logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Kabanata 7

Kabanata 7
"Ate Yana gising po!" Nagulat ako sa biglaang pagtapik ni Selia sa aking braso kaya't napabalikwas ako't papungas-pungas pa.
"Hesus, Maria, Joseph! Selia, ginulat mo ako," ani ko pa habang inaayos ang buhok kong nagkagulo-gulo.
Napasulyap ako sa orasan nilang nakasabit sa dingding, alas-quatro pa ng madaling araw. Bigla naman itong sumiksik sa akin.
"Kasi ate, may... May itim na rosas sa hagdan," aniya.
Sa sinabi nito'y napatayo ako at inusisa kung talagang totoo ba ang sinasabi nito. Napasinghap ako nang makita ko mismo na totoo nga ang kanyang sinasabi.
Bumaba ako upang kunin ito at bumalik nang panhik. Lumapit ako kay Selia, mababakas pa rin sa mukha nito ang matinding takot.
"Selia, nakikiusap ako sa iyo. Ilihim mo na lamang ang tungkol dito."
Napatango-tango naman ito.
"Maari bang gisingin mo ang iyong ama? Gusto ko sanang lumakad na ng maaga," dagdag ko pa.
"Sige po," anito.
Dali-dali itong pumanaog at tinungo ang kanilang tahanan. Mariin akong napakuyom. Sino ba talaga ang nagbibigay nito sa akin?
Noong una ay akala kong hindi iyon sadya ngunit pangalawang beses na ito. Sa palagay ko'y may nagmamatyag sa akin. Hindi kaya ang madrasta ko ang may pakana nito?
Nasapo ko ang aking dibdib. Diyos ko, sana'y nasa mabuting kalagayan ang aking amain.
Inayos ko na ang hinigaan namin ni Selia at nag-ayos na rin ako ng aking sarili.
Hindi rin naman nagtagal ay pumanaog na ako't lumabas na rin ng bahay.
"Magandang umaga Yana. Aba'y wika ni Selia, aalis ka raw ng maaga," salubong sa akin ni Mang Edgar.
"Paumanhin po kung naabala ko ang tulog niyo. Tama po si Selia, kailangan ko ho talagang umalis ng maaga," sagot ko naman.
"Nako sige, aba'y ihahanda ko na ang bangka," ani Mang Edgar.
"Salamat po," pahabol ko pa bago tuluyan itong umalis.
Bumalik ako nang panhik sa kuwarto at iniligpit ang mga gamit ko. Maging ang rosas na iniwan ko kanina ay isinilid ko rin sa aking maleta. Matapos kong magligpit ay lumabas na ako ng bahay. Tinungo ko ang bahay nila Selia.
"Ang ina mo, Selia?" tanong ko pa nang maabutan ko ito sa pintuan.
"Tulog pa ho, ate Yana," aniya.
Humugot ako ng ilang pera sa bulsa ko at inabot kay Selia. Akmang tatanggi ito ngunit nagpumilit ako.
Matapos ay tuluyan ko nang tinungo ang bangka ni Mang Edgar. Inalalayan niya pa akong makasakay at tinulungang buhatin ang maleta ko. Pinaandar na ni Mang Edgar ang kanyang bangka at agad itong pinasibad.
Hindi rin naman nagtagal ang aming biyahe dahil nakarating din naman kami ng maayos. Muli akong ibinaba ni Mang Edgar sa Isla Pag-asa.
"Mabuti na lang at sa likod ng isla tayo nadaan. Mas malapit kasi rito," anang Mang Edgar habang ibinababa ang mga gamit ko.
"Mang Edgar, salamat po sa lahat." Niyakap ko ito, na bahagya namang ikinagulat din nito.
"Naging mabait ka rin naman sa amin Yana. Nawa'y mahanap mo na kung ano man iyan," nakangiting tugon nito.
Isang matamis na ngiti lang ang itinugon ko.
Nang tuluyan na itong nasa laot ay nagpalitan kami nang kaway sa isa't isa, hudyat ng pamamaalam. Naalala ko tuloy sa kanya ang aking amain.
Humarap na ako sa mga taga-isla. Ito na ang simula. Mahahanap din kita tiyang.
Nagsimula na akong nagtanong at naghanap. Sa kalagitnaan ng paghahanap ko'y ibig ko na yata ang sumuko. Wala man lang nakakakilala kay tiyang dito. Tama nga ba talaga ang nakasulat sa lumang litrato? Gusto ko na yatang sumuko dahil huling bahay na yata itong pagtatanungan ko. Lumapit ako sa isang matanda na nagwawalis sa kanyang bakuran.
"Manang, maari ko ba kayong abalahin?" panimula ko. Nag-angat naman ito ng ulo at ngumiti.
"Sige ineng..." Kinuha ko ang tinuping larawan sa bulsa ko.
"May kakilala ho ba kayong Nelyncia Natividad dito? Ayon ho kasi sa isinulat niya'y taga-rito raw ho siya pero ni isa ho sa pinagtanungan ko'y 'di naman siya kilala," paliwanag ko pa.
"Ay ineng, si Nely ba kamo? Aba'y mahigit limang taon na iyong wala rito. Ang balita ko sa kanya noong huli kaming magkita, napangasawa raw ng pamangkin niya 'yong anak ng amo niya. Nako ineng, kay layo ng islang iyon," anito.
Nabuhayan ako ng loob sa narinig ko.
"Saang isla ho 'yon?" usisa ko pang muli.
"Sa Isla Bakunawa ineng pero hindi ka basta maihahatid doon kung wala ka namang kakilala at ebidensyang iniimbitahan ka ng mga taga-roon. Pribado raw kasi ang islang iyon," sagot nito.
Muli akong nanlumo dahil sa narinig ko.
"Salamat po," nasabi ko na lamang at nanlulumong tinungo ang dalampasigan.
Napabuga ako ng hangin. Wala sa sarili pa akong napasabunot sa magulo kong buhok. Nawawalan na talaga ako ng pag-asa. Hindi naman kasi porke't kamag-anak ko si tiyang Nely ay agad na akong makakapunta roon. Wala na nga yata akong pag-asa.
Napalinga ako sa aking paligid at napuna kong panay ang sakay ng mga biyahero sa mga bangka, maliban na lamang sa isang bangka. Hindi naman ito gaanong malayo sa puwesto ko ngunit kitang-kita ko kung paano balewalain ng mga biyahero ang bangkang 'yon.
Sa tindi naman ng aking kuryusidad ay tinungo ko ang bangka habang bit-bit ko ang mga gamit ko. Nang makalapit ako'y bahagya pa itong tumitig sa akin. Napatikhim pa ako.
"Ah... Manong... Sa inyo po ba ang biyahe papuntang Isla Bakunawa?" panimula ko pa.
Hindi ako makatingin sa kanya ng diretso dahil may kakaiba sa mga mata niya.
"Ano ang pakay mo sa lugar na iyon?" anito. Napakamot pa ako sa aking batok.
"Pupuntahan ko lang po ang kamag-anak kong si Tiyang Nely," matapat ko rin namang sagot.
"Ang rosas..." aniya.
Nagulat ako sa kanyang sinambit. Bakit niya alam?
"Ay rosas..." nasabi ko na lang kunwari at kinuha ang rosas na nasa loob ng aking maleta. Ipinakita ko sa kanya ang itim na rosas na hawak ko.
Hindi na ito kumibo, bagkus ay kinuha nito ang mga gamit ko at isinakay sa bangka nito. Bahagya pa nito akong sinulyapan.
"Sabi ko nga, sasakay na," bulong ko sa sarili.
Nang makasakay na ako'y agaran din naman niya itong pinaandar. Habang binabaybay namin ang dagat ay hindi ko man lang matanaw ang sinasabing isla. Hanggang sa naabutan na kami ng dilim sa laot. Kumakalam na rin ang sikmura ko. Kanina pa kami rito sa laot at hindi ko malaman kung saan ba talaga ang islang ito. Ibig ko sanang mang-usisa ngunit natatakot naman ako. Napailing na lamang ako at itinulog na lang.

Comentário do Livro (22)

  • avatar
    Jessica P. Adlaon

    ang ganda. mukhang may part 2 ano po kayang title?

    13/05/2025

      0
  • avatar
    Aleyah Belga

    cause I want to many money

    13/05/2025

      0
  • avatar
    Daisy Jean Ingcong Gomez

    sobrang ganda ng kanilang kwento nakakamangha

    08/03/2025

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes