logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Capítulo 4 III. Unwanted Guest

Nakaawang ang bibig na tiningnan ng lalaki ang babaeng nakayakap sa kaniya. Di kalaunan ay kumalas na rin ang dalaga at nagsimulang tumipa ng nota.
"Wow," wala sa sariling sambit ng binata.
Nang makabawi sa pagkamangha ay sinamantala na ng binata ang pagkakataong iyon upang matakasan ang dalaga.
Habang naglalakad ay kapansin-pansin ang kakaibang tingin ng mga taong nadaraanan niya. Parang may kung anong kakatwang bagay ang nasa kaniyang likuran. Pakiramdam niya ay inuuyam siya ng mga ito, ayaw niya ng ganoong atensyon mula sa ibang tao. Kung hindi nga lang dahil sa siya ay hindi pa rin makapaniwala sa mga nangyari, malamang ay binigwasan na niya ngayon ang mga taong iyon.
Nangangalahati na siya patungo sa kanilang bahay nang biglang, "On anirem?" Napalundag siya sa gulat nang may nagsalita sa kaniyang likuran— ang babaeng may pakpak na abo.
"Anong ginagawa mo rito? Ibinigay ko na sa 'yo 'yong gitara, wala na 'kong iba pang gan'yan," sambit niya na pinilit na hindi ipinahalata na kabado pa rin siya sa presensya ng dalaga.
Napamaang na lamang ang babae at marahang hinaplos ang gitara. "Ets molt amable, Mortal," wika nito at napangiti. Sigurado siyang nakitaan niya ng sinseridad ang ngiting iyon mula sa dalaga. Marahil ay nagpasalamat ito sa pagbigay niya ng gitara?
Nagpatuloy na lamang siya sa paglalakad at hindi inalintana ang babaeng sumusunod sa kaniya. 'Mukhang di naman s'ya mapanganib.'
'Baka costplayer s'ya?'
'Pero bakit s'ya nakalutang kanina? Siguro naka-harness, di ko lang napansin kasi naunahan ako ng kaba?'
'BAKIT IBA ANG LENGWAHE N'YA? Pag itong babaeng 'to nalaman kong pinagti-trip-an ako, yari sa 'kin 'to.' Nagtatalo ang kaniyang isip na hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala at hindi maipaliwanag ang nangyari kani-kanina lang.
"Nice!"
"Sexy natin, miss, a?"
"Gusto mong sumama sa 'kin, miss? Paliligayahin kita."
Kanina niya pa naririnig ang mga pambabastos sa kasama niya ng mga tambay na nadaraan nila o mga adik na nakakasalubong nila sa daan. Kanina niya pa rin pinipigilan ang sariling suntukin ang mukha ng mga bastos na iyon. Masyadong okupado ang utak niya kaya wala siya sa huwisyo na makipagbasag-ulo.
"Pupunta tayong langit. Total naman naka-angel costume ka na, sayang naman kung hindi natin susulitin."
"Bona nit," paulit-ulit na tugon ng dalaga habang tumitipa sa gitara sa tuwing may nagtatangkang kumausap sa kaniya. Ano kaya ang ibig-sabihin noon?
"Wag ka na papilit, miss. Magugustohan mo rin naman ang gagawin natin," minsan pang sabi ng lalaking ngayon ay sinasabayan na sa paglalakad ang babaeng may pakpak na abo.
"Titigil ka sa pangungulit sa kaniya, o ititigil ko ang buhay mo ngayon?" Hindi na niya napigilan ang sarili na makisabat sa dalawang taong nasa kaniyang likuran. Kanina pa siya napipika sa mga lalaking lumalapit sa dalaga.
Napasulyap sa kaniya ang dalaga dahil sa biglaan niyang paghinto ng lakad at pagsasalita.
"Kasama mo pala sya, M. Sorry, hindi ko alam. Sige, una na 'ko. Sorry ulit!"
"Ikaw, bakit ba kasi gan'yan ang suot mo?! Masyadong maliit!" wala sa loob na sigaw ng binata sa dalaga.
Tinitigan lang siya ng dalaga at sumabay sa kaniya nang muli siyang maglakad. Hindi na ito nag-abala pang sumagot, marahil ay naisip na hindi rin naman sila magkakaintidihan dahil sa magkaibang lengwaheng gamit nilang dalawa.
"Casa teva?" wika ng babae habang nakatingin sa bahay na nasa kanilang harapan.
"Umalis ka na. Dito na 'ko nakatira. Umuwi ka na sa inyo." Kahit alam naman niyang hindi siya nito maiintindihan ay kinausap pa rin niya ang babae. "Sige na, alis na. Masyado nang malalim ang gabi, magpapahinga na 'ko," muling pagtataboy niya rito.
"Sa 'yo na 'yan. 'Wag mo nang isauli," wika ng lalaki na ang pinatutungkolan ay ang kaniyang pangginaw na ipinasuot niya sa dalaga kanina.
"Sa 'yo na 'yan," ulit niya nang mapansing hindi kumikilos sa kinatatayuan nito ang babae.
Nang hindi pa rin ito tumitinag ay tinalikuran na niya ito at pumasok sa kanilang bahay.
Nang makapasok sa bahay ay dali-dali siyang dumiretso sa kaniyang silid. Masyado siyang nahapo sa mga naganap ngayong gabi. Bukod sa pagod na ang kaniyang katawan sa pakikipag-away buong maghapon ay nakadagdag pa rito ang mga di kapani-paniwalang nasaksihan niya ilang oras pa lamang ang nakalilipas— ang babaeng lumulutang at may kulay abong pakpak at halo; ang mga salitang binibigkas nito na hindi niya malaman kung anong lengwahe o kung pinagtitripan lamang ba siya ng babaeng naka-costume na iyon; ang nakasisindak at mapupula nitong mga mata.
Ganoon na lamang ang kaniyang pagkabigla nang madatnan niyang nakaupo sa loob ng kaniyang ng silid ang babaeng iyon.
"Anong ginagawa mo rito?! Paano ka nakapasok?!" hindi makapaniwalang tanong nito sa babae habang nanlalaki ang mga mata at nakatutok ang hintuturo ng nanginginig na kamay sa mukha ng dalaga.
"Ets tan lent," anang babae sa kaniya kasabay ng pagsilay ng ngiti nitong tila nang-uuyam. Naka-Indian sit ito sa ibabaw ng kaniyang maliit na kama. Ang mga kamay naman nito ay nakapwesto sa gitara na para bang handa na ulit itong tumugtog.
Nang mahimasmasan ang binata ay sinubukan niyang pauwiin ang babae bago pa ito makita ng kaniyang kapatid. Ngunit kalaunan ay wala na rin siyang nagawa kundi ang hayaan na lang na manatili muna roon ang dalaga. Kahit anong pagpapaalis niya rito ay hindi sila nagkakaintindihan. Sa tuwing iginigiya niya naman ito palabas ng pintuan ay tumatanggi ito at bumabalik paupo sa kaniyang kama.
Napilitang matulog sa sahig ng kaniyang silid ang binata gawa ng nasa kaniyang higaan nakapuwesto ang dalaga.
Kahit hapo ay hindi nito makuhang matulog nang mahimbing. Paano kung magnanakaw ito? Baka mamamatay tao? Kailangan niyang bantayan ang babaeng ito dahil ang katotohanang nagpapasok siya ng estranghera sa pamamahay nila ay tila pagpapatiwakal na.
"Paano kung rapist 'to? Tapos..." bigla niyang naisatinig sa gitna ng pag-iisip sabay yapos sa sariling katawan at namumulirat ang mga matang tinanaw ang babae.
Matapos tumipa sa huling pagkakataon ay panandaliang dumako sa kaniya ang mga mata nitong kanina ay nakapako sa gitara. 'Mukhang hindi naman n'ya narinig,' sa isip ng binata. Napahinga siya nang maluwag at nawaglit ang mumunting kaba sa isiping hindi narinig ng dalaga ang kaniyang tinuran.
Mukhang pagod na rin ito gaya niya, itinabi na kasi nito ang gitara sa gilid ng kama.

Comentário do Livro (68)

  • avatar
    Eos Protacio Sauvettre

    Very interesting! Blurb pa lang nakakaenganyo na basahin, good job author!

    26/06/2022

      1
  • avatar
    Joyz Alido

    beautiful and spiring

    28/03

      0
  • avatar
    CortezAngelica Ann

    Shshsjjd

    06/02

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes