logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Level 3

“Shannon, ikaw na bahala rito sa pc ni Sadge.”

Hindi natinag si Shannon sa paglalaro. Walang tugon na natanggap ang dalaga. Ang atensyon niya ay hindi nawala sa nilalarong online games dahil mahigpit ang laban.

Hindi niya ginalaw ang kompyuter hanggang sa maging itim na ulit ang buong screen ng monitor.

“Legend ka talaga, Shan!” Tumawa nang malakas si Skip at mukhang sayang-saya talaga sa nangyayari.

“Gago n'yo. 'Wag n'yong pag-trip-an si Saga. Mabait iyon,” singit ni Damion.

Hindi malapit si Saga sa limang binata. Pero sa tuwing may kailangan sila tulad ng papel, ball pen at iba pang art materials, nagpapahiram agad ang dalaga. Kaya sa isip ni Damion, mabait ito kahit hindi nila palaging nakakasama at nakakausap.

Wala mang magsabi ng direkta sa kanila, pero iisang bagay lang ang tumatakbo sa isip nila. Alam din ni Shannon kung ano iyon. Pero nanatili siyang walang imik.

“Wala akong ginagawa. Baka iyong isa d'yan.” Malakas mang-asar ngayon si Skip dahil kagrupo nito ang Legendary na si Monterozo. Kung sa kabilang team ito, baka kanina pa ito napatay. Paniguradong hindi na nito makukuhang tumawa pa ng ganoon kalakas.

Pero ilang segundo lang ang lumipas at napatay ang hero ni Skip ng kabilang grupo. Tumaas ang isang sulok ng labi ni Shannon.

Ang bilis ng karma.

“Master Shan! Tulungan mo naman ako.” Inis na ginalaw nang paikot ni Skip ang mouse. Ilang segundo pa ang kailangan nitong hintayin bago muling mabuhay ang hero na ginagamit.

“Magpahinga ka na lang muna d'yan.”

“Aww!” naghiyawan na naman sila.

“Mukhang ipagpapalit na tayo nito sa babae.” Nagsalubong ang mga kilay ni Skip at napahawak pa ito sa bandang dibdib.

“At para ka ring babae. Ang ingay mo.”
—•—
Madilim na sa labas ng W nang matapos silang maglaro. Kanina pa nakaalis ang mga kaibigan ni Shannon sa lugar ngunit nagpaiwan siya roon. Ang pinsang si Kieron ay naghihintay lamang sa kanya sa unang palapag.

Pumindot siya ng kahit ano mula sa keyboard na gamit ni Saga kanina. Bumungad sa kanya ang news feed ng Facebook account nito nang umilaw ang screen.

Sa halip na isara ang tab, lumipat siya mismo ng upuan. Tiningnan niya ang profile ng dalaga. Karamihan ng post ay larawan mula sa isang kasal.

Binasa niya ang mga komento sa isang post na nakahiwalay sa ibang album. Nakita niya ang pangalan doon nina Devlin. May komento rin ang kaklase niyang si Chanise.

Mayamaya may nag-pop-up na mensahe. Pumunta siya sa mismong inbox upang makita ang mensahe kahit hindi iyon binubuksan. Wala siyang balak na sagutin iyon. Pero dahil galing kay Chanise kaya gusto niyang makita.
Chanise Lavista Lo:
Okay lang na crush mo si Shannon.
Natigilan siya sandali. Hindi niya inaasahang pag-uusapan siya ng dalawang babae. Ilang sandali pa nang may pumasok ulit na mensahe.
Just You
Paki-log out naman po ng account ko. Salamat.
Ihilig niya sa kaliwa ang ulo. Ah, alam na niya kung para saan ang mensahe ni Chanise. Marahil alam nitong siya mismo ang gumagalaw ng account ni Saga. Sino pa bang puwedeng gumalaw noon maliban sa kanya?

Nang makita niyang nawala ang mensahe ni Chanise ay napangiti siya. Inilagay niya sa turn-off ang status ng chat. Para magmukhang offline. Ilang sandali pa siyang nakatitig sa screen.

Anong mayroon kay Saga Lovisa Sincuya at halatadong ipinapares sa kanya ng mga kaibigan.

“Shannon, hindi ka pa ba uuwi? Alas dies na.”

Si Shennon iyon. Nakatayo sa nakabukas na elebeytor. Hindi niya napansing dumating ito.

“Paalis na rin ako.” Tumayo siya at inilagay sa sleep mode ang kompyuter. “'Wag mo munang ipagamit sa iba itong kompyuter na 'to. Naka-sleep mode lang ito. May files akong kukunin dito bukas.”

Tiningnan siya nito saglit. Kahit hindi magsalita ang kanyang kapatid, ang mga mata naman nito ay nagsasabing may kalokohang nasabi si Kieron.

“Ikaw ba magbabayad ng kuryente?” Humalukipkip ito at nahahamon ang mga mata.

“Hindi ka maghihirap. Kaya 'wag kang mag-alala.”

Halos pamilya nila ang nagpapatakbo ng negosyo sa naturang gusali. Si Shennon Mayores Monterozo ang nagpapatakbo ng W. Sariling business iyon ng kapatid na nahilig din sa mga online game. Halos hindi na ito umuuwi sa kanila. Dahil hanggang alas dos ng umaga nakabukas ang W. Maglilinis naman sila ng alas singko para magbukas pagkatapos ng tatlumpong minuto.

At dahil napapaligiran ng universidad ang W, maraming estudyante ang pumupunta roon para gumawa ng mga school paper. Pero mas higit ang mga naglalaro ng online game. Doon mas malaki ang kinikita ni Shennon.

Kaya naman kapag may pinapasabi ang mommy nila, siya o si Kieron ang pumupunta ng W. Hindi maasahan ang kapatid niya na magbasa ng mga text. Tamad din itong sumagot ng mga tawag.

“Sige sabihan ko iyong maglilinis niyan mamaya. Anong number iyan?”

“117.”
Lumapit siya rito dala ang kanyang mga gamit. Siya na mismo ang nagpatay ng ilaw. Kapag madaling araw, ang unang palapag na lang bukas at puwedeng gamitin. Hinihintay na lamang nilang maubos ang mga customer na nasa pangatlo at pangalawang palapag.
Pinindot niya ang close at ground floor sa elebeytor.

“So, sino roon sa dalawang babaeng kasama n'yo kanina?”

“Ang alin?”

“Ang maganda?”

“Iyong classmate ko siyempre.”

“Aww!” Tinapik nito ang balilat niya. “Hindi ka talaga magkaka-girlfriend kung ganyan ka sumagot. Puro ka aral at laro.” Umiling-iling pa talaga ito na animo ay dismayado.

Tinabig ni Shannon ang kamay nito. “Parang may girlfriend ka, ah.”

“Mayroon,” taas-noong sagot nito. “Next time tuturuan kita ng tamang courting skills at technique.”

Napapailing na lumabas siya ng elebeytor nang bumukas iyon. Bakit parang tunog na ipinagbabawal na technique ang dating noon sa kanya.

“Uy! Next time dalhin n'yo siya ulit dito. Hindi ko masyadong nakita iyong mukha, eh!” pahabol pa nito.

Nanliit ang mga mata niya nang magtama ang tingin nila ng pinsan. Halata sa mukha nitong may ginawa itong kasalanan.

“Si Skip talaga ang naglaglag sa 'yo.”

“Tapos ginatungan mo lang?”

“Grabe ka sa 'kin.”

“Tara na.”

“Kuya Shen! Alis na kami.” Kumaway si Kieron sa pinsan.

“Ingat kayo. 'Wag na mang chics.”

Nang makalabas sila ng W, umakbay sa kanya si Kieron. Nagsalubong ang kilay niya nang sulyapan ito. Ngiting-ngiti ang loko.

“Puwede pa akong mang chics. Marami pang isda, oh.”

Kahit ganoong oras ay may iilan pa ring estudyanteng nakatambay sa labas ng W. Isang dahilan noon ay ang panggabing klase sa ibang departamento. Isa pa, katabi ng W ang MasCom building.

Tinabig niya ang kamay nito. “Uuwi na ako. Hindi kita sasamahan.”

“Hindi ka pa nanliligaw pero ganyan ka na. Baka nga may boyfriend na si Saga.”

“Wala siyang boyfriend.”

Humarang ito sa harapan niya. “Paano mo nalaman, huh?” Hindi maitago ang pang-aasar sa mga mata nito.

“Nakita ko ang Facebook account niya.”

“Grabe ka, Pre. Ginalaw mo agad!”

Kumibot ang kanang kilay niya. Sa lakas ng boses nito, nakakuha nila ng atensyon ng mga malapit sa kanila.

“I mean iyong account niya.” Napatingin si Kieron sa paligid. Mayamaya tumawa ito na parang wala lang.

Nagsimulang maglakad si Shannon at hindi na pinansin pa ang sinabi nito.
—•—
“Shannon, natapon ba pabango mo?” iyan ang bungad ni Judas pagdating nila sa kanilang departamento.
Hindi natapon ang pabango niya at alam niyang nagbibiro lang ito. Sigurado siyang hindi pa sila tapos sa pang-aalaska sa kanya dahil sa nangyari kahapon.

Wala pa ang ibang kaklase nila na mukhang tanghali na naman pupunta ng campus. Kahapon pa siya tapos magpa-encode. Magbabayad na lamang siya ng tuition fee sa cashier.
“'Yan din napansin ko kanina bago kami umalis ng bahay, eh.” Inakbayan siya ni Kieron.

“Pinagsasabi ninyo.”
“Saka parang bagong shave at tasa ka yata.” Nanliit ang mga mata ng hudas. Umikot pa ito. Tapos huminto sa harapan niya.

“Tigilan mo 'yan. Nahihilo ako sa 'yo.”

“Iba talaga ang in love.”

“Magpa-encode na kayo. Ang dami n'yo pang sinasabi. Sa cashier lang ako. Kapag 'di n'yo ako nabutan, sa W na kayo dumiretso.”

“Sige po, Master!”

Ang departamento nila ay nasa pangatlong palapag. Kaya bumaba ulit si Shannon papunta sa front gate kung nasaan ang cashier. Sa college building nila matatagpuan ang back gate kaya madalas silang dumaan doon.

Sa Westbridge, kailangang maaga pumila sa tuwing magbabayad ng matrikula. Iyon kasi ang oras kung saan kakaunti lang ang mga estudyanteng nagbabayad.

“Shannon! Shannon Monterozo!”

Huminto siya at lumingon sa babaeng tumatawag ng pangalan niya. Kumaway ang dalaga na may malaking ngiti sa labi. May hawak itong frappe. Ang isang kamay nito ay nakakapit sa kaibigan nito. Si Saga Lovisa Sincuya. Iyon ang pangalang nakalagay sa Facebook. Tapos Sadge ang tawag nila rito.

Hinintay niyang makalapit ang dalawa.

“Magbabayad ka na rin?”

Tumango lang siya at naglakad papunta sa pinaka dulo ng pila. Binigyan sila ng tatlong numero sa cashier.

Takang napatingin si Lovisa sa kaibigan ngunit hindi ito nagsalita. Maaga pa para kumuha ng numero ang kaibigan. 706 naman ang nakuha ni Shannon.

Naupo sila sa bangko habang hinihintay na magbukas ang cashier. Mga alas nuebe pa magbubukas iyon, pero mahaba na ang pila kaysa sa normal na araw.

“Ang aga mo ngayon, ah.”

“Maaga ka rin naman.”

“May laro kayo mamaya?”

“Bakit, sasama kayo ulit?”

“Sino kalaro n'yo?”

“Sina Westin ulit.”

“Sige sama kami ni Sadge.”

Gustong saksakan ni Saga ng pagkain ang bibig ng kaibigan para matahimik ito. Pero hindi na kailangan dahil naalala nitong ibang pila ang dapat na pilahan.

“Anong oras na?”

Tumingin si Shannon sa pambisig na relo. “7:26.”

“Sige, akyat na ako. Hindi pa ako nakapagpa-encode.” At biglang umalis si Chanise.

Kaya silang dalawa na lang ni Saga ang naiwan. Pakiramdam niya parang may mali roon.

“Hindi pa talaga nakapag-encode si Chanise?”
Umiling si Saga at tipid na ngumiti.
Ang akala ni Shannon ay nakikiisa rin si Chaniese sa kalokohan ng mga kaibigan.
Hindi siya kumilos. Hinayaan lang niya ang isang bakanteng upuan sa pagitan nilang dalawa.
Kung anong daldal ni Chanise, siya namang tahimik ng kaibigan nito. Hanggang sa matapos silang magbayad ng matrikula. Halos magkasunod lang silang lumabas.

Nang araw na iyon, isang himala na maraming bukas na counter. Madalas ay isa o dalawa lang. Suwerte kung magiging tatlo. At siguradong mamaya, magsasara ang iba.

“Aakyat ka na sa taas?” mayamaya ay tanong ni Saga nang nasa parking lot sila. “Pupunta pa kasi ako sa Cafeteria.”

“Sige. Samahan na kita.”

Napangiwi ang dalaga. Hindi naman niya iyon napansin dahil diretso sa daan ang kanyang tingin.
Alibi lang naman nito ang pagpunta sa Cafeteria. Doon nga ito galing kanina para mag-agahan. Gusto lang talaga nitong maghiwalay na sila ng landas.

Mas malaking atensyon ang nakukuha nila mula sa mga estudyante. Kaya nga sa pila kanina, hindi nagsasalita si Saga para hindi isipin ng iba na magkakilala sila.

“Hindi ka pa ba nagbe-breakfast?”

Pasimple niya itong pinagmasdan. Payat ang babae hindi tulad ni Chanise na mas mukhang sporty.

“Hindi ka pa nag-breakfast,” balik niya ngunit hindi na iyon patanong.
Umiling ito.

Binuksan niya ang glass door nang makarating sila sa Cafeteria. Kahit kasi iyon hindi nito magawang itulak dahil sa maliit nitong pangangatawan at taas.

Um-order ito ng pasta at ganoon din ang ginawa niya. Doon sila naupo sa pinaka malapit na counter.

“Hindi ka ba naiilang kumain dito?” Tumingin ito sa paligid.

Kakaunti pa naman ang mga estudyanteng kumakain sa Cafeteria. Pero sa kantina, mas maraming kumain kasi mas mura ang pagkain doon. May café pa sa gusali ng Hotel and Management. Mas malapit iyon sa cashier.
“Bakit?” Nagsimula siyang kumain. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang ikailang sa lugar.
“Nakatingin sila sa 'yo.” Hindi pa rin nito ginagalaw ang pagkain.
“Naiilang ka bang kasama ako?”
“Huh?” Nanlaki ang mga mata nito.
Tingin ni Shannon ay nakatutuwa itong tingnan.
“Hindi naman. Ganyan din madalas ang nangyayari kapag kasama ko sina Devlin.”
Tumaas ang isang sulok ng labi niya sa pag-aakalang malapit talaga ito kina Devlin.
“Saka usap-usapan sa ibang college department na maraming guwapo sa department natin. Lalo na raw iyong huling nanalo ng Mr. CEAFA last sem.”
Gusto niyang matawa sa sinabi nito.
“Sa tingin mo nagsasabi sila ng totoo?” Itinukod niya ang kaliwang siko sa mesa at isinandal ang baba sa kanyang palad.
“Hindi ba sa section n'yo 'yong nanalo?”

“Oo.”

Nagkaroon na siya ng ideya na hindi nito kilala kung sinong nanalo noong nakaraang Fine Arts Month. Ginaganap iyon tuwing Pebrero na nangyari nga ng nakaraang semestre.
“So, anong masasabi mo?”
“Hindi ako nanuod noong Mr. And Miss CEAFA. Kaya hindi ko kilala iyong nanalo.”

May tao palang hindi nakakakilala sa akin. Akala ko lahat ng nasa department namin kilala na ako. Mayroong isang naligaw.

“Tanungin mo si Chanise. Kilala n'ya iyong nanalo.”

“Ikaw, hindi mo rin kilala? Hindi ka ba nanuod.”

Nagkibit-balikat lang siya at nagsimulang kumain. Paano niya magagawang panuorin iyong event na iyon? Eh, isa siya sa mga kasali.

Comentário do Livro (19)

  • avatar
    Darell Mallari Teofilo

    👏👏👏👏

    01/06

      0
  • avatar
    Hershey Martelino

    Sobrang ganda tlga

    08/04

      0
  • avatar
    BiboBob

    love it

    22/01

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes