahil sa ating kasuotan.”
Ang buong akala ko ay mababakas ko rito ang pagkabigla, ngunit nagkamali ako. Dahil mas lalong lumawak ang ngiti nito na tila naghanda sa kaniyang mga sinasabi.
“May mga iilang damit akong nakuha mula sa matatandang babaylan, maaari natin itong magamit.”
Humakbang siya palapit sa isang lumang kulay gintong baul at may kinuha mula sa loob nito. May sigla sa kaniyang mga ngiti matapos na ipinakita sa akin ang kaniyang itinatago. Nagalak ang puso ko sa tuwa noong makita ko ito.
Wala na akong ibang naisip, kung kaya’t pumayag na rin ako sa kaniyang nais. Gusto ko ring magtungo sa mga sugatang bagani, kung kaya’t ito lamang ang nakikita kong nag-iisang paraan.
“Nawa’y walang makapansin sa atin.” Masigasig na turan nito habang inaayos ang aking kasuotan.
Madilim ang paligid kung kaya’t mabilis kaming nakatakas sa aming tahanan. Tulog ang iba naming mga kapatid, dahilan upang hindi sila naging hadlang sa aming pag-alis.
Nakayapak lamang kami upang walang ingay na marinig. Payapa naming nabaybay ang lugar kung saan ginagamot ang mga sugatang bagani.
“Narito na kayo.”
Sumalubong sa amin ni Mabu at masaya niyang nilapitan ang aking kapatid.
“Ano ang ibig nitong sabihin? Lihim ba ang inyong pag-iibigan?” Maingat kong hinila si Suklang Malayon at inilagay sa aking likuran.
“Huwag mo akong isuplong kay ama, pakiusap. Hindi rin maglalaon ay aaminin namin ito.” Nilingon ko si Suklang Malayon na halata ang pagsusumamo sa kaniyang mga mata.
“Alam mong hindi payag si ama sa ganito. Paano mo nagawang itago ito? Maaari tayong maparusahan kung malalaman niyang pinagtatakpan ko ang kapusukan ninyong dalawa.”
Ilang pangaral na ang ibinigay sa amin, kung kaya’t alam kong hindi makapapayag si ama kapag nalaman niyang sa ganitong paraan sila nagkakamabutihan.
“Huwag kang mag-alala dahil bukas na bukas ay pormal akong magpapaalam sa Datu, upang humingi ng kaniyang basbas.”
Huminga ako nang malalim at ibinaling ang tingin kay Mabu, na maayos ang tindig sa aming harapan.
“Sana’y hingin mo ang kamay ng aking kapatid sa tamang paraan na nais ng Datu at huwag sa ganitong palihim.”
Nakita ko ang pagtango niya sa aking sinabi. Nawa’y gabayan sila ng mahal na Laon, upang makuha ang basbas ni ama.
Matapos ang aming pag-uusap ay pumasok kami sa loob. Sa likuran kami dumaan upang hindi makakuha nang pansin nino man. Piling mga bagani lamang ang aming pinuntahan.
Dinig ang bawat daing nang sakit ng mga sugatan. Samut-sari ang daing na maririnig. Daing dahil sa sakit, pighati at daing ng kamatayan.
Danak ang dugo sa kanilang mga balat. Kabayanihan ang kanilang ginagawa, lumalaban sila at inaalay ang buhay upang mapanatili ang aming kalayaan. Wala ng mas hihigit pa sa kung paano nila kami ipagtanggol para sa mga mananakop.
Ngayon alam ko na kung ano ang nais ko.
Nais kong maging isang bagani.
Nais ko ring ipagtanggol ang lahat ng aming nasasakupan.
Handa akong ialay kahit ang aking buhay para sa kapayapaan at kalayaan.

Comentário do Livro (46)

  • avatar
    Reymond Cinco Almencion

    5000

    30/05

      0
  • avatar
    Pings Tngcay

    500

    19/04

      0
  • avatar
    Erenel James Magno

    🥰😍😍😍

    13/04

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes