Parang nakalutang sa hangin ang pakiramdam ni Rowan nang lulan na siya sa kaniyang mini-van. Ewan ba niya. Nakita niya lang si Mr. Ganadan ay parang nakaapak na siya sa cloud nine. Bakit nga ba hindi? Wala kasi siyang nakitang suot na singsing ang mestisong businessman na iyon. Ibig lang sabihin ay wala pa itong asawa. Wala rin naman kasing bakas na minsan ay nagsuot ito ng singsing. ‘At feeling mo ay may pag-asa ka na?’ sita ng kaniyang isipan. ‘Isa pa, hindi lahat ng lalaking walang singsing ay walang asawa. May mga lalaking hinuhubad ang kanilang singsing para isipin ng mga babaeng wala silang asawa at sa gayon ay makapanloko ng ibang babae.’ Bigla siyang natigilan. Naalala niya ang waitress na klarong may pagnanasa sa lalaki kung makatingin. Napasimangot pa siyang lalo. Nasabi sa kaniya ng lalaki na paboritong Korean restoran nito iyon. Hindi kaya dahil sa waitress na iyon? May gusto kaya si Mr. Ganadan sa babaeng iyon? May secret affair kaya ang dalawa? Napalunok siya dahil sa pagdududang meron siya. Bakit kaya hindi siya mapakali dahil sa babaeng iyon? Hindi. Hindi siya dapat mag-isip ng kahit na ano sa kliyente niya. Dapat trabaho lang ang aatupagin niya at hindi love life. Hindi ba’t kabe-break niya lang sa malanding boyfriend niya? Hindi pa ba siya nadadala? ‘Oo nga. Hindi ako dapat na makaramdam ng ganito.’ ‘Pero bakit? Bakit pakiramdam ko iba talaga si Mr. Ganadan sa ibang lalaki na niloko lang ako?’ Napapilig siya ng ulo. Ayaw na niyang i-entertain ang ideyang iyon. ‘Siguro ay naghahanap lang talaga ako ng masasandalan sa ngayon at hindi ito tama. Ayokong iaasa ang kaligayahan ko sa lalaki. Certainly not him in particular. Malay ko ba? Ano’ng alam ko sa pagkatao niya? Kliyente ko lang naman siya. At ayoko pang sumugal ulit dahil baka hindi ko kakayanin. Kung maari ay ayoko nang sumugal! Mga leche ang mga lalaki sa buhay ko!’ Napausal na naman siya ng dasal at paghingi ng tawad mula sa Itaas nang dahil sa pagmumura niya sa isip. *** Nang dumating si Rowan sa kaniyang bahay ay tumunog ang kaniyang cell phone. Kasasara lang niya ng pinto. “Moira, hi! Napatawag ka,” bungad niya sa isang kabarkada noong nasa college pa sila. Inilapag niya sa kulay-kremang sofa ang shoulder bag at ang nakarolyong plano na ipiniresinta niya kay Mr. Ganadan. Mula sa Koreanong restoran ay dumiretso na kasi siya sa pag-uwi. Hindi na siya dumaan sa opisina dahil medyo late naman na. Hindi niya akalaing mapahaba ang kuwentuhan nila ng kaniyang kliyente ukol sa mga plano niya para sa lawn nito. Talaga nga namang napahanga pa siya nang dahil sa bibigyan pa nito ng karangalan ang yumaong hardinero sa pamamagitan ng isang garden accent na sadya nitong ni-request sa kaniya. Nakapalagayan niya agad ito ng loob at naalala niya pang tinudyo niya ito tungkol sa waitress. “No, we don’t have that kind of relationship,” ang agad na pagklaro ng lalaki na ikinasipa ng kaniyang puso. Seryoso itong nakatitig sa kaniya at naghinang ang kanilang mga mata. Agad naman siyang humingi ng despensa, nagbawi ng paningin, at iniba ang paksa ng kanilang usapan, balik sa lawn nito. “We’re sort of having a reunion in three weeks. Tayo-tayo lang na mga girls, of course! So, bakit hindi ka sumali sa amin?” untag na anang kausap niya sa cell phone kaya bumalik sa kasalukuyan ang kaniyang atensyon. “Um… okay. Sure! Sasabihan ko na rin si Marion,” sang-ayon niya pa, nakangiti. Naisip niyang wala naman siguro siyang gagawin masyado sa buhay niya kundi trabaho niya lang. Nabawasan na kasi siya ng love life kaya mas may oras na siyang mag-hangout sa mga dating kaibigan niya. “Great! Excited na ako sa reunion nating mga gelays!” Saka nagpaalam na si Moira dahil may iba pa itong tatawagang kabarkada nila. Halatang excited na rin itong makakasama sila sa napagkasunduang araw. Nakangiti na lang siyang ipinatong sa mesita ang kaniyang cell phone. Naalala pa niya ang huling pagkikita nilang magkabarkada noong dalawang taon na ang nakalipas. Pero sa malas niya ay naalala niya si Riff na ipinakilala niya sa mga ito. ‘Sana hindi ko siya ipinakilala sa kanila,’ nagsisising anang isip niya. ‘Malamang magtatanong ang mga iyon kung ano na ang nangyari sa sikat kong ex. Ugh! Kabanas!’ Nagtungo na lang siya sa kaniyang kuwarto nang pinakawalan ang isang malalim na hininga. Dapat na niya talagang kalimutan ang Riff na iyon. Pero paano nga ba niya gagawin iyon? *** Kinabukasan na tiningnan ni Lucian ang sinasabing report ni Rhenn sa kaniya ukol sa babaeng taga-Organic Gardens na si Rowan. Mula sa trabaho nito hanggang sa personal na buhay ay nakaayos iyon sa report ng kaniyang PA. Alam niyang stalker-ish ang dating nito pero sobra lang kasi siyang naku-curious sa dalaga. Unti-unti siyang napangiti nang malamang kahihiwalay lang ni Rowan sa nobyo nito. Ibig sabihin ay libre na ito. Subalit napalis din agad ang ngiti niya. ‘Now I know why she had those sad eyes when I first met her,’ sa loob-loob niya. Napabuga siya ng hangin at sumandal sa kaniyang swivel chair. ‘Does it mean she loves him still?’ May kumatok sa pinto ng kaniyang opisina at bumukas ito. Pinapasok niya kaagad si Rhenn. Lumapit ito sa kaniya pagkasara ng pinto. “May kailangan kayo, sir?” pormal na tanong nito. Tiningnan niya ang nasa mid-thirties na PA. “Yes, Rhenn. May gusto akong malaman. Sino ang source ng report mo?” Umayos siya sa pagkakaupo sa kaniyang swivel chair upang tingnan ito nang maigi habang nakatayo ang empleyado sa harap ng kaniyang desk. Napangisi ito sa kaniya at inayos ang salamin nito, saka nagkuwento na. “Actually, I sort of called some personal connections. Nang malaman kong nakarenta pala ang Organic Gardens sa isa sa mga buildings ninyo, it was quite easy to get the info then.” Sumilay ang matipid na ngiti niya sa PA. “I see. Thank you, Rhenn. Pero hindi ko alam na may mga personal na koneksyon ka rin pala.” “I’ve done some people favors now and then. Kaya… medyo gano’n po, sir.” “You’re very wise, Rhenn. That’s why I like you and keep you by my side,” puri niya. “I learned a lot from you, sir.” Ngumiti ito sa kaniya. Napatawa na lang siya sa PA. Kunsabagay nga naman ay mahigit sampung taon na itong naninilbihan sa kaniya.
Obrigado
Apoie o autor para lhe trazer histórias maravilhosas
ganda 🥰🥰
10/04
0super kilig.....ang ganda
25/12
0thanks writer,,,,, it's nice story
26/07
0Ver Todos